top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | January 7, 2024



Mahirap makinig sa mga lecture ng kilalang Jesuit Historian na si Fr. John Schumacher SJ. 


Medyo mabagal magsalita at mahina ang kanyang boses. Dumarating sa puntong parang henehele-hele ang mga estudyanteng nakikinig sa kanya. 


Ngunit, hindi namin puwedeng tulugan ang kanyang mga lecture dahil halos tuwing ikalawa o ikatlong linggo merong pagsusulit. Mabuti na lang at maaari naming basahin ang librong sinulat niya na may malaking kinalaman sa kanyang itinuturo. Lahat kami ay nagbabasa ng kanyang “Revolutionary Clergy.” Tungkol ito sa naging kasaysayan at kontribusyon nina Padre Jacinto Zamora, Jose Burgos at Mariano Gomez o ang GOMBURZA na ginarote noong Pebrero 17, 1872.


Ika-17 ng Pebrero, 1977 nang napagpasyahan ng munting grupo ng mga seminarista ng San Jose Seminary at mga estudyanteng Hesuwita na itatag ang samahang GOMBURZA.


Naganap ang pagtatag ng samahan sa Loyola School of Theology. Hinog ang kapaligiran at sitwasyon noon na mabuo ang isang samahang tutulong na umunawa sa mga “tanda ng panahon” (signs of the times) upang higit na maintindihan ang kalooban ng Diyos para sa mga mamamayang Pilipino at ang kanilang bansa. 


Maglilimang taon pa lang ang Batas Militar o Martial Law. Sapat na ang aming karanasan upang makita ang mali at nakakasira sa paghahari at pamumuno ng mga armadong sundalo ng estado sa ilalim ng Presidente o Commander-in-Chief at isang “de facto” na diktador. Mabuti na lang din na ang mga nagtuturo sa amin ng mga kurso tungo sa pagiging pari ay mga produkto ng mga unibersidad sa Europa, Estados Unidos at America Latina, kung saan buhay na buhay na ang naturang  “Liberation Theology.”


Hindi lang si Padre John Schumacher ang may malaking impluwensya sa aming mga batang seminarista. Naroroon din sina Padre Carlos Abesamis, Archie Intengan, Pete Sevilla, Totie Olaguer, Guido Arguelles, Jose Blanco, at marami pang ibang tumulong sa amin na bumuo ng babad at konektadong pananaw sa mga mahihirap, maralita at inaaping mga sektor ng lipunan.


At dahil sa mahusay na paliwanag ni Padre John Schumacher SJ sa naging papel nina Padre Gomez, Padre Burgos at Padre Zamora sa pagbubuo ng kamalayang Pinoy noong panahong iyon, hindi naging mahirap na mangalap ng mga miyembro at simulan ang samahang GOMBURZA na makikilala sa mahabang panahon. 


Bagama’t madalas makulayang pula ang GOMBURZA, malinaw na ipinahayag ng samahan ang pagkiling sa mga prinsipyo ng Active Non Violence (ANV) na sinimulan ni Gandhi sa India at unti-unting naging kilala at respetadong prinsipyo ng pakikitungo sa iba’t ibang sektor at higit sa lahat, prinsipyo ng pagkilos.


Sa mga naupo at dumaang administrasyon mula kay Ferdinand Marcos Senior, Cory Aquino, Fidel V. Ramos, Erap Estrada, Gloria Macapagal Arroyo, Noynoy Aquino, Rodrigo Duterte at kasalukuyang si Pangulong Bongbong Marcos, laging nakikilahok at kumikilos ang GOMBURZA sa pagbatikos sa mali at pakikiisa sa iba’t ibang grupo upang ipaglaban ang mga hinaing at interes ng mga batayang sektor.


Malinaw na bagama’t pinatay, ginarote ang tatlong paring martir, hindi namatay at tuluyang nawala ang diwa ng GomBurZa. Buhay na buhay ito sa maraming seminaristang naging pari at mga paring naging obispo. Laganap na ang samahan sa buong kapuluan. Kailangan lang ang matiyagang pag-iikot at pakikipag-usap sa mga pari at mga obispo upang muling palitawin at pakinggan ang tinig ng GOMBURZA.


Kaya, napakagandang regalo na magkaroon ng palabas na “GOMBURZA” sa mga sinehan at hindi nagkaroon ng kakaibang kahulugan ang mga sunud-sunod na rally sa maraming lugar. Nang napanood natin ang pelikula kasama ng isang seminarista at isang pari, halos mapaiyak ako sa dulo nang pinalalabas na ang paggagarote sa tatlong paring martir.


