top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Marso 17, 2024


Natapos ang prangkisa na ibinigay ng Kongreso sa ABS-CBN noong Mayo 4, 2020.


Bagama’t normal na natatapos ang anumang prangkisa, kakaiba ang kaso ng pag-expire ng prangkisa ng ABS-CBN. Hindi lang kapabayaan ang dahilan kung bakit hindi na naipagpatuloy ang kanilang franchise.


Nagalit diumano si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa hindi patas na pagpapalabas ng mga “political campaign materials” ng ABS-CBN, at sunud-sunod na ang mga pangyayari. 


Noong Pebrero 2020, naghain ng Quo Warranto laban sa ABS-CBN ang dating Solicitor General na si Jose Calida. Bagaman sinasabi ni Calida na walang kinalaman si ex-P-Duterte sa kanyang ginawa, malinaw kung sino si Calida at ang relasyon niya sa pangulo noon at sa mga kakampi nito. 


Malinaw na pulitika ang dahilan ng pagpapasara sa ABS CBN. Tiniyak din ito ni ex-P-Duterte na nangakong ipapasara niya ang naturang istasyon. Nanganib din ang iba pang mga “media outlets” tulad ng Rappler at Philippine Daily Inquirer na napagbantaan umano ng dating pangulo. At ganoon ang naging takbo ng buhay sa ating bansa sa panahong iyon, na tila kung ano ang gusto ng pangulo ay siyang masusunod.


Fast forward tayo, ngayon, parang “déjà vu” o muling nauulit ang nangyari sa nakaraang administrasyon. Sunud-sunod na ang mga problema ng isang istasyon na pag-aari ni Pastor Apollo Quiboloy na kaibigan ni ex-P-Duterte. 


Dahil sa sari-saring kaso at akusasyong lumalabas laban kay Quiboloy, ilang linggo nang pinatatawag ito sa Senado upang magpaliwanag. Subalit, sa halip na humarap sa Senado, nagpalabas pa si Quiboloy ng istorya na nanganganib ang buhay niya dahil “ibig daw siyang ipapatay” ng diumanong mga makapangyarihang puwersa. 


Sa kabila nito, mariin ang panawagan ni Sen. Risa Hontiveros na humarap sa Senado ang naturang may-ari ng Swara Sug Media Corporation na mas kilala bilang Sonshine Media Network International o SMNI.


Pinirmahan noong nakaraang Miyerkules, Marso 13, 2024, nina Senate President Migz Zubiri at Sen. Risa Hontiveros ang “show cause order” na nag-uutos na humarap sa Senado si Pastor Quiboloy. 


Sinalungat naman ito ng apat na senador, gaya nina Sens. Cynthia Villar, Mark Villar, Robinhood Padilla, Imee Marcos at Bong Go. Dahil hindi umabot sa walo ang kontra sa “contempt order” laban kay Quiboloy, matutuloy na ang pag-aresto sa kanya kung hindi siya magpapakita sa Senado sa loob ng apatnapu’t walong oras o dalawang araw mula sa paglalagda ng “contempt order.”


Isang linggong nag-rally ang mga supporter ni Pastor Quiboloy. Natapos ang rally noong nakaraang Martes, Marso 13, sa Liwasang Bonifacio. Humigit-kumulang 2,000 supporters ng pastor ang dumalo. 


Dinaluhan din ito n ex-P-Duterte na nagpahayag pang, “Huwag kayong pupunta sa Malacañang, kung nasaan ang mga iba’t ibang ‘national treasures’. Maraming nasira rito noong nilusob ang Malacañang sa katapusan ng administrasyon noong mga panahong iyon”. Malinaw na pasaring ito sa ama ng kasalukuyang Pangulo na nasa Malacañang.


Sa kabila ng mga rally at pahayag ng mga kakampi ni Quiboloy tulad ng limang senador, ni VP Sara Duterte-Carpio, ang mismong ama nitong si ex-P-Duterte, at iba pa, aprub na sa Kamara makalipas ang “second reading” ang panukalang ipawalang-bisa ang SMNI franchise. Ang House Bill 9710 na papalitan ang Republic Act 11422 o ang prangkisang ipinagkaloob ng Kamara sa SMNI sa nagdaang dalawangpu’t limang taon.


