top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Apr. 8, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Maaari bang gawing dahilan ang pagiging “Muslim na lugar” upang hindi agarang maimbentaryo ang ebidensya? Nagkaroon kasi ng buy-bust operation sa lugar ng mga pinsan ko at ang balita ko ay nasangkot ang isa naming kaanak. Hindi namin siya kukunsintihin kung totoong may kinalaman siya sa ilegal na droga ngunit ang sabi ng ilang nakasaksi ay nadawit lamang diumano ang aming kaanak. Hindi rin diumano agad inimbentaryo ang mga nasabat na droga. Nakadalawang lipat pa diumano sa ibang mga barangay bago nakapag-imbentaryo dahil “Muslim na lugar” diumano ang barangay kung saan naganap ang operasyon, pati na ang kabilang barangay na unang pinagdalhan sa kaanak namin. Maaari bang patagalin ang pag-iimbentaryo sa dahilan na iyon? Sana ay malinawan ninyo ako. — Rodel



Dear Rodel,


Mababanaag sa Section 21 ng Republic Act (R.A.) No. 9165, o mas kilala bilang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”, na naamyendahan ng R.A. No. 10640, ang mga panuntunan na dapat sundin kaugnay sa pamamahala ng kustodiya at kontrol ng mga nakalap na ebidensya kaugnay ng mga aktibidad at transaksyon na mayroong kinalaman sa ilegal na droga. Ayon sa batas:


“SEC. 21. Custody and Disposition of Confiscated, Seized, and/or Surrendered Dangerous Drugs, Plant Sources of Dangerous Drugs, Controlled Precursors and Essential Chemicals, Instruments/Paraphernalia and/or Laboratory Equipment.– x x x


(1)The apprehending team having initial custody and control of the dangerous drugs, controlled precursors and essential chemicals, instruments/paraphernalia and/or laboratory equipment shall, immediately after seizure and confiscation, conduct a physical inventory of the seized items and photograph the same in the presence of the accused or the person/s from whom such items were confiscated and/or seized, or his/her representative or counsel, with an elected public official and a representative of the National Prosecution Service or the media who shall be required to sign the copies of the inventory and be given a copy thereof: Provided, That the physical inventory and photograph shall be conducted at the place where the search warrant is served; or at the nearest police station or at the nearest office of the apprehending officer/team, whichever is practicable, in case of warrantless seizures: Provided, finally, That noncompliance of these requirements under justifiable grounds, as long as the integrity and the evidentiary value of the seized items are properly preserved by the apprehending officer/team, shall not render void and invalid such seizures and custody over said items.” 


Malinaw na nakasaad sa nasabing probisyon na ang pangkalahatan na alituntunin ay kinakailangan na agarang mamarkahan at maimbentaryo ang mga nakalap na ilegal na droga at iba pang ebidensya na mayroong kaugnayan dito matapos na makuha at makumpiska ang mga ito ng umarestong opisyal. Bagaman maaaring lumihis sa panuntunan ang umarestong opisyal, tulad ng pag-antala sa pagmamarka at pag-iimbentaryo o gawin sa ibang lugar ang naturang pagmamarka at pag-iimbentaryo, subalit dapat ay makapagbigay siya ng makatwirang dahilan ukol dito.


Sa sitwasyon na iyong nabanggit, maaaring mayroong pagkukulang ang mga opisyal na nagsagawa ng nasabing buy-bust operation kung sadyang hindi nila agarang inimbentaryo ang mga nakalap na ebidensya at hindi sila nakapagbigay ng sapat na makatwirang dahilan sa nasabing pagkukulang. Sa isang kaso na dinesisyunan ng ating Korte Suprema, kanilang ipinaliwanag, sa panulat ni Kagalang-galang na Senior Associate Justice Marvic M.V.F Leonen, na ang pagdadahilan na “Muslim na lugar” ang pinangyarihan ng operasyon ay hindi sapat upang hindi tupdin ang mga panuntunang nakasaad sa Section 21 ng R.A. No. 9165:


“In the recent case of People v. Sebilleno, this Court denounced the prosecution's reasoning that the target area was a ‘notorious Muslim community’ to justify noncompliance with Section 21.  We stressed that such invocation constitutes a bigoted view that only stirs conflict among Filipinos of different religious affiliations.


To sustain the police officers’ equating of a so-called ‘Muslim area’ with dangerous places does not only approve of a hollow justification for deviating from statutory requirements, but reinforces outdated stereotypes and blatant prejudices.


