top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 25, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Polisiya ng Republic Act (R.A.)  No. 11983, o ang “New Philippine Passport Act,” na ganap na naging batas noong Marso 11, 2024, ang pagkilala nito sa karapatan ng mga mamamayan na maglakbay. Ito ay alinsunod sa Article III, Section 6 ng ating Saligang Batas na nagtatadhana na ang karapatang maglakbay ay hindi maaaring pigilan maliban sa interes ng pambansang seguridad, kaligtasan ng publiko, o kalusugan ng publiko, gaya ng maaaring itadhana ng batas. 


Patakaran ng Estado ang protektahan ang constitutional rights ng mga mamamayan sa paglalakbay habang tinitiyak na ang pag-iisyu ng isang pasaporte o anumang dokumento sa paglalakbay ay alinsunod sa mga international instruments. Layunin ng batas na magbigay ng ligtas, personalized passport at data management technology upang mapahusay at mabigyan ng proteksyon ang paggamit ng karapatang maglakbay.


Ang Estado ay dapat lamang maghayag ng mga minimum requirements at dapat tiyakin ang mabilis na aksyon sa mga aplikasyon at pag-isyu ng mga pasaporte at iba pang mga dokumento na kinakailangan sa paglalakbay.


Alinsunod dito, ang Kalihim ng Ugnayang Panlabas o Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary, o sinumang awtorisadong opisyal ng konsulado ay maaaring mag-isyu ng mga pasaporte alinsunod sa batas na ito. Ang mga opisyal ng konsulado ng Pilipinas sa ibang bansa ay dapat pahintulutan ng Kalihim ng DFA na mag-isyu, magtanggi, o magkansela ng pasaporte sa lugar ng hurisdiksyon ng foreign service posts (FSP) alinsunod sa mga probisyon ng batas na ito.


Sa interes ng pambansang seguridad, kaligtasan, at kalusugan ng publiko, at alinsunod sa Seksyon 5 at 10 ng batas na ito, ang Kalihim ng DFA, o sinuman sa mga awtorisadong opisyal ng konsulado, ay maaaring tanggihan ang pagbibigay ng pasaporte o kanselahin ang isang pasaporte. Subalit ang pag-isyu ng isang pasaporte ay hindi maaaring tanggihan kung ang kaligtasan at interes ng mamamayang Pilipino ay nakataya. Ang pagtanggi o pagkansela ng isang pasaporte ay hindi makapipigil sa pagpapalabas ng isang emergency travel document upang bigyang-daan ang ligtas na paglalakbay ng isang Pinoy pabalik sa Pilipinas.


Ayon sa Seksyon 8 ng batas na ito, ang mga tinataguriang emergency travel documents ay ang mga sumusunod:


“(a) Emergency Passports shall be issued to Filipino travelers who have lost their passports while traveling overseas and are justifiably in need to complete their intended overseas travel prior to their return to the Philippines or their residence overseas. This shall be valid for one (1) year from the date of issuance; and


(b) Emergency Travel Certificate shall be issued to Filipinos returning to the Philippines who have lost their passports overseas or cannot be issued a regular passport.  This certificate shall be valid for thirty (30) days up to six (6) months from the date of issuance.”


Nakapaloob din sa batas na ito ang mga dahilan kung kailan maaaring tanggihan ang pagbibigay ng pasaporte o kanselahin ang pasaporte ng isang tao, katulad ng mga sumusunod:


(a) Denial of Issuance of Passport:


(1) Upon orders of the court to hold the departure of an individual;

(2) Upon submission of a duly notarized request by the person exercising parental authority over a minor of incapacitated applicant;

(3) When the applicant has been found to have violated any of the provisions of this Act; or

(4) Such other disqualification under existing laws;


(b) Cancellation of Passports:


(1) Upon orders of the court, when the holder has been convicted of a criminal offense: Provided, that a passport may be issued after service of sentence;

(2) Upon orders of the court, when the holder is a fugitive from justice;

(3) Upon orders of the court, when the holder is a suspected terrorist charged with any violation of Sections 4, 5, 6, 7, 8, 9, 10, 11, and 12 of Republic Act No. 11479 or "The Anti-Terrorism Act of 2020": Provided, that a passport may be issued upon: (1) acquittal of the accused, (ii) the dismissal of the case filed against such person, or (iii) the discretion of the court on motion of the prosecutor or of the accused;

(4) When a passport was acquired fraudulently, tampered with, or issued erroneously; or

(5) When a passport is returned to the DFA by other government agencies or entities: Provided, that cancellation of the passport will not prevent the holder from being issued a new passport.”


