- BULGAR
- Sep 23, 2023
ni Anthony E. Servinio @Sports | September 22, 2023

Laro ngayong Biyernes – Hanoi, Vietnam
5 p.m. Bangladesh vs. Pilipinas
Natalisod ang Philippine Women’s Football National Team laban sa Australia, 6-2, sa pagbubukas ng 2024 Under-17 AFC Women’s Asian Cup Qualifier Round Two Miyerkules sa Vietnam Youth Football Training Center sa Hanoi. Nasayang ang dalawang maagang goal ni Nina Mathelus at bumanat ng anim na goal ang Australia upang maagaw ang tagumpay.
Madaling ipinasok ni Mathelus ang iginawad na penalty kick sa ika-siyam minuto. Tatlong minuto pa lang ang lumilipas ay dinoble niya ang lamang sa isa pang goal subalit hanggang doon na lang ang Filipinas sa unang opisyal na laban ni Sinisa Cohadzic bilang head coach.
Sumandal ang Australia sa mga goal nina Grace Kuilamu (30’) at Ruby Cuthbert (42’) upang maitabla ang laro pagsapit ng halftime, 2-2. Pinalamang agad ni Shelby McMahon sa unang minuto ng second half at sinundan ng mga goal nina Lillian Skelly (55’), Talia Younis (76’) at penalty ni Mikayla Duong (88’).
Sisikapin ng mga Filipinas ang buhayin ang kampanya laban sa Bangladesh ngayong Biyernes sa parehong palaruan simula 5:00 ng hapon, oras sa Pilipinas. Galing din sa pagkatalo ang Bangladesh sa host Vietnam, 2-0, at dahil do ay maaaring magsilbing knockout ang laro sa Filipinas.
Nakapasok ng tatlong beses ang Bangladesh sa torneo noong unang edisyon 2006 at huling dalawa noong 2017 at 2019. Hindi pa naglalaro ang Pilipinas sa Under-17 o dati nitong pangalan Under-16 Women’s Asian Cup.
Kasama ang kanyang apat na goal sa Round One noong Abril, katabla ni Mathelus si Rinyaphat Moondong ng Thailand na may anim na goal sa qualifiers. Si Won Ju-Eun ng Timog Korea ang kasalukuyang nangunguna sa paramihan ng goal na may pito.






