top of page
Search
  • BULGAR
  • Mar 25, 2024

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Marso 25, 2024


Nag-alay ang grupong Solidarity for Truth and Justice na kasama ang ilang kaparian ng Clergy for the Moral Choice ng kauna-unahang misa sa harapan ng Commission on Elections noong Marso 31, 2023. Tuwing huling Biyernes ng bawat buwan nag-aalay ang mga grupong ito ng misa sa harapan ng Comelec para patuloy na magtanong at magprotesta sa kahina-hinala’t kaduda-dudang resulta ng eleksyon noong Mayo 9, 2022.


Tuwing huling Biyernes ng bawat buwan ay naroroon ang mga kasapi ng unti-unting nabubuo at lumalaganap na koalisyon laban sa katiwalian sa eleksyon o “election fraud.” Napakaraming nadismaya sa naging takbo ng bilangan noong pambansang halalan 2022 ngunit, kakaunti ang nagtangkang magtanong at magprotesta. 


Salamat sa grupong Truth and Transparency Trio (TNTrio) na binubuo nina Gus Lagmank, Gen. Ely Rio at Franklin Ysaac, na naghain ng pinakaunang protesta hinggil sa sinasabing katiwalian sa bilangan ng pambansang halalan ng 2022. Ipinakita ng TNTrio ang tila anomalya ng nakaraang eleksyon sa pamamagitan ng pagbunyag ng kanilang pagsusuri sa naging pamamaraan at ‘di normal na bilis ng resulta ng bilangan.


Salamat sa TNTrio, lalo na kay General Eliseo Rio na walang sawang nagsasaliksik at sumusuri ng mga datos sa nakaraang eleksyon na hawak mismo ng Comelec. 


Habang walang tigil ang pananaliksik ng TNTrio, ganu’n din ang walang tigil na pagsuporta sa kanila ng samahang Solidarity for Truth and Justice at Clergy for the Moral Choice (STJ at CMC). 


Buwan-buwan, walang palyang naroroon ang mga kinatawan ng iba’t ibang grupo na naniniwala sa resulta ng imbestigasyon ng TNTrio na may anomalya sa nakaraang halalan. 


Sa gitna ng napakaraming isyu na pawang tinabunan na ang usapin ng kahina-hinalang pagbilang ng Smartmatic ng mga boto, sabay-sabay ang mabibigat na isyu na nag-uunahang agawin ang pansin ng mga mamamayan. 


Naririyan ang lumalalang banta ng Cha-cha. At ‘di patatalo ang banta ng seryosong kiskisan ng mga puwersang kontra sa pananakop ng China sa West Philippine Sea. Kasabay din dito ang tila alitan at hayagang tunggalian ng dating UniTeam ng Presidente at ng Bise Presidente. 


At siyempre hindi pahuhuli ang posibilidad ng pag-isyu ng “warrant of arrest” ng International Criminal Court para sa dating pangulo. 


Hindi rin puwedeng kalimutan ang pagtatago ni Apollo Quiboloy sa kabila ng ilang ulit na pag-subpoena sa kanya ng Senado. Kung plano ni Quiboloy na magtago o pumuslit ng bansa tulad ni Teves, kailangang magdalawang-isip na siya dahil sa pagkakadampot ng Interpol kay Teves noong nakaraang araw.


Marami pang maiinit na isyung lumilitaw at maaaring isipin ng ilan na hindi na ganoong mahalagang usapin ang ‘dayaan’ noong nakaraang pambansang halalan ng Mayo 2022. 


Ito ang dahilan kung bakit hindi namin nilulubayan ang Comelec. At kung hindi natin lulutasin ang malalim at matibay na salot ng dayaan, lahat na ng mga susunod na halalan ay mawawalan ng integridad at maglalaho na ang anumang katas ng katotohanan at dangal na magbibigay ng napakahalagang integridad sa pagsunod ng Comelec sa kanilang mandato.


