top of page
Search

ni Mylene Alfonso @News | September 2, 2023



ree

Sa gitna ng nakakaalarmang pagtaas ng presyo ng bigas sa merkado, inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang rekomendasyon na magpataw ng mandatong price ceiling sa bigas sa buong bansa.


Nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang Executive Order No. 39 noong Agosto 31, kung saan nakasaad na inaprubahan ni Pangulong Marcos ang magkasanib na rekomendasyon ng Department of Agriculture (DA) at Department of Trade of Industry (DTI) na magtakda ng price ceiling sa bigas sa bansa.


Sa ilalim ng EO 39, ang mandated price ceiling para sa regular milled rice ay P41 kada kilo habang ang mandated price cap para sa well-milled rice ay P45 bawat kilo.

Sa ilalim ng Price Act, ang lalabag na retailer ay mahaharap sa isang taon hanggang 10 taong pagkakakulong at/o multang P5,000 hanggang P1 milyon.


“The mandated price ceilings shall remain in full force and effect unless lifted by the President upon the recommendation of the Price Coordinating Council or the DA and the DTI,” nakasaad sa executive order, kung saan magiging epektibo matapos mailathala sa Official Gazette o pahayagan na may pangkalahatang sirkulasyon.


Matatandaang sa sectoral meeting noong Agosto 29, iniulat ng DA ang projection nito na ang suplay ng bigas para sa ikalawang semestre ay aabot sa 10.15 million metric tons (MMT), 2.53 MMT nito ay natitirang stock mula sa unang semester habang 7.20 MMT ang inaasahang ani mula sa lokal na produksyon at tanging ang 0.41 MMT ay imported na bigas.


Nabatid na ang kabuuang supply ay magiging higit pa upang tugunan ang kasalukuyang demand na 7.76 MMT at magbubunga pa na stock na 2.39 MM na tatagal nang hanggang 64 na araw.


Gayunman, binanggit din sa EO na sa kabila ng tuluy-tuloy na supply ng bigas, nag-ulat din ang DA at DTI ng malawakang pagsasagawa ng diumano'y ilegal na pagmamanipula ng presyo, tulad ng hoarding ng mga mapagsamantalang negosyante at pakikipagsabwatan sa mga kartel.


Gayundin ang mga pandaigdigang kaganapan na lampas sa kontrol ng Pilipinas, tulad ng Russia-Ukraine conflict, pagbabawal ng India sa rice exportation, at ang hindi maidiktang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, bukod sa iba pang mga kadahilanan, ay nagdulot ng nakababahala na pagtaas sa mga retail price ng bigas.


Una nang iniulat ng DA na aabot sa P42 hanggang P55 kada kilo ang presyo ng local regular milled rice sa merkado sa National Capital Region (NCR) habang ang local well-milled rice ay nasa P48 hanggang P56.


Bunsod nito, nagbigay ng direktiba si Pangulong Marcos sa DTI at DA na tiyakin ang mahigpit na pagpapatupad ng mga mandato ng price ceiling, pag-monitor at imbestigahan ang abnormal na paggalaw ng presyo ng bigas sa merkado, at magbigay ng tulong sa mga apektadong retailer sa tulong ng Department of Interior and Local

Government ( DILG).


Inatasan din ng Punong Ehekutibo ang Bureau of Customs (BOC) na paigtingin ang patuloy na pag-iinspeksyon at pagsalakay sa mga bodega ng bigas upang labanan ang hoarding at ilegal na pag-angkat ng bigas sa bansa at mapadali ang pagkumpiska, pag-agaw, o pag-forfeiture ng mga smuggled na bigas ayon sa itinatakda ng batas sa tulong ng DA.



 
 

ni Mylene Alfonso @News | September 1, 2023



ree

Nasa loob na ng Philippine area of responsibility ang Bagyong Hanna, na nagpapalakas sa hanging habagat kasama ng Super Typhoon Saola (dating 'Goring') at Tropical Storm Kirogi na kapwa nasa labas ng PAR.


Bandang alas-4 ng madaling-araw nang mamataan ang sentro ng bagyo 1,225 kilometro silangan ng dulong hilagang Luzon, ayon sa pinakahuling pagtaya ng PAGASA kahapon.


Tinatayang mas maraming ulan ang babagsak sa matataas at mabubundok na lugar. Sa ilalim nito, malaki ang tiyansang makapagtala ng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga naturang lugar.


Ang pinalakas na habagat ay magdadala ng mahanging panahon sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region Zambales, Bataan, Aurora, Bulacan, Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas at hilagang bahagi ng Eastern Visayas.


Samantala, malaking bahagi ng Maynila ang binaha dahil sa matinding pag-ulan dulot ng hanging habagat na pinalala ng Bagyong Goring.


Kaugnay nito, sinuspinde ng Palasyo ang klase sa lahat ng antas maging ang pasok sa mga tanggapan ng gobyerno sa Metro Manila, nitong Huwebes ng hapon.



 
 

ni Mylene Alfonso @News | August 31, 2023



ree

Isinusulong ni Sen. Lito Lapid ang Credit Assistance Program (CAP) para sa mga overseas Filipino workers (OFWs).

Sa inihaing Senate Bill No. 2390, makaka-avail ang mga OFW ng pautang na hanggang P50,000 mula sa Overseas Workers Welfare Administration(OWWA).


Ito’y upang magkaroon ng panggastos ang pamilya ng OFWs sa loob ng tatlong buwan, kabilang na rin ang bayad sa recruitment process at plane tickets.


Sa ilalim pa ng panukala, ang utang ay puwedeng bayaran sa loob ng 12 buwang installments o higit pa pero hindi lalagpas sa 24 na buwan na may interest rate na anim na porsyento kada taon.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page