top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | November 19, 2023


Sa Banal na Misang inialay noong nakaraang linggo para kay dating Senadora Leila De Lima, pabiro kong sinabi na baka mapaaga ang Pasko para kay Leila De Lima at para sa lahat.


At mula umpisa hanggang katapusan ng misa ay parang Pasko na nga ang pakiramdam at ang himig ng lahat. Kulang na lang at kumanta na rin kami ng mga awit na pamasko.


Masaya ang mga pari, at ang mga nagsimbang mga persons deprived of liberty (PDL).


Ngunit, higit pa sa masaya ang mamamalas sa mukha at buong pagkatao ni Leila.


Oo at merong iba’t ibang ambag at sakripisyong tiniis ang mga lumaban para at kasama si Leila. Ngunit, kung itatanong ano at sino ang merong tiniis na pinakamabigat na sakripisyo, walang iba kundi si Leila.


Sino sa mga nagdaang taon sa nakaraang administrasyon hanggang ngayon ang nagtiis ng pagkakakulong ng anim na taon, walong buwan at dalawampu’t isang araw sa piitan?


At huwag kalimutan, na walang anumang kasalanan si Leila kundi ang kanyang matapang at walang humpay na paninindigan para sa katotohanan at katarungan.


Kaya nang ginawa siya ni dating Pangulong Noynoy Aquino na chairperson ng Commission on Human Rights agad-agad niyang pinaimbestigahan ang mga nababalitang extra judicial killings sa Davao sa ilalim ng dating Mayor Rodrigo Duterte.


At tinuluy-tuloy na niya ang imbestigasyon sa kabila ng malinaw na banta na bunga nito.


Gayundin, ang ginawa ni Leila nang nanalo ito bilang senador noong 2016. At dahil hawak nito ang komite ng katarungan sa Senado meron siyang malinaw na pananagutan na imbestigahan hindi lang ang mga extra-judicial killings umano sa Davao, kundi ang mga lumalaganap na ring EJK dahil umano sa malawakang giyera laban sa droga. Muling tumanggap ng mga banta si Leila.


Hindi ito natigatig sa halip, higit na naging masigasig sa pagtugis sa seryoso at maselang paglabag sa Saligang Batas.


Mabilis at epektibo ang mga bantang binitiwan ng dating pangulo noong mga panahong iyon. Hindi man nagparinig kundi hayagang dinuro-duro ng dating pangulo ang kanyang kritikong senadora. Masaganang umagos sa bibig ng dating pangulo ang kung anu-anong hindi kanais-nais na pananalita’t banta.


Kaya’t wala pang isang taon sa kanyang pagka-senador, sunud-sunod na ang dagok na tinanggap ni Leila. Agad-agad ay nagbotohan ang kanyang mga kasamang senador noon upang tanggalin sa kanya ang komite ng katarungan. Doon nagsimulang maging karnabal ang pulitika. Mula Senado hanggang Kongreso, mula Kagawaran ng Hustisya hanggang Korte Suprema tila hindi ang Saligang Batas ang nasunod kundi ang galit na huwisyo ng dating pangulo. Tanggal agad kay Leila ang pamumuno sa maselang komite ng katarungan at nagsimula agad ang demolisyon sa pagkatao at dangal nito.


Lumabas ang mga pangit na akusasyon sa moralidad ni Leila at pati ang kanyang kumpareng Kongresistang Umali kasama ni Farinas ang namuno sa imbestigasyon sa Kongreso.


Pinilit na tumestigo ang dating drayber ni Leila laban sa kanya. At mabilis na tinambalan ang akusasyong imoralidad ng pagkakasangkot ni Leila sa droga.


Napakabilis ng mga pangyayari at halos hindi na makasagot at maipagtanggol ni Leila ang kanyang sarili. Kaya noong gabi ng Pebrero 23, 2017 natanggap ko na ang abiso na aarestuhin ang butihing senadora at kung maaaring dasalan ko siya sa Senado bago ito dalhin sa Kampo Krame para ikulong.


Mula noon hanggang sa masayang araw ng kanyang paglaya, tiniis ng dating senadora ang matinding panlilibak sa kanyang pagkatao at pagyurak sa kanyang karapatang maglingkod bilang nahalal na senadora. Pinilit, brinaso kung sinu-sino para lumikha ng mga pekeng kaso na sa hulihan unti-unting gumuho dahil wala naman talagang matibay at totoong pundasyon.


