top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | December 17, 2023


Maski na sa mga siyudad, maririnig pa rin ang pagtilaok ng manok. Kasabay nito ang paggising natin upang dumalo sa Misa de Gallo. Madaling-araw, hindi pa pumuputok ang araw ay tumitilaok na ang mga manok. 


Merong tulang sikat si Paring Bert (Fr. Bert Alejo Sj) tungkol sa tilaok ng manok. 


Basahin natin ang tula:

  

Ang nasanay na sa dilim

Nasisilaw sa liwanag

Ang maraming nalilihim

Natatakot na mabunyag

 

Ibang-iba ang tagagising

Magdamag siyang nagbabantay

Nananabik salubungin

Dumarating na liwayway

 

Kapag araw ay sumungaw

Titindig s’ya at tatanaw

Sarili niya’y gigisingin

Bago iba ay pukawin

                                   

Pag araw ay nasilip

Titindig yaring manok

Dadagukan ang dibdib

Saka lang titilaok!      

                                   

Aba at may sumasabay

Dumadagok, sumisigaw!

Hindi lahat pala’y himbing

Kay rami nang ngayo’y

Gising!

 

Bakit kaya ganito ang mga Pinoy, nasanay nang gumising sa tilaok ng manok? 


Madaling-araw, gising na’t handa nang humarap sa bagong araw. Oo at ibukas ang mga mata, ngunit mulat kaya ang isipan, bukas at nangangarap ang diwa, dumadama at dumadamay, nagmamahal ang puso? 


Ngunit, baka maraming nasanay na sa dilim at ayaw nang tingnan ang liwanag. 


Sanay na ring ibaon ang mga lihim. Isip niya’y mainam ito at mahimbing ang tulog.


Ngunit, may tungkulin ang bawat isang gisingin ang sarili. Kailangan niyang sumungaw sa araw, tumindig at tumanaw, na dapat ang sarili ay gisingin para ang iba ay pukawin. 


Subalit, liwanag ba ng araw ang kanyang tinitingnan o ang artipisyal na liwanag ng kapit-kamay na gadget na pumupuyat pero hindi gumigising, mas madalas magsinungaling kaysa magsabi ng totoo.


Kaya’t meron at meron pa rin sa lipunang mga taga-gising na araw at gabi dumadagok sa sariling dibdib upang sarili’y gisingin para ang iba ay pukawin.


Samantalang natutulog ang marami, nanggigising naman ang ilan. Dibdib ay buong lakas dinadagukan at damang-dama ng iba ang galit, tapang at tindi ng paninindigang nag-uumapaw.

Nanggigising ang mga lumalaban para sa West Philippine Sea at sumisigaw habang nag-aanyayang lahat ay sumigaw ng, “Atin Ito!!!”


Nanggigising ang mga libu-libong tsuper na sumisigaw, “Samahan ninyo kaming lumaban, at baka sa Enero ay patay na, wala na ang inyong mahal na dyip”.


Nanggigising ang mga maralitang taga-lungsod, nagtatanong at nagrereklamo sa pabahay ngunit walang pa-buhay, kabahayang walang kabuhayan. Paano na ang palaki nang palaking sektor ng mahihirap na walang sapat na trabaho at sariling tirahan?


Nanggigising ang mga pamilya ng libu-libong pinatay at patuloy pa ring pinapatay ng lipunang sanay at sinanay pumatay, na sumisigaw sila at humihingi ng katarungan at kalayaan ng lahat sa karahasan bunga ng kasakiman.


Nanggigising ang mga katutubo, magsasaka, mangingisda na inaagawan ng bundok, lupa, karagatan ng mga dambuhalang developers, na kakuntiyaba umano ang mga opisyal ng pamahalaang sinisira ang kalikasan upang pagkaperahan ito. Wala silang pakialam kung masira ang kalikasan at manganib ang buhay ng iba.


Nanggigising ang mga nagmamahal sa katotohanan at kasaysayan at hinihikayat ang lahat na bantayan ang mga sadyang binabago at binabaluktot ang katotohanan para pabanguhin ang mabaho, palabasing tuwid ang baluktot at pagmukhaing bayani ang traydor.


