top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | February 13, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


DAPAT SANA NAKASALANG NA SA IMPEACHMENT TRIAL SI PBBM KUNG NAPAAGANG IBINULGAR NI CONG. TINIO NA PALITAN NG TEXT NG PRESIDENTE AT NI EX-USEC. BERSAMIN TUNGKOL SA KICKBACK – Ibinulgar ni ACT-Teacher partylist Rep. Antonio Tinio ang palitan ng text nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) at dating Usec. Adrian Bersamin ng Presidential Legislative Liaison Office (PLLO), na nagpapakita ng umano’y pagkakasangkot ng presidente sa kickback sa flood control scandal.


Ngunit bakit ngayon lamang ito inilahad, gayung naibasura na ng Kamara ang dalawang impeachment complaints laban kay PBBM? Kung nailahad ito noong panahon ng imbestigasyon ng House Justice Committee, at napatunayan ang palitan ng text, maaaring naitala sa Senado ang Articles of Impeachment at nakasalang na ngayon ang pangulo sa impeachment trial. Tsk!


XXX


EX-SEN. REVILLA, P92.8M LANG ANG KINASANGKUTAN, KULONG NA SIYA, NO BAIL PA, PERO SI VP SARA, P650M ANG KINASANGKUTAN ‘DI PA RIN NAG-UUMPISA ANG IMPEACHMENT PROCEEDINGS SA KANYA – Ang flood control projects scam na kinasangkutan ni dating Senador Bong Revilla ay nagkakahalaga ng P92.8 milyon. Samantala, isa sa mga laman ng impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte ay isang P650 milyon na confidential scam.


Ang punto rito: dapat ituloy na ang impeachment proceedings kay VP Sara upang malaman ng taumbayan kung saan napunta ang P650M confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education noong siya pa ang namumuno sa mga kagawaran. Hindi patas ito kay ex-Sen. Revilla, na P92.8M lamang ang kinasangkutan, at habang dinidinig ang kanyang kaso ay nakakulong na siya nang walang bail. Samantala, ang anomalya kay VP Sara ay mas malaki—P650M—ngunit hanggang ngayon, hindi pa rin dinidinig sa House Justice Committee ang mga impeachment complaints laban sa kanya. Period!


XXX


ZALDY CO, WALA NANG LUSOT KASI IDINEKLARA NA SIYANG PUGANTE NG SANDIGANBAYAN – Idineklara ng Sandiganbayan si dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co bilang “fugitive from justice.”


Dahil dito, hindi na puwede ang palusot ni Co na wala siyang in-scam sa kaban ng bayan, dahil mismong korte ang nagdeklara na siya ay tumakas sa mga kasong plunder, malversation of public funds, bribery, at graft. Period!


XXX


KALOKOHAN ANG SINABI NI ATTY. RONDAIN NA MAY BANTA SA BUHAY NI ZALDY CO KASI SA TOTOO LANG, KAYA NITONG KUMUHA NG ISANG BATALYONG SECURITY GUARDS – Hindi kapani-paniwala ang pahayag ni Atty. Ruy Rondain, abogado ni Zaldy Co, na ang dahilan kung bakit ayaw nitong bumalik sa Pilipinas ay dahil natatakot umano siyang mapatay dahil may mga nagbabanta sa buhay ng dating kongresista.


Hindi rin kapani-paniwala ang palusot na ito, lalo na't sa dami ng pera ng bayan na nakuha ni Zaldy Co, kayang-kaya niyang kumuha ng isang batalyong security guards. Boom!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | February 12, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


TODO-PABIDA SA PAG-ATAKE KAY PBBM ANG MGA POLITICIANS NA ‘DI NAMAN DDS, NAGPAPANSIN KAY VP SARA PARA MASAMA SA SENATORIAL LINE-UP NG TEAM DUTERTE SA 2028 ELECTION – Dahil sa patuloy na pagtaas ng popularidad ni Vice President Sara Duterte, may mga pulitiko na hindi naman tunay na Duterte Diehard Supporters (DDS) ang todo-pabida kay VP Sara sa pamamagitan ng pag-atake sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) na may kaugnayan sa korupsiyon.


Ang tanging dahilan na nakikita natin kung bakit todo-pabida sila kay VP Sara ay ang pag-asa na mapansin sila ng bise presidente. Kapag tumakbo si VP Sara sa pagka-presidente, umaasa silang mapasama sa lineup ng "Team Duterte" bilang mga kandidato sa pagka-senador sa 2028 election. Boom!


XXX


SEN. RISA, SEC. JONVIC REMULLA AT SEN. RAFFY TULFO, WALA RAW PANALO KAY VP SARA – Kung hindi tatakbo si Naga City Mayor at dating Vice President Leni Robredo sa pagka-presidente, wala nang tunay na puwedeng ipantapat kay VP Sara sa 2028 presidential election. Sa totoo lang, maliit ang tsansa ng panalo nina Sen. Risa Hontiveros at Sec. Jonvic Remulla, na kamakailan ay parehong nagpahiwatig na nais lumaban sa pagka-presidente. Si Sen. Raffy Tulfo naman ay patuloy na mababa ang rating sa mga presidential survey.


Dahil dito, sinabi ni dating Senate President Franklin Drilon na walang katapat kay VP Sara sa 2028 presidential election. Period!


XXX


KAPAG NAGKA-CHA-CHA, ANG MAGKAKAMPI NOON NA MARCOS-DUTERTE, MAGBABANGGAAN SA 2028 PRESIDENTIAL ELECTION – Ang tanging maaaring tumalo kay VP Sara sa 2028 presidential election ay si PBBM, ngunit hindi na siya puwedeng tumakbo bilang presidente dahil limitado sa isang termino ang mga nauupong pangulo.

