top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Marso 4, 2024


Bakit ba paulit-ulit ang Charter change Cha-cha?


Wala pa yatang administrasyon na nakaligtas sa multong ito. Ano ba talaga ang suliranin ng Konstitusyon ng 1987? Mayroon ba talagang malaking problema, malaking kahinaan, malaking kakulangan?


Madalas din nating marinig ang panukalang ipagkaloob na ang karapatan ng 100% na pag-aari ng mga banyaga ng mga malalaking kalakal sa ating bansa. Malinaw na pangkabuhayan ang layon ng ganitong usapin. Ngunit, ano nga ba ang tunay at malalim na dahilan kung bakit laging inilalabas ng mga pulitiko ang usaping Cha-cha?


Makikita natin ang sagot sa kasaysayan ng Charter change sa ating bansa.


Noong 1997, matatapos na ang termino ni Pangulong Fidel Ramos, nagtawag ito ng PIRMa sa pamumuno ng mag-asawang Chit at Bert Pedrosa. Malinaw ang pakay nito, na payagang tumakbo ng isa pang termino si FVR. Ngunit, sinalag ito ng oposisyon at nagkaroon ng malaking rally sa Quirino Grandstand sa pangunguna ni Jaime Cardinal Sin.


Noong 1998, sa panahon ni Presidente Erap Estrada, pinalitan nito ang Cha-cha ng Constitutional Correction for Development. Para kay Erap kailangang magkaroon ng “Nationalist Provisions” o ng mga batas na nagtatanggol sa interes ng bansa. Hindi banyaga o ibang bansa ang pwedeng magkaroon ng majority o mas malaking pag-aari ng industriya, kumpanya, lupa o kapital. Hindi natuloy ang Constitutional Correction for Development ni Erap dahil sa tuluy-tuloy na batikos na inabot nito hinggil sa umano’y korupsiyon, hanggang sa tuluyang pagbaba nito sa ikatlong taon pa lamang ng kanyang anim na taong termino.


Noong 2000, sa termino ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, dahil sa mga kontrobersyang dulot ng “Hello Garci Scandal” lumubog sa krisis ang administrasyon ni GMA. Nangakong susuportahan siya ng mga ka-alyado sa Kongreso kung papayagan niyang baguhin ang pamahalaan tungo sa pagiging isang Parliamento. Taong 2009, sinubukang bumuo ng Constituent Assembly, (na hindi kasama ang Senado na nakararami ang oposisyon) ang mga alyado ni GMA ngunit sinalubong ito ng malawakang protesta at hindi natuloy.


Noong 2010, sa panahon ni Pangulong Noynoy Aquino, tumahimik ang mga multo at maligno ng Cha-cha.


Noong 2016, sa termino ni Presidente Rodrigo Duterte, bagama’t tumakbo ito sa ilalim ng plataporma ng Federalismo, hindi nito naitulak ang Cha-cha tungo rito. Sa halip, matinding isinulong nito ang laban sa droga at sa komunismo, na nauwi sa malawakang isyu ng extra- judicial killing (EJK) na sinasabi na mismong mga alagad ng batas ang gumawa.


Noong 2022 hanggang ngayon, sa termino ni Pangulong Bongbong Marcos, pirma ang isinusulong ng mga pulitiko at hindi ng taumbayan, na siyang diwa ng anumang tinataguriang “People’s Initiative.”


Bakit ba pabalik-balik ang multo na nagbabantang maging maligno, o masamang espiritu ng Cha-cha? Bakit hindi matahimik ang usapin ng pagbabago ng Saligang Batas?

Kung titingnan natin ang tago o lihim na motibo ng mga nagdaang presidente na nagtangkang itulak ang kani-kanilang bersyon ng Cha-cha, hindi mahirap malaman kung ano nga ito.


Nais ni FVR na magkaroon ng isa pang pagkakataong tumakbo. Bagama’t, iginigiit ni Erap ang “Nationalist Provisions” ng Cha-cha upang protektahan ang ating patrimony, hindi rin malayong kausap niya ang kanyang mga kaalyado sa Kamara at Senado na naghahangad ding maduktungan pa ang kani-kanilang termino. Kung nakuha ni GMA ang tatlong taon ni Erap at nanalo pa ito, kasabay ng pagkalat ng ‘Hello Garci’, sa sumunod na eleksyon na nagbigay sa kanya ng anim pang taon, bakit hindi makagawa ng paraan na pahabain pa ang mahaba na. Tangin si PNoy, ang tila walang interes na magpahaba ng termino. Malinaw din na wala siyang mga anak o kamag-anak na gugustong ipagpatuloy ang kanyang sinimulan.


