top of page
Search

ni Mylene Alfonso @News | July 22, 2023



ree

Naglabas ang Taguig City ng pahayag na malugod umano nilang tinatanggap ang pag-unawa ng Makati-LGU sa pinal na desisyon ng Korte Suprema kaugnay ng paglilipat sa hurisdiksyon ng mga pinagdesisyunang lugar.


Ito umano ang magiging daan para sa isang maayos na paglipat, na maiiwasan ang pagkawala ng serbisyo-publiko.


Binigyang-diin ng Taguig na handa silang maging responsable sa pamamahala ng 10 barangay na may parehong dedikasyon at malasakit na ipinamalas nito sa kanyang 28 na barangay.


Inilunsad din nito ang paglikha ng isang joint transition team na magko-coordinate sa mga ahensya ng pamahalaan at lahat ng mga stakeholder para sa mabilis na paglipat ng administrasyon.


Binigyang-diin na ang layunin dapat ay ang kapakanan ng mga residente.


Matatandaang bago pa ang pinakahuling resolusyon na inilabas noong Hunyo 2023, tinanggihan na ng Korte Suprema noong Setyembre 2022 ang unang mosyon ng Makati na humihingi ng reconsideration sa desisyong ginawa noong 2021 na nagpapahayag na

bahagi ng teritoryo ng Taguig City ang Fort Bonifacio Military Reservation, na

kinabibilangan ng parcels 3 at 4, Psu-2031, kasama ang pinagtatalunang 10 barangay, sa

pamamagitan ng legal na karapatan at historikal na titulo.


 
 

ni Mylene Alfonso @News | July 22, 2023



ree

Biyaheng Malaysia sina Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at First Lady Liza Araneta-Marcos sa Hulyo 25 o isang araw matapos ang kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA).


Sa pulong balitaan sa Palasyo, sinabi ni Foreign Affairs spokesman Teresita Daza na inimbitahan nina King Sultan Abdullah at Prime Minister Anwar Ibrahim si Pangulong Marcos para sa isang state visit sa Hulyo 25 hanggang 27.


Ayon kay Daza, magkakaroon ng audience ang Pangulo sa ika-16 na King of Malaysia.


Ito ay susundan ng pakikipagpulong kay Prime Minister Ibrahim para talakayin ang pagpapalalim ng relasyon ng dalawang bansa.


Kabilang sa mga pag-uusapan ang tungkol sa agrikultura, turismo, food security, digital economy at people-to-people exchanges.


Magkakaroon din aniya ng bagong pag-uusapan ang dalawang lider, ito ay patungkol sa Halal industry at Islamic Banking.


Kasama ng Pangulo sa Malaysia ang kalihim ng Department of Foreign Affairs at ang economic team.


Inihayag ni Daza na kasama rin ng Pangulo ang ilang malalaking negosyante sa bansa para mapalakas pa ang bilateral trade at investment.


Hindi naman kasi aniya maikakaila na ang Malaysia ay nasa top 10 trading partner ng Pilipinas at top 22 na source of investment.


Dagdag pa ni Daza, hindi rin maiwasan na maaaring idiga ng Pangulo sa mga negosyante ang Maharlika Investment Fund na nilagdaan kamakailan lamang.


Makikipagpulong din ang Pangulo sa Filipino community.


Ayon pa kay Daza, ilalatag ng Pangulo sa harap ng mga OFW ang mga programa na ginagawa ng Punong Ehekutibo para sa mga migrant workers.


Nasa 100,000 ang Pinoy na nasa Malaysia.


Hindi naman matukoy ni Daza kung tatalakayin nina Pangulong Marcos at Prime Minister Ibrahim ang usapin sa teritoryo ng Sabbah.


Sinabi pa ni Daza na napapanahon ang pagtungo ni Pangulong Marcos sa Malaysia dahil ipagdiriwang ang ika-60 anibersaryo ng pagtatag ng diplomatic ties ng dalawang bansa.


Ito na ang ika-14 na foreign trips ni Pangulong Marcos mula nang maupo sa puwesto.


Kabilang sa mga biyahe ng Pangulo ang dalawang beses na pagtungo sa Singapore, New York, Cambodia, Thailand, Belgium, Switzerland, Japan, Washington, London at dalawang beses na pagtungo sa Indonesia.


 
 

ni Mylene Alfonso @News | July 20, 2023



ree

Nanindigan si Anti-Crime and Terrorism Community Involvement and Support Partylist Rep. Erwin Tulfo na dapat unahing resolbahin ng International Criminal Court (ICC) ang kuwestyunableng hurisdiksyon nito.


Ito ang reaksyon ng mambabatas matapos ang pagbasura ng Appeals Chamber ng ICC kaugnay sa apela ng gobyerno ng Pilipinas na kalimutan na ang pag-iimbestiga sa “war on drugs” ng nakalipas na administrasyon.


"Sagutin muna nila kasi wala na tayo sa kanila, may karapatan pa ba sila? Hindi pa nila sinagot 'yung jurisdiction. Ang iniimbestigahan lang naman eh, member, eh umalis na tayo, hindi na tayo member. 'Yun ang punto ng apela 'wag n'yo na kami imbestigahan kasi 'di na kami member. Kaso binasura nila, tuluy-tuloy pa. Bakit ang ibang bansang 'di member, 'di nila pinapakialaman? Sagutin muna nila 'yun," ani Tulfo sa ginanap na pulong balitaan ng Manila City Hall Reporters' Association (MACHRA) sa Century Seafood Restaurant sa Malate, Maynila kahapon.


Kitang-kita umano na ang target ng ICC ay sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Sen. Ronald "Bato" dela Rosa.


Dagdag pa niya, isang panghihimasok at insulto sa gobyerno ng Pilipinas ang isinusulong na imbestigasyon.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page