ni Sr. Socrates Magnus II - @Karunungang Lihim| June 29, 2020
Bigyang-daan natin ang mahahalagang bagay na dapat isabuhay, may COVID-19 pandemic man o wala.
Kung ano ang natutunan mo sa iyong mga naranasan, ito ang masisilbing gabay mo sa buhay, kaya ang tanong, anu-ano ang mga naranasan mo ngayong may COVID-19 pandemic na puwede mong mapakinabangan?
Ang mga pangako mula sa mga awtoridad ay huwag asahan. Napansin mo ba na ang pangako na may tulong-pinansiyal para sa mga unang buwan ng lockdown ay hindi agad naipamigay?
Buti na lang, ang mga tao ay hindi “kabayo” dahil kung nagkataong kabayo ang mga tao, sabi ng kasabihan, “Aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo?”
Pero wala namang bago para sa mga Pinoy sa ganitong nakaugalian ng mga awtoridad dahil kung ating matatandaan, noong Bagyong Yolanda, gutom na gutom na ang mga tao pero hindi pa rin dumarating ang tulong ng pamahalaan.
Kaya parang hindi naman natuto ang mga bagong nasa pamahalaan dahil paulit-ulit lang ang paghihirap ng mga taong biktima ng kalamidad.
Kung may natutunan sa dalawang katotohanang ito sa kasaysayan ng ating bansa, hindi na gaanong malulungkot dahil ito ay normal lang sa ating mga namumuno. Kaya muli, huwag umasa at huwag maging palaasa.
Mas magandang isabuhay ay ang mag-ipon kahit pakonti-konti. Kumbaga, kahit pa barya-barya lang ay tiyak na dadami ang iyong naiipong pera. Pero ang walang ipon ay sama lang ng loob ang aabutin dahil sa sitwasyon natin ngayon, kailangang magalit muna at magmura ang presidente bago tumupad sa tungkulin ang mga namamahala.
Nakakaawa rin ang presidente dahil gusto niyang sa loob ng tatlong araw ay magagawa na ng mga nasa puwesto ang pagtulong sa mamamayan.
Pero ngayon, alam na ni Pres. Duterte na siya ay bigo sa kanyang matinding hangarin na mabilis na pagtulong sa mamamayan.
Dahil dito, may aral din tayong dapat matutunan na nagsasabing sarili lang natin ang dapat asahan sa lahat ng panahon ng ating buhay.
Magpasalamat tayo sa ayuda ng pamahalaan kahit sobrang naantala ito dahil kahit paano ay nakatulong ito sa atin.
Magpasalamat din tayo sa mga pribadong sektor, samahan at kumpanya na nagbibigay ng mga ayuda.
At ang isa pang mahalaga, kapag tayo ay may ipon dahil ipon tayo nang ipon, kapag dumating ang hindi inaasahang kagipitan, bilang indibidwal, tayo ay dapat ding tumulong sa ating kababayan.
Itutuloy