top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Apr. 3, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Nalaman ni nanay na nailipat ng kanyang kapatid sa pangalan lamang niya ang titulo ng lupa na namana nila mula sa kanilang mga magulang. Ayon kay tita ay ibinigay diumano ito ni nanay sa kanya. May pinirmahan diumano na dokumento si nanay, ngunit hindi niya alam na Deed of Donation pala iyon dahil iba ang sinabi sa kanya. May bisa ba itong Deed of Donation? Cocoy



Dear Cocoy,


Una sa lahat, ang donation ay isang kasunduan sa pagitan ng nagbigay (donor) at binigyan (donee) kung saan ibinibigay ng donor nang walang bayad o kapalit ang kanyang ari-arian o karapatan sa isang ari-arian sa donee na tumatanggap nito. Dahil ito ay sa kasunduan, ayon sa Article 1318 ng ating New Civil Code of the Philippines, kinakailangan ang mga sumusunod: (1) pahintulot ng mga partido (consent of the contracting parties); (2) tumutukoy sa tiyak na bagay/ari-arian (object certain); at (3) dahilan ng obligasyon (cause of the obligation):


Sa kasong Lauro Cardinez, et. al. vs. Spouses Prudencio and Cresencia Cardinez, G.R. No. 213001, ika-04 ng Agosto 2021, sa panulat ni Hon. Associate Justice Ramon Paul L. Hernando, pinasiyahan ng ating Korte Suprema na walang bisa ang Deed of Donation kung walang consent mula sa donor na ibigay o i-donate ang kanyang pag-aari sa ibang tao:


Consent is absent in the instant case. Consent, to be valid, must have the following requisites: (1) intelligent or with an exact notion of the matter to which it refers; (2) free; and (3) spontaneous. The parties’ intention should be clear; otherwise, the donation is rendered void in the absence thereof or voidable if there exists a vice of consent. xxx


The absence of consent, and not just a mere vitiation thereof, on the part of respondents to donate their land has been satisfactorily established.


Prudencio categorically and firmly stated that he did not know that the document which Valentin asked him to sign was a Deed of Donation. In fact, Prudencio did not read the document before affixing his signature because he trusted his brother that it was for the partition of their inherited land and the cancellation of its title. Valentin neither read the contents of the document to respondents nor gave them a copy thereof. The notary public likewise did not explain its contents to respondents and only asked them to affix their signatures therein.


The Court also finds it very perplexing why respondents would donate their portion of the land which Prudencio inherited from his mother considering that Prudencio and Cresencia have children of their own.


It is therefore clear that respondents did not donate their land to petitioners. They never understood the full import of the document because it was neither shown to them nor read by either Valenin or the notary public. Considering that they did not give their consent at all to the Deed of Donation, it is therefore null and void.”


Ipinaliwanag dito ng ating Korte Suprema na kinakailangan na ang consent ay: (1) intelihente o may eksaktong paniwala sa bagay na tinutukoy nito; (2) malayang ibinigay; at (3) kusang-loob itong ibinigay. Dapat malinaw ang intensyon ng mga partido. Kung hindi, ang donasyon ay walang bisa dahil sa kawalan ng consent.


Sa salaysay mo, kung walang intensyon ang iyong nanay na ibigay ang kanyang pag-aari sa kanyang kapatid, at sa gayon, hindi siya nagbigay ng consent para rito, ang Deed of Donation sa pagitan nila ay walang bisa. Kailangan lamang maipakita na talagang hindi alam o naiintindihan ng iyong nanay ang pinirmahan niyang dokumento. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Apr. 2, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


May katanungan ako tungkol sa disability benefits ko bilang isang seafarer. Nagtrabaho ako ng humigit-kumulang 10 taon sa ibang bansa. Ang pinasukan ko ay isang marine terminal platform na isang fixed offshore structure at ito ay nakaangkla sa ilalim ng seabed. Ngunit ang claim ko para sa aking disability benefits na nakapaloob sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Standard Employment Contract (POEA-SEC) ay tinanggihan ng kumpanyang pinasukan ko dahil hindi diumano ako maituturing na seafarer. Tama bang sabihin na hindi ako maituturing na seafarer? Maraming salamat sa iyong sagot. Jefferson



Dear Jefferson,


Nakasaad sa Artikulo 13 (g) ng ating Labor Code of the Philippines ang kahulugan ng terminong “seaman”:


(g)‘Seaman’ means any person employed in a vessel engaged in maritime navigation.”