Islamophobia, the hatred against the Islamic community, can never be a valid reason to justify an officer's failure to comply with Section 21 of Republic Act No. 9165. Courts must be wary of readily sanctioning lackadaisical justifications and perpetuating outmoded biases. No form of religious discrimination can be countenanced to justify the prosecution's failure to comply with the law.” (People of the Philippines vs. Samiah S. Abdulah, G.R. No. 243941, March 11, 2020)


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Apr. 7, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Kasama sa listahan ng bilihin ko ang mga sabong panlaba, at ang madalas na binibili ko ay mga produkto galing sa ibang bansa. Alam ko na may mga kemikal na ginagamit upang magawa ang nasabing produkto. Ganoon pa man, nais ko lang malaman sana kung may batas ba sa bansa natin patungkol sa mga kemikal na ginagamit maski sa mga inangkat na sabong panlaba? Salamat sa iyong sagot. — Reno, Jr.



Dear Reno, Jr.,


Maaaring matagpuan ang kasagutan sa iyong katanungan sa Seksyon 4 ng Republic Act (R.A.) No. 8970, o “An Act Prohibiting the Manufacture, Importation, Distribution and Sale of Laundry and Industrial Detergents Containing Hard Surfactants and Providing Penalties for Violation Thereof”, kung saan nakasaad na:


Section 4. Prohibition. - The manufacture, importation, distribution and/or sale of laundry and industrial detergents containing hard surfactants are hereby declared prohibited.  The Bureau of Product Standards shall review and revise the mandatory Philippine National Standard for ‘Surface Active Agnets-Synthetic Detergents for Laundry Use’ in accordance with this Act and monitor compliance therewith.


For this purpose, the Bureau of Product Standards shall inspect laundry and industrial detergents, whether imported or locally-manufactured, to ensure that they are free from hard surfactants.


Batay sa nasabing batas, naging polisiya ng ating gobyerno na protektahan, siguraduhin, at pangalagaan ang mamamayang Pilipino mula sa panganib at mapaminsalang epekto ng polusyon gaya ng nakikita mula sa mga produktong inangkat mula sa ibang bansa, tulad ng sabong panlaba, dahil napag-alaman na ang mga ito ay maaaring naglalaman ng mga matapang na sangkap na mapanganib sa kalikasan.


Dahil dito, ipinagbawal ng batas ang paggawa, pag-angkat, pamamahagi, at/o pagbenta ng mga panlaba at pang-industriyang detergent na naglalaman ng mga matapang na surfactant. Ayon Seksyon 2(a) ng parehong batas, ang “hard surfactants” ay tumutukoy sa “surfactants with low biodegradability rate including chemicals such as hard or branded alkyl benzene, hard or branched alkyl benzene surfactants, hard or branded dodecyl benzene sulfonates, branched dodecyl benzene, their sodium or potassium salts and other technical names referring to the same chemical compound.”


Kaugnay nito, may mga karampatang parusa na nakasaad sa Seksyon 5 ng R.A. No. 8970 tulad ng pagpapataw ng multa:


Section 5. Administrative Sanctions. - Any violation of this Act shall constitute a violation of a trade and industry law subject to the provisions of Executive Order No. 913 dated 7 October1983, as amended. The Bureau of Product Standards shall have the authority recommend, pursuant to Executive Order No. 913, as amended, the imposition of the administrative sanctions enumerated therein against the manufacturer, importer, distributor, and seller of laundry and industrial detergents containing hard surfactants.


In addition to the administrative sanctions imposable under Executive Order No. 913, as amended, the Bureau of Product Standards is hereby authorized to recommend the imposition of the fines in case of violation of this Act as set forth in the following schedule:


(i) First Offense, a fine of Two hundred thousand pesos (Php200,000.00);

(ii) Second Offense committed within one (1) year from the first offense, a fine of Three hundred thousand pesos (Php300,000.00); and

(iii) Third offense committed within one (1) year from the second offense, a fine of Five hundred thousand pesos (Php500,000.00).


The imposition of the foregoing administrative sanctions shall be without prejudice to the cancellation of the manufacturer’s license to operate and/or the Product Standards Quality Mark pursuant to Republic Act No. 4109, as amended.


