top of page
Search

ni Mylene Alfonso @News | July 26, 2023



ree

Tinaggap na ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang resignasyon ng 18 opisyal ng Philippine National Police (PNP) na umano'y sangkot sa illegal drug activities base sa rekomendasyon ng National Police Commission Ad Hoc Advisory Group na nag-imbestiga sa integridad ng mga Third Level Officers.


Una nang inanunsyo ng Pangulo sa kanyang State of the Nation Address na tatanggapin niya ang resignasyon ng mga sangkot sa kapulisan sa ilegal na droga.


Base sa isang liham, ipinaalam ni PNP Chief Benjamin Acorda, Jr., na nagsagawa ng masusing imbestigasyon ang Ad Hoc Advisory Group sa umano'y pagkakasangkot ng 953 Third Level Officers hinggil sa aktibidad ng ilegal na droga.


Matatandaang nagsumite ng kanilang courtesy resignation ang 953 opisyal kung saan 935 naman ang hindi tinanggap ang resignasyon.


Kabilang sa 18 opisyal sina PBGen. Remus Balingasa Medina, PBGen. Randy Quines Peralta, PBGen. Pablo Gacayan Labra II, PCol. Rogarth Bulalacao Campo, PCol. Rommel Javier Ochave, PCol. Rommel Allaga Velasco, PCol. Robin King Sarmiento, PCol. Fernando Reyes Ortega, PCol. Rex Ordoño Derilo, PCol. Julian Tesorero Olonan, PCol. Rolando Tapon Portera, PCol. Lawrence Bonifacio Cajipe, PCol. Dario Milagrosa Menor, PCol. Joel Kagayed Tampis, PCol. Michael Arcillas David, PCol. Igmedio Belonio Bernaldez, PCol. Rodolfo Calope Albotra, Jr., at PCol. Marvin Barba Sanchez.


Nabatid na patuloy na binabantayan ang 18 opisyal at tiniyak na may relief orders ang mga ito at ililipat sa Personnel Holding and Accounting Unit, DPRM (Directorate for Personnel and Records Management).


“In their stead, we will install individuals with unquestionable integrity, who will be effective and trustworthy in handling the task of eliminating this dreaded and corrosive social curse. We cannot tolerate corruption or incompetence in government,” banggit ni Pangulong Marcos.


 
 

ni Mylene Alfonso @News | July 26, 2023



ree

Mahaharap sa kasong administratibo ang sinumang empleyado ng Manila City Hall na hindi magpapa-drug test hanggang sa Hulyo 28, 2023 na ibinigay na deadline.


Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna, posibleng makasuhan ng "insubordination" ang mga empleyado na mabibigo na mag pa-drug test dahil ipinatupad ito alinsunod sa memo na inisyu ng Civil Service Commission (CSC).


Libre ang drug testing sa lahat ng empleyado kung saan mismong sina Lacuna at Vice Mayor Yul Servo ay sumailalim sa test noong Hulyo 10.


Layunin ng drug testing na matiyak na nagtatrabaho ang mga empleyado sa ilalim ng drug-free environment.


Kapag makumpirma na gumagamit ng droga ang isang empleyado ay agad siyang isasailalim sa rehabilitasyon.


 
 

ni Mylene Alfonso @News | July 26, 2023



ree

Ipinangako ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang pakikiisa nito sa pagtupad ng 2023 energy initiatives ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa kanyang State of the Nation Address.


Nangako ang NGCP na itutuon nito ang lahat ng kakayahan tungo sa mabilis na pagkumpleto at pagsasagawa ng mga proyekto.


Bilang pagkilala sa kahalagahan ng renewable energy at ang pagtaas ng antas nito sa iba't ibang pinagmumulan ng kuryente sa bansa, planong gamitin ng NGCP ang strategic partnership nito sa State Grid Corporation of China (SGCC).


Gamit ang malalim na kaalaman ng SGCC sa renewable energy integration, umaasa ang NGCP na palalakasin nito ang mga kakayahan ng ahensya para mapabilis ang paglipat sa renewable at sustainable energy sources.


Inuna rin ng NGCP ang pagpapabuti ng disaster-resilience o tibay ng grid infrastructure laban sa mga natural na sakuna.


“Nakikiisa kami sa sentimyento ng Pangulo. Bago pa man ang SONA, kumikilos na ang NGCP tungo sa mga plano at pangarap na kanyang binanggit,” ani Anthony Almeda, President at CEO ng NGCP.


Kabilang sa mga pangunahing prayoridad sa agenda ng NGCP ang mabilis na pagkumpleto ng Mindanao-Visayas Interconnection Project (MVIP) at Stage 3 ng Cebu-Negros-Panay Interconnection Project (CNP3). Upang mapabilis pa ang mga proyektong ito, nanawagan ang NGCP sa local government units (LGUs) ng agarang pagbibigay ng permit at suporta sa mga isyu ng right-of-way.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page