top of page
Search

ni Mylene Alfonso @News | August 20, 2023



ree

Papalitan na ang Roosevelt Station sa Light Rail Transit (LRT) Line 1 at isusunod na sa pangalan ng yumaong si Fernando Poe, Jr. (FPJ).


Pangungunahan ni Senador Grace Poe, anak ng kilalang personalidad, ang renaming rites, kasama sina dating Senate President Vicente "Tito" Sotto III at Sen. Lito Lapid, alas-10 ng umaga.


"I hope people remember FPJ whenever they board this train. Public service has always been in FPJ's heart. Giving commuters a safe and comfortable ride is a way of keeping his legacy alive," wika ni Poe sa isang pahayag.


Kaugnay nito, pasisinayaan din ang bagong marker para sa screen icon, na 84-taong gulang na sana ngayong araw, maging ang pop-up exhibit para kay FPJ sa event.


Ayon kay Poe, dadalo rin sina Transportation Secretary Jaime Bautista at LRT Management Corporation president at CEO Juan Alfonso sa event.


Nabatid na makalipas ang isang taon nang lagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang batas na nagpapalit ng pangalan ng Roosevelt Avenue sa Quezon City sa ngalan ng pumanaw na Filipino screen icon.


Matatandaang bumida si FPJ sa mahigit 300 pelikula, sa kanyang 46 taon sa entertainment industry. Dahil dito, kinilala siya bilang “King of Philippine Movies".


Matatagpuan ang dating tahanan ng National Artist sa kahabaan ng 2.9-kilometer Roosevelt Avenue, sa pagitan ng EDSA at Quezon Avenue.



 
 

ni Mylene Alfonso @News | August 19, 2023



ree

Umapela ang mga grupo ng international shipping lines at off-terminal and off-dock container storage facility operators sa mga mambabatas na busisiin ang pondo ng Philippine Ports Authority (PPA) at tiyakin na walang ilalaan sa kontrobersyal na programang Trusted Operator Program – Container Registry and Monitoring System (TOP-CRMS).


Una nang tinutulan ng mga negosyante at ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) ang isinusulong na ito ng PPA.


Kasalukuyang tinatalakay sa Kongreso ang panukalang P5.76 trilyong pambansang budget para sa susunod na taon.


Matatandaang hindi aprubado sa ARTA ang programang isinusulong ng PPA matapos makita na wala umano itong legal na basehan.

Nadiskubre rin umano ng ARTA na magkasalungat ang mandato ng PPA, bilang isang regulator at port operator, na magreresulta sa koleksyon ng dagdag na fees kung oobligahin ang mga stakeholder na magparehistro para sa accreditation ng TOP-CRMS.


Sa kanilang report, sinabi pa ng ARTA na ang mga bayarin na kasama sa pagpapatupad ng TOP-CRMS ay magreresulta lang sa financial burden ng stakeholders, partikular sa paggamit ng PPA-authorized Container Staging Facilities sa labas ng pantalan.


Kontra din umano ang 24 influential business groups, kabilang ang limang kilalang foreign chambers na nag-o-operate sa bansa.


Binigyang-diin naman ni Patrick Ronas, presidente ng AISL na ang PPA AO 04-2021 ay makakadagdag ng P35 bilyong annual importation cost na magreresulta sa pagtaas ng inflation.


Sinabi naman ni Roger Lalu, chairman ng ACYOP, na umaasa sila sa Kongreso na babantayan ang pambansang budget laban sa mga gastusin na walang kapakinabangan.



 
 

ni Mylene Alfonso @News | August 17, 2023



ree

Naglaan ang Department of Budget and Management (DBM) ng P105. 6 bilyong pondo sa State Universities and Colleges (SUCs) sa bansa para sa susunod na taon.


Sinabi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman, nakapaloob ang pondo sa 2024 National Expenditure Program (NEP) at mapapakinabangan ng tatlong milyong kabataang estudyante.


“Echoing the pronouncement of our President, alongside the strengthening of our economy, we will also invest heavily in human capital development through education, health, and social protection,” sabi ni Pangandaman.


Inihayag naman ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na mahalagang magkaroon ng free tertiary education ang mga Filipino.


“With 99.5 percent of our public schools now implementing 5-day in-person classes, this amount will fund significant investments in the education of over 28 million learners nationwide,” diin ni Marcos.


Idinagdag pa ng budget chief na may P21.7 bilyon na pondo para sa 116 SUCs sa Universal Access to Quality Tertiary Education (UAQTE).


“Access to quality education will also be at the forefront of the government’s education agenda through the Universal Access to Quality Tertiary Education,” sabi ng kalihim.


Nabatid na ang panukalang UAQTE budget sa susunod na taon ay mas mataas nang P3 bilyon o 14.32 percent kumpara sa P18.8 bilyon na kasalukuyang budget.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page