Mangyayari ba sa SMNI ang nangyari noon sa ABS-CBN? Maaasahan ba natin ang katotohanan at patas na batas para sa mga magaganap? Mayroon pa bang higit sa batas at katotohanan na siyang nagtutulak sa mga pangyayari sa ating bansa? 


Nang ibigay ng ilang senador ang kanilang mga dahilan sa pagsuporta kay Quiboloy, hindi batas o katotohanan ang kanilang binanggit. Sabi umano ni Sen. Padilla, “May utang na loob ako kay Quiboloy dahil sa kanyang pagsuporta sa aking posisyon laban sa mga komunista”. Ayon naman umano kay Sen. Cynthia Villar, “Mabait si Quiboloy sa aming pamilya. Kaibigan ko siya at hindi mo ipakukulong ang iyong kaibigan”. Pahayag din umano ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, “He cannot do anything disgusting as he is a most respectable person”.


Dapat nga bang isinara ang ABS-CBN noong panahon ni ex-P-Duterte? At dapat din bang isara ang SMNI ngayong panahon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.?


Ano nga ba ang dapat mangyari? Ano ba ang pakinabang ng anumang batas na ipinapasa ng Senado o Kamara? At sino ba talaga ang makikinabang sa batas na ipapasa ng dalawang kapulungan ng Kongreso?


Alam na natin ang sagot. ‘Ika nga ng isang istasyon ng radyo, “Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?” 


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Marso 11, 2024


Nagsimula nang pag-usapan sa Kongreso ang Charter change (Cha-cha).


At habang nag-uusap ang mga mambabatas na nais palitan at baguhin ang Konstitusyon, marami namang nagmamalasakit na mamamayan na nag-uusap-usap na rin. 


Malaki ang pagkakaiba ng mga kongresistang nagsusulong ng Cha-cha at ang mga karaniwang mamamayan na tumututol sa Cha-cha. Malinaw na hindi isa ang pinag-uusapan at may pagkakaiba. Hindi sa anong uri ng Cha-cha, ConCon ba o Con Ass o idaan muna natin sa PIRMA o People’s Initiative.


Nakatutuwa at nakatataba ng puso ang kinalabasan ng mga pagkilos sa mga nagdaang panahon. Mula Pebrero 22, nang magmartsa mula Delpan hanggang Comelec sa Intramuros, ang iba’t ibang grupo ng maralitang taga-lungsod, mga iba’t ibang simbahan, Protestante at Katoliko, mga iba’t ibang kilusan at samahang laban sa Cha-cha, muling nakitang nagsama-sama ang mga grupong matagal nang hindi nagkakasama. Kung tila nawalan ng gana ang marami dahil sa kahina-hinalang resulta ng eleksyon, unti-unti nang nagbabago ito ngayon. Dahan-dahang bumabalik ang pagtatanong, pagsusuri, pagpapalitan at pagpapasyang kumilos ng sama-sama laban sa Cha-cha.


Nadaluhan ko kamakailan ang isang pulong tungkol sa Cha-cha. Nagbahagi sa amin ng tungkol sa Cha-cha ang isang mataas na opisyal ng pamahalaan. Ayon sa opisyal, ang mga sumusunod na kalagayan ang ating dapat unawain hinggil sa Cha-cha. Una, suspendido na raw ang People’s Initiative. Pangalawa, maski na suspendido ang Cha-cha, dapat alamin kung tuloy pa ang pangangalap ng mga pirma sa lahat ng lugar gaya ng barangay, parokya, eskwelahan at kung saan-saan pa. Pangatlo, dahil alam nating nasa kustodiya ng Comelec ang mga ‘pirma’, paano natin mababawi ito.


Ayon pa sa opisyal, maaaring madrible sa Senado ang usaping Cha-cha. Pito na sa mga senador ang anti o tutol dito. At nang mabasa pa ng isang senador ang iba’t ibang dahilang tutol sa Cha-cha bigla na rin itong bumaligtad. At siyempre, sino namang senador ang gugustong mawala ang Senado. Dapat ding maunawaan ng mga nasa Kamara na kapag hindi ipinasa ng karamihan ng mga senador ang Cha-cha, ito ay “dead in the water” o wala nang kapaga-pagasa.


