top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Pebrero 19, 2024


Bago namatay ang aking kapatid na si Vincent noong Disyembre 1, 2004, sinamahan ko siya sa paghain ng kaso laban sa isang malaking kumpanyang gumagawa at nagbebenta ng sigarilyo. 


Mayo 31, 2004 nang samahan ko ang aking kapatid sa korte. Naroroon din ang aming mga magulang upang magbigay suporta sa kanya. Mahusay ang napakiusapan naming abogado na ilaban ang kanyang kaso. Ang yumao nang abogado na si Frank Chavez ang tumulong sa aking kapatid.


Pagkatapos isampa ng aking kapatid ang kaso laban sa Philip Morris, mabilis na lumubha ang kanyang sakit hanggang sa namatay siya. Naghintay akong ipagpatuloy ng kanyang asawa at dalawang anak na itulak ang kaso niya, ngunit hindi na nila ginawa.


Madalas kong isipin at panghinayangan ang pagkakataong ilaban ang kaso ng kapatid ko sa isang malaking korporasyon ng sigarilyo. Sana’y natutukan natin ang kaso hanggang sa magkaroon ng malinaw na patakaran laban sa paninigarilyo ng mga kabataan.


Sayang na sayang ang buhay ng aking mahal na kapatid na pumanaw sa murang edad na 47. Naiwan niya ang kanyang asawa at dalawang anak na lalaki. Mabuting asawa at ama ang aking kapatid. Napakarami pa niya sanang naituro at naitulong sa pagpapalaki ng kanyang mga anak. Kung hindi sana siya nagsimulang magsigarilyo, marahil buhay pa siya.


Naaalala ko pa nang nahuli kong nagsisigarilyo ang aking kapatid sa likod ng aming bahay. Labing-apat na taong gulang pa lang siya noon. Mahigpit ko siyang pinagsabihan na ihinto na niya ang paninigarilyo kung nais niyang humaba ang kanyang buhay.


Ngunit, hindi ko na nasubaybayan ang aking kapatid dahil nasa seminaryo na ako at naiwan na siya sa aming bahay. Nasabi ko sa aking nanay ang nangyari subalit hindi ko na alam kung ano ang ginawa ng aking ina para sa aking kapatid. Tiyak na pinangaralan niya ito, ngunit anong magagawa ng pangaral ng magulang sa impluwensya ng barkada at kapaligiran?


Nakapasa sa Unibersidad ng Pilipinas ang aking kapatid ngunit hindi ito nakatagal sa UP. Lumipat ito sa San Juan de Letran at doon nagtapos. Hindi nawawalan ng barkada ang aking kapatid. Mababait naman ang mga ito pero hindi maiaalis ang karaniwang bisyo ng mga kabataan, ang pag-inom at paninigarilyo. Madalas kong maabutan ang masayang pagtitipon ng mga barkada ng aking kapatid. At kasama na siyempre rito ang madalas na pag-inom at pagyoyosi.


Kinakabahan akong maagang magkasakit ang aking kapatid. Awa ng Diyos, bago siya magkasakit, napagsikapan niyang itigil ang paninigarilyo, ngunit hindi ang pag-inom.


Naroroon lang akong nagmamasid na hindi malaman kung paano ko mapapayuhan ang aking kapatid na sana itigil na rin niya ang pag-inom ng alak.


Wala pang 40-taong gulang nang itigil ng aking kapatid ang paninigarilyo. Ngunit, sa kabila ng kanyang pagtigil, pagkaraan ng humigit-kumulang pitong taon ay natagpuan na ang kanser sa kanyang isang baga. Mabuti na lang at maagang na-diagnose ang kanyang kanser. 


Disyembre 1, 2000 nang matagpuang merong stage 1b lung cancer ang aking kapatid.


Naroroon kaming lahat na sumusuporta sa kanyang paglaban sa kanser.


Nakadalawang cycle ng chemo at radiation treatment ang aking kapatid. Nakaranas ito ng halos isang taon ng naturang “remission” o ang panahon na parang natutulog lang ang mga “cancer cells.” Umasa at nagdasal kami na sana ay tuluy-tuloy na ang paggaling ng aking kapatid. Ngunit, hindi nagtagal at bumalik ang kanser. Sinubukan na rin ng aking hipag na gumamit ng mga mamahaling “Chinese Cancer Medicine.” Hindi nagtagal at nagsimula nang humina ang aking kapatid. Pupunta lang sa banyo ay kailangang sumakay sa wheelchair. Sa kabila nito, nagkaroon pa rin kami ng maraming pagkakataong mamasyal at magkuwentuhan hanggang unti-unti siyang magreklamo na masakit na ring maglakad at kumilos.