Sa katapusan ng misa sa Comelec noong nakaraang Biyernes, sinubukan kong sumulat ng munting “jingle” tungkol sa bagong kumpanya ng IT na nanalo sa opisyal na “bidding”, ang Miru ng South Korea, na isinagawa ng Comelec. Ang naturang jingle ay may himig ng ‘Leron-Leron Sinta’: “Miru Mirung Sinta, Mirung tinatago, Nagtatanong kami, Sumagot naman kayo. Pagpasok ng Mayo, Wala na bang Magic, ‘Wag kang magkamali, Ayan na si Miru.”


Salamat sa biyayang kaloob ng Diyos sa lahat. Nasa 13 buwan na naming ipinapahayag ang aming mariin na pagtutol sa dayaan sa pambansang halalan noong 2022. Marso hanggang Marso (Marso 2023 hanggang Marso 2024), walang tigil na pagmartsa at pagkontra sa mga anomalya sa halalan at tinawag din naming ‘Martsa sa buwan ng Marso’. 



 
 
  • BULGAR
  • Mar 24, 2024

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Marso 24, 2024


Lumaki ako sa tubig. Tuwing tag-ulan, naliligo kami ng aking mga kapatid sa ulan. Mabuti na lang at ang nakuhang lote ng aming ama ay hindi lang bahay kundi may malawak na lugar para paglaruan ng mga bata. Doon sa palibot ng aming bahay, tuwing umuulan ay naghahabulan kaming magkakapatid habang nilalasap ang malamig at malinis na tubig ulan.


Ipinanganak din ako ng Pebrero at ang aking zodiac sign ay Pisces o isda. Marahil, ito rin ang dahilan kung bakit giliw na giliw ako sa tubig.


Hindi kalayuan sa aming bahay ang mga palaisdaan sa Letre, ang halos dalawang kilometrong kalye mula Sangandaan hanggang simbahan ng San Bartolome. Tuwing umaga, dumarating bandang ika-6 ng umaga ang aming sundong dyip para ihatid kaming magkakapatid at ilang mga kapitbahay na kaeskwela namin sa St. James Academy. Hindi nakababagot ang aming arawang biyahe patungong paaralan dahil habang binabagtas ng aming sundo ang Letre, tanaw namin sa kaliwa at kanan ang malalawak na palaisdaan. Napakagandang tanawin na lalo pang pinaganda ng mga tagak na lumilipad patawid ng mga palaisdaan.


Ito ang bayan ng Malabon na karatig ang bayan ng Navotas at ‘di kalayuan ang bayan ng Ubando, Bulacan na kilala rin sa mga palaisdaan at talabahan, lalo na sa isla ng Binuangan. Kaysaya at kayganda ng aming bayang napapaligiran ng tubig.


Nagbago ang lahat ng ito noong 1976 nang ilunsad ni Gng. Imelda Marcos ang Dagat-Dagatan project. Hindi namin namalayan na napag-usapan na pala at nabili na rin ang mga lupa ng mga palaisdaan sa magkabilang panig ng Letre para gawing “relocation site” ng mahigit na 13,000 katao na kailangang ilipat mula Tondo dahil sa mga naturang “development projects” ng pamahalaan.


Mabilis ang pagbabago. Tinambakan ang mga palaisdaan at nawala ang maganda at maaliwalas na tanawin ng tubig, tagak at mga mangingisda. Agad na napalitan ito ng mga siksikang kabahayan at lahat ng problemang kasabay at kasunod nito.


Hindi masama ang programang pabahay, ngunit napakahalagang pag-aralan din kung paano maiiwasang isakripisyo ang mga mahahalagang imbakan, daluyan at tahanan ng tubig. Nagising na lang isang araw ang mga taga-Malabon na wala na ang mga palaisdaan, wala na ang tubig at napalitan ang lahat ng ito ng ibang-ibang kapaligiran.


Nagrereklamo na ang mga kababayan na paunti nang paunti ang ating tubig. Madalas nang mawalan ng tubig. Ngunit, kasalanan ba ng taumbayan ang kawalan ng supply ng tubig?


Binabaha na ngayon ang Malabon dahil wala nang mga palaisdaang puntahan ng tubig baha.


Sino ang mananagot at hindi inayos ang daanan ng labis na tubig kapag tag-ulan?


May isyu ngayon ng itinayong resort sa paanan ng Chocolate Hills sa Sagbayan, Bohol.


