top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 16, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Namamasukan ang aking ama bilang isang tindero sa maliit na tindahan sa palengke. Isa sa kanilang mga ibinebenta ay asin. Pinaubos na diumano sa kanila ang mga natira nilang tinda na asin at ang mga sumunod na dinala sa kanila ng kanilang supplier ay iba na ang itsura ng packaging. Napansin din diumano ng aking ama na mayroong mga magandang pakete na malaki ang nakasulat na “Made in the Philippines,” at mayroon din naman diumano na simple lamang ang pakete at walang nakasulat na ganitong mga salita. Ganoon pa man, pareho naman diumano na gawa sa aming probinsya ang mga asin na iyon. Bakit kaya mayroong pagkakaiba? May batas ba ukol dito? — Ramon



Dear Ramon,


Hindi lamang magaganda ang mga tanawin dito sa ating bansa. Napakarami ring mga lugar sa bawat sulok ng Pilipinas na maaaring pagkunan ng mga likas na yaman. Kung kaya’t patuloy na mandato ng ating pamahalaan ang gumawa at magpatupad ng mga alituntunin at patakaran na tutulong na maisulong ang mga industriya na lumilikha at nagpapayabong sa ating mga likas na yaman. At ang isa na nga rito ay ang industriya ng pag-aasin o salt industry.


Naisabatas ang Republic Act (R.A.) No. 11985, o mas kilala bilang “Philippine Salt Industry Development Act,” bilang tugon sa pagpapahalaga ng ating pamahalaan, partikular na ang ating mga mambabatas, sa kapamuhayan ng pag-aasin, upang tulungan ang ating mga kababayan na mag-aasin, at makamit ang adhikain na patatagin ang nasabing industriya at maging kilala sa buong mundo.


Kaugnay nito, ang isa sa mga ipinag-uutos sa ilalim ng R.A. No. 11985 ay ang paglalagay ng mga katagang “Made in the Philippines” sa mga pakete at dokumento ng mga produkto ng asin na ie-export o ikakalakal sa ibang mga bansa. Sa paraang ito, higit na makikilala at mabibigyang-pansin ang kalidad ng produkto galing sa Pilipinas. Ganoon pa man, hinihikayat lamang ang mga producers at manufacturers ng mga produktong asin na ilagay ang nasabing kataga kung ang kanilang produkto ay para lamang sa lokal na kalakalan. Mababanaag sa Section 25 ng nasabing batas:


“Section 25. Labeling of Salt Made in the Philippines. -- All salt produced or manufactured in the Philippines for export shall be labeled as “Made in the Philippines” in a prominent and conspicuous manner on the product, its packaging, and accompanying documentation, and shall comply with the requirements of Republic Act No. 7394, otherwise known as the 'Consumer Act of the Philippines’.


For domestically produced salt intended for the local market, salt manufacturers, producers or farmers are encouraged to provide a label “Made in the Philippines”.


The DTI shall assist domestic salt manufacturers, producers or farmers on this labeling requirement.” 


Ito ang maaaring dahilan kung bakit mayroong nakikita ang iyong ama na mga pakete na naglalaman ng produkto ng asin na mayroong nakasulat na mga salitang “Made in the Philippines,” dahil maaaring layon din ng supplier nito na maikalakal ang kanilang produkto sa labas ng ating bansa. Para naman sa mga pakete na kanyang nakikita na walang nakasulat na salitang “Made in the Philippines,” dahil maaaring layon ng supplier nito na maikalakal lamang ang kanilang produkto na asin sa ating mga lokal na pamilihan.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 15, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta, 


Ang kapatid kong si Mario ay napangasawa si Foren. Wala silang naging anak. Noong 2021 ay namatay si Mario. Mayroon siyang iniwan na apat na lupain sa Nueva Ecija. Gumawa si Foren ng isang kasulatan na may pamagat na “Deed of Self Adjudication.” Sinabi niya roon na wala silang anak ni Mario. Inilagay din niya na patay na ang mga magulang namin, at sinabi rin niya na walang kapatid si Mario kaya siya lang ang dapat magmana ng mga ari-arian nito. Nalaman ko lang ito noong 2024, nang sinabi sa akin ng kaibigan ko sa Nueva Ecija na ibinebenta diumano ang nasabing lupa, kaya sinabi ko kay Foren na magsusumite ako ng kaso sa korte para ipawalang-bisa ang nasabing dokumento. Ngunit dahil nakapag-aral si Foren ng batas sa loob ng dalawang taon ay sinabi niya na hindi ko na ito maaaring isumite sa korte dahil dalawang taon lang ang ibinibigay ng batas para sa mga tagapagmana na hindi nakasama sa nasabing dokumento. Tama po ba si Foren? — Adie



Dear Adie,


Ayon sa Article 1001 ng New Civil Code of the Philippines, kung ang naiwang kamag-anak lang ng isang yumao ay ang kanyang asawa at mga kapatid, ang asawa ay may karapatan sa kalahati ng iniwang ari-arian, at ang kalahati naman ay mapupunta sa mga kapatid. 


Nakasaad din sa Section 1, Rule 74 ng Rules of Court na kung ang yumao ay walang huling habilin, walang utang, at ang lahat ng mga tagapagmana ay hindi na menor-de-edad o kung menor-de-edad ay nirerepresenta ng kanilang ligal na kinatawan, maaari nilang hati-hatiin ang mana sa pamamagitan ng tinatawag na extra-judicial settlement of estate. 

