top of page
Search

ni Mylene Alfonso @News | July 29, 2023



ree

Itinanggi ni Presidential Sister at Senador Imee Marcos na may hidwaan sila ng kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.


Kasabay nito ang pagdepensa ng Senadora na hindi siya isang kritiko ng Pangulo bagkus ay naghahanap umano siya ng solusyon.


"Hindi ako critic. Gusto ko lang ipaliwanag... Ang ginagawa natin, eh naghahanap ng solusyon," depensa ni Marcos sa isang press conference.


Una nang nagsimula ang usapang awayan sa pagitan nina Sen. Imee at P-BBM nang salungatin ng una ang ilan sa polisiya at panukalang batas ng Pangulo. Kabilang dito ang ratipikasyon ng Regional Comprehensive Economic Partnership at ang usapin ng pagtanggap ng Pilipinas sa mga empleyadong Afghans ng Estados Unidos.


Pero ayon sa Senadora, nagpapahayag lamang siya ng kanyang mga opinyon para mapabuti ang administrasyon ng kanyang kapatid.


"Hindi naman sa pagkokontra, we're trying to hammer out details... Makulit ako, eh. Talagang gusto kong alamin 'yung detalye. Matagal akong executive... So I'm always concerned that a law should work... So, kinukulit ko talaga siya," saad pa ni Imee.


Gayunman, binanggit pa ni Sen. Imee na mahal niya ang kanyang kapatid at aminadong nagkakaroon din sila ng mga awayan tulad ng isang normal na pamilya.


"Hindi kami nag-uusap nang madalas. Minsan may sasabihin si Sandro, minsan papaabot ni Bongbong. Ganon. Minsan si Sandro nagsusumbong. Okay lang, normal kaming pamilya," ani Imee.


"I'm solid admin, no ifs or buts. I'm only here to protect the President and the family name. We fought hard and long for this and we're deeply invested in making certain that the Marcos administration should work," dagdag pa niya.



 
 

ni Mylene Alfonso @News | July 27, 2023



ree

Isinailalim sa state of calamity ang Ilocos Norte dahil sa pinsalang idinulot ng Bagyong Egay na nagresulta sa mga pagbaha at malakas na bugso ng hangin.


Ang deklarasyon ng state of calamity ay nakapaloob sa resolusyon na inaprubahan ni Vice-Governor Cecilia Araneta-Marcos matapos irekomenda ng mga board member ng Ilocos Norte.


Nagdulot ng malawakang pinsala sa agrikultura, imprastraktura at mga ari-arian ang pananalasa ng bagyo at maraming Ilocano ang nawalan at nasira ang mga bahay dahil sa hagupit ng Bagyong Egay.


Batay sa report ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council, mayroong kabuuang 203 pamilya ang inilikas mula sa iba't ibang bayan sa Ilocos Norte dahil sa landslide.


Dumanas din ng power blackout ang mga bayan ng Pasuquin, Burgos, Bangui, Pagudpud, at Adams.



 
 

ni Mylene Alfonso @News | July 27, 2023



ree

Pinuna ni Senador Raffy Tulfo ang University of Manila (UM) dahil sa mga umano'y iregularidad na nangyari sa 140 civil engineering student na matapos pagbayarin ng graduation fee ay sinabihan na hindi makaka-graduate dahil bagsak sa apat na subjects.


Nagreklamo sa ‘Wanted Sa Radyo’ ang mga estudyante na binagsak nang wala umanong dahilan ng kanilang propesor sa UM.


Nabatid ni Tulfo na pare-parehong 70 ang failing grade na nakuha ng mga nasabing mag-aaral. Matapos silang ibagsak, nagbitiw ang propesor na may hawak ng apat na subjects kung saan sila nakakuha ng failing mark.


Sa paghaharap ng mga estudyante at ng mga opisyal ng UM at Commission on Higher Education (CHED) noong Lunes, Hulyo 25, sinabi ni Tulfo na napuna ng kanyang staff na malinaw na may ginawang malaking kapalpakan ang UM laban sa mga nagrereklamong estudyante.


Sa obserbasyon naman ni Atty. Spocky Farolan, abogado ng CHED na kasama sa pagdinig, ay na-estafa umano ang mga estudyante rito.


Para sa Senador, unfair ang naranasan ng mga civil engineering student kung saan ang katanungan sa test paper ay walang tamang sagot at nakadepende lamang sa kapritso ng gumawa ng tanong.


Kabilang sa tatlong tanong ang: “What is your subject?”, “Define and explain why this subject is important in your course,” at “Give at least three practical examples on its importance”.


"Kaya pala minali ang sagot ng mga estudyante at pare-pareho silang nakakuha ng 70 failing grade dahil kahit ano pang isagot nila rito ay ang presidente pa rin ng eskwelahan ang masusunod sa gusto niya," ayon pa kay Tulfo.


Kaya agad na naghain ng Senate Resolution in aid of legislation ang Senador para magkaroon ng malalimang imbestigasyon ukol dito.


Ipatatawag sa Senado ang presidente at mga opisyal ng UM, CHED at mga past and present student na nakaranas ng problema sa mga umano'y baluktot na sistema ng unibersidad.


"Ang tanong, mamamatay ba ang 24 senators at ang mismong Senado na mag-iimbestiga sa problemang ito ng UM tulad ng pasaring ng kanilang presidente?! Abangan!” pagtatapos ni Tulfo.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page