Kamakailan, tumanggap ang Pilipinas mula sa Global Alliance for Tobacco Control (GATC) ng “Dirty Ashtray Award” para sa mga paninindigan ng ating pamahalaan na pumapabor sa industriya ng tabako. Habang humihigpit na ang maraming bansa sa paglaganap ng e-cigarettes o vape at mga “heated tobacco products”, mabagal naman ang paghihigpit ng ating bansa sa mga bagong produktong gumagamit pa rin ng tabako at tila sanhi pa ng adiksyon.


Kung tutuusin, hindi lang kasalanan ng mga gumagawa at nagbebenta ng sigarilyo ang paglaganap ng mga nakamamatay na sakit ng baga. Malaki pa rin ang papel ng pamahalaan upang protektahan ang kanyang mga mamamayan sa itinuturing ng buong mundo na “lason ng tabako.”


Nagsimula na ang Kuwaresma noong nakaraang Ash Wednesday. Magandang tingnan ang ating iba’t ibang kahinaan, bisyo at adiksyon. Apatnapung araw hindi lang ng pag-aayuno at pagsasakripisyo kundi ng pagpili: Sakit o kalusugan, bisyo o kadalisayan, disiplina o kapabayaan, kapwa o sarili, pagmamahal sa buhay o kamatayan. Ito ang Kuwaresma, ang pagdiriwang ng biyaya ng kalusugan, ng kalinisan, sa katawang puspos ng espiritu ng Diyos, sa katawang templo ng Espiritu Santo.


Mula nang mamatay ang aking kapatid, itinalaga ko na ang aking sarili sa paglaban sa mga gumagawa ng sigarilyo, nagtataguyod at nagpapalaganap nito. Ano kaya’t hikayatin natin ang mga naninigarilyo, nag-e-e cigarettes o vape at humihitik ng heated tobacco products na piliin sana ang kalusugan para sa sarili at ng iba, itigil na ang paninigarilyo! 


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Pebrero 18, 2024


Nitong Sabado, Pebrero 17, 2024 ay ika-152 taong anibersaryo ng kamatayan ng tatlong paring martir na sina Padre Mariano Gomez, Padre Jacinto Zamora at Padre Jose Burgos. Limampu’t dalawang taon na ang nakararaan nang ipagdiwang natin ang sentenaryo ng tatlong paring martir. Ika-17 ng Pebrero 1972 noon, pitong buwan lang bago ideklara ni Pangulong Ferdinand Marcos ang Batas Militar.


Tumagal pa ng 14 na taon ang kapangyarihan ng nasirang diktador.


Salamat sa mapayapang pag-aaklas ng taumbayan, natapos ang pamumuno ng diktador noong Pebrero 25, 1986. Salamat sa EDSA Uno, ang nakilalang EDSA Revolution sa buong mundo, bumalik ang demokrasya sa bayang Pilipinas.


At isang mahapding pangyayari na pawang masamang panaginip, ang pagbabalik ng pinalayas na pamilya ng diktador at ang muling paghawak sa poder ng kapangyarihan ng anak ng nasirang diktador.


Mayroong itinuturo sa kasaysayan na kilala bilang “pendulo ng kasaysayan.” Tulad ng pendulo na dumuduyang pataas at pababa, umuusad man ang kasaysayan ngunit bumabalik din sa pinanggalingan.


Pagkaraan ng animnapung taon mula nang ideklara ng tatay ang Batas Militar nakabalik naman ang anak nito na hindi maikakaila ang pagkakatulad sa pananaw at pangarap ng kanyang ama. Ano ang nangyari sa loob ng 60 taon sa ilalim ng iba’t ibang administrasyon? Paano nakabalik ang pamilyang itinakwil dahil sa mga idinulot na paghihirap na matagal na pinagtiisan ng karamihan ng mamamayan?


Sa ngayon ang tatlong nanganganib na mawala at unti-unti nang sinisira at pinahihina ay ang katotohanan, katarungan at kasarinlan.


