top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Enero 21, 2024


Nitong Enero 19, 2024, Biyernes, balik-COMELEC na naman ang grupong Solidarity for Justice and Truth. Hindi nga lang huling Biyernes ito ng buwan tulad ng mga nakasanayan na ng grupo mula noong Marso 31, 2023, nang simulan ang pagrorosaryo at pagmi-Misa sa harapan ng COMELEC para tutukan ang napakaraming mga isyu na kinasasangkutan ng ahensya. 


Ngunit, habang maaga ay kailangang ipadama sa COMELEC ang matinding pagbabantay, pagtatanong at pagpapaalala sa taumbayan na huwag na huwag magsasawang bantayan ang napakahalagang institusyon para sa ating demokrasya.


Oo, huwag na huwag na ihinto ang pagbabantay sa COMELEC.


Salamat sa hindi pagbigay ng pagkilala sa SMARTMATIC bilang “provider” sa darating na mid-term elections sa 2025. Hindi na pinayagang sumali ang SMARTMATIC sa isang “open bidding” na katatapos lamang.


Iisang korporasyong galing Korea lang ang dumalo at ito ay hindi rin pumasa sa mga hinihingi ng COMELEC. Mabuti naman at na-“disqualify” na ang SMARTMATIC, batay sa isang kaso nito na kinasasangkutan umano ng isang mataas na opisyal ng COMELEC noong nagdaang eleksyon ng mga nakaraang taon.


Ngunit, hindi dapat magdiwang at magsawalang-bahala. Hindi pa tapos ang laban.


Hindi pa tapos ang “bidding.” Puwede bang sumali sa mga susunod na “bidding” ang SMARTMATIC? May nagsabi na sa ating karanasan, huwag kang pakakasiguro na ang tapos ay tapos na talaga. Nagagawan ng paraan ang lahat ng bagay sa ating bansa. 


Paano? Alam na natin, ayon nga sa mga Amerikano, “there are many ways of skinning a cat…”


Hindi ba’t napakaraming nagsasabi na wala namang malinis na halalan. Dati na at matagal nang uso ang dayaan sa lahat ng antas mula itaas hanggang kababa-babaan sa gobyerno. Maraming paraan o modus ng pandaraya sa eleksyon. At ang malungkot ay sinasabi ng marami na parang alam na alam nila ngunit wala namang nangyayari para tunay na linisin ang dumi na naglalagay sa alanganin at peligro sa ating demokrasya.


Kaya ito na naman kami, sa ika-10 buwan ng pagbabantay sa COMELEC, pagbabantay sa demokrasya mula pa noong Marso 31, 2023. 


Maraming salamat mga mahal na kababayan na walang kakupas-kupas, walang kasawa-sawa sa pagtatanggol sa ating demokrasya sa pamamagitan ng adbokasiya para sa “electoral reform” o para sa pagbabago ng sistema ng eleksyon sa ating bansa.


Samantala, ayon kay COMELEC Chair George Garcia, nagsimula nang tumanggap ng mga “signature sheets and forms” para sa “People’s Initiative to amend the 1987 Constitution” para baguhin ang Saligang Batas ng 1987 ang 400 siyudad at munisipyo sa buong bansa. Ganu’n kabilis itong naturang People’s Initiative to Amend the 1987 Constitution.


At magandang ulitin ang ilang tanong ni Congressman Edcel Lagman hinggil sa People’s Initiative. Una, sino ang nagsusulong nito? Pangalawa, ano ang tunay na pakay sa pagsulong nito? Pangatlo, kaninong pera ang ginagamit para isulong ito? Pang-apat, kailangan ba talagang baguhin ang Saligang Batas ng 1987? Ano ba talaga ang gusto nilang baguhin? Talaga bang ang mga “economic provisions” tungkol sa pag-aari ng lupa o ng pera, investment at kita ng korporasyon, kung 100% ng aba?


Ngunit ang tanong ng maraming hindi sumasang-ayon ay iisa at simple. Talaga bang kailangan natin ang Charter Change (Cha-cha) ngayon? Ang Konstitusyon ba talaga ang pangunahing problema o sanhi ng ating mga problema ngayon? Ano ang kinalaman ng mga sumusunod na isyu ng pagbabago ng Saligang Batas ng 1987? 