Dumako tayo kay ex- P-Duterte, kasing linaw ng tubig ng malinis at matamis na batis ng bundok, ang pangarap ni Duterte para sa kanyang sarili. Dapat maging presidente ang kanyang anak na si Sara Duterte- Carpio pero talaga namang napakahusay magmaniobra umano ng kasalukuyang presidente kung paano niya napapayag si Digong na mag-bise-presidente na lang si Sara at hayaan nang maging pangulo si P-BBM.


At kung papanoorin natin ang bangayan ng dalawang naghaharing pamilya ng mga Marcos at Duterte, malinaw kung ano ang nangyayari. Kapwa nilang gustong manatili sa kapangyarihan. Kung ito ang nais ng dalawa, kailangang may mauna na sa pagbubuo ng lakas at partido para palawakin pa ang lakas sa buong bansa. Subalit, mas kailangan ang totoong lingkod-bayan na tapat magserbisyo sa mga mamamayan.

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Marso 3, 2024


Dumaan na ang Pebrero. Ilang mahahalagang pangyayari ang ginunita tulad ng mapayapang People Power Revolution.


Ginunita rin natin ang kaganapan sa buhay ni dating Senadora Leila De Lima.


Sa kalagitnaan ng buwang dumaan, nagtagpo naman ang Araw ng mga Puso at Ash Wednesday noong Pebrero 14. Dalawang mahalagang hamon ang ibinigay sa atin ng nagdaang buwan, ang kahalagahan ng paggunita at ang pananagutan ng pagbabago.


Tuwing Ash Wednesday, inaalala natin ang mga salitang sinabi ng Diyos kina Adan at Eva nang paalisin Niya ang dalawa sa Paraiso, “Alalahanin ninyong nanggaling kayo sa alabok at sa alabok kayo babalik”.


Mabilis at maikli ang buhay at hindi natin namamalayan ang mabilis na takbo nito. Dahil mabilis at hindi naghihintay sa mga ayaw kumilos, kailangang gawin na natin ang dapat gawin ngayon na walang pagpapaliban o pag-aatubili.


Mabilis ding naganap ang People Power Revolution noong Pebrero 25, 1986. Nagtataka ang marami kung bakit nangyari lahat ng nangyari sa nakaraang 38 taon. Mahalagang magkaroon ng tunay na pagsusuri at pagninilay sa mga bagay na hindi ginawa o maling ginawa kung kaya tila bumalik tayo sa ating pinanggalingan.


Ano naman ang maitutulong ng buwan ng Marso sa ating pagninilay at pagsisikap na lumago at umunlad bilang mga indibidwal at bilang umaasa’t nangangarap na bansa?


Kung matinding paghamon na gunitain natin ang mga kaganapan ng EDSA Uno upang pagsikapan natin ang sama-samang pagbabago, ito naman ang hamon ng Marso.


Una, ang pahalagahan ang regalo at biyaya ng kababaihan. Pangalawa, ang tingnan, pag-aralan at isabuhay ang turo ng kahinahunan ng pagkatao ni San Jose. Pangatlo, ang balikan ang buhay ni Ramon Magsaysay na namatay noong Marso 17, 1957.


Ang tema ng International Women’s Day o IWD sa taong ito ay #inspire inclusion.


Bakit marami pa ring mga bansa sa daigdig na hindi kasali ang mga babae sa mahahalagang gawain at tungkulin ng lipunan? Mababa ang tingin sa mga babae at tila itinuturing na walang alam, walang kakayahan, walang tapang at hindi nararapat isama sa pormal na pagpapalakad ng mga mahahalagang institusyon ng bayan.


Maganda-ganda na ang tayo ng maraming kababaihan sa ating lipunan. Ngunit, marami pa ring pagkakataong pinagtutulungan ng mga lalaking makapangyarihan ang mga babae na sa tingin nila’y hindi karapat-dapat pakinggan at bigyang pagpapahalaga. Bunga na rin ito ng tinatawag na “macho culture”. Isang napakahalagang halimbawa ay ang ginawa ng mga “machong” pulitiko ng ating bansa kay Leila de Lima.


