top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo |Abril 13, 2024



Sa gitna ng napakaraming problemang kailangang bunuin ng bawat mamamayan ngayon, naroroon ang hindi mawala-walang kuwento ng ating mga overseas Filipino workers (OFWs). 


Sa lahat ng parokyang aking napaglingkuran, napakaraming mga pamilya na binubuhay ng OFW na nanay, tatay, ate o kuya. Matagal na ang istorya ng mga OFWs. Sa aking karanasan, marami nang umalis ng ating bansa makaraan ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig o World War II. Mangilan-ngilang mga manggagawa, magsasaka, guro at sari-saring propesyonal ang naghanap ng trabaho sa iba’t ibang bansa sa Asia, Oceania (Australia, New Zealand); Europa; Canada; America, maging sa Hong Kong, Taiwan at China.


Nagsimula ang tuwirang pakikipag-ugnayan natin sa mga OFW noon pang 1983 nang ipinadala tayo ni Cardinal Jaime Sin na mag-aral bilang “student priest” sa Roma, Italya. Doon natin nakilala ang napakaraming mga kababayang galing sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan mula Mindanao hanggang Visayas at sa pinakadulong bahagi ng Hilagang Luzon. Halos lahat ng nakilala ko sa Roma ay mga nagtatrabaho bilang mga domestic helper o kasambahay sa mga tahanan ng mga Italyanong nakatira sa Roma. 


Sa loob ng apat na taon, natanggap ko hindi lang ang diploma ng pagtatapos sa kursong pinag-aralan kundi ang kayamanan na makilala ang sakripisyo at ang kakaibang misyon ng ating mga OFW.


Maraming kuwento tungkol sa mga lumaking mga batang Italyano na natutong magdasal, manginopo, magmano ng kamay ng matatanda, magsimba at maging Kristiyano, salamat kay yaya, isang Pinay na kasambahay, tagalinis, taga-luto, taga-laba.


Makalipas ang dalawampu’t apat na taon, noong 2007 nagsimula naman ang ating pangalawang karanasan sa pakikisalamuha at pakikiisa sa ating mga OFW sa Hong Kong. At doon natin higit na nakita at naunawaan ang napakaraming hamon at problema ng buhay-OFW sa Hong Kong. Mula kabuhayan hanggang pamilya, mga kumplikadong relasyong bunga ng pag-iibang bansa at kalusugan. Tulad ng mga OFW na nakilala natin sa Roma, tuwing araw ng Linggo, hindi nawawala sa maraming OFW ang magsimba at para sa marami ang pagsali sa iba’t ibang samahang pangsimbahan na pinagkukunan nila ng suportang emosyonal at espirituwal. At sa gitna ng aking pagdiriwang ng banal na Misa tuwing araw ng Linggo para sa ilang mga OFW, nagsimula na rin ang partikular na paglilingkod sa mga OFW na nagkasakit ng kanser. 


Noon namin nabuo ang Buhay Ka, ang samahan na nagbibigay suporta sa mga OFW na may kanser. Malinaw na karamihan sa miyembro ay may kanser, ngunit marami rin ang mga miyembro na walang sakit.


Lumipas ang panahon. Marami sa mga may sakit na kanser ang pumanaw na pero marami rin namang gumaling at buhay pa hanggang ngayon. 


Noong nakaraang Lunes, dinala natin ang siyam na staff ng parokya sa tabing dagat sa bandang Norte. Sinamahan at inalalayan kami ng isang kaibigang OFW sa Hong Kong. Tulad ng marami, naging “for good” na siya. Hiwalay na rin siya sa asawa at malaki na ang kanyang kaisa-isang anak na OFW na rin sa isang maunlad na bansa. Nakapagpatayo na siya ng isang paupahan na sumusuporta na sa kanyang pangangailangan sa araw-araw. Malungkot na masaya ang buhay ng aking kaibigang OFW. 


Nang tanungin ko siya kung ano ang sikreto ng kanyang tagumpay, itinaas niya ang kanyang kanang kuyom na kamay, “Tapang padre. Kailangang matapang ka sa pagharap sa buhay. Kung hindi kawawa ka at patuloy kang kakawawain.” Nasabi niya ito sa gitna ng kanyang mapagkalinga at madasaling pagkatao. Para sa pansariling mga suliranin at pasanin, kailangan niyang maging matapang at humugot ng lakas sa Diyos at sa mga tunay na kaibigan. Nakita ko ito sa kanyang buhay at sa buhay ng napakaraming OFW.


Oo, sila’y matulungin ngunit, matapang at sanay ikuyom ang kamao para lumaban.


Naalala ko ang simbolo ng isang miyembro ng Truth and Transparency Trio na sina Gus Lagman, Frank Ysaac at Gen. Eliseo Rio. Kuyom na kamao na may hawak na rosaryo.


