top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Pebrero 11, 2024


Buhay at kamatayan, “life and death”. 


Ang dalawang ito ang laging naglalarong posibilidad sa walang katiyakang kinabukasan na dapat harapin ng bawat isa. Ano na ang natatagong biyaya o kapahamakan ng bukas? Maganda o hindi maganda? 


Sa nagdaang tatlong buwan, sa bawat dalaw ko kay Ed Diamonon, isang parokyano na kaibigan kong dinapuan ng cancer at nasa mga huling sandali na ng kanyang pagharap sa hiwaga ng buhay, iisa lang ang aming pinag-uusapan, ‘kailan ba matatapos ang lahat ng ito, ng paghihirap, panghihina… kailan ba darating ang kamatayan?’


Hirap na hirap na si Ed at labas-pasok na siya sa ospital. Batid ng lahat at alam din niya na may taning na ang kanyang buhay. Ang bawat araw ay isang hakbang na palapit sa katapusan. Ito lang ang hindi nalalaman ninuman, si Ed man o sinuman, dumating sa punto ng sukdulang paghihirap na lumabas na sa bibig ni Ed ang pakiusap, “Padre, pagod na ako, tulungan mo akong magdasal na kunin na Niya ako!” Napatigil ako ngunit, sinagot ko pa rin si Ed, na kung ‘yan ang nararamdaman niya at kung ‘yan ang ninanais niya talaga. 


Mula noon hanggang umalis ako pa-Japan, nagdarasal kami na kaawaan na siya ng Diyos at tapusin na ang kanyang labis na paghihirap at kunin na siya ng Diyos. At nang dumating na ako ng Japan noong Enero 24, 2024, tuwing naiisip ko si Ed, tahimik kong ipinagdarasal ang kanyang kahilingan na kunin na nga siya ng Diyos, ngunit huwag sana habang ako ay nasa Japan.


Ipinagkaloob ng Diyos ang aking panalangin, kaya’t pumanaw si Ed ng madaling-araw ng Pebrero 6, sa araw ng aking pagbabalik sa ‘Pinas galing Japan.


Nadalaw ko ang Hiroshima at Nagasaki, dalawang mahahalagang lugar hindi lang sa kasaysayan ng Japan kundi sa buong mundo. Napuntahan ko ang mga museo tungkol sa trahedya ng dalawang madidilim na panahon ng Japan at ng buong mundo, na nangyari noong Agosto 6 at 9, 1945. 


Dahil sa pagsabog at pagpatay sa libu-libong Hapones, 140 libo sa Hiroshima at 74 libo sa Nagasaki, hindi nag-atubiling nagpasya ang emperador ng Hapon na sumuko sa mga kaaway ng Japan. 


Kaya noong Agosto 10, 1945, naglabas ng liham ang emperador ng Hapon na ipinaalam ang pagsuko ng Japan sa Estados Unidos, Inghiltera, Russia at ang iba pang mga bansang magkakampi.  Ito ang napakahalagang katapusan ng World War II.


Nang matapos ang giyera, kailangang harapin ng Japan ang mapait na katotohanan hindi lang ng pagkatalo kundi ng pagkawasak ng Hiroshima at Nagasaki, ng kamatayan ng libu-libong Hapones. 


Sa mga dumating pang dekada, kailangan ding harapin ang seryoso at malubhang epekto ng bomba atomika na nagdulot sa libu-libong mga Hapones na nabuhay ng “Atom Bomb Disease.”


Kahirapan at sakit at huwag na nating isama rito ang kahihiyan. Ang mga ito ang dapat harapin ng talunang Japan noong Agosto 1945. 


Ngunit, nasaan na ang Japan sa parating na ika-79 taong anibersaryo ng pagsabog ng bomba atomika sa Hiroshima at Nagasaki ng mga naturang petsa?


Nang sumadsad sa pinakailalim at pinakaibaba ng kasawian at kapahamakan, sa tinatawag na “rock bottom”, naharap ang mga Hapones sa napakahalagang tanong, ano na ang gagawin natin upang umahon sa trahedyang ito? Sa halip na manatili sa trahedya ng kahapon, sama-samang humakbang ang mga talunang Hapones sa kakaiba at sadyang maganda’t maunlad na bukas. 


Gayunman, dumating na ang bukas na ito ng Japan.


Napakalinis, napakaayos, napakadisiplinado ng mga mamamayan, habang napakagalang at matulungin sa lahat sampu ng mga taga-labas, sa mga turista at maging sa mga pari at relihiyosong tulad ko. Nagsikap at sama-sama sila sa isang bagong Japan na marangal, magalang, mapayapa at maunlad.