Una, ang pananakop kaya ng China sa West Philippine Sea? Pangalawa, ang masamang reputasyon umano kaya ng ating bansa sa mga abuso sa karapatang pantao, na humaharap sa mga kasong inihain ng International Criminal Court laban sa ilang matataas na pinuno? Pangatlo, ang isyu kaya ng “phaseout ng mga jeepney” o ng pagsulong sa Public Utility Vehicle Modernization Program? Pang-apat, ang pagbulusok kaya ng kalidad ng edukasyon sa lahat ng antas, lalo na mula elementarya hanggang hayskul ng ating bansa? Panglima, ang patuloy na paghihirap kaya ng nakararaming mamamayan na napipilitang mangibang bansa dahil walang sapat na trabaho dito o kung meron man, sobrang baba ng sahod? Pang-anim, dahil kaya sa rami ng mga mahihirap na kababayan nating nag-abroad, dumarami ang mga nadadawit sa problema na nagpapahamak sa kanila tulad ni Mary Jane Veloso sa Indonesia, at sa marami pang mga bansa?


Napakarami pang isyung maaaring idagdag sa listahan, ngunit napakalinaw na hindi pagbabago ng Konstitusyon sa pamamagitan ng People’s Initiative ang problema’t solusyon sa ating mga pangunahing suliranin.


Ayusin ang serbisyo, pamamahala  at paggamit ng pera ng bayan. Bantayan ang mga korup, hulihin ang mga ito at hadlangan ang lahat ng uri ng korupsiyon sa mga sangay ng pamahalaan. ‘Yan ang dapat gawin. ‘Yan din ang muli nating ipinagdasal sa harapan ng COMELEC.


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Enero 14, 2024


Kung mahirap gisingin ang nagtutulug-tulugan, paano na ang nagpapatay-patayan?

 

Matagal nang patay ang PIRMA, ang People’s Initiative for Reform, Modernization and Action.

 

Ito ang sinimulang inisyatiba ng mag-asawang Bert at Chit Pedrosa, na dating mga residente ng Londra dahil sa mga kontrobersiyang kinasangkutan lalo na ni Chit Pedrosa na nagsulat ng “The Untold Story of Imelda Marcos.” 

 

Ganu’n na lang ang pagkagulat ko nang bumulaga ang balita na itinutulak ng mag-asawang Pedrosa ang PIRMA, upang magkaroon ng isang “People’s Initiative” ng pinagsama-samang mga pirma ng taumbayan na sumusuporta sa pagbabago ng Konstitusyon. 

 

Alam natin ang nangyari noon na nagkaroon ng sunud-sunod na pagkilos ang taumbayan at ang iba’t ibang sektor kasama na ang Simbahang Katolika na kumokontra sa PIRMA. Ngunit, ang isa sa pinakamalaking puwersang namuno laban sa PIRMA ay si Jaime Cardinal Sin na nagsalita ng ilang ulit din hanggang sa nagtawag siya ng malawakang pagkilos laban sa Cha-cha sa Quirino Grandstand. 

 

Noong mga panahong iyon (1997) medyo bata at malakas pa tayo, kaya’t isinagawa natin ang takbong nagngangalang, “TadYaKan Cha.” Tumakbo tayo sa mga paaralan at nagbigay ng maiikling talumpati sa mga estudyanteng hinikayat nating huwag pumirma at huwag suportahan ang “People Initiative” para baguhin ang Saligang Batas ng 1987. 

 

At sa kabila ng iba’t ibang mga pamamaraan ng pamamahayag laban sa PIRMA, ang pinakamalakas at pinakamabisa ay ang malaking rally na isinagawa ni Jaime Cardinal Sin sa Quirino Grandstand.

 

Atras si dating Pangulong Fidel Ramos at hindi itinuloy ang PIRMA. At sa mga nagdaang mga administrasyon, pabalik-balik ang banta ng PIRMA. Napakalinaw sa marami na hindi naman talaga ito tungkol sa pagbabago at pagbabangon ng Konstitusyon ng 1987 o ang Cory Revolutionary Constitution. 

 

At ngayon, pawang patay na muling nabuhay, heto na naman ang PIRMA. Malinaw kung sino ang nagtutulak dito. Walang iba kundi ang mga trapong pulitiko na malapit sa kasalukuyang administrasyon. Bagama’t hindi nila binabanggit, malinaw sa mga nagtutulak sa PIRMA ang kahalagahan ng “Term of Office” o ng haba ng panunungkulan ng mga nahalal na opisyal. 