Sa loob ng halos pitong taon, hindi nawalan si Leila ng pag-asa. Buhay na buhay ang kanyang diwa, matatag at ‘di matitinag ang kanyang paninindigan, lalong lumalim pa ang kanyang pananampalataya at tiwala sa makapangyarihang Diyos Ama at sa Panginoong Hesu Kristo. Higit nitong nakilala at inasahan ang tulong ng Mahal na Birheng Maria at tuwing inaalay ang misa sa Parokya ni Leila sa Kampo Krame, laging ipinagdarasal namin ang paglukob sa kanya ng Banal na Espiritu Santo.


Ilang Pasko ang dumaan at iisa lang ang inaasam-asam ng senadora. “Sana, makasama ko na ang aking mahal na ina sa darating na Pasko”.


Ito na nga mahal naming Leila De Lima, ang Paskong iyong inaasam. Pasko sa Nobyembre ngunit, hindi na Pasko sa Kampo Crame. Maligayang pagbati sa inyong paglaya. Salamat sa Panginoong Diyos.


Isang masaya’t maagang pagbati ng Maligayang Pasko naman sa lahat.



 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | November 18, 2023


Gaano ka-confidential at ka-intelligent ang mga batas na lumalaban sa confidential at intelligence ng pamahalaan? Anong problema sa naturang “confidential” at “intelligence” funds?


Ang simpleng sagot, “wala, kung napupunta sa nararapat ang pondong pinag-uusapan!”


Ngunit, ito nga ang problema, dahil “confidential” tila hindi obligadong ibulgar ng ahensyang gumamit ng “confidential” at “intelligence” fund kung ano ang pinaggamitan ng naturang pondo. Sa madaling salita, tila lumalabas na walang karapatang malaman ng publiko kung magkano at para saan ang pinagkagastusan ng pinag-uusapang pondo.


At wala ring obligasyon ang ahensyang tinutukoy na ipaalam sa publiko kung para saan ang sinasabing pondo.


Sa aking pagkakaalam, wala sa batas ang ganitong puwang na nagpapahintulot na “itago” o “ilihim” ng anumang ahensya kung magkano, para saan at paanong gagamitin ang naturang “confidential” fund.


Subalit, ipinaliwanag ng mga naghain ng pangalawang kaso laban sa “confidential at intelligence fund” ni VP Sara Duterte ang dalawang batas na nagiging daan upang maglihim at posibleng magdispalko ng pera ang opisyal o mga opisyal ng isang ahensya.


At ang mga “batas” na ito ay ang Executive Order number 2 at ang “Joint Circular No. 2015-01” na itinuturing ng grupo na taliwas sa espiritu ng ating Saligang Batas.


Una, ang “Joint Circular No. 2015-01” ay nagbibigay ng mga patakaran kung paano gamitin (disbursement) at paano ilalabas sa publiko kung para saan at paano ginamit ang pondo. Sa EO 2 (na inilabas ni dating Pangulong Duterte sa simula pa lamang ng kanyang administrasyon) ipinaliliwanag kung paano magagamit nito ang kanyang karapatan sa impormasyon at ang kanyang tungkulin na ilabas lahat-lahat ng impormasyon mula sa magkano hanggang sa para saan, sa anong lugar o institusyon mapupunta ang pera. Ang problema lang nga ay merong mga “exemption” o mga bahagi ng “report” na nakatago at pinoprotektahan ng batas na nilikha ni dating Pangulo Duterte.


At ang malinaw na batayan ng paghingi na tanggalin ang dalawang instrumentong nilikha ng presidente (ang EO 2) at ang nilikha ng COA (Joint Circular No. 2015-01) ay kapwa hindi ito dumaan at pumasa umano sa Kongreso para maging batas. O, sa madaling salita hindi raw ito naaayon sa batas o sa Konstitusyon, (non-constitutional).


At kung titingnan natin ang salitang “confidential” hindi ito nangangahulugan na walang karapatan ang taumbayan na alamin kung magkano at para saan ang mga pondong nasa ilalim ng “confidential fund.” Hindi rin daw puwedeng gamitin itong dahilan para hindi ma-audit o masuri ng COA ang paggamit ng ahensya sa naturang pondo.


