- BULGAR
- Aug 17, 2023
ni Mylene Alfonso @News | August 17, 2023

Idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na suspendido ang klase sa lahat ng antas ng pampublikong paaralan at sa trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno sa Metro Manila at sa lalawigan ng Bulacan sa Agosto 25.
Ito ay upang bigyang-daan ang opening ceremonies ng FIBA Basketball World Cup 2023 na gaganapin Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Batay sa Memorandum Circular No. 27 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong Agosto 15, bahagi rin ito ng pangako ng pamahalaan tungo sa mas malawak na partisipasyon ang publiko sa sports promotion at development.
Binigyang-diin din ng Pangulo na ang pagsususpinde sa trabaho ng gobyerno at mga klase sa mga pampublikong paaralan ay ang pagsisikap ng gobyerno na magbigay ng buong suporta at tulong sa Philippine Sports Commission (PSC) sa pagtiyak ng ligtas, maayos at matagumpay na opening ceremonies ng FIBA Basketball World Cup 2023.
Gayunman, nilinaw ng Pangulo na hindi sakop ng suspensyon ang mga ahensya ng gobyerno na may kinalaman sa paghahatid ng mga pangunahin at serbisyong pangkalusugan, kahandaan/tugon sa mga sakuna at kalamidad, at/o ang pagganap ng iba pang mahahalagang serbisyo.
Ipinauubaya naman ng Pangulo ang pagpapasya ng suspensyon sa mga pinuno ng mga pribadong paaralan at tanggapan.