Iniimbestigahan kung mayroong permit na gamitin ang “underground water” para suplayan ang mga swimming pool at iba pang pangangailangang tubig ng malaking resort na natukoy.


Salamat sa vlogger na nagkalat na video at nagbunyag ang mga pinaggagawa ng naturang resort na hindi nakakatulong sa kalikasan, at pumalag ang Senado sa pamamagitan ng opisina ng Senate Environment Committee. Dahil dito, inilathala ang Senate Resolution 976 na nag-uutos na siyasatin ang ilang mga protected areas na nasisira ng naturang commercial activities tulad ng pagkasira ng isang bahagi ng Chocolate Hills.


Mahalaga ang itinutulak ng Senate Resolution 976, kaya lang hindi sapat na tingnan ang mga protected areas, kundi tingnan din ang ibang lugar tulad ng mga palayan, maisan, tubuhan at ang iba’t ibang lupang sakahan na nanganganib na rin dahil sa mga nagkalat na mga ‘subdivision’, industrial parks, theme parks na pag-aari ng mga malalaking korporasyon o mga makapangyarihang pamilya na kadalasan ay malapit o miyembro ng pamilyang pulitikal na nakapuwesto sa iba’t ibang bayan, siyudad at lalawigan.


Dahil sa komersyo, sa iba’t ibang big business ay nanganganib ang mga buhay at malusog pang bahagi ng ating natural na kapaligiran na pinagmumulan ng pagkain at higit sa lahat ng tubig.


Seryoso ang problema ng pagtutunggalian ng big business, at ng marupok at mahina nang kapaligiran.


Lalong seryoso ito dahil marami sa mga mambabatas na sa totoo lang, hindi naman nasa panig ng kapaligiran o kalikasan kundi sa big business. Eh, ano kung maubos ang mga lupang sakahan?


Eh, ano kung maubos ang tubig sa mga bundok, batis at ilalim ng lupa. Hindi ba’t ang pinakamahalaga ay buhay at matatag ang aming korporasyon? ‘Yan ang kadalasan nilang katwiran.

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Marso 18, 2024


Mag-aapat na buwan matapos isagawa ang “Christmas Supply Mission” patungong Ayungin Shoal sa West Philippine Sea. 


Mula noon, hindi nabawasan bagkus mas nadagdagan at lalong inigtingan ang panggigipit o pangbu-bully ng mga barko ng China sa mga bangkang maliliit ng mga mangingisdang Pilipino at ang mga malaki-laking barko ng Philippine Coast Guard.


Sa gitna ng tuluy-tuloy na panggigipit, pangbu-bully at tahasang pananakop sa ating karagatan ng mga barkong Tsino, nagpasyang muling magkita-kita ang mga volunteer ng “Atin To Christmas Supply Mission”. 


Makaraan ang apat na buwan, bumuo ng exhibit at film showing ang mga convenors ng naturang mission at idinaos ito sa isang venue sa Intramuros. 


Dumalo ang karamihan ng mga volunteer ng ‘Atin To Christmas Supply Mission’ at marami ay mga kabataan. Naroroon din ang ilang mga may edad na sa pangunguna ni Ed de la Torre na tinawag ang sariling “triple X” dahil siya raw ay X-priest, X-political detainee at X-aktibista ng dekada 70. Subalit sa kabila ng kanyang edad, dahil 80-anyos na si Ed, hindi pa rin nawawala ang kanyang pagmamahal sa pagsulong ng pagbabago at pagtutol sa anumang mali at nakakasama para sa taumbayan at kay Inang Bayan.


Ang naging ambag natin sa programa ay ang sumusunod na panalangin para sa lakas at tapang sa gitna ng krisis at panganib na hinaharap ng ating bansa:


“Panginoon, mahaba na ang kasaysayan ng pananakop sa aming bansa. Mula sa mga Kastila hanggang sa mga Amerikano at ilang taon sa ilalim ng Japan, at ngayon sa mabalasik na pagtugis sa aming maliliit na mangingisda, maging sa mga barko ng Philippine Coast Guard. Mahabang panahon na mapayapang pinakinabangan namin ang aming mga karagatan upang pakainin at bigyang kabuhayan ang napakaraming mamamayan. Ngunit, nabawasan at nanganganib na ang kapayapaan mula nang iginiit ng mga Tsino na sa kanila ang West Philippine Sea, batay sa ipinipilit nilang 9 Dash Line na korteng U na dumaraan at sumasakop sa teritoryo ng Taiwan, Pilipinas, Malaysia, Cambodia, Laos at Vietnam.