Naglunsad kamakailan ng programang ‘Bagong Pilipinas’ ang pamahalaan. Ngunit, ang salitang ‘bago’ ay hindi tumutukoy sa bukas kundi sa kahapon ng kahawig na programa ng ama ng kasalukuyang pangulo.


Ibang-iba ang bukas na hinangad at tinahak, at pinagsikapan ng mga Hapones. Batay ito sa isang marangal na pananaw sa buhay, bansa, kalikasan, at dangal ng bawat mamamayan. Ibang-iba sa naging takbo ng ating bansa, lalo na sa ating pulitika mula 1945 hanggang ngayon. 


Nasaan na ang marangal at magalang na pagtingin sa buhay, bansa, kalikasan, at dangal ng bawat mamamayan. Sa bawat Pinoy at Pinay, lalo na sa mga maliliit at mahihirap na mga magsasaka, manggagawa, mangingisda, manggagawang migrante, sa mga maralitang taga-lungsod at taga-nayon, sa milyun-milyong mamamayan na nagtatanong ngunit umaasa pa rin, paano, kailan, ano at sino talaga ang uugit ng tunay at magandang kinabukasan ng ating bansa? 


Sila-sila lang bang nasa puwesto at mahigpit na kumakapit dito? O tulad ng mga Hapones, lahat-lahat, sama-sama mahirap at mayaman, mataas at mababa, makapangyarihan at mahihina. Sama-samang tumitingin sa tunay na kinabukasan ng lahat hindi sa makitid at madamot na kahapon ng iilan.


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Pebrero 5, 2024


Nitong Linggo, Pebrero 4, ay ang araw bago ang 427 taon ng pagkamatay ng 26 na Katolikong martir sa Nagasaki, Japan. 


Itinali sa krus na may tuntungan ang 26 martir habang sabay-sabay na sinaksak ng sibat sa magkabilang tagiliran at hinayaan ang mga itong mamatay. Nanatiling nakabayubay sa krus ng 28 araw ang mga martir upang takutin ang mga Kristiyano para itakwil at hindi isabuhay ang kanilang pananampalataya. Subalit, alam ng lahat na kabaligtaran ang naging epekto nito sa mga Kristiyano matapos ang pagpatay sa mga martir. 


Araw-araw pinipilit ng marami na dumaan sa Mt. Mubon o ang burol ng Nishizaka sa tuktok ng Nagasaki, kung saan inialay ng mga martir ang kanilang buhay sa Panginoon at sa pagpapalaganap ng pananampalataya. Sayang at nakaalis na kami ng Nagasaki at hindi na makakadalo sa malaking pagdiriwang ng pista ng 26 na martir ng Nagasaki. 


Ayon sa mga Pransiskanong naglilingkod sa Nagasaki, isang malaking pagdiriwang ang anibersaryo ng pagkamatay ng 26 na martir hindi lang para sa Simbahang Katoliko, kundi para sa buong siyudad. Kakaibang katapangan, pagmamahal, pagtitiis at pananampalataya ang ipinamalas ng mga martir kaya’t patuloy na nagbibigay ito ng inspirasyon at lakas ng loob sa pagiging mga Kristiyano ng mga taga-Nagasaki.


Kasama sa 26 na martir si San Pedro Bautista, ang Kastilang Pransiskano na nagsimula ng kanilang misyon sa isang burol na ngayon ay kinilala sa pangalang San Francisco del Monte (o San Francisco ng Bundok). 


Nalipat si San Pedro Bautista sa Hiroshima. Naging kaibigan ni Haring Hideyoshi si San Pedro Bautista ngunit naging kumplikado ang sitwasyon na kinasangkutan ng mga opisyal ng korte na nagbigay ng maling impormasyon kay Hideyoshi tungkol sa barkong sumadsad sa pampang ng Hiroshima. Dahil marahil sa personal na interes, napahamak ang lahat ng Kastilang lulan ng Barkong San Felipe na pinadpad sa dagat ng Nagasaki dulot ng sirang timon at iba pang problema. Higit na kilala kaysa kay San Pedro ay ang Heswita na si Paul Miki at mga kapwa Heswita.


Pagkaraang mamatay nina San Pedro Bautista, Paul Miki Sj at mga kasama, naulit ang pagpapahirap sa mga misyonero na galing din ng Maynila. Kasama ng mga paring Dominikano si Lorenzo Ruiz,  isang katekistang naglilingkod sa simbahan ng Binondo.