May mga pagkakataon din kung saan ang pasaporte ay binibigyan ng mga paghihigpit, katulad sa mga sumusunod na pagkakataon:


  1. Kapag ang isang hold departure order o precautionary hold departure order ay inisyu ng isang karampatang hukuman laban sa isang pinaghihinalaang tao o isang respondent sa isang kriminal na kaso; 

  2. Kapag ang bansang itinalaga ay nasa estado ng kawalang-katatagan sa pulitika na maaaring magdulot ng panganib sa manlalakbay na Pilipino;

  3. Kapag ang diplomatikong relasyon o ugnayan sa Pilipinas ay naputol; o

  4. Kapag ang bansang patutunguhan ay napapailalim sa paghihigpit sa paglalakbay ayon sa patakaran ng pamahalaan, pagkilos ng pagpapatupad ng UN, o nasa ilalim ng digmaan.


Ang pagtanggi sa aplikasyon o pagkansela ng pasaporte para sa mga dahilan maliban sa utos ng korte ay maaaring iapela sa Kalihim ng DFA. Pakatandaan lamang na ang isang pasaporte ng Pilipinas ay nananatiling pag-aari ng gobyerno sa lahat ng oras at hindi maaaring kumpiskahin ng sinumang indibidwal o ahensya maliban sa DFA.  Anumang ibang ahensya ng gobyerno, opisyal, o empleyado na kumumpiska ng pasaporte o dokumento sa paglalakbay ay dapat na agad ibigay ito sa DFA.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 24, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Matagal na akong nakatira sa loob ng isang subdibisyon. Napag-alaman ko na ang lupang kinatitirikan ng aking bahay ay sakop ng mga open spaces ng aming subdibisyon. Gusto ko itong bilhin at nakausap ko na rin ang presidente ng homeowners association na nagsabi na maaari ko raw mabili ito. Gusto ko sanang kumpirmahin kung puwede kong bilhin ang lupa na ito? — Olsen



Dear Olsen,


Ang batas na nakasasakop sa mga open spaces ng isang subdibisyon ay ang Presidential Decree (P.D.) No. 1216. Nakalahad sa ikalawang talata ng whereas clause nito na:


“WHEREAS, such open spaces, roads, alleys and sidewalks in residential subdivision are for public use and are, therefore, beyond the commerce of men.”


Kaugnay nito, sa ilalim ng Seksyon 2 ng nabanggit na batas, nakasaad na


“Sec. 31. Roads, Alleys, Sidewalks and Open spaces. The owner as developer of a subdivision shall provide adequate roads, alleys and sidewalks. For subdivision projects one (1) hectare or more, the owner or developer shall reserve thirty percent (30%) of the gross area for open space. such open space shall have the following standards allocated exclusively for parks, playgrounds and recreational use:


(a) 9% of gross area for high density or social housing (66 to 100 family lot per gross hectare).

(b) 7% of gross area for medium-density or economic housing (21 to 65 family lot per gross hectare).

(c) 3.5 % of gross area low-density or open market housing (20 family lots and below per gross hectare).


These areas reserved for parks, playgrounds and recreational use shall be non-alienable public lands, and non-buildable. The plans of the subdivision project shall include tree planting on such parts of the subdivision as may be designated by the Authority.


Upon their completion as certified to by the Authority, the roads, alleys, sidewalks and playgrounds shall be donated by the owner or developer to the city or municipality and it shall be mandatory for the local governments to accept provided, however, that the parks and playgrounds may be donated to the Homeowners Association of the project with the consent of the city or municipality concerned. No portion of the parks and playgrounds donated thereafter shall be converted to any other purpose or purposes.” 


Samakatuwid, ang “open spaces” sa isang subdibisyon ay hindi maaaring ibenta. Ito ay itinuturing na non-alienable public land at hindi maaaring tayuan. Nakareserba ang paggamit nito bilang parke, laruan, at pook-libangan.   