Kung babalikan natin ang lahat ng mga nakaraang administrasyon, napalaki na ng pinagsama-samang “confidential fund” ng iba’t ibang ahensya. Napakalaking pera na marahil ang hindi nagamit sa dapat paggamitan at baka tuluyan nang nawala o nadispalko. O baka, nagamit nga ngunit sa hindi tama at magandang dahilan umano.


Halimbawa, saan nanggaling, at saan at paanong ginamit ang pondo ng programang “War On Drugs” ng nakaraang administrasyon? Saan nanggagaling ang mga “allowances,” “bounty,” “reward” ng mga pumatay sa mga naturang “pusher” at “addict” na itinuring na “salot” ng lipunan? Nabalita noong simula pa lamang ang “War On Drugs” na umabot ng halos P30,000 ang bayad sa bawat pinatay umano na “pusher” at “user” ng bawal na gamot. Nakapangingilabot na presyuhan ng ganito ang buhay ng tao at habang tumatagal pa at ibaba ang presyo ng mga pinapatay. Naging napakamura na ng buhay ng tao. Mas mura pa sa karne ng baboy at baka.


At hindi lang ang buhay ang nagiging mura, kundi pati ang tiwala ng tao sa mga opisyal.


Dahil sa naturang “confi fund” humihina ang pagpapahalaga sa opisina o posisyong pinagkaloob sa opisyal bilang “public trust” o mandatong pinagkatiwala sa opisyal ng taumbayan. Dahil dito, napakalaking pondo ang nawawala sa korupsiyon sa halip na gamitin para sa mga pangangailangan ng mga naghihirap na mga sektor ng lipunan.


Sa totoo lang, maaari nating tingnan ang pagkakaiba ng “confidential fund” ng mga opisina at opisyal ng pamahalaan at ihambing ito sa mga tinatangay na salapi, alahas at kung anu-anong ninakaw nang palihim.


Parehong palihim, parehong “confidential” ang pondong may ganitong pangalan at ang pera at mga kayamanang tinangay na ng magnanakaw.


Kung ginagamit ng harap-harapan para sa tama at mabuti ang pondo ng gobyerno, at iniuulat nang malinaw at tama kung magkano at paano ginamit ang pondo o sa madaling salita, ginamit nang bukas at walang lihim, walang mawawala, walang mananakaw at mananatili ang tiwala. Magiging totoo at matatag sana ang “public trust.”


Tanggalin, ibasura na lang lahat ng “confidential fund!”



 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | November 12, 2023


Inilunsad noong nakaraang Huwebes ang bagong kilusan na tinawag na “Huwag Kang KuCorrupt.”


Ilan sa mga nagsimula nito ay sina dating COMELEC Commissioner Guanzon, dating Department of Finance Undersecretary Cielo Magno, at Atty. Barry Gutierrez, dating staff ni VP Leni Robredo.


Layon ng grupo na hikayatin ang lahat ng interesado na tumulong sa pagbabantay sa laganap na korupsiyon sa pamahalaan at tanggalin na ang naturang “confidential funds” ng mga matataas na kawani ng gobyerno.


Malaki ang magagawa ng publiko sa pagbabantay sa pamahalaan. Ayon kay Guanzon, “Iba ngayon dahil sa social media”. Madaling maglabas ng mga impormasyon at mag-usap-usap ang mga nais kumilos para sa mabuti. Ibang-iba noong araw nang simulan ng dating diktador at pangulo ang instrument ng confidential funds. Hindi naman talaga nagagamit umano ang perang nakalaan sa “confidential funds” sa mga mahahalagang pangangailangan ng taumbayan. Alam ng lahat noong panahon ng diktadurya kung paano gamitin ang kaban ng bayan, sampu ng “confidential funds” para sa luho umano ng unang pamilya.


At hanggang meron pa ring “confi funds” na hindi maaaring basta-basta siyasatin ng mamamayan, tuloy pa rin ang abuso umano ng mga opisyales na merong ganitong pondong nakalaan para sa kanilang mga opisina.