Lumalaban pero taimtim na nagdarasal din.


Naisulat ko ang artikulong ito dahil sa napansin kong balita tungkol sa tuluy-tuloy pa ring paglabas (Exodo) ng mga OFW. Sa kabila ng ating pagiging maka-pamilya, patuloy pa rin ang pag-alis ng mga OFW. Titiisin ang kalungkutan at patatatagin ang kalooban sa paghahangad na makatulong sa mga mahal sa buhay.


Hindi inuulat ang bilang ng mga OFW na hindi nagtagumpay at ang ilan ay nasawi pa. Bakit? Dahil hindi talaga sinasaliksik at pinag-aaralan ang bilang ng mga OFW na hindi pinalad at namatay pa sa gitna ng kanilang paghahanapbuhay para sa mga mahal sa buhay. Bakit? Baka mabawasan ang mga magiging OFW na ituturing na “bayani” dahil sa kanilang “remittance” (dolyar na pinadadala sa ating bansa).


Ngunit, nakikipagsapalaran pa rin ang mga karaniwang Pinoy para lang isalba ang kanilang pamilya. At dadalhin pa rin nila ang ating kagandahang loob, pananalig at katapangan sa lahat ng sulok ng daigdig. Sa kanilang simple at matapang na pagtataya, ihahatid pa rin ang mabuting balita ng kapayapaan at pagmamahal sa Diyos, at kapwa sa lahat ng bansang kanilang mararating at mapaglingkuran.


Sayang na sayang lang nga at kailangang-kailangan ng ating sariling bansa ang mga mapayapang mandirigma tulad ng milyun-milyong OFW na nagkalat sa lahat ng bansa. Kailangang-kailangan din kayo, tayong lahat dito ngayon para ipagtanggol at ipaglaban ang ating bansang nanganganib sa loob at sa labas.


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Abril 8, 2024



Nagbitiw ng mga mabibigat na salita ang dating Pangulo ng Estados Unidos na si Donald Trump. 


Ito ang sinabi niya tungkol sa mga migranteng ilegal: “Immigrants illegally in the United States are “animals” and “not humans.” 


Sa Davao City naman, nagpahayag si Mayor Sebastian “Baste” Duterte noong nakaraang Marso na nagbalik na uli ang programang “war on drugs” na sinimulan ng kanyang amang dating mayor ng Davao at dating pangulo na si ex-Pres. Rodrigo Duterte. 


Apat na araw pagkatapos ng pahayag ni Mayor Baste hinggil sa pagbabalik ng war on drugs, natagpuan ang mga bangkay ng pitong pinaghihinalaang sangkot sa droga. Paliwanag ni Mayor Baste na kinakailangang kumilos na siya, kasama ng mga pulis upang sugpuin ang salot ng droga. 


Mali ang akala ng marami na dahil nakaupo na ang kasalukuyang administrasyon, tapos na at hindi na babalik ang war on drugs, ang pangunahing program ng nagdaang administrasyon. At basang-basa kung bakit ganito ang statement ng mayor ng Davao na anak ng dating pangulo. Hindi na niya kailangang sabihin na hindi niya sinusuportahan ang mga programa ng kasalukuyang administrasyon, sapat nang sabihin na muling nabuhay at mananatili sa Davao ang sinimulang programa ng kanyang ama.


Ilang araw pagkatapos ipahayag ng alkalde ng Davao na itutuloy niya ang programang sinimulan ng kanyang ama, naririyan na naman ang isa pang usapin ng extra judicial killings na lumaganap hindi lang sa Davao kundi sa buong bansa. Kung tunay ngang hindi na ito ang programa ng kasalukuyang administrasyon, hinihintay ng marami ang pahayag mula Malacañang na tumututol sa ganitong uri ng pagpugsa sa problema ng droga.


Simple lang ang paliwanag ng mga makapangyarihang lider kung bakit nila inuusig at pinalalabas na masama at salot ang mga miyembro ng partikular na sektor. Maaalala natin ang simpleng eksplanasyon ni Hitler tungkol sa dahilan ng kahirapan ng Alemanya noong panahon niya. Ang mga Hudyo ang dahilan kung bakit naghihirap ang Alemanya. Sila ang marunong magpalago ng salapi sa mga bangko, samantalang naghihirap ang mga karaniwang Aleman. Ang mga Hudyo ayon kay Hitler, ang salot ng lipunang Aleman. Dapat lang mawala ang mga ito sa lalong madaling panahon bago tuluyang manghina hanggang mawasak ang lipunang Aleman.Hindi ba’t ganito magpaliwanag ang dating pangulo ng Estados Unidos na si Donald Trump. Ayon kay Trump, dahil sa mga ilegal na migranteng manggagawa, lalo na ang mga Mexican, unti-unting naghihirap ang lipunang Amerikano.