Mahalagang regalo ito dahil sa sari-saring nangyayari sa ating bansa. Sa halip na panghinaan ng kalooban ang mga lumalabang sektor, mapukaw ang mga taga-simbahan upang lumabas at lumahok sa pakikibaka ng mga naghihirap at pinahihirapang mga sektor. 


Salamat sa pelikula, maraming kabataang nabuhayan ng diwa at kalooban upang makita at maniwalang bahagi ng pananampalatayang Kristiyano ang mahalin ang bansa at mga kababayan.


Nakakaiyak makita at maramdaman sa buong pelikula ang aming pananaw na, Kristiyano ako kaya makabayan!

 

 

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | December 24, 2023


Nang lumaya si dating Senadora Leila De Lima noong nakaraang Nobyembre 13, 2023, nanumbalik ang mga alaala ng pagkakakulong ko sa mga nagdaang taon. 


Nang makausap ko ang isang kaibigang nakulong ng anim na taon noong panahon ng Martial Law, ipinaalala niya sa akin kung gaano kapait ang bawian ng kalayaan. Isang araw o isang taong pagkakakulong ay parehong masakit. Maski na isang araw lang na tanggalin ang iyong kalayaan, damang-dama mo ang sakit ng pagkawala ng lubhang mahalagang bahagi ng ating pagkatao, ang ating kalayaan. 


Dahil sa aking pagkakakulong sanhi ng aking maalab na paninindigan, ganu’n na lang kahalaga sa akin ang anumang may kinalaman sa preso, detention center, piitan sa mga prisinto ng pulis, kulungan sa mga kampo militar at kulungan sa kampo ng kapulisan.


Ilang araw na ang lumipas nang tumawag sa akin ang isang kaibigan na nag-aanyayang samahan ko ang kapatid niya na namumuno sa Restorative Justice Ministry sa Parokya nito. At maski na gipit at masikip ang aking iskedyul sa mga araw na papalapit ang Pasko, hindi ako nahirapang umoo. Kaya nagmisa tayo sa Quezon City Jail noong nakaraang Huwebes , Disyembre 21, 2023, sa ganap na alas-4:30 ng hapon.


Punung-puno ang kulungan mula sa “patio” sa gitna, kung saan tinitipon ang ilang pangkat para bigyan ng mga kawani ng BJMP ang mga detenido hanggang sa mga pasilyo sa ikalawang palapag ng preso. 


Sa harapan kami ng mga nakaupo sa patio nag-ayos ng altar. Sa gawing kaliwa ko nakapuwesto ang koro. Nasa tabi ng koro, ang basahan kung saan nakatayo ang “commentator” na matagal ko nang nakikita tuwing nagmi-misa ako sa Quezon City Jail. 


Natanong ko ang detenido kung malapit na siyang lumaya. Sagot nito, “Malapit na po ako ilipat sa New Bilibid Prison dahil “convicted” na ako sa aking kaso”.


Nagsimula na ang misa bandang alas-4:45 ng hapon. Sa pambungad ng misa, binati ko sa kakaibang paraan ang lahat ng mga nakaupo sa baba, mga gilid, sa mga pasilyo sa pangalawang palapag, “Mga KA-KOSA, kumusta na kayo?” Malakas at mariin ang aking tanong, kaya ganu’n ding kalakas at kadiin ang kanilang sagot. Kapansin-pansin ang saya at pagtanggap ng karamihan ng mga naroroon sa kakaibang bati ng isang pari, “mga ka-kosa”. Iisa tayo, hindi tayo iba. 


Kaya’t ipinaliwanag ko kung paano naging karaniwang preso ako mula ika-29 hanggang ika-31 ng Mayo 2002. Napakaikli ng aking pagkakakulong noon sa kasong “libelo” na isinampa sa akin dahil sa ipinahayag kong katotohanan tungkol sa pagpatay sa aking pamangkin ng anak ng isang prominenteng pulitiko.


Malinaw na kabalintunaan ang makulong sa pagsabi ng totoo samantalang ang tunay na nagkasala, na marami nang nagawang malalaking kasalanan ay ni isang minuto ay hindi nakita ang loob ng anumang kulungan.


Ka-kosa dahil tulad ng maraming naroroon, biktima rin ako ng mahina at kumpromisadong sistema ng katarungan sa ating bansa. Damang-dama ko sa loob ng maikling tatlong araw ng pagkakakulong ang seryosong krimen ng isang sistema ng katarungan na nagpaparusa sa inosente samantalang ang mga tunay na may sala ay malaya at protektado ng sistema (ng katarungan).