Naroroon ako sa Kongreso noon nang pagtulungan ng dalawang kongresista ang dating

senadora. Tiniyak nilang ipilit pag-usapan ang mga usapin na walang kinalaman sa kaso para durugin ang reputasyon ni Leila. Matagal nang natapos ang paglilitis laban kay Leila.


Namatay na ang isa sa dalawang kongresista at bumaba na sa puwesto ang dating pangulo. Pero tuloy pa rin ang buhay para sa dating senadora.


Sa ika-19 ng Marso, ipagdiriwang natin ang pista ni San Jose, asawa ni Maria, ama ni Hesus.


Napakalayo ng imahe ni San Jose sa maraming lalaki sa lipunan at sa mundo. Ganu’n na lang kahalaga na tingnan natin ang halimbawa ni San Jose. Nang natagpuan niyang nagdadalang-tao na si Maria, binalak niyang hiwalayan ito nang tahimik. Hindi niya ipapahiya o sasaktan.


Siyempre, hindi ito natuloy dahil ipinaliwanag ng anghel na ang ipinagbubuntis ni Maria ay gawain ng Espiritu Santo.


Kaylayo ng ugali ng maraming lalaki sa kahinahunan at pagiging maginoo ni San Jose. Bakit hindi buhayin ng mga kalalakihan ang ganitong katangian gaya ng debosyon ni San Jose?


Sa ika-17 ng Marso, ating aalalahanin ang pagpanaw ni Pangulong Ramon Magsaysay, ang tinaguriang “Presidente ng karaniwang Pilipino.” Walang yabang, walang arte kung makitungo ang naturang pangulo.


Malaking panghihinayang ang pagkamatay ni Presidente Magsaysay. Sa maikling panahon, naranasan ng marami ang magkaroon ng malinis at masipag na pangulo. Hindi na masyado ring pinag-uusapan ang buhay ni Pangulong Magsaysay sa panahon na napakalayo sa mga mamamayan lalo na sa maliliit at mahihirap na maraming nagdaang presidente.


Ito ang Marso, buwan ng kababaihan, buwan ni San Jose, buwan ni Magsaysay. Nawa’y pagsikapan nating igalang at kilalanin ang ating mga kababayang babae. Nawa’y maging mahinahon, magalang at disente ang lahat ng kalalakihan at tumulad kay San Jose. At nawa’y pagsikapan ng mga namumuno, lalaki man o babae ang maging tunay na lider na kumikilala at naglilingkod sa lahat, lalo na sa maliliit at mahihirap.

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Pebrero 25, 2024


Pitong taon na nitong Sabado mula nang arestuhin si dating Senadora Leila De Lima sa Senado. Hindi malilimutan ng butihing senadora ang araw ng Pebrero 24, 2017. Naroroon na tayo bago pa mag-alas-4 ng umaga. Ito ang pakiusap ng senadora sa akin, kung maaari ko siyang samahan sa Kampo Crame sa kanyang unang araw ng pagiging person deprived of liberty o PDL. Mula noon hanggang ngayon, nagpatuloy ang pagsuporta at pagsubaybay natin sa senadora sampu ng ibang taong simbahan dahil malinaw na higit sa pagiging pulitikal ng isyu ng pag-aresto at pagkulong kay Leila, napakalinaw na isa rin itong malalim na usaping moral.


Sa loob ng mahigit na anim na taon at siyam na buwan ng pagkakakulong, naka-ilang dalaw na din kay Leila sina Obispo Soc Villegas at Obispo Ambo David. Ngunit, halos linggo-linggo kumpleto ang tatlong paring kaibigan at “spiritual advisers” sa pag-alay ng misa at panalangin para kay Leila. Salamat, Padre Albert Alejo Sj at Padre Flavie Villanueva SVD sa linggo- linggong pakikiisa sa mga misang naialay sa parokya ni Leila.


Sa loob ng halos pitong taon, pitong mahahalagang bahagi ng buhay ng senadora ang sinakripisyo niya.


Una, ang pag-alaga sa kanyang mahal na ina. Pangalawa, ang pag-uwi sa kanyang mga mahal na anak, kapatid at kamag-anak. Pangatlo, ang kanyang propesyon bilang abogado.


