- BULGAR
- Jul 30, 2023
ni Mylene Alfonso @News | July 30, 2023

Nangangamba si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na posibleng tumaas pa rin ang presyo ng bigas kahit mag-angkat ang bansa.
“Everybody is preparing for El Niño, lahat ng Southeast Asia. Sabay-sabay nagbibilihan. Kaya ninenerbyos ako dahil tataas na naman ang presyo kahit nag-i-import tayo. That’s the problem that I see in the world. Pwede tayo magbigay ng binhi sa palay, mais and high value crops,” pahayag ni Marcos. Ito ay kasunod ng pagpupulong ni Marcos sa mga lokal na opisyal ng Tuguegarao bunsod ng pananalasa ng Super Typhoon Egay sa Cagayan at sa iba pang bahagi ng bansa.
Sinabi ni Cagayan Gov. Manuel Mamba na nitong Hulyo 28, nakapagtala na ang lalawigan ng 20 nasugatan mula sa bagyo habang wala namang naitalang namatay sa ngayon.
Nawasak ng bagyo ang hindi bababa sa 83 mga bahay at nasira ang higit sa 1,500 mga bahay sa lalawigan.
Nabatid na umabot na sa mahigit P539 milyon ang pinsalang pang-agrikultura sa lalawigan. Umabot din sa mahigit P1 milyon ang pinsala sa mga hayop noong Hulyo 28.
Samantala, umabot sa mahigit P862 milyon ang pinsala sa imprastraktura sa buong lalawigan.
Ayon kay Marcos, ang kuryente at agrikultura ang pangunahing tinamaan sa mga lugar na sinalanta ng bagyo.
“It looks like the main issue here is agri. Number one 'yung agri… Ang kuryente as you all know, pinapatay talaga 'yan at hindi binabalik hanggang mainspeksyon ang mga linya. Kasi 'pag hindi nila nainspeksyon at nagkamali sila, pag-on nila n'yan at may short, sira ang buong sistema,” ani Marcos. “'Yung high-value crops, mas madaling maka-recover dahil ang cycle is 45 days. We will also provide for high value crops,” aniya pa.
Bunsod nito, inatasan niya ang mga lokal na pamahalaan na magpadala ng mga ulat tungkol sa pinsala sa agrikultura.
“Ang hirap nito, because 'yung palay, iniisip ko na ang supply natin 'pag nag-El Niño talaga. I’m thinking about the national supply for rice because ini-import lahat ng Indonesia, nagsara ang Vietnam, India nagsara. We have to start importing already,” dagdag pa ng Pangulo.