Nanggigising ang ilang mamamayang sumusuporta sa isang dating heneral na ipinakikita kung paano umano dinaya ang nakaraang pambansang eleksyon sa pamamagitan ng mga makinang hawak ng Smartmatic, na kakuntiyaba umano ang COMELEC na pinapanalo ang talo at pinatalo ang panalo.


Nanggigising ang mga Dumagat sa Sierra Madre na tumututol sa Kaliwa Dam. Nanggigising ang taumbayan ng Pakil at Pangil na tumututol sa mga mayayaman at makapangyarihang korporasyong may balak wasakin ang mga bundok upang magtayo ng tig-dadalawang daang ektaryang laki ng mga hydro electric dam.


Ilan lang ang mga ingay at alingasngas na galing sa marami pang manok na ganu’n na lang tumilaok o mag-ingay bagkus hirap silang pinakikinggan.


Siyam na gabi at madaling-araw tayong mananatiling gising o gigising. 


Imumulat natin ang ating mga mata at titingin ng malalim. 


Kaylaki ng problema at ng epekto nito sa mga karaniwang tao. Sige, dagukan ang dibdib, tumingin sa loob bago tumingin sa labas. 


Gising na ba ako, gising na ba kayo, gising na ba tayong lahat o handa na ba kayo? 


Sabay-sabay tayong tumilaok, sama-sama tayong kumilos, protektahan at ipaglaban ang bansa at ang kanyang mamamayan. Wala namang ibang magmamahal at magtatanggol sa atin kundi tayo rin.

 

 

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | December 11, 2023


Isang liham mula kay Obispo Broderick Pabillo ng Taytay, Palawan ang kamakailang lumabas. 

 

Nagbigay suporta ang obispo sa “Christmas Convoy” na ginanap nitong Linggo, Disyembre 10, 2023. Naghatid ng “supplies” at masayang pamaskong pagbati sa mga sundalong Pinoy sa BRP Sierra Madre bilang sagisag ng paninindigang, “atin ang West Philippine Sea”. 

 

“Nawa’y magbigay ng positibo at masayang epekto ang mapayapang gawaing ito,” dagdag ng Obispo.

 

Tumulak ang naturang “Christmas Convoy” sa Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao. At sa mahalaga at makasaysayang araw na iyon, nagsama-sama ang ilang mga mamamayang nagmamahal sa ating bansa para hikayatin ang lahat na magkaisa at manindigang, “atin ang West Philippine Sea”.

 

Matagal nang ipinaglalaban ng retiradong Justice Carpio ang katotohanan na hindi sa China ang WPS. Malinaw sa mga dokumento na hindi totoong pag-aari ng China ang WPS. 

 

Sa totoo lang, noon lang 1947 inilabas ng China ang mapang nagsasabing sa kanila raw ang WPS dahil ito ay pumapaloob sa naturang “9 Dash Line,” na ginagamit nilang basehan ng kanilang pag-aari sa malaking bahagi ng ating karagatan. 

 

Ayon din sa China, ibinigay daw sa kanila ang mga isla sa Paracels at Spratlys, batay sa Cairo at Potsdam Declaration. Ngunit, malinaw din sa San Francisco Peace Treaty, tinutulan ang posisyon ng USSR na ibigay ang Paracels at Spratlys sa China.

 

Noong Hulyo 12, 2016, malinaw ding idineklara ng United Nations Convention on the Law of the Seas na walang batayan ang iginigiit ng China na 2,000 taong mapa na nagpapatunay na merong 9 Dash Line na sumasakop sa WPS. Ang deklarasyon ng UNCLOS ay bunga ng kasong inihain ng Pilipinas noon pang Enero 2013 sa ilalim ng pamumuno ni dating Pangulong Noynoy Aquino.

 

Malinaw ang posisyon ng administrasyong Aquino na ipagtanggol natin ang ating pag-aari sa West Philippine Sea, gayundin ipagtanggol natin ang ating soberanya.