Pera ng bayan ang mga pondong hawak ng mga opisyal ng ating pamahalaan.


Karapatan ng taumbayan na malaman kung paano gamitin ang kanilang pera ng mga lider na kumakatawan sa kanila.


Bago pa inilunsad ang naturang “Wag Kang KuCorrupt” meron nang mga positibong pagbabago hinggil sa confi funds, partikular na sa opisina ng Bise Presidente bilang kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon.


Salamat sa pagsusuri ni ACT Representative France Castro sa confi fund ni VP Sara Duterte, na sinusugan naman ni Senadora Risa Hontiveros sa Senado. Kumalat ang isyu at maraming mamamayang lumahok sa debate na nagtapos sa desisyon ng Kongreso na hindi aprubahan ang hinihinging “confidential fund” ng Bise Presidente.


Bago nangyari ito, nagkaroon ng matinding palitan sa Kongreso tungkol sa pagbigay ng P125 milyon ng Office of the President sa DepEd na nasa ilalim ni VP Sara Duterte. Ayon sa nakuhang COA report, nagamit ng opisina ni VP Sara ang P125 milyon sa loob ng 19 na araw. Tumindi ang mga debate sa Kongreso hinggil sa “confi funds” ng anak ni dating Pangulo Rodrigo Duterte. Sa isang talumpati nasabi pa ni VP Sara na ang mga tumutuligsa sa kanyang “confidential funds” ay mga kumokontra sa kapayapaan.


Tumugon agad si Congressman Edcel Lagman na nagsabing dapat “Teacher” at hindi “Centurion” (sundalo) si VP Sara bilang kalihim ng DepEd.


Sa galit ng dating pangulo, nagbitaw umano ito ng mga nakakatakot na pananalita laban sa mga nagtatanong sa “confi funds” ng kanyang anak.


Sa interview ni dating Pangulo Duterte sa SMNI Television Station na pag-aari ng kanyang kaibigan na si Pastor Quiboloy, pinayuhan nito ang kanyang Bise Presidenteng anak ng ganito, “Pero ang una mong target sa intelligence fund… ikaw France. Kayong mga komunista ang gusto kong patayin.”


Nang dumagsa ang mga nagalit sa sinabi ng dating pangulo, mabilis tinanggal ang interview ng dating pangulo sa SMNI. At hindi nagtagal, naghain ng kaso si Partylist Rep. France Castro laban sa “malubhang pagbabanta ng dating presidente sa kanya habang nagluluksa sa pagkamatay ng ama nito”.


Hindi na naringgan ng anuman ang dating pangulo pagkatapos ng paghain ng kaso laban sa kanya ng mismong pinagbantaan nito. Pinaalala na rin ni Castro na “wala nang immunity” sa kaso ang dating presidente dahil natapos na ang termino nito.


Nagulat marahil ang marami noong nakaraang Huwebes, Nobyembre 9, nang magpahayag si VP Sara sa Senate Plenary Deliberation na hindi na niya igigiit ang kanyang hinihinging P650 milyon na confidential fund (P500 milyon para sa Office of the Vice President at P150 milyon para sa DepEd). Ayon kay VP Sara ginawa niya ang hakbang na ito upang hindi na palalain ang dibisyon na nililikha nito.


Pinasalamatan ni Senador Coco Pimentel si VP Sara sa kanyang pagbibitiw sa kontrobersyal na confidential fund.


Noong nakaraang dalawang buwan habang umiigting ang debate sa confi funds ng Bise Presidente na siya ring kalihim ng DepEd, walang nakakaalam kung paano magtatapos ito. Salamat sa mga kumilos mula sa mga iilang mulat at matapang na kinatawan ng Kongreso at sa mga sumusuporta sa kanila sa Senado. Salamat din sa taumbayan na naging masugid sa kanilang pakikilahok sa debate sa social media.


Posibleng labanan ang korupsiyon ngunit kailangang walang humpay at walang sawang gagawin ito.


Sana, ito na ang pagkakataong labanan ang malalim na sakit ng korupsiyon ng ating bansa. Tuluy-tuloy na tayo mga katoto, magsama-sama’t magtulungan tayo sa misyon at gawain ng “Wag Kang KuCorrupt.”



 
 
RECOMMENDED
bottom of page