top of page
Search

ni Mylene Alfonso | July 6, 2023



ree

Sa kabila nang naging kontrobersiya, nanindigan ang Department of Tourism (DOT) na panatilihin ang kanilang bagong tourism slogan na "Love the Philippines".


Ginawa ni Tourism Secretary Christina Frasco ang kumpirmasyon sa isang panayam sa 2022 Philippine Tourism Satellite Accounts and Tourism Statistics Dissemination Forum.


"I think that is evident," maikling tugon ni Frasco nang tanungin kung patuloy na gagamitin ng DOT ang tourism slogan na inilunsad lamang noong Hunyo 27.


Paulit-ulit kasi na binanggit ni Frasco ang ''Love the Philippines'' sa kanyang talumpati, at ipinakita rin ang slogan logo sa stage.


Gayunman, naniniwala si Senador Nancy Binay, chairman ng Senate Committee on Tourism na dapat tanggapin na ng ahensya na hindi na maisasalba ang "Love" slogan lalo't nabalita na sa buong mundo ang nangyari at napagtawanan na ang nabanggit na slogan.


Sa halip, mag-move on na aniya at ibalik na lamang ang slogan noon na "It's more fun in the Philippines".


"Dahil nga sa nangyari, headline na tayo sa buong mundo. Naging laughing stock na ang slogan, at masyado nang tinamaan ang campaign. Nakakalungkot dahil sa unang tapak pa lamang, imbes na umarangkada ay umatras tayo," punto ng Senadora.


"We don't want the slogan to become a national embarrassment and look like losers. Again, huwag nang ipilit. Hindi masama ang magkamali. LOVE was not meant to be. Let us all move on and just bring back the FUN to the Philippines," dagdag pa ni Binay.


Matatandaang inulan ng batikos ang promotional video na "Love the Philippines" dahil sa paggamit ng sinasabing stock footages na kinunan sa ibang bansa.


 
 

ni Mylene Alfonso | July 5, 2023



ree

Pormal na utos na lamang ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang kailangan upang tuluyang alisin ang COVID-19 public health emergency.


Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, sinabi sa kanya ng Pangulo na tila inalis na ang public health emergency dahil sa pagpapagaan ng mga COVID restrictions.


"Ang sabi niya (Marcos) kasi, de facto, parang naka-lift na rin tayo di ba? Optional na ang masking 'di ba? Hindi na in-extend 'yung ano...," wika ni Herbosa sa isang panayam.


"Wala pang formal, we're still waiting for the [order], eh, de facto naman tayo, ang dami na, nagpunta ko sa mall ang dami nang 'di nagma-mask eh," sabi pa ni Herbosa.


Ayon pa sa Kalihim, kabilang sa mga marching order ng Pangulo sa kanya ay ang makarekober mula sa COVID at makabangon ang ekonomiya.


"Basically ni-reiterate ko ‘to kanina during our sectoral meeting that we now consider COVID among health care workers as similar to other illnesses like cough, colds, influenza," saad ni Herbosa.


"But we still have to protect ourselves. I think the public health warning is you still have to protect yourself if you are vulnerable – and you still need to get the vaccine if you want to be specially protected," diin pa niya.


Matatandaang sinabi ni Herbosa na irerekomenda niya sa Palasyo na alisin ang COVID-19 state of public health emergency sa bansa makaraang ideklara na rin ng World Health Organization na tapos na ang pandemya.


 
 

ni Mylene Alfonso | July 5, 2023



ree

Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang imbestigasyon kaugnay sa pagpupuslit ng sibuyas at iba pang produktong pang-agrikultura na tinatawag na economic sabotage.


“Nagbigay lang ako ng mga tagubilin sa DOJ at NBI na simulan ang imbestigasyon sa hoarding, smuggling (at) price fixing ng mga agricultural commodities. And this is stemming from the hearing that we've held in the House, specifically by Congresswoman Stella Quimbo and the findings that they came with,” pahayag ni Pangulong Marcos.


Sa isang Memorandum sa Pangulo ni Marikina Rep. Stella Quimbo, na namuno sa Committee on Agriculture and Food hearings sa House of Representatives, sinabi niya na natuklasan ang malaking ebidensya na nagtuturo sa pagkakaroon ng kartel ng sibuyas habang binibigyang-liwanag niya ang mga dahilan sa likod ng pagtaas ng presyo ng sibuyas noong 2022.


Sinabi niya na ang kartel, na pangunahing nagpapatakbo sa pamamagitan ng Philippine VIEVA Group of Companies Inc. (PVGCI), ay nakikibahagi sa iba't ibang aktibidad kabilang ang pagsasaka, pag-aangkat, lokal na kalakalan, warehousing, at logistics. Binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng mga natuklasan na ito bilang sapat na mga

batayan upang simulan ang isang pagsisiyasat, na binanggit ang pangangailangan na tugunan kung ano ang halaga ng economic sabotage.


"And that is why we are going to be very, very strict about finding these people and making sure that they are brought to justice," diin ni Pangulong Marcos.


Iniulat ni Quimbo na ang mga tugon mula sa mga may-ari ng cold storage facility sa panahon ng mga pagdinig ay nagpapahiwatig din ng sapat na supply ng mga sibuyas sa panahon ng pagtaas ng presyo.


Ito ay humantong sa pagsusuri ng isang alternatibong paliwanag: aktibidad ng kartel.


Ang kartel ay umano'y nakikibahagi sa pag-aayos ng presyo sa pamamagitan ng pagmamanipula ng mga stock, na ginagamit ang kontrol sa mga pasilidad ng cold storage.


Matatandaang sa mga pagdinig, itinanggi ni Lilia/Lea Cruz, na kilala bilang "Reyna ng Sibuyas", na may kinalaman siya sa pag-aangkat ng sibuyas, at sinabing ang kanyang pakikilahok ay limitado lamang sa trucking at pagtulong sa mga onion farmers.


Gayunpaman, sinabi ni Quimbo na ang ebidensya na ipinakita sa mga pagdinig ay nagkumpirma ng matinding pagkakasangkot ni Cruz sa industriya ng sibuyas.


Ani Quimbo, si Cruz ang majority stockholder ng Philippine VIEVA Group of Companies, Inc. (PVGCI), na itinatag noong 2012.


Ang PVGCI, kasama ang iba pang pangunahing major players sa industriya ng sibuyas, ay idinadawit sa mga operasyon ng kartel, kabilang ang koordinasyon ng mga pag-withdraw ng stock at price fixing sa iba't ibang yugto.


Nagprisinta rin si Quimbo ng isang "Onion Matrix" na kinasasangkutan ng ilang kumpanyang nakikibahagi sa pangangalakal at pag-aangkat ng mga sibuyas at iba pang gulay na nakikipagsabwatan sa mga may-ari ng mga cold storage facilities.


Isa sa mga inirekomendang aksyon ni Quimbo para mabisang matugunan ang isyu ay ang pagbuwag sa kartel sa tulong ng DOJ, NBI at Philippine Competition Commission.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page