 

Nang matapos ang termino ni PNoy at pumalit dito si dating Pangulong Rodrigo Duterte, nakita natin ang paiba-ibang deklarasyon at polisiya hinggil sa WPS. Sa kanyang kampanya, nagbanta pang “magdye-jet ski” si Duterte patungong Spratlys upang ipagtanggol ang ating karagatan.

 

Ngunit, nang manalo ito at itanong ng media kung magje-jet ski na nga siya patungong Spratlys, ang sagot nito ay, “Campaign joke lang ito, mga istupido!!!”

 

At mula noon hanggang natapos ang kanyang termino, hindi ipinagtanggol ni ex-P-Duterte ang ating karagatan. Sa halip, paulit-ulit pang sinabing, “Walang-wala tayong magagawa sa kapangyarihan ng China”. 

 

Sa panahon ni ex-P-Duterte nasaksihan ng lahat ang agresibong pagpuwesto ng China sa maraming isla sa WPS. Sa katunayan marami nang naitayong mga istraktura sa Paracels at Spratlys ang China.

 

Mabuti na lang at iba na ang salita at kilos ng kasalukuyang administrasyon. Kinikilala na nito ang UNCLOS ruling ng 2016. Inutusan na rin ang Philippine Coast Guard na bantayan ang ating karagatan.

 

Gayunman, may magagawa ba ang Christmas Convoy na maglalakbay mula El Nido patungong BRP Sierra Madre?

 

Unang-una, isa itong mahalagang simbolikong pagkilos. Malaking bahagi ng ating populasyon ang tumututol sa agresibong pananatili ng China sa ating karagatan. Ang maliit na delegasyon ng mga mamamayang tutol sa ginagawa ng naturang bansa sa WPS ay magpapalakas sa paninindigan ng karamihan na igiit at ipaglaban ang karapatan natin sa ating sariling karagatan.

 

Pangalawa, sana ay maging simula na ito ng tuluy-tuloy na pagkilos ng iba’t ibang grupo at sektor ng mga mamamayan na magpapakita ng matinding pagtutol sa ilegal na pananatili ng China sa WPS.

 

Pangatlo, sana ay magkaroon na ng malawakang edukasyon mula sa elementarya, hayskul hanggang kolehiyo tungkol sa usapin sa WPS. At magiging malinaw sa lahat kung ano ang ating pambansang teritoryo at ang malalim na kahulugan ng ating soberanya.

 

Pang-apat, papalapit na ang Pasko. Ano ang ating regalo sa ating Panginoon? Ano ang ating regalo sa mahal na Inang Bayan?

 

Hindi ba’t napakagandang regalong ipakita ang ating matindi, wagas at kongkretong pagmamahal para kay Inang Bayan? 

 

Salamat Panginoon sa West Philippine Sea, ang magandang regalo namin! Ipaglalaban namin ang regalong ito!

 

 

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | December 10, 2023


“Knock, knock. Who is there? Salot ng mundo ngunit BALOT ang lahat who?” 

 

Malinaw na malinaw kung ano ang isa sa pangunahing salot ng mundo na bumabalot sa lahat. Sige na, hula na. Usok ba? Hmmm. 

 

Tama naman, ngunit, meron pang mas masahol sa usok dahil hindi lang sa ibabaw pero pati sa ilalim, loob ng lupa at pati na rin sa tubig, mga batis, lawa, ilog at dagat. 

 

Alam ko na, basura! Hmmmm. 

 

Malapit na malapit na. Anong klaseng basura na karaniwang pambalot ng kung anu-ano mula tuyo hanggang basang produkto. O sige na nga, kung hindi ninyo makuha, heto na po ang sagot.

 

Siya at wala nang iba ang “salot ng mundo, ngunit balot naman ng lahat”. Siya o sina pare at mareng plastic. 

 

Marami pa ring mga tindahan, department store, karinderya, kariton sa kalye, tindero sa bus, at marami pang sari-saring mga lugar o sasakyang merong nagbebenta na para maibenta ang produkto ay dali-daling merong handang plastic para mabilis na maibalot at maibenta ang anumang produktong itinitinda. 