Base sa trust and performance survey ng OCTA Research na inilabas noong Pebrero 2, 2026, nakakuha si VP Sara ng 53%, samantalang si Pangulong Marcos ay 48% lamang. Ibig sabihin, may limang porsyentong lamang ang bise presidente. Kung susuporta sa pangulo ang mga "Dilawan," "Kakampink," at ilang civil society groups, posibleng tatalunin ni Marcos si Duterte sa 2028.


May pagkakataon pa rin para sa isang Marcos vs. Duterte matchup kung magkakaroon ng Charter Change gamit ang bersyon ni dating Pampanga Rep. Aurelio Gonzales. Sa panukalang ito, magiging 5-year term na may re-election ang presidente, bise presidente, kongresista, at lokal na opisyal, samantalang mananatiling 6-year term na may re-election ang mga senador.


Kung maipapatupad ang ChaCha, kapana-panabik ang magiging eksena sa 2028, dahil maaaring magbanggaan ang Marcos-Duterte unity ng 2022 sa halalan. Abangan!


XXX


TRILLION PESO MARCH SA EDSA POWER ANNIVERSARY, DAPAT SUPORTAHAN PARA MA-PRESSURE ANG MARCOS ADMIN AT MADALIIN PAGPAPAKULONG ANG MGA SANGKOT SA FLOOD CONTROL SCANDAL – Sa Pebrero 25, 2026, sa ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power, maglulunsad muli ang civil society groups, kasama ang Caritas Philippines, ng "Trillion Peso March" laban sa korapsyon.


Sana suportahan ito ng taumbayan upang ma-pressure ang administrasyong Marcos at mapabilis ang aksyon sa pagpapakulong sa lahat ng sangkot sa flood control scandal. Period!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | February 11, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


SINUPALPAL NI SEN. BONG GO ANG MGA FAKE NEWS VLOGGERS NA NAGPAKALAT SA SOCMED NA LILIPAT SIYA SA MAJORITY AT PINANINDIGANG MANANATILI SIYA SA DUTERTE BLOC SA SENADO – Dahil si Sen. Bong Go ang frontrunner sa pagka-vice president sa 2028 election, muling pinaniniwalaang target siya ng paninira ng ilang fake news vloggers sa social media. Ikinakalat nila na mula sa minority bloc, lilipat na raw siya sa majority bloc ng Senado.


Upang patunayan na paninira lamang ang isyung ito, sinupalpal ni Sen. Bong Go ang mga vloggers. Habang katabi niya si Sen. Robinhood Padilla, ipinakita nila ang sulat na naglalaman ng: "Duterte bloc kami, kayo na lang ang sumama," na malinaw na nagpapakita na hindi siya tulad ng ibang politiko na madaling magbago ng panig. Period!


XXX


RATING NI SEN. BONG GO PATAAS NANG PATAAS, RATING NI SEN. RISA PABABA, KAYA NI SA GUNI-GUNI AY HINDI NITO KAYANG TALUNIN SA 2028 VICE PRESIDENTIAL ELECTION – Inanunsyo ni Sen. Risa Hontiveros na kung hindi siya mapipili ng "Dilawan" at "Kakampink" na puwersa bilang presidential candidate, maaari siyang lumaban sa pagka-vice president sa 2028 elections.


Batay sa dalawang magkasunod na vice presidential survey ng WR Numero Research Firm, malabong mangyari ang ambisyon ni Sen. Risa. Sa survey noong Agosto 2025, nanguna si Sen. Bong Go na may 16.2% habang si Sen. Risa ay nasa 4.3% lamang at ika-8 sa ranggo. Sa susunod na survey noong Disyembre 2025, tumaas pa ang rating ni Sen. Bong Go sa 19.1%, samantalang bumaba ang kay Sen. Risa sa 2.8%, at nanatili sa ika-8 ranggo.


Mula sa datos na ito, malinaw na sa kasalukuyang sitwasyon, mahirap talunin ni Sen. Risa Hontiveros si Sen. Bong Go sa laban para sa pagka-vice president ng Pilipinas. Boom!


XXX


IMBESTIGAHAN MUNA SINA SEN. ESCUDERO, ESTRADA AT VILLANUEVA BAGO ARESTUHIN — OMBUDSMAN REMULLA – Mula sa orihinal na rekomendasyon na kasuhan ng plunder, malversation, at iba pang krimen, binago ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Senate President Pro Tempore Ping Lacson ang kanilang committee report. Sa halip, inirerekomenda na lamang ng komite na magsagawa ng preliminary investigation ang Department of Justice (DOJ) laban sa tatlong senador na nasasangkot sa flood control scandal.


Parang pampalubag-loob na lamang ang rekomendasyon ng komite, dahil matapos ianunsyo ng DOJ na malapit nang matapos ang kanilang imbestigasyon sa tatlong senador, sinabi ni Ombudsman Boying Remulla na naka-standby na ang mga otoridad para arestuhin ang mga senador na sangkot sa flood control scam. Bagamat hindi niya pinangalanan, tumutumbok ito kina Sen. Chiz Escudero, Sen. Jinggoy Estrada, at Sen. Joel Villanueva. Period!


XXX


ASAHAN NA NG SANDIGANBAYAN NA PUPUTAKTIHIN SILA NG BATIKOS KAPAG PINAYAGANG MAKAPAGPIYANSA SI SARAH DISCAYA – Naghain ng petition for bail sa Sandiganbayan ang mga abogado ni Sarah Discaya, na tinaguriang "Flood Control Projects" scam queen, para sa pansamantalang kalayaan ng kontratistang ito.

Kung katigan ang kanyang petisyon, asahan na haharap ang Sandiganbayan sa matinding batikos mula sa publiko. Abangan!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page