- BULGAR
- Jan 29, 2024
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Enero 29, 2024
Mayroong tanong sa Ingles na ganito, “Why do we kill people who kill people to show that killing people is wrong?” Ibig sabihin sa Tagalog, Bakit tayo pumapatay ng tao na pumatay ng tao para ipakita na mali ang pagpatay ng tao? Ito ay sagot na hugis ng tanong bilang pagtutol sa bitay.
Ginagamit ito ng mga naniniwala na hindi makapipigil sa krimen ang bitay.
Subukan naman nating gamitin ang tanong na ito bilang pagtutol din sa giyera. Ganito ang magiging hugis ng tanong, Bakit natin ginigiyera ang nakikipaggiyera para ipakita na mali ang giyera. Ito ang tinatawag na tautology sa lohika. Ang tautology sa Pilipino ay ang pagpapaliguy-ligoy o ang pagpapaliwanag sa isang bagay sa pag-ulit-ulit ng parehong salita na may parehong kahulugan.
Ang pagpatay sa pumapatay para ipakita na mali ang pagpatay, ay nagpapakitang walang nagbabago sa kalagayan ng lipunan kung pag-uusapan ang pagpatay. Walang nagbago dahil mula umpisa hanggang katapusan ay pagpatay, at hindi matatapos kundi magpapatuloy pa rin ang pagpatay at nagiging gantihan na lamang.
Ganu’n din ang giyera. Kung gigiyerahin mo ang nanggigiyera para ipakita na mali ang giyera, kailan hihinto ang giyera?
Maliit pa ako nang narinig ko na ang kuwento tungkol sa Hiroshima at Nagasaki. Ika-6 at ika-9 ng Agosto 1945, magkasunod ibinagsak ang kauna-unahang bombang atomiko sa Hiroshima at Nagasaki.
Sa isang bomba, libu-libong tao ang namatay sa isang malawak na lugar na pinatag ng pagsabog gamit ang “nuclear fission” at hindi simpleng pulbura. Umabot sa isandaan at apatnapung libong Hapones ang pinatay ng bombang atomiko sa Hiroshima. Nasa74, 000 naman ang pinatay ng isa pang bombang atomiko sa Nagasaki. Kinabukasan, nagpadala ng mensahe ang pamahalaang Hapon na sumusuko sa giyera.
Natapos na ba ang giyera sa pagsuko ng mga Hapon noong Abril 1945?
Isang magandang bunga ng giyera ay ang pagkakabuo ng United Nations na ang layon ay simulan at ipagpatuloy ang totoo at malalim na ugnayan at pag-uusap ng mga bansa upang matuto ang lahat ng mapayapang paglutas sa anumang suliranin at iwasan ang anumang uri ng karahasan, higit sa lahat ang giyera.
Sa nagdaang 79 taon mula nang matapos ang Pangalawang Pandaigdigang Digmaan o World War II (WW II) huminto na ba ang giyera? Tumigil na ba ang karahasan sa hugis ng paggamit ng lalong malalakas at nakamamatay na mga karaniwang armas sampu ng mga armas nukleyar?
Tiyak na higit na malakas, mabangis at nakamamatay ang kasalukuyang mga bomba, ordinaryo man o nukleyar. Siguradong hindi rin tumitigil ang mga malalaking bansa sa pananaliksik para gumawa ng mas matinding sandata ng malawakang paninira at pagpatay o tinatawag na weapons of mass destruction.
Ngunit, hindi na ganito sa Hiroshima at Nagasaki. Mula nang bombahin ang dalawang siyudad, masugid na nilabanan ng mga mamamayan ng dalawang siyudad ang paggamit ng anumang armas nukleyar. Higit sa lahat, ganu’n na lang din ang pagtaguyod ng mga mamamayan doon sa pagsulong ng kultura ng kapayapaan, lalo na sa mga bansang puno ng karahasan at mayroong armas nukleyar.
Nitong Linggo, Enero 28, 2024, alas-2:30 ng hapon, naimbitahan akong magmisa sa katedral ng Hiroshima, na ang patron ay ang “Our Lady of the Assumption.”
Bago ang misa, nagkaroon ng maikling prusisyon sa paligid ng katedral na dala-dala ang Pilgrim-Mission Cross ng isang bata. Sinundan ang batang may hawak na Pilgrim-Mission Cross ng limang batang may hawak na “seedling” o “sapling” ng sakura o cherry blossoms, at ng limang bata na may hawak na Philippine flaglets.
Sa likod ng batang may dalang Pilgrim-Mission Cross, ng limang batang may bitbit na “sakura seedling” at limang batang may mga Philippine flaglet ay sumusunod ang kanilang mga magulang at ibang mga parokyano ng Katedral ng Our Lady of the Assumption.
Sa simple ngunit makabuluhang prusisyon, nasasaklaw ang limang elemento ng pangarap at misyon ng susunod na 500 taon (2021-2521). Una, ang paglalakad o pagtakbo o ang pagpapahalaga sa KALUSUGAN. Pangalawa, ang mga kabataan (lima pataas) o ang pagpili at paghuhubog ng mga BAGONG MISYONERO para sa susunod na 500 taon. Pangatlo, limang punla ng sakura o ang pagpapahalaga sa KALIKASAN. Pang-apat, ang limang Philippine flaglets o ang PAGMAMAHAL SA INANG BAYAN. At ang panghuli, ang isa sa 500 PILGRIM-MISSION CROSS o ang pagpapahalaga, pananagutan at pagmamahal sa PANANAMPALATAYANG Kristiyano-Katoliko.
Nasa 23 Pilgrim-Mission Cross na ang itatanim sa Our Lady of the Assumption Cathedral sa Hiroshima. Marami pa ang kailangang ilakbay at itanim na Pilgrim Mission Cross. Hindi madali, malalayo at medyo magastos sa iba’t ibang paraan ang pangarap at misyong ito. Ngunit, kailangang simulan na ang pagtupad sa makabagong pananagutan para sa susunod na 500 taon: REPLANT THE CROSS, REPLANT THE FAITH, REBUILD THE NATION!
Kaya gawin natin na muling itanim ang krus, muling itanim ang pananampalataya, mahalin at ipagtanggol ang Inang Bayan.




