top of page
Search

ni Mylene Alfonso @News | August 8, 2023



ree

Dahil sa nangyari sa West Philippine Sea (WPS) noong Sabado kung saan muntik nang mabangga ng China Coast Guard ang sasakyan ng Philippine Coast Guard at binomba pa ng tubig ang supply vessel ng Pilipinas, maghahain ng resolusyon ang ACT-CIS Partylist hinggil sa nasabing problema.


Napagkasunduan naman nina Cong. Edvic Yap at Cong. Jocelyn Tulfo na mag-file ng resolusyon para kausapin ang Estados Unidos na sa halip sa katapusan pa ng taon ay gawing ASAP ang joint patrol ng ating mga bansa," ani ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo.


“Hindi naman kasi natin kaya na pahintuin ang paglalapastangan ng Tsina sa ating teritoryo, so naisip namin na pakiusapan ang Amerika na tulungan tayo sa pagbabantay ng ating teritoryo dahil marami silang gamit at mas malalaki pa," dagdag ni Tulfo.


Ayon pa sa mambabatas, sinubukan na umano ng Pilipinas ang diplomatic dialogue at maging ang back channeling kahit noon pang panahon ng yumaong Pangulong Noynoy Aquino subalit wala ring nangyari.


Una nang napagkasunduan ng Pilipinas at U.S. na magsagawa ng joint patrol ang Coast Guard ng dalawang bansa sa WPS sa huling bahagi ng 2023.


"Napapansin ko kasi na kapag dumadaan ang Amerika sa WPS o South China Sea, walang magawa ang China Coast Guard maging ang navy nila," ani Tulfo.



 
 

ni Mylene Alfonso @News | August 7, 2023



ree

Kinondena ng Philippine Coast Guard (PCG) ang panibagong pambu-bully ng China sa West Philippine Sea (WPS) kung saan binomba ng tubig ng Chinese Coast Guard ang PCG na nasa kanilang resupply mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.


Sa pahayag ng PCG, kinastigo nito ang “dangerous maneuvers and illegal use of water cannons” ng CCG sa barko ng PCG na magde-deliver lamang ng pagkain, tubig at iba pang supply sa tropang militar na nasa BRP Sierra Madre.


“The PCG calls on the China Coast Guard to restrain its forces, respect the sovereign rights of the Philippines in its exclusive economic zone and continental shelf, refrain from hampering freedom of navigation, and take appropriate actions against the individuals involved in this unlawful incident,” ayon kay PCG Spokesperson para sa West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela.


Inihayag pa ng PCG na ang hakbang ng CCG ay hindi lamang pagsasawalang bahala sa kaligtasan ng mga crew ng PCG kundi paglabag din sa international law, kabilang na ang 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), ang 1972 Convention on the International Regulations for Preventing Collisions at Sea (COLREGS), at ang 2016 Arbitral Award.


Iginiit ng PCG na ang Ayungin Shoal ay bahagi ng Kalayaan Island Group, na bahagi ng Pilipinas gayundin ng Philippines’ exclusive economic zone at continental shelf, kung saan may hurisdiksyon at soberanya ang Pilipinas.



 
 

ni Mylene Alfonso @News | August 7, 2023



ree

Matapos lumabas sa mga balita na hindi naibibigay nang maayos ang mga benepisyo ng Republic Act 11861 o ang Expanded Solo Parent Act, nangako si Sen. Christopher 'Bong' Go na sisilipin ang naturang isyu.


“I will file a resolution para ma-review ang implementasyon ng batas na 'yan. Para sa mga solo parent 'yan. Pero kung hindi naman nila natatanggap ang mga benepisyo nito, ano pa ang saysay?” ayon sa senador.


“Ikokonsulta ko rin kay Senadora Riza Hontiveros, ang primary author ng naturang batas, hinggil sa gagawin nating resolusyon,” dagdag pa ni Go. Nakarating umano sa kanya na

kahit malalaking lungsod ay hindi naibibigay ang P1,000 na monthly allowance ng mga solo parent na nakasaad naman sa naturang batas.


“Ang mas masaklap, 'yung mga solo parent sa 5th o 6th class municipalities ay wala talagang natatanggap na ni singko dahil ayon sa balita, wala daw sila pagkukunan ng pondo,” ayon pa sa senador.


“Nagtataka din ako dahil wala rin daw ibinibigay na 10 percent discount ang mga grocery store at mga botika na may mga anak na 6 years old and below,” dagdag pa nito.


Isa sa probisyon ng batas ay exempted ang mga solo parent sa value added tax kung sila ay 'di kumikita ng P250,000 pataas sa isang taon.


May 10 porsyentong diskwento rin sila sa mga gamit, pagkain at gamot ng bata tulad ng diaper, gatas, gamot at bakuna.


Si Go ay isa sa mga co-author ng Expanded Solo Parent Act.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page