At paulit-ulit naman nating naririnig mula sa bibig ng dating presidente kung paano napakalaking epekto sa buong lipunang Pilipino ang tuluy-tuloy na paglaganap ng mga gumagawa, nagbebenta at gumagamit ng droga.


Kung mayrong problema, mayroong solusyon. At hindi basta solusyon dahil dapat lumaban ang lahat at ipagtanggol nila ang sarili at ang iba. 


Lipulin ang mga nagtatanim, gumagamit at nagbebenta ng anumang droga. Dapat mawala na ang salot ng droga hindi lang sa ilang bahagi ng kapuluan kundi sa buong bansa. Hindi sapat na pag-isipan at lutasin sa mahinahon at maingat na pinag-isipang paraan ang problema. Dapat mabilis maski na marahas ang solusyon. Hindi na mahalaga ang dangal at karapatan ng itinuturing na pinagmumulan ng problema. “Hindi mga tao, mga animal ang problema!” 


Kung animal na sakit at kapahamakan ang idinudulot sa lipunan, dapat lipulin ang mga ito tulad ng ginagawa ng buong bayan ng Florida sa mga “Burmese Pythons” (sawang galing sa Burma) na naging peste na. Nagbigay na ng pahintulot na patayin ang lahat ng makita’t mahuling “Burmese Pythons” dahil naging peste o salot ang mga ito.


Nakakatakot ang ganitong pananaw na basta na lang sasabihin na animal, hindi tao. Parang mga “ipis” ang mga iyan kaya’t hindi kailangang magdalawang-isip at mag-ingat na baka maabuso ang anumang dangal at karapatan. 


Mapanganib din ang ganitong pag-iisip dahil sa hayagang pagbabalewala sa dangal at karapatan ng mga miyembro ng sektor na itinuturing na problema. Sa maraming bansa nga, kasama na ang ating bansa, kinikilala na rin ang karapatan ng mga hayop (animal rights). Wala tayong karapatang saktan at abusuhin ang sinuman at anuman (hindi tao, hayop, bahagi ng kalikasan) tulad ng tubig, lupa, kabundukan, mga puno at halaman, hangin, isda, at iba pa.


Ito ang problema ng konsepto ng “giyera” tulad ng “giyera laban sa droga” o “war on drugs.” Kung may giyera, merong “collateral damage” o ang hindi sinasadyang nasira o napatay na gamit o buhay na natamaan ng bala, bomba, nabagsakan, nasunog, nasira dahil normal ito sa isang giyera. Normal at hindi sinasadya ang “collateral damage.”


Mali naman ang pag-iisip na ganito, dahil mayroong iba’t ibang batas, patakaran na tinatawag na “convention” na maski na giyera ay dapat pa ring sundin. Ang “Gineva Convention” na sumasaklaw sa mga batas o patakaran na dapat sundin ng lahat ng panig sa anumang giyera. Ito ang “Humanitarian Law of Armed Conflicts” na kinikilala at iniingatan ang karapatan at kapakanan ng lahat sa gitna ng giyera.


Marami nang giyera sa mundo. Huwag na nating dagdagan. Huwag nating payagang may lumikha ng giyera at nagpapalaganap nito. Kapayapaan at hindi giyera ang kailangan ng lahat. Panalangin, pag-uusap, nagkakaisang mapayapang pagkilos para sa kapayapaan ang higit na kailangan.


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Abril 7, 2024


Ilang taon na tayong tumatakbo. 


Limamput apat na taon na nang matuklasan ko ang kagandahan at kahalagahan ng takbo para sa buhay, gayundin sa aking napiling bokasyon bilang pari. Ito ang natutunan ko sa seminaryong aking pinasukan noong taong 1970. Salamat sa San Jose Minor Seminary sa Sacred Heart Novitiate (Jesuits) sa Novaliches dahil doon nagsimula ang lahat. 


Bagama’t hindi ako naging isang atletang lumalahok sa mga karaniwang paligsahan mula basketball hanggang football, volleyball hanggang handball, table tennis, badminton at swimming, naging deboto ako ng disiplinadong buhay ng solitaryong mananakbo, swimmer at siklista. 


Hindi pa ako seminarista noong taong 1968 nang nadapuan ako ng Tuberculosis. Isa akong patpating estudyante ng First Year High School nang kinailangan kong uminom at magpaineksyon ng mga gamot kontra TB. Naalala ko pa ang mga iyon, ang Myambutol, Odinah at Streptomycin. Ito ang mga kilalang gamot kontra TB noong mga panahong iyon. Matagal-tagal nang napalitan ang mga naturang gamot ng mga higit na epektibo ngunit mura na ring medisina kontra TB.