Pinaalala ko sa lahat ang kamakailang paglaya ng kilalang ka-kosa din naming si dating Senadora Leila De Lima. Nakulong ang naturang dating senadora dahil sa inimbentong testigo umano ng mga tinakot at ginamit na mga preso sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa. 


Kaya’t pinayuan ko ang mga ka-kosa na huwag na huwag pagagamit sa mga pulitiko, kahit na nananakot ang mga ito. Alam kong mahirap gawin ang aking pakiusap. Ano ang magagawa ng maliit na preso sa harapan ng opisyal na may tunay na kapangyarihan at kayamanan?


Nabanggit ko rin sa omeliya ang problema ng RA 9165 o ang batas laban sa droga, na nagsasabing makukulong ang sinumang mahulihan ng limang gramo ng shabu mula 12 hanggang 20 taon. Malinaw na kung ikaw ang gumagamit ng droga, maliban sa krimen, may problema kang pangkalusugan. 


Rehabilitasyon at hindi kulong ang higit mong kailangan. Kailangang-kailangang repasuhin at baguhin ang batas na ito. Sa puntong ito tinanong ko at hiningi kong magtaas ng kamay ang lahat na may kasong droga. Nang nagtaasan ng mga kamay ang mga preso, kakaunti ang hindi nagtaas ng kamay. Malinaw na malinaw na karamihan ng mga naroroon ay droga ang kaso.


Ang ebanghelyo sa misa noong nakaraang Huwebes ay ang pagdalaw ni Maria kay Elizabeth. Sila ang dalawang pinagpala ng Diyos na tumanggap ng mapaghimalang biyaya. Ang matandang baog na at ang walang asawa ay parehong naglilihi.


Napakaimposible! Ngunit nagbigay puri si Maria, “Napakadakila ng Diyos. Walang imposible para sa kanya. Ako’y Kanyang abang lingkod”.


Maraming preso na hindi na masyadong nadadalaw ng mga kamag-anak. Ngunit tinanong ko sa lahat kung dinadalaw sila ng Diyos. Malakas at dumadagundong sagot ng lahat, “Opo!!!” 


At ‘di ba ito ang kahulugan ng Pasko? At ngayon palang at araw-araw ay Pasko sa Quezon City Jail dahil araw-araw, minu-minuto dinadalaw ng Diyos ang maliliit na nasa mga piitan. Maligayang Pasko po sa lahat!!!

 

 

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | December 18, 2023


Taga-ilog, Tagalog, Pampanga, pampang, Dumagat, katutubong nagbabantay ng bundok. 


Ilan lang ‘yan sa napakaraming pangalan ng mga Pinoy sa iba’t ibang bahagi ng hindi kalakihan ngunit napakaraming islang bumubuo sa ating bansang (peninsula). 


Tubig ang bumabalot sa atin at tubig din ang bumubuo sa ating mga Pinoy. Ngunit, ilan ba talaga sa atin ang may malalim na kamalayan na nakaugat sa tubig? Ilan ba sa atin ang may pagmamahal at pagpapahalaga sa tubig, saan man ito matatagpuan mula sa mga bukal, batis, ilog, lawa at karagatan?


Noong nakaraang Linggo, Disyembre 10, 2023, ilang oras din tayong napaligiran ng tubig, na walang ibang makikita sa harapan, gilid at likuran kundi tubig. Bakit? Naglayag kami mula El Nido patungong Ayungin Shoal sa West Philippine Sea. Hindi namin alintana ang dramang magaganap sa bandang hapon ng araw na iyon, habang nagmimisa kami kasama ang lahat ng mga volunteer at media na lulan ng barkong MV Kapitan Felix Oca.


Ilang buwan na ring pinaplano ang “Christmas Convoy” na tinawag na “Atin Ito.”


Kakaibang Christmas Convoy at hindi karaniwan dahil hindi ligtas at simple ang pagsasagawa nito.


Maghahatid ng mga kailangang supply sa BRP Sierra Madre ng mga kinatawan ng iba’t ibang grupo, NGO, people’s organization, sektor, at mga kilalang indibidwal mula sa civil society o mga grupo o samahan ng karaniwang mamamayan. 


Kakaibang paghahatid ng supply dahil ang karaniwang naghahatid ay ang Philippine Coast Guard at ang mga arkiladong barko na sinasabayan ng PCG.