Ang tanong ngayon ay paano kung mayroong mga tagapagmana na hindi nakasama sa extra-judicial settlement of estate? Ayon sa Section 4, Rule 74 ng nasabing panuntuan: 


SEC. 4. Liability of distributees and estate. — If it shall appear at any time within two years after the settlement and distribution of an estate in accordance with the provisions of either of the first two sections of this rule, that an heir or other has been unduly deprived of his lawful participation of the such heir or such other person may compel the settlement estate in the courts in the manner hereinafter provided for the purpose of satisfying such lawful participation. x x x


Ayon sa nabanggit na artikulo, kung sa loob ng dalawang taon mula sa pagsasaayos at pamamahagi ng mga ari-arian ng yumao ay may mga tagapagmana na nawalan ng karapatan sa kanilang mana, maaari silang magsumite sa korte ng kaso para ayusin ang mga naiwang ari-arian. 


Ngunit sa kasong Benny Sampilo vs. Court of Appeals and Felisa Sinopera (G.R. No. L-10474, 28 February 1958), nilinaw ng Korte Suprema, sa pamamagitan ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Alejo Labrador, na ang dalawang taon na nabanggit sa nasabing batas ay maaari lamang gamitin ng (1) mga tagapagmana na nakisali sa nasabing hatian ng mana, at (2) kung ang mga pangangailangan na nabanggit sa Section 1, Rule 74 ay natupad. 


Samakatuwid ang karapatan ng mga tagapagmana na hindi nakilahok o hindi makisali sa hatian ng ari-arian o sa extra-judicial settlement of estate ay hindi mapapaso kahit na makalipas ang dalawang taon mula nang isinaayos o ipinamahagi ang mga ari-arian. 

Sa iyong sitwasyon, maaari kang magsumite ng kaso sa korte para kuwestiyunin ang Deed of Self-adjudication na ginawa ng iyong hipag kahit na lumagpas na ang dalawang taon simula nang isinaayos niya at ibinigay niya sa kanilang sarili ang lahat ng ari-arian ng iyong namatay na kapatid. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 14, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Ang kapitbahay ko ay isang 40-taong gulang na lalaki. Nabuntis niya ang kanyang nobyang babae na 17-taong gulang pa lamang. Nagpasya ang mga magulang ng batang babae, kasama ang aking kapitbahay, na pagsamahin na sa iisang bahay ang naturang mga partido dahil ayon sa kanila, magpapakasal din naman sila sa tamang panahon. Tama ba ang kanilang ginawa? Nais ko sanang maliwanagan. Maraming salamat. — Auring



Dear Auring,


Ang Estado ay may tungkuling protektahan at laging itaguyod ang kapakanan ng mga bata. Ito ay alinsunod sa ating Konstitusyon at mga obligasyon sa ilalim ng internasyonal na batas.  Kasama sa proteksyon ng mga bata ang pag-iingat sa kanila mula sa mga ilegal at mapang-abusong sosyal o kultural na gawain.


Sa ilalim ng Republic Act (R.A.) No. 11596, o mas kilala bilang “Act Prohibiting the Practice of Child Marriage,” mahigpit na ipinagbabawal ang pagpapakasal ng mga batang wala pa sa tamang edad sa kanilang kapwa bata o sa taong nasa wasto nang gulang. Binigyang depinisyon din ng Seksyon 3 ng nasabing batas ang terminong child marriage. Ayon dito:


Section 3. Definition of Terms. – As used in this Act:


(b) Child marriage refers to any marriage entered into where one or both parties are children as defined in the paragraph above, and solemnized in civil or church proceedings, or in any recognized traditional, cultural or customary manner. It shall include an informal union or cohabitation outside of wedlock between an adult and a child, or between children; x x x


Bukod dito, ipinagbabawal din ng parehong batas ang pakikipag-live in sa isang menor-de-edad.


“Section 4. Unlawful Acts. – The following are declared unlawful and prohibited acts: x x x


(c) Cohabitation of an Adult with a Child Outside Wedlock. – An adult partner who cohabits with a child outside wedlock shall suffer the penalty of prision mayor in its maximum period and a fine of not less than Fifty thousand pesos (P50,000.00): Provided, however, That if the perpetrator is a public officer, he or she shall likewise be dismissed from the service and may be perpetually disqualified from holding office, at the discretion of the courts: Provided, finally, That this shall be without prejudice to higher penalties that may be imposed in the Revised Penal Code and other special laws.”


Malinaw sa nabanggit na probisyon ng batas na ang pagsasama sa labas ng kasal ng isang bata at isang taong nasa tamang gulang bilang mag-asawa ay ipinagbabawal. 


Upang sagutin ang iyong katanungan, ang pagsasama ng iyong kapitbahay at kanyang karelasyong 17-taong gulang o menor-de-edad ay ipinagbabawal ng batas. Walang kinalaman sa legalidad ng kanilang pagsasama ang intensyon nilang magpakasal sa sandaling umabot na ang batang babae sa wastong gulang. Maaaring maharap sa pagkakakulong at multa ang iyong kapitbahay kung mapapatunayan na siya ay lumabag sa nasabing batas. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page