- BULGAR
- Dec 4, 2023
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | December 4, 2023
Hindi natin halos namamalayan na Disyembre na at malapit na malapit na ang Pasko.
Laging magkahalo ang nararamdaman kong saya at lungkot tuwing sumasapit ang buwang ito.
Siyempre, masayang buwan ang Disyembre, marahil ito nga ang pinakamasayang buwan sa buong taon.
Magsimula lang tumugtog ang mga “Christmas Carols” sa unang “ber month” ng Setyembre ay kagyat mo nang mararamdaman ang espiritu ng Pasko.
Ngunit, hindi na matatanggal ang kalungkutang kakambal ng Disyembre dahil 19 na taon nang patay ang aking kapatid noong 1 Disyembre 2004. Laging magkahalo para sa akin ang kagalakan ng pagsilang ni Kristo at ang kalungkutan ng kamatayan ng aking kapatid.
Noong nakaraang Biyernes, unang araw ng Disyembre, napakalinaw at napakalakas ng mensaheng mula sa Diyos na sa kabila ng kagandahan, kadakilaan at kabanalan ng buhay ng tao, ito ay may hangganan at may katapusan. Nagsimula ang araw ko sa pagdalaw at pagbabasbas ng isang parokyanong mahinang-mahina na at hirap na hirap na rin dahil sa kanyang malubhang karamdaman.
Sa bawat araw na dinadalaw ko siya, pahina nang pahina at pabagal nang pabagal ang kanyang pagsasalita. Alam kong dumating na ang kanyang mga huling araw. Bandang ika-10 ng umaga nagmisa naman ako sa isang ospital na malapit sa parokyang pinaglilingkuran ko.
Pagkatapos ng misa, nilapitan agad ako ng tatlong babae na nakiusap, “Father, baka maaari po ninyong basbasan ang aking asawa, ang aming ama na mahinang-mahina na po dahil sa kanyang sakit na cirrhosis (kanser sa atay)”.
Sumama agad ako sa tatlong babae sa ICU upang basbasan ang lalaking may malubhang sakit.
Naroroon sa isang silid sa ICU ang lalaking payat na payat na merong malubhang sakit na maaaring matapos na ang kanyang buhay. Nagulat ako nang ikuwento ng mga babae na noon lang ika-20 ng Nobyembre nilang nalaman na merong kanser sa atay ang kanilang mahal na asawa at ama. Sa loob ng 10 araw biglang bumagsak nang todo ang kanyang kalusugan. Iisa lang ang sinasabi ng sitwasyon, malapit na malapit na.
Bago naman matapos ang araw, naimbitahan akong magmisa para sa isang yumaong kagawad na kapapanalo pa lamang sa nakaraang barangay elections. Miyembro rin ng Knights of Columbus si Kagawad Bobby Santos ng Barangay Bahay Toro, Project 8.
“Kidney failure” ang ikinamatay ni Bobby sa edad na 57. Napakabilis ng katapusan ng buhay ni Bobby, na hindi pa nakapaglilingkod bilang kagawad, binawian na siya ng buhay.
Sa aking omeliya inihambing ko ang buhay ni Kagawad Bobby sa naging biyahe ko noong umaga.
Kinailangan kong pumunta sa Mall of Asia upang tagpuin ang isang kaibigang paring taga-Norway, bandang ika-2 ng hapon. Nagtanung-tanong ako kung ano ang pinakamabilis na paraan para makarating sa MOA. Maraming nagsabing, “Carousel po sa bandang Walter Mart sa Munoz.” Kaya nang makarating ako sa Walter Mart ay nagtanong ako sa isang guwardiya kung ano ang pinakamabilis at ligtas na sasakyan papuntang MOA. Tinanong ko rin ito kung okey ang Carousel. Nagulat ang guwardiya sa tanong ko, at mabilis at mariin nitong iginiit na, “Ang pinakamabilis ay ang LRT po!”
Sinunod ko ang guwardiya at masaya akong ginawa ito dahil tunay namang kaybilis at dire-diretso ang biyahe. Dumating ako ng alas-1:30 ng hapon. Natatandaan ko na napakasimple ngunit, pinakamabisang itinuro sa amin ng aming mga guro ay “ang pinakamaikling distansya sa dalawang lugar ay ang tuwid na linya.”
Ganoon din ang buhay ng yumaong Bobby. Walang paliguy-ligoy at dire-diretso lang.
Pero, alam kaya niyang mamamatay na siya? At kung nalaman niya, babaguhin kaya niya ang kanyang buhay?
Mukhang hindi mahalaga ang tanong kung alam niyang mamamatay na siya. Mahaba o maikli man ang buhay sa wari ko ay tuloy lang ang kanyang ginagawa. Walang paliguy-ligoy, paikut-ikot ang buhay ni Bobby. Kilala niya ang tuwid na landas at ito’y nilakaran niya. Sa mga salita ni Jet, ang kanyang asawa, “Napakabait ng aking asawa, mabuting anak, kapatid, ama, at mabuting lingkod at kapitbahay. Hindi pa siya kagawad ay tuluy-tuloy ang kanyang pagtulong sa kapwa”.
Pabiro ko namang sinabi sa kanya na ito ang problema ng ating pulitika, maraming pulitikong sanay sa paliku-liko, kaliwa’t kanan, urong-sulong, teka-teka, saka na lang na buhay.
Maigsi man ang buhay tulad ng mga dinalaw, binasbasan at minisahan ko noong Biyernes, ngunit kung gusto nitong tahakin ang tuwid na landas, maaari itong gawin at yakapin.
Sa huling buwan ng Disyembre, sinunod at tinupad ni Bobby ang kalooban ng Diyos Ama. Iisa lang ang direksyon at kabuluhan ng buhay ni Bobby, ang sundan at tupdin ang kalooban ng kanyang ama.