Sa mga salitang “Atin Ito,” malinaw ang mensahe at ang pinatutungkulan nito. Atin ang WPS. Kaya marapat na igalang ito ng mga kaibigang galing sa Peoples Republic of China (PRC). 


Marami nang beses ginipit, tinakot, binully ang ating mga barko (PCG, Navy) ng mas malaki at mas maraming barkong China (Chinese Coast Guard, Navy). Tayo lang ang kanilang pinatatamaan ng water cannon. Tayo lang ang kanilang hinahabol at hinaharang sa ating sariling karagatan na kanilang inaangkin, kinakamkam.


Mapalad at masaya akong naging bahagi ng Christmas Convoy patungong Ayungin Shoal. Dapat kasama namin si Bishop Broderick Pabillo ng Apostolic Vicariate ng Taytay, Palawan. Ngunit, hindi siya puwede dahil sa rami ng kanyang kailangang dalawing mga parokya kaya ipinadala niya si Fr. Ramon Camacho bilang kanyang kinatawan. 


Iba’t ibang sektor ng lipunan ang nakasama sa naturang misyon. Merong mga katutubong galing sa Rizal, mga mangingisdang mula sa Masinloc, Zambales, mga magsasakang galing sa Negros, mga kabataang taga-Palawan, Isabela at Maynila.


Naroroon din ang mga people’s organization, sampu ng mga NGO. Kabilang dito ang mga kapatid nating Muslim at mga Kristiyano din.


Bilang mga pari, kami ay napakiusapang magmisa araw-araw hanggang hindi natatapos ang misyon. May misang ginagawa ng Linggo, Lunes at Martes.


Bandang alas-8 ng gabi kami inihatid ng barkong ML Chowee mula pampang ng Baryo San Fernandro patungong MV Kapitan Felix Oca. 


Mula alas-9 ng gabi ng Sabado, Disyembre 9, 2023 hanggang ala-1 ng hatinggabi ng Linggo, Disyembre 10, 2023 ay naghihintay kaming pumalaot patungong Ayungin Shoal. 


Ang unang plano ay magkaroon ng misa sa ganap na alas-9:00 ng Linggo ng umaga.


Subalit, nang sumapit na ang Linggo at naghahanda kami ng lugar para sa misa, naramdaman namin ang tindi ng init ng araw. Dahil dito, merong mga nagmungkahing ilipat na lang namin ng bandang alas-4:30 ng hapon ang misa.


Nagsimula ang misa ng alas-4:30 ng hapon. Bandang alas-5:00 ng hapon, habang nagpapaliwanag tayo ng omeliya, napansin kong dumarating ang dalawang barkong pandigma ng China. Nalaman naming pandigma ito dahil “gray” ang kulay ng barko at hindi puti tulad ng PCG. 


Binanggit ko sa omeliya ang nakita kong dalawang barko at hinikayat kong manalangin at manatiling mahinahon ang lahat. Subalit, napansin ko nang aligaga at tensyonado na ang marami, kaya’t pinayagan kong tumayo at gumala ang mga nagsisimba. Ngunit, sinabihan ko ang lahat na iwasang makipagkuwentuhan at sa halip patuloy na magdasal nang tahimik habang pinagmamasdan nila ang paglapit ng barkong China.


Hindi naglaon, narinig namin ang tinig ng kapitan, “We are turning back. Babalik na tayo ng El Nido.” Sa halip na matuwa ang marami, napansin kong maraming bumagsak ang mukha. Marami ring umiyak at nagpakita ng malalim na kalungkutan at pagkadismaya.


Nang nakaikot na kami pabalik ng El Nido, medyo nagdahan-dahan ang mga barkong sumusunod sa amin. Sa halip na ipagpatuloy ko ang omeliya, pinakiusapan kong magbahagi ang tatlong katao, dalawang kabataan, isang medyo may edad.


Natapos ang misa, ngunit pinagpatuloy pa rin namin ang kuwentuhan at kumustahan ng bawat group assignment.


Karamihan ay dismayado at malungkot na hindi natuloy na magtungo ang barko sa Ayungin Shoal. Subalit, masaya at makabuluhan naman ang tingin ng lahat sa naging karanasan nilang ipaglaban ang soberanya lalo’t nalalapit na ang Pasko.


Mabuti na lang at nagmimisa ang lahat nang nakasalubong namin ang mga barkong China. Kakaibang karanasan ito sa gitna ng dagat. Totoong kakaiba dahil kasabay ng aming pagdarasal ay nagtaya kaming sama-sama para sa ating soberanya.

 

 
 
RECOMMENDED
bottom of page