Ipinahihiwatig ng depinisyong ito na ang kakayahan ng isang sasakyang pandagat na makilahok sa maritime navigation ay napakahalaga sa pagtukoy kung ang isang manggagawa ay maituturing na isang seaman (ang terminong ginamit bago ang seafarer) sa ilalim ng ating Labor Code. 


Ayon naman sa Part I, Rule II (38) ng 2003 POEA Rules and Regulations Governing the Recruitment and Employment of Seafarers (2003 POEA Seafarer Rules), ang kahulugan ng “seafarer” ay:


Rule II (38). Seafarer - refers to any person who is employed or engaged in any capacity on board a seagoing ship navigating the foreign seas other than a government ship used for military or non-commercial purposes. The definition shall include fishermen, cruise ship personnel and those serving on foreign maritime mobile offshore and drilling units. x x x” 


Samantala, sa 2016 Revised POEA Rules and Regulations Governing the Recruitment and Employment of Seafarers (2016 POEA Seafarer Rules), ang kahulugan ng seafarer ay naiba na rin kumpara sa 2003 POEA Seafarer Rules. Nakalahad sa Rule II (42) at (44) nito na:


(42). Seafarer - refers to any person who is employed or engaged or works in any capacity on board a ship. xxx


 (44). Ship - means a ship other than one which navigates exclusively in inland waters or waters within or closely adjacent to, sheltered waters or areas where port regulations apply.


Sa ngayon, ang kahulugan ng seafarer sa ilalim ng Republic Act (R.A.) No. 12021, na isinabatas noong 23 Setyembre 2024, ay matatagpuan sa Seksyon 6 (aa):


“(aa) Seafarer refers to a Filipino who is engaged, employed, or is working in any capacity on board a ship covered under this Act.”


Para sa iyong kaalaman, mayroong kasong napagdesisyunan ang ating Korte Suprema na nakasasaklaw sa iyong katanungan. Ayon sa V People Manpower Philippines, Inc. vs. Buquid (G.R. No. 222311, Pebrero 10, 2021), isinulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Ramon Paul L. Hernando:


It must be emphasized that notwithstanding the evolution of how the POEA defines a “seafarer,” the same should still be read with Article 13(g) of the Labor Code, which contains the legal definition that may not be expanded or limited by mere administrative rules or regulations. Indeed, all the definitions mentioned would all point to the fact that in order to be considered a seaman or seafarer, one would have to be, at the very least, employed in a vessel engaged in maritime navigation. Thus, it is clear that those employed in non-mobile vessels or fixed structures, even if the said vessels/structures are located offshore or in the middle of the sea, cannot be considered as seafarers under the law.”


Kaya naman tungkol sa iyong sitwasyon, kung ikaw ay nagtrabaho sa isang marine terminal platform na isang fixed offshore structure at nakaangkla sa ilalim ng seabed, malinaw sa kasong nabanggit sa itaas na hindi ito kasama sa mga sasakyang pandagat para maituring na seafarer ang nagtatrabaho rito. 