Ayon sa isang letter to the editor na nabasa natin noong nakaraang araw, ang kaisipang kailangan ang Cha-cha para magbago sa ating bansa ay isang kaisapang walang paggalang o pagkilala sa tinatawag na “historical contingency” o takbo ng kasaysayan. 


Ayon sa nagsulat nito, ipinipilit sa atin ang isang “utopia” o lugar na hindi pa nakikita’t nararanasan. U-topia o “no place” o “walang lugar.” Ipinipilit sa atin ng mga mambabatas sa Kamara na maniwala sa “magic ng Cha-cha”. 


Para sa akin, hindi batas ang problema, kundi ang mga mambabatas.


Isa lang ang malinaw, tila umaayon sa sariling interes at mga agenda ang Cha-cha, na hindi tungkol sa kapakanan ng nakararami kundi tungkol sa kapakanan ng iilan o kakaunti.


Idinagdag pa ng opisyal na ang 3 elemento ng “economic provisions” o mga elementong pangkabuhayan lang ang dapat baguhin.


Pero tila mayroong iba pang pakay na hindi binabanggit na mabilisang isasabay sa usapan at paspasang ipatupad ito.


Positibo at puno ng pag-asa ang kapaligiran ng pagpupulong ng iba’t ibang sektor na pinamumunuan ng simbahan. Nagkasundo ang mga grupo na mag-usap-usap at magpapalawak ng hanay at dadagdagan ang mga positibong pagkilos laban sa Cha-cha.


Naganap ang pagpupulong na ito noong nakaraang Biyernes, Marso 8. Nakatutuwa ring makita na karamihan ng dumalo sa pulong na iyon, maliban sa mga taong simbahan, ay mga kababaihan at ilang kinatawan ng kabataan. Nakatutuwa ring pakinggan ang mga mulat at pasulong na kababaihan dahil matatalino at matatapang ang kanilang mga panukala. 


Salamat at may mga kababaihang tutol sa Cha-cha. Gayundin, iba’t ibang sektor, grupo at indibidwal na piniling makiisa sa mga bagong pagkilos.


Tandaan natin ito, nag-uusap sila, nag-uusap din tayo. Kumikilos sila, kumikilos din tayo. Pro-Cha-cha sila, kontra Cha-cha tayo!


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Marso 10, 2024


Naalala pa ng marami ang magandang panukala ng yumaong dating DILG chief na si Jessie Robredo. 

 

Naririyan ang simbahan na maraming ginagawa para sa karaniwan at mahihirap na mamamayan. Bakit hindi makipagtulungan ang pamahalaan sa simbahan. At ibinunga nito ang UBAS: Ugnayan ng Barangay at Simbahan.

 

Matagal-tagal nang patay si Jessie Robredo ngunit, nakagugulat at hindi pa nalilimutan ang UBAS at sa ilang lugar mayroong mga barangay at simbahang bumuo ng UBAS. 

 

Nang manalo si Atty. Jun Ferrer bilang barangay captain ng Barangay Bahay Toro, Project 8, Quezon City, hindi na ako naghintay ng mahabang panahon upang batiin at iabot ang kamay ng pakikipagtulungan sa bagong ama ng kilalang barangay sa pagitan ng Mindanao Avenue at EDSA, karatig ng Barangay Sto. Niño at kabila lang ng Muñoz Market sa kahabaan ng dating Roosevelt Avenue na ngayon ay Fernando Poe Jr. Avenue na.

 

Medyo malaki at malawak ang Barangay Bahay Toro. Kung hindi ako nagkakamali, saklaw nito ang tatlong parokya na maaaring maging katuwang sa paglilingkod sa mga mamamayan ng Barangay Bahay Toro.

 

Bilang bunga ng kauna-unahang pag-uusap namin ni Kap. Jun Ferrer, nabuo ang ilang plano.