Nang dumating sa Nagasaki ang barkong sinasakyan nina Lorenzo Ruiz, agad-agad hinuli ito at hinatulan ng kamatayan ng Tokugawa Shogunate dahil patuloy ang persekusyon nito sa mga Kristiyano. Wala namang planong pumunta at magtrabaho sa Japan si Lorenzo. Napagbintangan lang ito ng pagpatay sa isang Kastila, kaya’t tumakas ito at sumama sa mga Dominikanong papuntang Japan. Nang mahuli sina Lorenzo at ang mga kasama niyang paring Dominikano, sila’y pinahirapan hanggang mamatay sa paraan na tuluy-tuloy na pagpapainom ng tubig at pagkatapos, pahihigain habang tinatapakan ang tablang nakapatong sa kanilang mga tiyan. Ang huling mga salita ni San Lorenzo ay, “Kung kinakailangan,ibibigay ko sa Panginoon ng isang libong beses ang buhay kong ito.”


Bilang panghuling pagpupugay sa mga martir at biktima ng bomba atomika, muli nating dinalaw ang Hiroshima Peace Memorial. Tahimik kaming naglakad, nagnilay at nanalangin habang tinitingnan ang mga bronseng iskulura. 


Bagama’t mahigit isandaan at apatnapung libo ang namatay sa pagsabog ng bomba atomika sa Hiroshima, nabuhayan ng kakaibang pananaw, pananampalataya at pagmamalasakit para sa kapayapaan sa buong mundo ang mga nakaligtas at nabuhay.


Sa isang bahagi ng Hiroshima Peace Memorial, natagpuan ko ang kakaibang istatwang bronse. Makikita ang isang lalaking dinapuan ng dalawang kalapati. Istatwa ito ng makatang si Miekichi Suzuki. Gawa ito ng iskultor na si Katsuzo Entsuba. Dahil sa mga isinulat ni Miekichi siya ay pinagkalooban ng mga parangal at tinawag siyang “Father Children’s Literature (in Japan). Nakakataba ng puso ang isinulat ni Miekichi na mababasa sa bakal na plaka: “I will forever dream, simply as I did in my in my boyhood, and therefore suffer only little”.   


Bagama’t naunang isulat ni Miekichi, ilang dekada pa bago sumabog ang bombang atomika sa Hiroshima, nananatiling buhay ang diwang nangangarap, nagsisikap, nagsasakripisyo para sa pandaigdigang kapayapaan. Mula noon hanggang ngayon, mula sa mga taong malapit sa simbahan o nagmamahal sa bansa at nagmamalasakit sa kapayapaan, mula sa mga martir at mga bayaning nag-alay ng kani-kanilang buhay, tuluy-tuloy ang panaginip at pangarap ng mga taga-Hiroshima na tutulan ang giyera lalo na ang paggamit ng mga armas nukleyar.


Dala-dala ko sa aking pag-uwi ang diwa, pananagutan at kongkretong mga hakbangin tungo sa kapayapaan at sa higit na banal at naglilingkod sa kapwa.


Salamat at mabuhay ang Hiroshima at Nagasaki. Salamat sa kapayapaan. Salamat sa kabanalan ng mga sumusunod kay Kristo.




 

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Pebrero 4, 2024


Katatapos lang noong nakaraang Linggo ng ating makabuluhang pagdalaw sa mga manggagawa at propesyunal na Pinoy sa Hiroshima. 


Masaya at puno ng malalim na pagninilay at panalangin ang buong ritwal ng “pagtatanim” ng “Pilgrim Mission Cross of the Next 500 Years” o PMCN500 sa Cathedral of the Assumption of Mary sa Hiroshima. Maraming dumalo sa misa at sa prusisyon pagkatapos ng misa. 


Ayon sa mga namumuno ng Filipino Catholic Community of Hiroshima (FCCH), karaniwan ang bilang ng mga Pinoy na dumadalo sa misa tuwing Linggo. Bagama’t abala at tunay namang “busy” ang ating mga OFW sa Japan, hinding-hindi mawawalan ng panahon na magsimba at makipag-ugnayan ang mga OFW sa isa’t isa tuwing Linggo.


Ito ang ipinagpasalamat ko sa ating mga OFW sa pagtatapos ng buong seremonya ng pagpapakilala at pagpapasa ng PMCN500.


Nang dumating naman kami sa Nagasaki noong nakaraang Lunes, mabilis naming inorganisa ang simpleng misa ng pagsasaling responsibilidad sa ilang kinatawan ng Filipino Catholic Community of Nagasaki (FCCN) para sa Pilgrim-Mission Cross of the Next 500 Years. 