Sa maraming bansa, mayroong mga pangyayari o pambansang karanasan na patuloy na pinagsisikapang ituro at ipaalala ng pamahalaan sa mga mamamayan. Sa ating bansa, ito ang tungkulin ng National Historical Commission of the Philippines o NHCP. Sa pamamagitan ng regular na pag-alaala sa mga mahahalagang pangyayari sa ating bansa dahil napapanatiling buhay ang alaala at diwa ng ating lahi.


Labis na nanganganib ang katotohanan at pinahihina ito ng pagkalat ng “fake news” at ng mga hinahanapbuhay ang paglikha at pagpapalaganap ng bago at baluktot na bersyon ng katotohanan na pabor sa isa o ilang grupo o indibidwal.


Noong panahon ng nakaraang administrasyon, ginamit ang mga trolls sa paglaganap ng pananaw na “droga” ang pangunahing problema na upang lutasin at wakasan ito, kailangan ang ‘di pangkaraniwan at marahas na paraan para lipulin ito. Ang kasalukuyang administrasyon naman ay patuloy na pinapalaganap na ang pinakamagandang panahon sa ating kasaysayan ay ang mga taong nanungkulan ang anak ng dating presidente.


Kung mayroong “pendulo ng kasaysayan” mayroon din namang “spiral ng kasaysayan.” Sa halip na paulit-ulit, pabalik-balik ng mga pangyayari sa kasaysayan, maaari ring tingnan ang kasaysayan bilang isang “spiral” o ang pag-ikot ng iba’t ibang pangyayari na may mga konteksto sa isang puntong gitna (center point). Mula sa positibong pananaw, hindi nasasayang ang mga nagaganap maski na tila palubog sa bangin ng kabiguan.


Mayroon at mayroong mabuting mangyayari mula sa patuloy na pagsisikap ng marami na magtulungan at sama-samang maghanap ng solusyon sa mga mabibigat na problema, at sa tila paglaganap ng krisis sa ating bansa.


Salamat sa pelikulang GomBurZa noong nakaraang Disyembre 2024, muling nabuhayan ang samahang isinilang noong taong 1977, apatnapu’t pitong taon na ang nakararaan. At ito ang dahilan ng pagsasagawa noong Sabado ng umaga ng isang pagkilos ng iba’t ibang grupo na sumusuporta at kaisa ng GomBurZa, Maka-Diyos, Maka-tao, Maka-Bayan.


Ganap na alas-8:45 ng umaga, nagkaroon ng Lakad-Panalangin mula Plaza Roma, sa harap ng Manila Cathedral hanggang “GOMBURZA Execution Site sa Luneta. Alas-9:30 ng umaga, pagdating sa GOMBURZA Execution Site, nagkaroon ng pagsasadula ng pagbitay sa tatlong pari at ng isang liturhiya ng paggunita, pasasalamat at pagtatalaga (pananagutan) sa diwa ng Gomburza at sa buhay na diwa ng EDSA.


Limampu’t dalawang taon mula sa pagdeklara ng Batas Militar ng dating diktador hanggang ngayon, hindi namatay at hindi nakalimutan, bagkus buhay na buhay ang diwa ng GomBurZa. Tatlumpu’t walong taon makaraan ang EDSA I o People Power Revolution, buhay na buhay pa rin ang EDSA.


Totoong kapwa buhay ang diwa ng GomBurZa at EDSA.

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Pebrero 12, 2024


Sa darating na Miyerkules, Pebrero 14 ay Valentine’s Day. Bukod dito ay Miyerkules ng Abo o Ash Wednesday. 


Puwede bang magsabay ang Araw ng mga Puso at Miyerkules ng Abo? Ano ba ang Miyerkules ng Abo? Ano ang tunay na kahulugan nito?


Nagtatapos sa abo ang anumang nasunog o sinunog. Abo ang natitira, ang labi ng mainit, maliwanag, maningas na sinusunog ng apoy. 


Habang nasusunog ang abo, masiklab at matindi ang init na nagmumula rito. Umaabot ito sa sukdulang init at liwanag habang patuloy na nasusunog, at unti-unting nababawasan ang init at siklab habang nauubos o natutupok ang anumang literal na kinakain o inuubos ng apoy. 


