top of page
Search

ni Mylene Alfonso @News | August 14, 2023



ree

Ubos na ang 390,000 doses ng COVID-19 bivalent vaccine na ipinagkaloob ng Department of Health (DOH) sa Lungsod ng Maynila.


Ayon sa Manila Health Department (MHD), hinihintay pa ang susunod na ibibigay na supply ng DOH.


Inihayag ng city government na naipamahagi na nilang lahat ang COVID-19 bivalent vaccine sa mga kuwalipikadong residente ng Maynila.


Batay sa datos ng MHD, may 8,233 indibidwal ang tumanggap ng Pfizer bivalent vaccines.


Ibinibigay ang bivalent vaccines upang magkaroon ng immunity laban sa original at Omicron variants ng COVID-19 ang mga health workers, senior citizens at residente sa Maynila na may comorbidities.



 
 

ni Mylene Alfonso @News | August 14, 2023



ree

Mahigpit ang pagtutol ni Senador Bong Go sa anumang potensiyal na kasunduan na alisin ang BRP Sierra Madre mula sa Ayungin Shoal.


Inihayag ito ng mambabatas sa isang panayam noong Biyernes matapos ang monitoring visit sa Malasakit Center sa Catbalogan City, Samar.


Sinegundahan pa ni Sen. Go ang paglilinaw ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na walang anumang kasunduan hinggil sa isyu, at kung mayroon man ay binabawi o kinakansela na niya ito.


"Unang-una, hindi po ako aware kung meron man agreement o wala na dapat nang i-withdraw ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal," pahayag pa ni Go, nang matanong hinggil sa naturang pahayag ni P-BBM, kaugnay ng umano'y kasunduan sa pagitan ng pamahalaan at ng China upang alisin ang BRP Sierra Madre mula sa Ayungin Shoal.


"Kung ano po ang atin ay atin. What is ours is ours po. At bilang Pangulo, si Pangulong Bongbong Marcos bilang chief architect ng ating foreign policy, ay alam niya po kung ano po ang mas makakabuti sa atin considering all things,” dagdag pa ng senador.


“Katulad ng sinabi ko noon not a single square inch ang isu-surrender natin d’yan. What is ours, is ours po,” giit pa ng mambabatas.


Matatandaang kamakailan ay binomba ng tubig ng Chinese Coast Guard ang Filipino vessels sa West Philippine Sea.


Anang China, pumayag umano ang Pilipinas na i-withdraw ang BRP Sierra Madre ngunit hindi tinukoy kung sinong lider ng gobyerno o ahensiya ang nangako nito sa kanila.


Kapwa naman itinanggi ng Malacañang at ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pahayag ng China.



 
 

ni Mylene Alfonso @News | August 13, 2023



ree

Nasamsam ng mga ahente ng National Bureau of Investigation-Intellectual Property Rights Division, ang nasa P206 milyong halaga ng pekeng Louis Vuitton sa isinagawang pagsalakay nitong Agosto 9 sa Bulacan, Pasay at Parañaque.


Kabilang sa sinalakay ang isang bodega sa Bgy. Tabe, Guiguinto, Bulacan, apat na stalls sa LRT Shopping Mall sa Pasay City at isang stall sa Micar Shopping Center sa Parañaque City.


Ayon sa NBI, nagresulta ang operasyon sa pagkakakumpiska sa 1,588 piraso ng pekeng Louis Vuitton products.


Nabatid na nagreklamo sa NBI ang kinatawan ng LV dahil sa umano'y laganap na bentahan ng mga pekeng sa mga nabanggit na lugar.


Nagsagawa muna ng test buy ang NBI at nang makumpirma ay isinagawa ang pagsalakay.


Sasampahan ng kasong paglabag sa R.A. 8293 (Intellectual Property Code of the Philippines) ang mga may-ari ng establisimyento.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page