top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | September 27, 2023


ree

Laro ngayong Huwebes – Wenzhou Sports Center

7:30 p.m. Pilipinas vs. Myanmar


Tumikim ng masaklap na 1-5 talo ang Philippine Women’s Football National Team sa Timog Korea sa pagpapatuloy ng 19th Asian Games Hangzhou Lunes ng gabi sa Wenzhou Sports Center. Kahit bigo, buhay pa ang pag-asa ng Filipinas na makapasok sa quarterfinals at kailangang talunin ang Myanmar sa kanilang huling laro sa Grupo E ngayong Huwebes sa parehong palaruan simula ng 7:30 p.m.


Nakauna ang Filipinas sa ika-walong minuto pa lang sa malupit na goal ni Sarina Bolden, ang kanyang pangalawa sa torneo at ika-24 suot ang pambansang uniporme. Hanggang doon na lang ang kasiyahan at ipinamalas ng mga Koreana bakit sila ang ika-20 sa FIFA World Ranking kumpara sa ika-44 Pilipinas.


Apat na minuto matapos ang goal ni Bolden ay ipinantay ni Chun Ga-ram ang laban, 1-1, galing sa corner kick. Tuluyang inagaw ang lamang sa goal ni Son Hwa-yeon bago ang halftime, 2-1.


Umangat ang mga Koreana sa perpektong anim na puntos mula sa dalawang panalo at maging unang bansa na sigurado na sa knockout quarterfinals. Sa unang laro, sumandal ang Myanmar sa goal ni Myat Nhoe Kin upang manalo sa Hong Kong, 1-0 at pumantay ang kartada sa 1-1 at itakda ang do-or-die sa Filipinas na 1-1 din.


Dinaig ng Timog Korea ang Myanmar, 3-0, noong Setyembre 22. Bago noon, binuksan ng Filipinas ang aksiyon sa Grupo E sa 3-1 pagdurog sa Hong Kong sa mga goal nina Bolden, Quinley Quezada at Katrina Guillou.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | September 26, 2023


ree

Patuloy na lumiliwanag ang kinabukasan ng Philippine Women’s Football matapos makapasok sa unang pagkakataon ang bansa sa AFC Under-17 Women’s Asian Cup na gaganapin sa Indonesia sa 2024. Nakamit ng Filipinas ang napakahalagang 1-0 tagumpay kontra host Vietnam sa huling araw ng qualifiers noong Linggo sa Vietnam Youth Football Training Center sa Hanoi.


Mula sa kanyang free kick, ipinasok ni forward Isabella Preston ang nag-iisa at nagpapanalong goal sa ika-56 minuto. Mula roon ay iniangat ng pambansang koponan ang kanilang depensa at napigil ang lahat ng banta ng Vietnam na malikha ang panablang goal.


Ito na rin ang unang laro ni forward Nina Mathelus na hindi siya nakatala ng goal. Kahit na-blangko, tinapos pa rin ni Mathelus na may kabuuang 7 goal sa limang laro sa Round 1 at 2 at mapabilang sa tatlong iba pang manlalaro na may pito sa likod ng walo ni Won Ju-eun ng Timog Korea.


Matapos yumuko sa Australia noong unang araw ng Round 2 noong Miyerkules, 2-6, bumawi ang Filipinas at tinalo ang Bangladesh noong Biyernes, 3-1, at itakda ang do-or-die laban sa Vietnam na parehong may isang panalo sa Bangladesh, 2-0 at isang talo sa Australia, 1-2. Nanguna ang Australia sa Grupo B na perpekto sa tatlong laro at sasamahan ang mga Pinay sa Indonesia.


Pasok din mula Grupo A ang Timog Korea at host Thailand para makumpleto ang walong koponan. Nauna nang nagkuwalipika ang mga nag-medalya noong huling edisyon ng torneo noong 2019 na kampeon Japan, Hilagang Korea at Tsina at host Indonesia.


Ang Under-17 Women’s Asian Cup ay nakatakda para sa Abril 7 hanggang 20. Ang tatlong pinakamataas na bansa ang kakatawan sa Asya sa 2024 FIFA Women’s Under-17 World Cup sa Nobyembre sa Dominican Republic.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | September 26, 2023


ree

Laro ngayong Biyernes –Jun Duenas Gym

6:30 p.m. Taguig vs. Kapampangan


Isang tagumpay na lang ang kailangan ng rumaragasang Taguig Generals upang maiuwi ang 2023 National Basketball League (NBL-Pilipinas) President’s Cup. Dinurog ng bumibisitang Generals ang KBA Luid Kapampangan, 108-90, Linggo ng gabi sa Colegio de Sebastian Gym sa San Fernando City para sa 2-0 bentahe sa seryeng best-of-five.


Nagbagsak ng walong puntos sa first quarter si Dan Anthony Natividad na bumura sa maagang 3-0 lamang ng Kapampangan. Tumulong din sina Jonathan Lontoc at kapitan Kevin Oliveria upang maitayo ang 25-21 talaan papasok sa second quarter.


Bumanat ng siyam na sunod-sunod na puntos ang Generals na tinuldukan ng three-points ni Lerry John Mayo upang maabot ang kanilang pinakamalaking lamang, 98-67, at 8:27 ang nalalabi sa laro. Kinulang lang ang huling paghabol ng KBA Luid na pinamunuan ni Cyruz Antiza na gumawa ng 8 puntos matapos walang naambag sa unang tatlong quarter.


Nagtala ng kabuuang 20 puntos si Natividad at bumawi mula sa kanyang 8 puntos lang sa Game 1 noong Setyembre 22 na pinagwagian ng Taguig, 92-74. Limang iba pang kakampi ang nagsumite ng 10 o higit na puntos para sa balanseng atake sa pangunguna nina Lontoc na may 18 at Oliveria na may 14 na kanyang pinakamataas na marka ngayong torneo.


Nanguna sa Kapampangan si Marc Jhasper Manalang na may 25 puntos subalit nawala ang kanyang opensa sa 4th quarter. Gumawa lang ng 15 puntos si Lhancer Khan habang 14 si Miko Rainster Santos.


Nakatakda ang Game 3 ngayong Biyernes sa Jun Duenas Gym. Umaasa ang Generals na ang paglalaro sa sariling tahanan ang tutulong upang masundan ang tropeo sa huling Chairman’s Cup noong nakaraang Enero.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page