 

Sa ngayon, maliwanag na ang tagal ng termino ng mga nahalal na opisyal ay anim na taon para sa presidente at bise president, at tig-tatlong taon ang mga senador, kongresista at lahat ng may posisyon sa pamahalaang lokal.

 

Noong nakaraang Martes ng gabi, napanood sa lahat ng mga telebisyon ang TV commercial na sinisiraan ang Konstitusyon ng 1987. Paulit-ulit ang mga salitang EDSA-Puwera. Ang mensahe ay ‘palpak’ ang Konstitusyon ng 1987. Hindi umano gumanda ang edukasyon at agrikultura, na kung meron mang magandang epekto, ang mga mayayamang sektor lamang ang nakadama at tumanggap ng biyaya mula sa mga ekonomiya ng nagdaang administrasyon. 

 

Patuloy na iginiit na “gawing Saligang Patas ang Saligang Batas.” Pagdating naman sa pag-aari ng mga korporasyon at lupa sa Pilipinas, “Foreign Investors, EDSA-Puwera!!!”

 

Salamat sa mga mabibilis na nakaamoy ng malansa at mabaho. Agad na naglabas ng pahayag si Obispo Broderick Pabillo, na ganito ang sinabi:

 

“Mayroong isang hakbang na baguhin ang Konstitusyon sa pamamagitan ng People’s Initiative na humihiling sa mga tao na lumagda sa isang petisyon upang bumuo ng isang Constitutional Assembly na ang dalawang Kapulungan ng Kongreso ay sama-samang boboto. Babalewalain nito ang senador (merong 315 na House Representatives at 24 lang na senador). May offer pa nga na magbayad para pumirma ang mga tao baka gamitin ang madaliang pagpapatawag ng Barangay Assembly para rito. Sabihin sa mga tao na huwag pumirma! Hindi ito inisyatiba na galing sa mga tao kundi ng ilang mga pulitiko.”

 

Ayon pa kay Congressman Edcel Lagman sa isang pulong ng mga mayor sa Bicol, tila merong pondong ibinibigay sa mga mayor upang ipamudmod sa mga taga-barangay, 100 pesos sa bawat pirma para suportahan ang PIRMA at baguhin ang Konstitusyon.


Mabilis namang tumanggi sina dating Congressmen Alfredo ‘Pido’ Garbin at Kinatawang Raul Angelo Jil Bongalon ng Ako Bicol. At itinanggi naman ni Comelec Chairman George Garcia na merong ganitong inisyatiba dahil hindi pa naman panahon ng kampanya para sa isang eleksyon.

 

Simula lang ito ng istorya ng isa pang PIRMA. Mabuti at sa umpisa pa lamang ay marami nang nagtatanong at nag-iingay. PIRMA para patayin ang Konstitusyon ng 1987.


PIRMA para burahin at ietsapuwera ang EDSA (EDSA-Puwera). 

 

Kahina-hinalang inisyatiba na tila gagamit ng pera ng mamamayan, hindi upang tulungan at itaguyod ang taumbayan kundi tiyaking wala nang alisan ang mga nakapuwesto. Gising, taumbayan! Tutulan ang inisyatibang sakim at hindi makamahirap, hindi makamamamayan.

 

Tutulan ang PIRMA!

 

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Enero 8, 2024


Ano ang maiisip mo kapag narinig mo ang salitang Japan? 


Kung marinig mo ang salitang Japan sa panahong katatapos lang ng Pangalawang Pandaigdigang Digmaan o World War II (WW II), “kawawa” ang katumbas ng Japan. Dahil sa kanyang pagkatalo sa WW II, kinailangang magbayad ng Japan ng napakalaking halaga sa mga bansang nilusob at sinira nito tulad ng ating bansa. 


Malaking gastos at kawalan sa Japan ang naturang “War Reparations.” Subalit, nagbayad at pinangatawanan ng Japan ang kanyang responsibilidad. Habang unti-unti nitong ibinabalik ang dating sigla at lakas ng pagiging industriyalisadong bansa. Hindi rin nagkulang sa kanyang mga obligasyon bilang bansang natalo sa giyera. Kaya’t ang nagsimulang kulelat ay unti-unting bumangon at naging numero uno na naman.


