top of page
Search

ni Mylene Alfonso @News | August 25, 2023



ree

Pinapalakas na ngayon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang Partido Federal ng Pilipinas (PFP) para sa 2025 elections.


Ito ay makaraang pangunahan ng Pangulo kahapon ng umaga ang panunumpa ng mga bagong opisyal ng PFP sa Malacañang kung saan hinikayat niya ang mga ito na paghandaan na ang mga pampulitikang aktibidad gaya ng Barangay elections sa Oktubre at ang 2025 elections.


Ayon sa Pangulo, dapat ngayon pa lamang ay simulan na ang pag-organisa para mapaghandaan ang pagtulong sa mga kasamahan sa partido.


"PFP is a political party. And therefore, that is why we are preparing for all the political cycles that are coming very soon. The Barangay elections have a big impact, have a big effect on how the 2025 elections will turn out, kung ano 'yung mga resulta d'yan," pahayag ni Marcos.


Kaugnay nito, bukas din ang Pangulo sa pakikipag-alyansa sa ibang partido upang mas maging matibay ang kanilang partido at mas mapalakas ang pagtutulungan hindi lamang sa pulitika kundi para sa magandang ideolohiya.


Nabatid na ilan sa mga opisyal ng partido ay sina South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo, Jr. at retired General Tomas Lantion.


Matatandaang ang Partido Federal ng Pilipinas ang partidong tinakbuhan ni Pangulong Marcos noong 2022 elections.



 
 

ni Mylene Alfonso @News | August 25, 2023



ree

Ikinaalarma ni Sen. Grace Poe ang patuloy na paglaganap ng text scam at ang napaulat na paggamit ng subscriber identity modules (SIMs) sa mga operasyon ng mga ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).


Sa kanyang inihaing Senate Resolution No. 745, hiniling ni Poe sa kaukulang komite ng Senado na magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa usapin upang malaman kung ganap na naipatutupad ang Republic Act No. 11934 o ang SIM Registration Act mahigit sa isang taon mula nang ito'y maisabatas.


Ayon pa kay Poe, dapat magpaliwanag ang implementing agencies, telecommunication companies at law enforcement agencies kung paano nairehistro ang libu- libong SIM na ginamit sa ilegal na operasyon ng POGO.


Pinaalalahanan din ng senadora ang National Telecommunications Commission, Department of Information and Communications Technology at iba pang may kinalamang ahensya, na magsumite sa Kongreso ng ulat at update sa implementasyon ng naturang batas.



 
 

ni Mylene Alfonso @News | August 24, 2023



ree

Nasa P397 bilyon ang kakailanganin ng Department of Education (DepEd) upang matugunan ang kasalukuyang 159,000 classroom backlog sa buong bansa.


Ito ang nalaman sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education na pinamumunuan ni Sen. Sherwin Gatchalian kaugnay sa kahandaan ng mga pampublikong paaralan sa pagbubukas ng klase sa Agosto 29.


Ayon kay DepEd Assistant Secretary Cesar Bringas, kabilang sa 159,000 classroom backlogs ang 440 totally damaged classrooms at iba pa na winasak ng bagyo o kalamidad.


Sinabi ni Bringas na nagkakahalaga ng P2 milyon ang bawat silid-aralan at kung i-multiply ng 159,000, kailangan aniya ng P397 bilyon.


Sa 2023 national budget, sinabi ng DepEd official na binigyan lamang sila ng P10 bilyon na maaaring masakop ang pagtatayo ng mahigit 7,100 silid-aralan.


Sa datos naman na ipinakita ni Gatchalian, lumitaw na 32 percent ng mga classroom para sa Kinder hanggang Grade 6 ang maituturing na congested o hindi tumutugon sa ideal ratio na 1:32 students; 41 percent naman sa high school ang congested habang 50% sa senior high school.


Dahil dito, sinabi ni Bringas na ilang mga paaralan ang nagpapatupad ng hanggang tatlong shifts habang ang iba ay dalawang shifts.


Kinumpirma ng opisyal na nananatiling problema pa rin ng DepEd ang kakapusan ng mga guro kahit taun-taon ay mayroon silang 10,000 slots para sa mga bagong titser.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page