Ganito rin ang karaniwang buhay ng tao. Aabot ito sa rurok ng kanyang lakas, paglikha at paggawa ng mabuti o masama na makakaapekto sa maraming tao. Ito ang panahon o sandali ng pagsunog ng anuman sa apoy.


Magtatapos naman ang lahat sa abo o sa kawalan. Ang anumang buhay ay may katapusan. Hindi biglaang matatapos ang buhay ngunit dumarating ang punto ng marahang pagbagal, panghihina at pamamaalam sa maganda’t makabuluhang buhay na ito.


Sa harap ng Diyos, walang buhay na malaki o sadyang maipagmamalaki. Sa Diyos, nagmumula ang lahat at ito ay bunga ng Kanyang pagpapala at pananatili. Nasa Kanya rin ang simula, pagpapatuloy at katapusan ng lahat. 


Dahil ganito ang buhay, may maikli at marupok, kailangan natin ng kababaang-loob, ng tunay at wagas na pananalig sa Diyos para hindi tayo lamunin ng ilusyon ng buhay na walang katapusan at walang kamatayan.


Upang matutunan natin ang kababaang-loob, ang Ash Wednesday, ang simula ng mahabang panahon ng pagsasakripisyo, panalangin at pagkakawanggawa. 


Harinawa, sa dulo ng apatnapung araw ng paghahanda para sa kapistahan ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon o Easter ay natutunan nating magpakumbaba upang ipagkaloob sa atin ang biyaya ng pagbabago at pagbabalik-loob sa Diyos.


Apat ang misa sa simbahang aking pinaglilingkuran. Maraming dadalo sa misa dahil marami rin ang nais tumanggap ng abo sa noo. May pakiusap pa na magkaroon ng misa sa mga ospital, paaralan at maski na mall. 


Ang kakaiba sa araw na ito, Pebrero 14, ay ang mga magde-date dahil din sa Valentine’s Day. Habang dumadagsa ang mga tao sa mga simbahan ay ganu’n din ang pagsisikip ng mga kainan, hotel at pasyalan na pupunuin ng mga magdiriwang ng Araw ng mga Puso.


Napakahalagang bahagi ng buhay ang makaramdam at magkaroon ng pag-ibig. Ito ang buod ng pagdiriwang ng Valentine’s Day. Bagama’t ang pangunahing uri ng pag-ibig na itatanghal ng araw na iyon ay ang tinatawag na “romantic love,” maaari rin nating tingnan ang iba’t ibang uri ng pag-ibig tulad ng pag-ibig ng magkaibigan, pag-ibig ng magulang sa anak at ng anak sa magulang, pag-ibig sa Inang Bayan, pag-ibig sa katotohanan o karunungan, pag-ibig sa kalikasan, at higit sa lahat pag-ibig sa Diyos. 


Mahalaga ang pag-ibig ng magkasintahan at ng mag-asawa o magka-partner kaya siniselebra natin ang Araw ng mga Puso. At nagkataong nagkasabay ang pagdiriwang na ito, sa pagdiriwang ng pagmamahal ng Diyos, na siyang pinakamataas na uri ng pag-ibig.


Kung papasok tayo ng seryoso at tunay sa diwa at espiritu ng Kuwaresma hanggang Mahal na Araw, kailangan nating dalisayin ang lahat ng uri ng pag-ibig upang maging buo at ganap ang ating pagkatao.


Dapat din nating palaguin ang lahat ng uri ng pag-ibig sa ating buhay. Subalit, kung titingnan natin ang nangyayari sa ating bansa, kitang-kita at damang-dama ang humihinang pag-ibig para sa Inang Bayan. Gayundin, ang paghina ng pagmamahal sa kalikasan at kay Inang Kalikasan. 


Nangyayari rin ang panghihina ng pag-ibig sa katotohanan, pamamahayag at pagtatanggol dito.


Hindi aksidente ang pagsasabay ng Miyerkules ng Abo at Araw ng mga Puso.


Napapanahong hamon ito para palakasin natin ang ating pag-ibig na humihina at tila nawawala na. Oras nang buhayin, palakasin at muling pag-alabin ang mga pag-ibig na ito, lalung-lalo na ang pag-ibig sa kalikasan, katotohanan at katarungan, at sa Inang Bayan.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page