Ito rin ay marapat na ipagkaloob ng developer sa local government unit. Maaari naman itong i-donate sa homeowner’s association ngunit dapat pa rin panatilihin ang paggamit nito alinsunod sa itinakda ng batas. 


Sa iyong sitwasyon, nabanggit mo na ang lupa na iyong inookupa ay bahagi ng open space, kaya hindi ito puwedeng ibenta sa iyo. Paglabag sa probisyon ng Presidential Decree (P.D.) No. 1216 ang inyong planong bilihan dahil gaya ng nabanggit sa itaas lampas ito sa sakop ng komersyo ng tao.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 23, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Hiwalay na kami ng aking asawa. Ako ang nag-alaga sa aming anak dahil wala akong trabaho kaya lagi akong nanghihingi ng suporta sa kanya. Umabot pa sa puntong muntikan na akong magsampa ng petisyon para sa suporta. Noong nakahanap ako ng trabaho, kinuha niya ang bata para siya ang mag-alaga dahil matatapos na rin ang kontrata niya sa kanyang kumpanyang pinapasukan. Minalas ako at nasuspinde sa trabaho kaya hindi ako nakapagbigay ng buwanang sustento. Ngayon sinasabi niya na kapag ang lalaking asawa ay hindi nakapagbigay ng sustento ay maituturing na kaagad itong pang-aabuso kaya maaari niya akong ihabla ng paglabag sa probisyon ng RA 9262. Tama po ba ito? — Zaido


Dear Zaido,


Parehong responsibilidad ng mag-asawa ang pagbibigay ng suporta sa kanilang pamilya. Ito ay nakapaloob sa ilalim ng Article 70 ng Family Code of the Philippines na nagsasabing: 


“The spouses are jointly responsible for the support of the family. The expenses for such support and other conjugal obligations shall be paid from the community property and, in the absence thereof, from the income or fruits of their separate properties. In case of insufficiency or absence of said income or fruits, such obligations shall be satisfied from the separate properties.”


Ang hindi pagbibigay ng suporta, na walang halong intensyon na abusuhin ang babae o anak, ay hindi krimen. Maaaring maghabla ng kasong sibil laban sa esposo na hindi nagbigay ng suporta, ngunit hindi kaagad nagreresulta sa kasong kriminal kahit pa ang lalaki ang hindi nakapagbigay ng suporta. Sa paliwanag ng Kataas-taasang Hukuman sa kasong Acharon vs. People of the Philippines, G.R. No. 224946. November 09, 2021, sa panulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Alfredo Benjamin S. Caguioa:


“To be sure, under the Family Code, the obligation to support is imposed mutually upon the spouses. In other words, both the husband and the wife have the obligation to give support to each other. However, even as the law imposes the obligation to support mutually upon the spouses, the failure of the wife to financially support the husband only results in civil liability, whereas if it is the husband who fails to provide financial support to the wife, this will result not only in civil liability, but also criminal liability under Section 5(i) of R.A. 9262. Surely, this cannot be the case, as the law recognizes no substantial distinction between the husband and the wife as regards their responsibility to provide financial support to each other and the family”.


Sa iyong sitwasyon, dahil nasuspinde ka sa trabaho, kaakibat niyan ang kawalan ng kita kaya hindi ka makapagbigay ng suporta sa iyong asawa o anak. Itong kaganapan na ito ay hindi kaagad sapat na basehan para ikaw ay managot ng pang-aabuso sa iyong asawa o anak. Ang kabiguan ng babae na magbigay ng suporta sa kanyang esposo o anak ay nagreresulta lamang ng kasong sibil para siya ay obligahin na magbigay ng sustento sang-ayon sa responsibilidad ng mag-asawa na nakatalaga sa ilalim ng Article 70 ng Family Code of the Philippines. Ganoon din sa sitwasyon ng lalaki, lalo na kung hindi intensiyunal ang kabiguan na magsustento. Dapat din siyang obligahin na magbigay ng suporta sa pamamagitan ng kasong sibil at hindi kaagad ito maituturing na pang-aabuso sa ilalim ng probisyon ng Section 5 (i) ng Republic Act (R.A.) No. 9262 o “Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.” Kaya hindi totoo ang sinabi ng iyong asawa na maaari kang mapanagot ng kasong kriminal dahil lamang sa hindi ka nakapagbigay ng buwanang sustento.  


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page