 

Una ay ang kasunduang laging mag-usap at magtulungan. Pangalawa, ang isagawa ang buwanang pagmimisa, tuwing unang Lunes sa ganap na alas-6:30 ng umaga. Marami pa kaming ibang napag-usapan, ngunit wala pang anumang kongkretong plano. Ang mahalaga ay ang damang-damang diwa ng bukas at masiglang pakikipagtulungan ng barangay at simbahan sa aming barangay.

 

Ika-4 ng Marso, 2024, unang Lunes ng buwan, alas-6 pa lang ng umaga. Naroroon na ang ilang volunteer ng aming parokya sa covered court ng Barangay Bahay Toro. Puno ang covered court. 

 

Sa aking tingin, humigit-kumulang apatnaraang katao ang nasa loob ng covered court.

 

Nagsimula sa oras ang misa. Masaya at masigla ang namayaning diwa at positibo ang timpla ng hangin.

 

Dahil dito, magaan at bukas ang pagsamba at pagbubuong pamayanang naganap sa pagitan ng dalawang magkaiba ngunit malalim na magkaugnay na sektor: ang simbahan at barangay.

 

Sa aking omeliya, sinikap kong hanapin at simulan ang naturang “common ground”.


Madalas pagsabungin ang simbahan at pamahalaan ng mga ilang elemento sa pamahalaan. Nangyayari ito kapag nagsasalita na ang mga taong simbahan tungkol sa mga nangyayari sa lipunan at pamahalaan. Gamit nila ang katagang “Separation of Church and State” na hindi na natin pag-uukulan ng pansin dito dahil mayroong higit pa sa artipisyal na kontrobersyang ipinaiiral ng mga naaantig at naaapektuhan ng positibong pakikilahok ng simbahan sa pagpapaganda at pagtutuwid ng anumang mali at baluktot sa lipunan. 

 

At napakahalagang isulong ng bawat isa ang “tayuang patas at pantay” ng mga magkakababayan mula sa dalawang magkaiba ngunit, malalim na magkaugnay na sektor. Dapat isa at hindi mapaghihiwalay ang pagmamahal sa Diyos at bayan.

 

Sa aking omeliya, binigyan kong pansin ang unang pagbasa tungkol sa ketonging Naaman, na taga-Syria at hindi Hudyo. Kung bakit napayuhan ito ng katulong ng kanyang maybahay na tumungo sa kabilang ibayo upang humingi ng tulong sa propetang maaaring gamitin ng Diyos upang pagalingin siya. Natagpuan nito si Eliseo na pinayuhan itong maglublob ng pitong beses sa ilog Jordan. 

 

Umalis na galit ang ketonging opisyal. Nagtataka siya kung bakit hindi siya pinagaling kaagad ng propeta at sa halip pinapunta pa sa ilog Jordan para maglublob ng pitong beses. Ngunit, kinausap si Naaman ng kanyang mga tauhan at sinabihan ito, “kung mahirap ang sinasabi ng propeta, ‘di ba’t gagawin ninyo ito para lang gumaling kayo?” Kaya’t tumuloy sa ilog Jordan ang ketongin. Naglublob ng pitong ulit at nawala ang kanyang ketong na napalitan ng balat na kutis bata.”

 

Napakahalaga ng pananampalataya sa lahat ng ating ginagawa. Kung walang pananampalataya, madaling matukso na maghanap at lumikha ng mga diyos-diyosan. 

 

Ito ang aking ihahandog na tulong sa ating barangay, na panatilihing laging bukas, gising at tumutugon ang pananampalataya ng lahat sa Diyos na buhay, na Siya rin ang Diyos ng buhay.

 

Ibinahagi ko ang karanasan ng paghahanap at pagtataguyod ng katotohanan at katarungan sa nakaraang limampu’t apat na taon, mula 1970 hanggang kasalukuyang panahon. Kung bakit kay daling maghanap at gumawa ng diyos-diyosan ng salapi at kapangyarihan ang maraming naka-puwesto. Malinaw kung bakit dahil mababaw o walang pananampalataya sa Diyos na buhay at Diyos ng buhay.

 

Naging masaya at puno ng pag-asa ang dalawang panig ng simbahan at barangay. Alam ko, kung mananatiling bukas at handang magtulungan ang dalawang sektor, ito na ang simula ng simbarangayan! 

 

 
 
RECOMMENDED
bottom of page