 

Tingnan mo na lang ang lahat ng mga delivery rider na may dalang package na naka-tape ang mga bagahe sa kanilang makikipot na likuran. 

 

Kahanga-hanga pero nakakikilabot din ang mga dambuhalang kargada sa likod ng mga single na motorsiklo. Balot na balot ang lahat ng mga ito ng “adhesive plastic packing tape.” Kaya walang takot at dudang hindi mahuhulog ang kargada dahil sa makapal na balot ng plastic tape na pagdating sa mga paghahatiran ay malinaw na basurang kung saan-saan lamang itinatapon.

 

Tila hindi pansin, hindi pa dama ng karamihang mamamayan ang salot ng plastic.


Ngunit, damang-dama na ng mga mangingisda na nagrereklamong puno ng plastik ang mga tiyan ng isdang nahuhuli at ibinebenta nila. Ramdam din ng mga nakatira sa mga esterong hindi dine-dredge umano ng mga pamahalaang lokal kung kaya’t ganu’n na lang tumaas ang tubig at bumaha sa paligid dahil barado ang daluyan ng tubig. 

 

At ibang-iba na ang dating kaygandang Manila Bay na paliit nang paliit na nagbabagong-anyo tuwing lumalakas ang ulan at hangin. Tone-toneladang lumulutang na basura na karamihan ay plastik ang babati sa naghahanap ng magandang tanawin. Kasabay nito ang kakaibang mala-pusaling “halimuyak” na pilit na babalandra sa iyong ilong at manunuot hanggang sa baga at sa kaloob-looban.

 

Dito sa barangay na kinalalagyan ng parokyang aking pinaglilingkuran, madalas akong batiin ng ‘di kaaya-ayang larawan ng mga bundok-bundukang basura. Bandang alas-8 ng gabi, magsisimula nang dumating ang mga may bitbit na shopping bag na plastik na puno ng basura. Mabilis na daraan sa mga bundok-bundukang basura upang itapon ang mga ‘di kanais-nais na bitbit. At bago maghating gabi, buo at buhay na naman ang basurang hinakot noong nakaraang gabi. Hindi magtatagal at mag-uunahan ang mga aso, pusa, daga at mga mangangalakal na nagbabakasakaling may maisasakong mga “recyclables” na maibebenta.

 

Maganda naman at kinausap kami ng mga kaibigan sa Eco-Waste Coalition. Tinanong nila kami kung maaari silang manawagan para sa isang Zero-Basurang Pasko at malugod natin silang pinaunlakan. 

 

Bilang pakikiisa sa kanilang pangarap na Zero-Basurang Pasko, nagtayo na kami ng kakaibang Christmas tree na merong apat na dibisyon. 

 

Una, para sa unang linggo ng adbiyento ay bilog na binubuo ng mga itinapon na one use plastic, styrofor, gulong, karton at anumang kadalasa’y ibinabasura. Pangalawa, para sa ikalawang linggo ng adbiyento ay ang bilog na binubuo ng mga parol na gawa sa mga “recyclable materials.”

 

Pangatlo, para sa ikatlong linggo ng adbiyento ay ang mga sariwang gulay na nakatanim sa lupang nasa litrong bote ng softdrinks. Pang-apat na linggo at panghuling bilog ay ang mga luntiang parol na may pusong pula na sumasagisag sa tunay na pagmamahal at pagtatanggol sa lahat ng nilikha ng Diyos.

 

Ito ang kailangang marating at makamit ng lahat na pagbabagong loob at pagbabagong buhay, ang matutunang magmahal hindi lang sa kapwa kundi sa kalikasan na ginawang bagay na kinakalakal, sinisira at ibinebenta.

 

Sa tulong ng mga kaibigan sa Eco Waste Coalition, sisimulan namin ang pagbabagong kamalayan, kalooban at paraan ng pamumuhay.

 

At ngayong Pasko, hindi lang babawasan at iiwasan ang paglikha ng basura kundi aming uunawain at isasabuhay ang kalinisan at hamong maging Maka-Kalikasan Di Ma-Kalat, Ma-Konsumo at Maka-Sarili!

 

 

 
 
RECOMMENDED
bottom of page