top of page
Search

ni Mylene Alfonso | June 30, 2023



ree

Dismayado si Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan sa mababang turnout ng mga healthcare workers na nagpaturok ng bivalent COVID-19 vaccine.


Ayon kay Lacuna na isa ring doktor, mababa ang bilang ng mga nagpabakuna kahit na 32,000 doses na bivalent vaccine lamang ang ipinagkaloob ng national government makaraang pangunahan ang rollout ng bivalent vaccines sa Sta. Ana Hospital.


"Medyo mababa, I have to be honest mababa po. A1 pa lang and kagaya po sa ibang ospital natin hindi pa po kasi tayo puwede magpabakuna ng bivalent vaccine hangga't hindi tayo nakaka-two booster doses. Marami pa po na kahit medical health workers ang wala pa ring second booster," pahayag ni Lacuna sa ginanap na pulong balitaan ng Manila City Hall Reporters' Association sa Harbor View Restaurant.


Ipinaliwanag ni Lacuna na itinuturing bilang third booster ang bivalent at dahil dito, kailangang magkaroon muna ng first at second booster shots bago maturukan ng third booster.


"Halimbawa sa isang ospital 600 ang dapat na magpabakuna eh ang nagpapa-second booster pa lang sa kanila ay 400. So, 'yung 400 lang 'yung puwedeng mag-avail nu'ng bivalent vaccine," wika pa ng alkalde.


Ayon pa sa lady mayor, siya at ang mga health cluster ng lungsod ay nag-uusap na magbibigay sila ng palugit na isang linggo at pagkatapos ay ibibigay na nila ito sa senior citizens na kabilang din sa priority groups.


Ang pagluwag ng restriksyon sa health protocols ang dahilang itinuturo ng alkalde sa kawalan ng interes na magpaturok ng bivalent shots kabilang na rito ang tuluyang pag-alis ng public health emergency status ng World Health Organization.


"Hindi na kasi siya requirement, tapos kung magkakaroon man ng symptoms ng COVID, hindi na ganu'n kalala. Siguro rin hindi na po ganu'n katakot ang mga tao," saad niya.



 
 

ni Madel Moratillo / Mylene Alfonso | June 29, 2023



ree

Sa botong 15-0, idinisbar ng Korte Suprema si Atty. Larry Gadon, isang araw matapos maitalaga bilang Presidential Adviser on Poverty Alleviation.


Sa desisyon ng Korte Suprema, nakasaad na ito ay dahil umano sa "misogynistic, sexist, abusive at repeated intemperate language" ni Gadon.

Matatandaang sa isang viral video clip ay paulit-ulit na minumura at binabanatan ni Gadon ang mamamahayag na si Raisa Robles.

Ayon sa Korte Suprema, iskandaloso at tila binalewala ni Gadon ang legal profession.


Nilabag din umano nito ang Canon II on Propriety ng Code of Professional Responsibility and Accountability kung saan ang abogado ay dapat na manatiling tapat, may paggalang at kortesiya, at pagtibayin nang may dignidad ang legal profession nang may highest standards of ethical behavior.


Nauna nang na-convict at nasuspinde si Gadon ng Korte Suprema dahil sa kaparehong paglabag.


Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, naniniwala si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na gagawin ni Gadon nang mahusay ang kanyang trabaho.


Tuloy lang aniya ang magiging papel ni Gadon bilang adviser dahil kailangan nang magawa ang mga programa ng Pangulo laban sa kahirapan.


"The President believes he will do a good job," wika niya.


Kaugnay nito, sinabi ni Gadon na plano niyang maghain ng motion for reconsideration dahil masyadong mabigat ang parusa.


"The position and the task given to me by the President do not require lawyering hence my suspension and disbarment have no effect on my appointment . I will just approach this issue on a personal concern , file a motion for reconsideration and proceed in facing the challenges of the job and aim to serve the public in my best capability," pahayag pa ni Gadon.


Samantala, pinarerekonsidera ni Senadora Risa Hontiveros kay Pangulong Marcos ang pagtatalaga kay Gadon.


Inilarawan ni Hontiveros na isang ‘disgraced former attorney’ si Gadon at hindi umano nakapagdadagdag ng tiwala sa Gabinete. Wala rin aniyang anumang expertise ang opisyal na magpapatibay sa kanyang appointment.


 
 

ni Mylene Alfonso | June 28, 2023



ree

Pormal nang inilunsad kahapon ng Department of Tourism ang bagong tourism slogan ng bansa ang "Love the Philippines".


Pinangunahan nina Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., at Tourism Sec. Christina Garcia-Frasco ang paglulunsad ng bagong tourism campaign kasabay ng pagdaraos ng golden year ng ahensya sa sa Manila Hotel.


Papalitan ng "Love the Philippines" ang "It's More Fun in the Philippines", ang tourism slogan ng bansa noong 2012.


Sa kanyang talumpati, sinabi ni Pangulong Marcos na masaya siya sa kasalukuyang datos ng sektor ng turismo.


Patunay aniya ito na nakababangon na ang tourism industry ng bansa sa kabuuan mula noong pandemya.


Ayon naman kay Frasco, nasa 2.62 milyong turista na ang bumisita sa bansa mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon kung saan malapit na umano sa 2.65 milyong turista na naitala sa buong taon ng 2022.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page