Salamat sa ilang kababayang OFW sa Hiroshima, naiugnay nila kami sa ilang pinuno ng FCC-Nagasaki para sa naturang ritwal ng pagsasaling responsibilidad.


Napagkasunduang magkaroon ng misa noong Enero 30 at sa loob nito naipakilala ang “Pilgrim-Mission Cross.” 


Sampung kababayan lang ang nakarating dahil karaniwang araw lang noon. Subalit, kahanga-hanga ang pagsisikap ng lahat na makadalo sa kabila ng kani-kanilang mga propesyon at layo ng pinagtatrabahuhan. Napakalinaw ng sakripisyo ng iilan para sa nakararami. Hindi bale kung Linggo dahil walang trabaho ang ating mga kababayang OFW sa Japan ngunit dahil sa Martes ng gabi ang naitakdang ritwal ng pagsasalin ng Pilgrim Mission Cross kaya kaunti ang nakarating.


Ito marahil ang bunga ng sakripisyo ng mga martir na Katoliko sa Japan noong mga nakaraang daang taon. Kilalang-kilala ang kasaysayan ng 26 at ng 16 na martir. 


Isa sa 26 na martir na pinapatay ni Haring Hideyoshi noong 1597 ay si San Pedro Bautista na tumira at naglingkod sa Pilipinas bago siya nadestino sa Japan. Kasama ni San Pedro Bautista na naging martir ang tatlong bata na mula edad 12 hanggang 14.


Malayo ang nilakad ng 26 na nasumpungang pahirapan at ipapatay ni Haring Hideyoshi. Dahil sa mga maling impormasyon at intriga, inakala ng hari na seryosong banta ang mga Kastilang dumating lulan ng Galleon San Felipe na galing ng Maynila.


Merong lulang mamahaling karga ang barko. Sumadsad ito sa baybay ng Tosa sa probinsya ng Shikoku.


Kampante ang mga Kastilang Prayleng Pransiskanong lulan ng Galleon dahil isa sa kanila ay kaibigan ni Haring Hideyoshi. Ngunit, sa kabila ng pagiging kaibigan ni San Pedro Bautista kay Haring Hideyoshi, nauwi pa rin sa galit at kalupitan ang desisyon ng hari. Pinaglakad niya ang mga Kastilang paring Pransiskano mula Sakai hanggang Nishizaka (Nagasaki), mula Enero 9 hanggang Pebrero 5, 1597 o 28 araw. Pinilit bagtasin at tawirin ng barko ng mga naging martir ang humigit-kumulang 28 bayan. Ang lakad sa lupa at sakay sa barko ng mga naging martir ay inabot ng tinatayang 1,000 kilometro.


Sa kabila ng gutom, sakit at panghihina ng katawan, kahanga-hanga ang katapangang ipinakita ng lahat ng 26 na martir. Maski na ang tatlong batang martir (12, 13 at 14-taong gulang) ay buong giting na hinarap ang kanilang kamatayan. Itinali sa krus ang 26 noong Pebrero 5, 1597. Sinibat ang mga ito sa magkabilang tagiliran at nang mamatay, iniwan ng 40 araw sa krus para takutin ang mga Kristiyano upang talikuran ang kanilang pananampalataya. Ngunit, iba ang naging epekto ng pananakot ni Hideyoshi. Lalong tumibay at lumalim ang pananampalataya ng mga Kristiyano.


Noon namang Agosto 9, 1945, humigit-kumulang 74 na libong Hapon na taga-Nagasaki ang namatay sa pagsabog ng bombang atomika. Mula noon hanggang sa ngayon, hindi tumitigil ang pagsaksi ng mga Kristiyano-Katoliko sa kanilang pananampalataya.


Salamat sa persekusyon ng mga unang Kristiyanong Hapones. Salamat din sa pagsaksi at pagtaguyod ng kapayapaan ng mga taga-Nagasaki mula pa noon hanggang ngayon.


Malamig man ang gabi noong nakaraang Martes, ngunit damang-dama namin ang init ng pananampalataya ng mga dumalo sa misa at sumaksi sa paglilipat responsibilidad ng Pilgrim Mission Cross of the Next 500 Years. Mula noong dinalaw natin ang Hiroshima at Nagasaki, damang-dama ko rin ang mga Hapones at mga OFW na nagtatrabaho at nakatira doon, ang pananampalataya at pagmamahal sa kapayapaan. 


 

 
 
RECOMMENDED
bottom of page