Kung kaya, bilang kasagutan sa iyong katanungan at base sa mga probisyon ng nasabing batas, ipinagbabawal ang paggawa, pag-angkat, pamamahagi at/o pagbenta ng mga panlaba at pang-industriyang detergent na naglalaman ng mga matapang na surfactant. Ito ay upang masigurado na ang mga produkto na ating ginagamit ay ligtas at walang anumang kemikal na matataguriang mapaminsala ‘di lamang sa kalusugan ng tao, kung hindi pati sa kalikasan.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Apr. 6, 2025



ISSUE #351


Napakahalaga ng ebidensiya sa bawat paglilitis ng kaso, lalo na sa kasong kriminal. Hindi lamang dito malalaman ang katotohanan, dahil dito rin nakasalalay upang makamit ng biktima ang hustisyang inaasam. 


Ano nga ba ang maaaring mangyari o maging epekto sa kaso kung sakali na magkulang ang panig ng tagausig sa pagprisinta ng ebidensiya sa hukuman? 


Sabay-sabay nating tunghayan ang kuwento ni Jun na hango sa kaso na People of the Philippines vs. Rogelio Mangune y Castillo a.k.a. “Roger Piano” (CA-G.R. CR-HC NO. 18574, February 26, 2025), sa panulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Emily R. Aliño-Geluz (Seventh Division), at matuto sa mga tuntuning ibinahagi ng Court of Appeals (CA) Manila.


Si Jun ay biktima ng malagim na pamamaril na naganap noong Disyembre 31, 2010, sa Tondo, Manila. 


Ang mga napagbintangan na merong kinalaman sa nasabing pamamaril ay sina Roger, Arnel at Michael. Diumano, nagtulungan sila nang merong pagtataksil at malinaw na paghahanda upang isakatuparan ang pamamaslang sa biktima.


Kasong murder ang inihain laban kina Roger, Arnel at Michael sa Regional Trial Court (RTC) of Manila. 


Gayunpaman, “not guilty” ang taimtim nila na naging pagsamo sa hukuman.

Batay sa bersyon ng tagausig, si Jun ay nakikipag-inuman sa Molave Street, sa Tondo, bandang alas-8:00 ng gabi, noong Disyembre 31, 2010, nang meron diumano biglang dumating na dalawang lalaki na lulan ng isang motorsiklo. 


Ang nagmamaneho ng nasabing motorsiklo ay nakasuot diumano ng basketball jersey, habang ang nakaangkas na lalaki ay nakasuot ng itim na jacket, sombrero at may panyo na nakatakip sa kanyang mukha. 

Diumano, bigla na lamang pinaputukan ng baril si Jun ng lalaking nakaangkas, dahilan upang mapahiga umano ang biktima sa lupa. 


Nasaksihan diumano ni Kenneth, pinsan ni Jun, ang pangyayari. Si James naman, na may tatlo hanggang apat na metro ang layo, nakita niya rin diumano ang insidente ng pamamaril at tinamaan pa umano siya ng ligaw na bala. 


Nabalitaan diumano ng kapatid ni Jun na si Rolando ang kagaganap lamang na pamamaril. Agad umano itong nagtungo sa lugar na pinangyarihan ng insidente at nakita si Jun na nakahandusay na sa lupa habang tinututukan ng baril ng isang lalaki. 


Nadala pa umano ni Rolando si Jun sa pagamutan, subalit binawian din ito ng buhay.

Batay sa imbestigasyon na isinagawa ni SPO4 Ignacio, si Jun ay biktima umano ng “riding-in-tandem”. Nakitaan diumano ng koneksyon ang pamamaril kay Jun sa hiwalay na insidente ng pamamaril na naganap sa Caloocan noong Enero 1,  2011. Nakita umano sa camera ang insidente ng pamamaril, dahilan diumano sa pagkilala kina Arnel at Michael na mga may gawa ng krimen.


Sa autopsy na isinagawa sa bangkay ni Jun, narekober ang isang deformed na basyo ng bala mula sa kanyang vertebral column. Nakita rin sa nasabing pagsusuri na ang sugat na tinamo ng biktima ay kawangis na hugis ng narekober na bala.


Naaresto si Arnel noong Enero 6, 2011. Diumano, merong nakita na mga mensahe sa kanyang cellphone ukol sa ilang pamamaslang na nag-uugnay kay Roger. Meron diumanong nabanggit sa mga mensahe ni Roger ukol sa magiging kabayaran. 


Noong Enero 8, 2011 ay inimbitahan naman si Randy sa himpilan ng pulis sapagkat nabanggit diumano ang kanyang pangalan sa mga mensahe ni Roger. 


Batay sa kusang loob na salaysay ni Randy, nagkita umano sina Roger, Arnel at Michael noong Nobyembre 2010 at inutusan diumano ni Roger sina Arnel at Michael na patayin ang kapitbahay nito na si Jun.