Matagal nang lumilikha ng bagyo at nagpapalaganap ng malalaking alon ang sari-saring barko ng China at maging ang kanilang mga barkong pandigma (Navy), sa mga maliliit na barkong pangingisda hanggang sa mga barko ng Coast Guard. Malungkot at nakakagalit ang sinadyang kapabayaan at pagsukong kahinaan ng nakaraang administrasyon sa harap ng hayagang pangbu-bully o panggigipit sa dagat ng China. Ito ang dahilan kung bakit napakarami ng mga sari-saring istrukturang kongkreto na naitayo ng China sa iba’t ibang isla sa West Philippine Sea. Hindi kahinaan, kundi hayagang kataksilan ng ilan ang dahilan ng paghina ng aming hawak sa aming karagatan.


“Natutulog kayo nang binagyo ang barkong sinasakyan ninyo at ng inyong mga disipulo.


Natakot sila at pilit kayong ginising upang iligtas sila sa posibleng kapahamakan na maaari nilang sapitin. Gumising Kayo at pinatahimik ang bagyo at pinakalma ang mga alon. (cf Mateo 8:23-28) Sa ngayon, napakaraming natutulog sa gitna ng bagyo at malalaking alon mula sa China na unti-unting lumalamon sa aming soberanya. Samantalang payapa Kayong natutulog dahil sa tiwala Ninyo sa kapangyarihan at karunungan ng Inyong Ama. Ang marami sa amin ay natutulog dahil sa ikinalat na pananaw at ugaling wala na kaming magagawa at dapat na huwag na kaming magsalita, kumilos at ipagtanggol ang aming soberanya sa harap ng masiba at mabangis na dambuhalang bagyo at alon.


“Dumarami na ang nangangamba at nababahala sa maselang kalagayan ng aming karagatan at ng aming soberanya. Ngunit, kailangan pang magising ang higit na nakararami upang sama-sama naming isigaw at panindigang, ‘Atin ito, amin ‘to’ dahil ipinagkaloob Ninyo sa amin ang yaman at ganda ng aming karagatan at ng aming soberanya. 


At dahil tinanggap namin ang kayamanang hitik sa kasaysayan, sining at buhay, pukawin Ninyo ang aming pananagutan at tungkuling pagyamanin, ingatan at ipagtanggol ito.


Amen!” 


Kailangan ang panalangin, pagkilos at imahinasyon para sa kinabukasan ng bansa.


Ambag ko ang panalangin. Sama-sama kaming kumilos at kikilos pa sa mga darating na panahon. Binigyang-diin din ni Ed de la Torre ang pangarap at panaginip o imahinasyon. Nagsama-sama tayo noon hanggang ngayon dahil sa ating pagmamahal sa ating bansa na tinawag ng isang author (Andersen) na “Imagined Community.” Buhay na buhay ang imahinasyon nating lahat. 


Pinapangarap nating bumuo ng isang bagay na mas malaki sa ating lahat. Sa kabila ng kahinaan, kakulangan at kaliitan ng bawat isa, iniisip natin ang kapakanan ng ating Inang Bayan. Dahil dito, nagaganap ang imposible. Nagkakaisa ang lahat para sa isang malinaw at napakahalagang pangarap, panaginip -- ang soberanya, ang kalayaan ng ating bansa sa sinumang mananakop.


Kay ganda, kay sayang tingnan ang lahat ng naroroon lalo na ang mga kabataang nagbibigay lakas at galak sa aming nag-ambag na at handa pa ring mag-ambag hanggang sa aming huling hininga, kaya sabay-sabay at sama-sama nating isigaw, “West Philippine Sea, atin ‘to!” 

 
 
RECOMMENDED
bottom of page