Pang-apat, ang kanyang malayang pagtupad ng tungkulin bilang nahalal na senadora.


Pang-lima, ang regular na pag-uwi sa kanyang mahal na bayan ng Iriga, lalo na tuwing Mahal na Araw at Pasko. Pang- anim, ang malayang pagtupad ng kanyang paninindigang ipagtanggol at itaguyod ang katarungan at ang dangal at karapatan ng bawat Pilipino.


Pampito, ang kanyang kalayaan bilang tao, mamamayan, mananampalataya, abogado lider ng oposisyon.


Hindi lang mahahalagang bahagi ng buhay sa loob ng pito taon ang nawala kay Leila, kundi mga mahahalagang sangkap ng kanyang dangal at kalayaan.


Sa kabila nito, kapansin-pansin ang walang sawang pagtupad at pagsasabuhay niya ng pitong paninindigan at pangako.


Una, ang pamamahayag ng katotohanan. Madalas sabihin ni Leila, na walang katotohanan ang mga paratang sa kanya at alam at tiyak niya na palalayain siya ng katotohanan.


Pangalawa, sa araw-araw na pagpatak ng dilim ay nag-iisa siya at natutunan niya ang magdasal lagi at makinig sa Diyos. Sinasabi ni Leila, na ang kanyang pananampalataya sa Diyos ang naging tunay niyang lakas. Pangatlo, ang pagtupad ng kanyang mandato bilang nahalal na senadora. Sa kabila ng rehas na bakal at mga guwardiya, tuluy-tuloy ang kanyang paglikha ng mga panukalang batas at mga naaangkop na katugunan sa mga maiinit na talakayan sa Senado.


Pang-apat, walang hupa o sawa at buong tapang ang kanyang pagbatikos, pagtugis sa taong dahilan ng libu-libong biktima ng extra-judicial killings (EJK). Panglima, sa kabila ng malinaw na panggigipit at panganib, hindi niya pinabayaang masira at manghina ang kanyang kamalayan, kalooban, diwa, pag-iisip at espiritu na lahat ay bahagi ng malusog na konsensya. Bagkus, lalo pa niya itong pinatalas,

pinalakas at inihanda sa mahaba pang pakikibaka laban sa katiwalian. Pang-anim, nanatiling buo, masaya, positibo at laging bukas sa paglago ang kanyang pagkatao.


Madalas kong marinig ito kay Leila: “Hindi nila ako madudurog. They cannot destroy or crush me. I will survive.” Pampito, naaalala ko pa ang kuwento ni Leila noong siya ay na-hostage. Pagkaraan ng mahigit isang oras na nakaumang sa kanyang dibdib ang matalas na bakal na hawak ng kanyang “hostage taker” naabot na ni Leila ang punto ng pagsuko ng lahat sa Diyos. Naabot niya ang tunay

na kahandaang ialay ang kanyang buhay.


Naalala ko ang sinabi ng matapang na mamamahayag na Russo na lumaban kay Russian Pres. Vladimir Putin na namatay kamakailan. Ayon kay Alexei Navalny, ‘hindi niya nais isuko ang kanyang bansa o ang kanyang paniniwala. Hindi niya kayang pagtaksilan ang una, ni ang pangalawa’.


Ngayon ang ika-tatlumpu’t walong taong anibersaryo ng EDSA Uno na bunga ng pagkamatay ni Ninoy Aquino na nagsabing, “The Filipino is worth dying for.” Para sa yumaong senador karapat-dapat ialay ang kanyang buhay para sa mga mahal na kababayan.


Bagama’t buhay at malaya na si Leila ngayon, hindi nalalayo ang kanyang buhay kina Ninoy o Navalny. Hindi madaling gawin ito lalo na kung totoo ang panganib o banta sa iyong buhay. Subalit, malinaw kung saan nanggaling ang lakas at tapang ng desisyon at kahandaang ialay ang buhay para sa nagdurusang bayan at mga kababayan.


Totoong mahal nina Ninoy at Navalny ang kanilang bayan, ganu’n din si Leila.


Hindi lang sila ang inagawan ng kalayaan at ng normal na buhay. Dahil sa pagbawi sa mga karapatan at kalayaan, lalo namang luminaw, lumakas ang pananagutan, paninindigan at pangakong ibigay ang lahat-lahat sa mga kababayan at mahal na Inang Bayan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page