Ang kahulugan din ng seafarer ay hindi lamang nakadepende sa trabaho o posisyon ng manggagawa, ngunit ito rin ay nakabatay sa uri ng marine vessel o offshore unit kung saan nakatalaga ang manggagawa habang siya ay empleyado. Kaya naman sa iyong naging trabaho, maaaring maituring ka na isang land-based worker at hindi seafarer. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Apr. 1, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Bilang isang solo parent, naghahanda akong bumili ng sasakyan para isama ang aking anim na taong gulang na anak sa aking pagpasok sa trabaho. Balak ko kasi na idaan ang anak ko sa bahay ng aking mga magulang sa arawang pagpasok sa aking opisina. May nakapagsabi sa akin na kapwa ko magulang na kailangan diumano gumamit ng child carrier o upuan na pambata kapag sasakay ang bata sa sasakyan. Tumingin ako nito sa mga tindahan at nagulat ako sa presyo ng mga ito. Inisip ko na lang na humiram sa kapatid ko pero kailangan diumano ay iyong pasado ang kalidad at uri ng child carrier ang gagamitin. Ang tanong ko ngayon ay paano ko malalaman kung tamang kalidad ng child carrier ang makukuha o magagamit ko? Salamat sa inyong magiging paliwanag. Lemos



Dear Lemos, 


Para sa iyong kaalaman, ang child carrier na iyong nabanggit sa iyong tinatawag na child restraint system (CRS) na isang uri ng upuan na itinatakda ng batas na kailangang gamitin ng mga batang may edad 12 pababa sa kanilang pagsakay sa mga sasakyan. Ang pagtatakda na ito ay alinsunod sa Republic Act (R.A.) No. 11229, na pinamagatang Child Safety in Motor Vehicles Act.


Ang nabanggit na CRS ay pinangangahulugan ng nasabing batas bilang isang aparato na sadyang gawa para sa mga batang lulan ng mga sasakyan na idinisenyo upang mapaliit ang panganib at pinsala na dulot ng pagkabangga ng sasakyan o biglaang pagpreno, sa pamamagitan ng pagpapanatili ng galaw ng bata na sakay nito. (R.A. No. 11229, Sec. 3(h)). 


Itinatakda ng batas na kinakailangang pasado sa nararapat na kalidad ang gagamitin na CRS.  Ayon sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng R.A. No. 11229, itinuturing na paglabag sa batas ang paggamit ng mababang kalidad na CRS. (Rule III, Sec. 9)  Kaugnay nito, ipinatutupad ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pagsunod sa mga pamantayan na itinatakda sa United Nations Regulation No. 44 at United Nations Regulation No. 129; kabilang ang iba pang pandaigdigang pamantayan na gagamitin upang tukuyin ang akmang kalidad na gagamitin sa paggawa at pagbenta ng mga CRS sa ating bansa (IRR, Rule IV, Sec. 11) 


Upang mapatunayan na aprubado ang uri ng CRS na gagamitin, kinakailangan na ang lahat ng gumagawa at nagbebenta nito ay kumuha sa DTI-Bureau of Philippine Standards (DTI-BPS) ng PS Mark License o ICC Certificate bago makapagbenta nito. (Ibid, Sec. 12)  Dahil dito, kinakailangang may nakalagay o nakadikit na PS mark o ICC sticker sa CRS. Ito ang magsisilbing patunay na sumusunod ang napiling CRS sa tamang pamantayan at kalidad na itinakda ng DTI.  


Ang requirement na ito ay alinsunod din sa Land Transportation Office Memorandum Circular No. 2021-2292 na inilabas noong 8 Nobyembre 2021, kung saan ginagamit ang PS mark at ICC sticker upang matukoy kung tama ba ang kalidad ng CRS na ginagamit.


Bilang pangwakas, mabuting malaman din na may parusa ang sinumang gagamit ng hindi tamang uri at kalidad ng CRS. May nakatakdang multa na halagang P1,000.00 para sa unang paglabag; P3,000.00 naman sa pangalawang paglabag, at P5,000.00 na may kasamang isang taon na suspensyon ng lisensya sa pagmamaneho para sa pangatlo at higit pang paglabag. (IRR, Rule VIII, Sec. 25)


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page