Sa isinagawa na police lineup, kinilala umano ni Kenneth sina Arnel at Michael bilang mga pumaslang kay Jun.


Mariin namang itinanggi ni Roger ang paratang laban sa kanya. Aniya, siya ay nag-aalaga ng kanyang anak sa kanilang bahay nang bigla na lamang siyang nakarinig ng kumosyon sa labas ng kanilang bahay. Napag-alaman diumano niya na bumaril sa kapitbahay niya na si Jun. Nang humupa na umano ang kumosyon, sa bahay na ng kapatid ng kanyang asawa sa Cubao, Quezon City, nagdiwang ng Bagong Taon si Roger at ang kanyang pamilya. Diumano, makalipas ang dalawang araw, nalaman niyang pumanaw na si Jun.


Matapos ang halos labing-tatlong taon mula nang maganap ang pamamaslang kay Jun, nagbaba ng desisyon ang RTC. Guilty beyond reasonable doubt para sa krimen na murder ang mga inakusahan. 


Ayon sa RTC, napatunayan ng ebidensiya ng tagausig na sina Arnel at Michael ang bumaril kay Jun. Napatunayan din umano ang kriminal na responsibilidad ni Roger bilang principal by inducement batay sa mga mensahe na nakita sa cellphone ni Arnel.


Sina Roger at Arnel ay pinatawan ng pagkakakulong sa parusa na reclusion perpetua. Ipinag-utos din ng mababang hukuman na sila ay magbayad-pinsala at danyos sa mga naulila ni Jun. 


Ang kaso naman laban kay Michael ay na-dismiss bunsod ng kanyang pagpanaw habang dinidinig ang naturang kaso, alinsunod sa Artikulo 89 ng Revised Penal Code (RPC). 


Agad na naghain ng kanilang apela sina Arnel at Roger upang hilingin na mabaliktad ang ibinaba na hatol ng RTC. Subalit, sa pamamagitan ng isang mosyon, iniurong ni Arnel ang kanyang apela at ipinaabot sa CA Manila ang kanyang pagnanais na pagdusahan na lamang ang parusa na ipinataw sa kanya ng RTC. Ipinagkaloob ng hukuman ng mga apela ang nasabing mosyon.


Samantala, nagpatuloy naman ang apela ni Roger. Sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan C.J.S. Mendoza mula sa aming PAO-Special and Appealed Cases Service (PAO-SACS), iginiit ng depensa na mali ang ibinabang desisyon ng RTC, sapagkat hindi umano napatunayan ng tagausig ang pagkakakilanlan nina Arnel at Michael bilang mga bumaril sa biktima. Mali rin umano ang RTC na hindi nito binigyan ng halaga ang depensa ng pagtanggi ni Roger. 


Dagdag pa ng depensa, hearsay diumano ang testimonya ni SPO4 Ignacio at ng saksi ng tagausig na si Randy. Hindi rin umano napatunayan nang higit sa makatuwirang pagdududa ang lahat ng mga elemento ng murder.


Sa muling pagsisiyasat sa apela ni Roger, ipinaalala ng CA Manila ang mga elemento ng krimen na Murder, na dapat ay: (1) Merong tao na napaslang; (2) Ang akusado ang pumaslang sa biktima; (3) Merong alinman sa mga qualifying circumstances na nakasaad sa Artikulo 248 ng RPC; at (4) Hindi parricide o infanticide ang naganap na krimen.


Batay sa desisyon ng appellate court, naitaguyod ang unang elemento ng krimen, sapagkat napatunayan na binaril si Jun na naging sanhi ng kanyang pagpanaw. Napatunayan din ang ikaapat na elemento – na hindi parricide o infanticide ang naganap na krimen.


Subalit, napatunayan ba ang ikalawang elemento? Batay sa desisyon ng RTC, sina Arnel at Michael ay mga principals by direct participation. Sila ay sapat na kinilala umano ng mga saksi na sina James at Rolando bilang bumaril sa biktima. Si Roger naman ay kinilala bilang principal by inducement base sa salaysay ng saksi na si Randy, sapagkat inutusan at inudyukan niya umano ng kabayaran sina Arnel at Michael upang kitilin ang buhay ni Jun.


