top of page
Search

ni Mylene Alfonso @News | August 3, 2023



ree

Binigyang pagkilala sa ika-122 anibersaryo ng Manila City Council si Manila City Administrator Bernardito Ang, dahil sa kanyang 25 taong panunungkulan bilang konsehal na ginanap sa Ayuntamiento de Manila, Intramuros, Maynila.


Ibinigay ni MCC Presiding Officer Manila Vice Mayor Yul Servo-Nieto ang award kay Ang na nakapagsilbi ng may kabuuang pitong termino sa ikatlong Distrito ng Maynila at naging Secretary to the Mayor sa administrasyon ni dating Manila Mayor Isko Moreno.


Nakilala rin si Ang matapos iakda ang Local Tax Code of Manila at naging principal author ng city ordinance na lumikha sa City College of Manila.


Pinasalamatan ni Servo-Nieto sina Ang, Manila Mayor Honey Lacuna, Moreno at dating Vice Mayor Danilo Lacuna dahil sa pagtulong sa kanyang political career.



 
 

ni Mylene Alfonso / Mai Ancheta @News | August 2, 2023



ree

Pormal nang idineklara bilang "terorista" ng Anti-Terrorism Council ang suspendidong sina Negros Oriental Rep. Arnolfo "Arnie" Teves, Jr., dating Negros Oriental Gov. Pryde Henry Teves at 11 iba pa dahil sa kanilang pagkakasangkot sa serye ng patayan at

harassment sa lalawigan.


Sa Resolution No. 43 na may petsang Hulyo 26, binansagan ng ATC si Teves at ang kanyang armadong grupo bilang mga terorista matapos makahanap ng "probable cause" para sa mga umano'y paglabag sa ilang probisyon ng Anti-Terrorism Act of 2020.


Pirmado ni Executive Sec. Lucas Bersamin ang resolusyon na inilabas sa media nitong Martes, Agosto 1 kung saan si Bersamin ang chairperson ng council.


Kabilang pa sa tinukoy na sinasabing miyembro ng “Teves Terrorist Group” sina Winrich B. Isturis, John Louie Gonyon, Dahniel Lora, Eulogio Gonyon, Jr., Tomasino Aledro, Nigel Electona, Jomarie Catubay, Hannah Mae Sumero Oray, Marvin H. Miranda, Rogelio C. Antipolo at Rommel Pattaguan.


Nabatid na si Teves na nasa labas pa ng bansa ay isinangkot bilang mastermind sa pagkamatay ni Gov. Roel Degamo at siyam na iba pa.


Nagpahayag naman ng pagkabahala si Atty. Ferdinand Topacio, counsel ni Teves, sa paggamit ng gobyerno ng Anti-Terrorism Act para targetin ang kanyang kliyente.


Ani Topacio, ang kaso ni Teves ay may implikasyon sa karapatan ng isang indibidwal.


Ang pagbansag umano kay Teves bilang terorista ay nagpapakita ng desperasyon ng gobyerno para mapuwersa siyang umuwi.


Kaugnay nito, nasorpresa naman ang nakatatandang Teves na binansagan din na terorista. Dagdag pa ni Pryde na hindi siya nasasampahan ng anumang kaso sa kanyang buong buhay.



 
 

ni Mylene Alfonso @News | August 2, 2023



ree

Nananatiling maaasahan ang supply at demand ng bigas sa Pilipinas sa kabila ng nagbabadyang epekto ng maraming mga kadahilanan.


Kabilang umano ang desisyon ng Russia na umatras mula sa Black Sea Grain Initiative, ang desisyon ng India na ipagbawal ang pag-export ng bigas, bagyo, at ang El Niño phenomenon.


“As of today, we are looking at, you know, sound pa rin naman iyong supply and demand natin,” pahayag ni Dept. of Agriculture Undersecretary Mercedita Sombilla sa isang press briefing sa Malacañang.


Sa kabila ng positibong ulat, sinabi ni Sombilla na si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na siya ring kalihim ng DA, ay nagpahayag ng pagkabahala sa posibleng epekto ng tatlong pangunahing pandaigdigang isyu sa sektor ng agrikultura ng Pilipinas.


Sinabi ni Sombilla na kailangan nilang pag-usapan ang mga paraan upang mapagaan ang karagdagang epekto ng tatlong pandaigdigang isyu “na lumalawak na ngayon” habang binigyang-diin niya na handa ang DA na pataasin ang produksyon ng bigas sa Pilipinas.


“Naghahanda na kami. ‘Yung production hanggang second quarter, meron tayong parang 39 days na stocks tapos tuloy. Nag-preposition na ang DA ng mga paraan kung saan mapapalaki natin ang produksyon,” ani Sombilla.


“Ang pinakamalaking produksyon ng bigas ay darating pa rin minsan, kung hindi katapusan ng Setyembre, minsan sa Oktubre. So, dagdagan natin ang ating supply, at siyempre, ang usual na supply na makukuha rin natin sa imports,” dagdag nito.


Binigyang-diin din ni Sombilla na ang presyo ng bigas sa merkado ay maaaring maiugnay sa mga epekto ng pagtaas ng presyo ng pataba at halaga ng gasolina, na pabagu-bago pa rin, pangunahin dahil sa Black Sea Grain Initiative.


Bagama’t may mga hindi matatag na paggalaw sa Black Sea Grain Initiative, binigyang-diin ni Sombilla na magdudulot ito ng “very minimal effect” sa merkado ng Pilipinas katulad ng epekto sa desisyon ng India na ipagbawal ang pag-export ng bigas.


Gayunman, binigyang-diin niya na maaaring lumitaw ang isang problema depende sa kung paano tutugon ang ibang mga bansang nag-e-export sa mga pandaigdigang kaganapan, ngunit mahigpit na sinusubaybayan ng DA.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page