Kakaiba ang istorya ng aking pagiging atleta. Kinailangan kong magkasakit at sa dulo ng aking pagpapagaling, narinig ko sa aking doktor ang ganito, “‘Pag galing mo nang husto, pag-aralan mong maging magaling sa TV, swimming at running”. Parang sirang plaka na paulit-ulit ang pagtugtog sa aking ulo ng payo ng aking nasirang doktor na biglang namatay ilang buwan pa lamang pagkatapos na pagalingin  niya ako. 


Ito marahil ang umakit sa aking pumasok sa San Jose Minor Seminary, kung saan merong swimming pool, malawak at mahabang mga daang konkreto na magandang takbuhan at magbisikleta. Hindi ko alam kung paano naging pundasyon ito ng naging panaginip at pangarap ko bilang pari noong 1996 hanggang 1998. At dahil ipagdiriwang natin ang sentenaryo ng rebolusyon laban sa Espana: 1996, 1997 at 1998, naisip kong iugnay ang pinaplanong takbo mula Aparri hanggang Jolo sa tatlong pag-ibig: 1996, pag-ibig sa kapayapaan, takbo mula North Cotabato hanggang Cagayan de Oro; 1997, pag-ibig para sa kalikasan, takbo mula Guian, Eastern Samar hanggang Leyte, Cebu hanggang Bohol, Negros (Bacolod), hanggang Panay (Katiklan, Boracay); 1998, Abril, pag-ibig para sa malinis na halalan at mabuting pamamahala (good governance) Laoag hanggang Comelec; pag-ibig sa kalayaan, Sorsogon hanggang UP, Diliman. Sa loob ng dalawang taon, magta-30 taon na ang Gomburza Trans-Pilipinas KKK Run.


Noong nakarating kami sa wakas sa katapusan sa UP, Diliman ng napakahabang takbo, naisip ko lang noon na ito na ang pinakahuling takbo ko. Mali pala ang aking akala dahil hindi naging maganda ang kalagayan ng ating pamahalaan noong mga panahong iyon. 

Si FVR (Fidel V. Ramos) ang presidente noon at ‘niluto’ niya ang napakadelikadong panukala ng snap election. Dahil dito naubo ang TADYAKAN-CHA o takbong laban sa Charter change. At sa mga sumunod pang panahon, hindi naging maganda ang takbo ng lahat kaya nagtuluy-tuloy pa rin ang adbokasiya ng takbo.


Ilang taon na ang lumipas na hindi ako tumigil at naubusan ng itatakbo. Dumating ang taong 2015. Hindi ko na tiyak ang buwan kung kailan, nilapitan ako ng isang pastor ng Born Again Christians. Nagtanong sa akin si Pastor Ferdie Cabiling tungkol sa karanasan ko ng pagtakbo sa buong Pilipinas. Sinikap kong ipaliwanag sa kanya ang mga pinakamahalagang elemento ng “ultra run”, ang takbong higit pa sa 42.124 ng karaniwang marathon. 


Nasimulan hanggang sa natapos ni Pastor Ferdie ang kanyang takbo at tinawag na siya mula noon na ‘Running Pastor’. Mula noon hanggang ngayon, napagsama ni Pastor Ferdie ang kanyang pagiging pastor ng mga Kristiyano at ang kanyang pagmamahal sa disiplina ng “ultra run.” Naintindihan niya ang isang konseptong hango sa karanasan at ang maaaring tawaging pilosopiya at espiritualidad ng takbo. 


Mula sa takbo ng buhay o ang iba’t ibang maaaring mangyari sa pang-araw-araw na buhay hanggang sa ‘buhay ng takbo’ o ang malalim na kabuluhan ng pawis, luha at dugo ng takbo. Paano kaya makakatulong ang takbo sa paghuhubog ng Kristiyanong ugali at pagkilos? At ito ang buhay ng takbo, ang mas malalim na pag-unawa tungkol sa buhay ng takbo.


Noong nakaraang Martes, Abril 2, 2024, nabasa ko ang usapan ng mga kaibigang Born Again at doon ko nalaman ang nangyari kay Pastor Ferdie. Nagmamaneho siya patungong Nueva Ecija noong ika 2 ng Abril 2024. Habang nagmamaneho si Bishop Ferdie, nagkaroon ito ng “massive heart attack” na kanyang ikinamatay.


Nalungkot ako at nanghinayang. Nagsimulang tumakbo at naging bahagi na ng personal at propesyonal na buhay niya bilang pastor. Nagkani-kanya na kami ng landas hanggang sa nabalitaan ko ang maagang pagpanaw ni Pastor Ferdie sa edad na 58. Sayang at nagdugtong na noong 2015 ang dalawang buhay namin. Naging malawak at puno ng biyaya ang magkasama’t magkaugnay na buhay ng pari at pastor na tumatakbo.


Paalam, Pastor Ferdie. Maraming salamat sa takbo. Maraming salamat sa buhay na pagmamahal at pananalig kay Kristo.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page