Gayunpaman, naging kapuna-puna umano sa CA Manila na hindi partido si Randy sa sinasabi niya na naganap na usapan sa pagitan ng tatlong inakusahan at na hindi niya personal na kilala si Jun. Naging kapuna-puna rin diumano sa hukuman ng mga apela na kahit na hindi nagbigay ng kanyang testimonya sa hukuman si Randy upang patotohanan ang kanyang mga pahayag na isinaad niya sa kanyang salaysay ay kinonsidera ng mababang hukuman ang due execution nito at pinagbatayan pa ang nilalaman nito sa paghahatol sa mga inakusahan. Para sa appellate court, mali ang RTC sa hatol nito kay Roger sapagkat ang hindi pagpiprisinta kay Randy sa pagdinig ay nangangahulugan na ang kanyang salaysay ay hearsay evidence. Kung kaya’t hindi ito maaaring bigyan ng timbang bilang ebidensiya. Ganundin ang cellphone ni Arnel, na sinasabi na naglalaman ng mga mensahe na nag-uugnay kay Roger sa pamamaslang sa biktima, sapagkat hindi rin ito ipinrisinta sa hukuman. 


Binigyang-diin ng hukuman ng mga apela na ang pagbubukod sa mga nasabing ebidensiya bilang hearsay evidence ay bunsod ng tatlong dahilan: Una ay ang kawalan ng pagkakataon na ma-cross examine ng depensa ang saksi na pinagmulan ng naturang ebidensiya; Ikalawa, ang kawalan ng katibayan ng kilos ng naturang saksi; At ikatlo, ang kakulangan o kawalan ng panunumpa ng saksi na pinagmulan ng nasabing ebidensiya.


Kapansin-pansin din diumano sa appellate court na, matapos isantabi ang salaysay ni Randy at ang cellphone ni Arnel, wala nang iba pang ebidensiya ang nagpapatunay sa ibinibintang kay Roger na pag-uutos at pag-uudyok diumano nito kina Arnel at Michael na isakatuparan ang pamamaslang kay Jun.


Maging ang testimonya umano ni SPO4 Ignacio ay hindi maaaring magamit bilang katibayan ng kriminal na responsibilidad ni Roger. Para sa appellate court, ang naturang testimonya ay nagpapatunay lamang diumano sa isinagawang imbestigasyon ni SPO4. Ngunit dahil sa kakulangan ng tagausig, hindi nito pagprisinta kay Randy sa hukuman, maging ang kakulangan sa pagprisinta sa cellphone ni Arnel, hindi umano magagamit na sandigan. Binigyang-diin ng CA Manila, sa panulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Emily R. Aliño-Geluz ng Seventh Division:


“The jurisprudence and law on the matter of hearsay is clear, such that a witness may only testify to facts derived from personal knowledge and not on matters that witness has learned, read or heard from another person.”

Ipinaalala rin ng hukuman ng mga apela na ang pasanin ng pagpapatunay ng pagkakasala ng inakusahan nang higit sa makatuwirang pagdududa ay nakaatang sa tagausig. Walang pasanin ang inakusahan na patunayan ang kanyang kawalan ng kasalanan. 


Kung kaya’t, bagaman likas na mahina ang depensa ng pagtanggi at pagdadahilan ng isang inakusahan, kung higit na mahina naman ang ebidensiya ng tagausig at meron kahit na katiting na pagdududa sa pagkakasala ng inakusahan ay kinakailangan na ang kapasiyahan ng hukuman ay kikiling para sa kaniyang pagpapawalang-sala. Sa kasong ito umano, bagaman positibo na kinilala ng mga saksi na sina Arnel at Michael ang may-akda ng pamamaril sa biktima, wala umanong ebidensiya na nagpapatunay sa paratang laban kay Roger na siya ang nag-uutos at nag-udyok na patayin si Jun.


Dahil dito, ipinag-utos ng CA Manila na isinasantabi ang naunang desisyon ng RTC Manila at ipinapawalang-sala si Roger. Ang nasabing desisyon ay naging final and executory rin noong ika-26 ng Pebrero 2025.


Nakakalungkot na sa kabila ng pagkakaroon ng saksi at ebidensiya, hindi pa rin nakamit ng biktima ang hustisya laban kay Roger dahil sa mga naging pagkukulang na naganap sa pag-uusig ng kaso. Gayunpaman, hindi naging lubos na kawalan ang ginawang pagsisikap ng mga naulila ni Jun sa pagsulong ng kaso, sapagkat tinanggap ni Arnel ang ipinataw na kaparusahan sa kaniya, sa kulungan siya ay nagbabayad at nagdurusa. 


Patuloy ang aming panalangin na makamit ng bawat biktima ang hustisya. Patuloy rin kaming magsisikap na tulungan ang bawat isa sa aming mga kliyente na inaakusahan upang makamit din nila ang angkop na katarungan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page