Gayundin sa mahabang panahon, hinahanap ng marami ang mga “made in Japan”. At kung mamimili sa “made in the USA” at “made in Japan” ang pangalawa lagi ang pinipili.


Sa mga nagdaang taon mula sa nakalipas na WW II, ang lahat ng mga malalaking pangalang gumagawa ng mga sasakyan at “heavy equipment” ay gawa sa Japan, tulad ng SUMITOMO, Nissan, Honda, Toyota at marami pang iba. Napakarami na ring mga Pinoy na nagtatrabaho at naging bahagi ng malusog at matatag na industriya ng Japan. 


Tila sa paglipas ng halos pitong dekada pagkatapos ng giyera, mula kulelat unti-unting nagsikap ang mga mamamayan ng Japan upang mabago ang kanilang reputasyon.


Ngayon, ang dating kulelat ay masasabi nang numero uno muli. 


Sa pinagdaraanang krisis ng ating bansa, magandang pag-aralan at suriin ang pinagmumulan ng lakas at katatagan ng Japan.


At ang bumalandra sa mga balita sa mga unang araw ng Bagong Taon ay Japan. Una, noong pinakaunang araw ng New Year, tinamaan ng lindol (7.5 magnitude) ang bayan ng Shika. Apatnapu’t walo ang kabuuang bilang ng mga nasawi sa lindol. Sa ngayon, ang pangunahing problema ng mga mamamayan ng Shika ay pagkain at tubig.


Napakaraming malulungkot na istorya ng unang araw ng taon. Na habang nagdiriwang ang marami, biglang dinurog ang kasiyahan ng mga pamilya at magkakaibigan ng matinding lindol. 


Pangalawa, noon lang nakaraang Martes ng gabi, bandang alas-6, sa Paliparan ng Haneda, Tokyo nagsalpukan ang dalawang eroplano ng Coast Guard at Japan Airlines Airbus A 350. Lima sa mga crew ng eroplano ng Coast Guard ang nawawala, samantalang nakatakas at nakaligtas ang kapitan. At parang milagro na ang buong crew at pasahero ng Japan Airlines o 367 katao ang nakalikas at nakaligtas sa nasusunog na eroplano.


Totoo, numero uno ang Japan, ngunit hindi protekyon ito sa trahedya at sa mga hindi inaasahang sakuna. Magandang pag-aralan hindi lang ang kahanga-hangang “work ethic” ang kultura ng paggawa ng mga Hapones, kundi kung paano sila matuto at magbago dahil sa mga trahedya at sakuna. 


Hindi na bago para sa mga Hapones ang mga lindol, tsunami, sunog, guho, landslide, at iba pa. Ngunit, sa gitna ng lahat ng mga pangyayaring ito, meron bang ginagawang kakaibang pagproseso ng mga negatibo at traumatikong karanasan ang mga Hapones? 


Hindi ko ito masasagot ngayon, pero magandang pag-aralan at tingnan natin ang aspetong ito ng isang malapit at maaasahang kaibigang bansa.


Noong nangyari ang lindol saTohoku na lumikha ng malalaki at matitinding tsunami noong Marso 11, 2011, nag-alala kami sa kapakanan ng aming pinsan na nakatira sa Sendai na bahagi ng distrito ng Tohoku. 


Nang nakokontak na naman ang aming pinsan, masaya pa itong sumagot sa amin at nagbalita, ligtas ang aking 11 na pusa. Naiakyat ko sa mas mataas na bahagi ng building.


Handa ang siyudad namin sa anumang sakunang parating. Merong mga nakaimbak na “emergency food, medical, survival supplies sa iba’t ibang bahagi ng siyudad”. Kailangan lang naming magtungo sa pinakamalapit na “emergency centers” para kumuha ng aming mga pangangailangan. Hindi kami pinababayaan ng aming pamahalaan. Malayo pa ang trahedya, handa na sila anumang kakailanganin sa pinakaunang dagsa ng mga nangangailangan.


Ano pa man ang dahilan ng lakas at tatag ng mga mamamayang Hapones, isa nang napakalinaw sa mga ito ay ang pakiramdam at karanasang mahal kami at hindi kami pababayaan ng aming pamahalaan. 

 

 

 
 
RECOMMENDED
bottom of page