top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 9, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Na-admit ako sa isang pribadong ospital sa loob ng tatlong araw. Paglabas ko roon ay inaasahan kong makatatanggap ako ng kopya ng aking medical abstract, ngunit wala akong natanggap. Nang magtanong ako tungkol dito, sinabi nila sa akin na kailangan kong magpasa ng request at kinakailangan ding aprubahan ito ng doktor ko. Kailangan pa bang magpasa ng sinasabing request para sa sarili kong medical record? Hindi ba dapat awtomatikong ibigay nila ito sa isang pasyente? — Mark

Dear Mark,


Ang mga medical record, tulad ng medical abstract, ay itinuturing bilang isang sensitibong personal na impormasyon alinsunod sa Seksyon 3(l)(2) ng Republic Act (R.A.) No. 10173 o ang Data Privacy Act of 2012. Isinasaad din sa parehong batas na ang pagpoproseso, kasama ang pagbubunyag sa mga ito, ay may mga karampatang mahigpit na kondisyon na kailangang sundin. Dahil dito, maaari lamang itong maproseso batay sa mga pinahihintulutan ng batas at dapat ay may pagsang-ayon ang pasyente. Ang nasabing pagproseso ng impormasyon ay dapat na limitado sa partikular na layunin kung kaya ibinigay ang naturang pahintulot. Dagdag dito, ang Seksyon 16(C) ng parehong batas ay nagsasaad na ang isang data subject, kabilang ang isang pasyente sa kaso ng mga medical record, ay may karapatang makita ito:


(c) Reasonable access to, upon demand, the following:


  1. Contents of his or her personal information that were processed;

  2. Sources from which personal information were obtained;

  3. Names and addresses of recipients of the personal information;

  4. Manner by which such data were processed;

  5. Reasons for the disclosure of the personal information to recipients;

  6. Information on automated processes where the data will or likely to be made as the sole basis for any decision significantly affecting or will affect the data subject;

  7. Date when his or her personal information concerning the data subject were last accessed and modified; and

  8. The designation, or name or identity and address of the personal information controller;


Bagama’t ang isang pasyente ay maaaring makita ang kanyang sariling mga medical record, hindi ito nangangahulugan na siya ay awtomatikong bibigyan ng kopya nito. Tulad ng nakasaad sa itaas, kapag hinihiling ng pasyente o ng kanyang awtorisadong kinatawan, ay maaari niya itong ma-access. 


Kaugnay nito sa Hospital Health Information Management Manual 4th Edition na inilabas ng Kagawaran ng Kalusugan ay nakasaad na: 


5. Release of Health Information

  1. All information in the health record shall be treated as confidential and safeguarded against loss, destruction and unauthorized use.

  2. Only authorized persons shall be given access to health records with personal and sensitive personal information.

  3. Patients may not be allowed to access their health records to prevent misinterpretation of medical information, which may lead to complaint/litigation.

  4. Release of information with clinical value shall be done with the consent of the physician in charge to prevent misinterpretation. x x x

  5. The health record is the physical property of the health facility. However, patients have the right to the record since its content concerns their clinical information. As such, the release of information with clinical value shall be done only upon explicit, written consent/waiver from the patient.” 


Batay sa nabanggit, ang mga pasilidad ng kalusugan katulad ng ospital ay may mga privacy protocol o mga pamamaraan na sinusunod sa bawat pagkakataon na ang medical record ay ipoproseso. Ang pag-apruba ng iyong doktor bago ibigay ang iyong hinihinging kopya ng medical record ay kinakailangan upang maiwasan ang ano mang hindi tamang pagbasa o paggamit nito. Ang mga pamamaraang ito ay dapat sundin ng lahat, kabilang ang mismong pasyente, upang matiyak na ang mahigpit na kinakailangan para sa pagproseso ng sensitibong personal na impormasyon sang-ayon sa Data Privacy Law at iba pang nauugnay na mga alituntunin at regulasyon na nilalayong mapangalagaan ang pagiging kompidensiyal ng mga medical record ng bawat pasyente. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.







 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 8, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Mahalaga ang gampanin ng mga magsasaka sa ating lipunan, kaya naman sila ay pinahahalagahan ng ating pamahalaan. Malapit sa puso ng ating Pangulo ang mga magsasaka. Pinangasiwaan pa nga niya noon ang Department of Agriculture (DA), noong siya ay bagong halal na Pangulo ng ating bansa. Makikita natin kung gaano niya binibigyan ng halaga ang ating mga kababayang magsasaka. 


Noong ika-7 ng Hulyo, 2023, nilagdaan ng ating Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., ang Republic Act (R.A.) No. 11953 o mas kilala sa titulong “New Agrarian Emancipation Act.” Isinabatas ito upang igawad sa mga magsasaka ang repormang agraryo, o tinatawag na Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs), ang pagkondona sa kanilang mga principal loans, hindi nabayarang amortizations, at interes nito, at upang hindi sila isali sa pagbabayad ng estate tax sa agricultural land na iginawad sa kanila sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). 


Ang mga ARBs ay tumutukoy sa mga magsasaka o manggagawang bukid na pinagkalooban ng mga lupain sa ilalim ng Presidential Decree (P.D.) No. 27, Republic Act (R.A.) No. 6657 at Republic Act (R.A.) No. 9700, at may mga natitira pang balanse sa utang na babayaran sa Land Bank of the Philippines (LBP) at sa mga pribadong may-ari ng lupa.


Bukod sa pagkondona sa kanilang pagkakautang, nakasaad din sa batas na ang mga ARBs ay mga Pilipinong magsasaka na may karapatan na tumanggap ng suporta mula sa mga ahensya ng pamahalaan, partikular na mula sa DA. Kaya ipinag-utos ng batas sa DA na isama ang mga ARBs sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at ipaabot sa kanila ang lahat ng mga serbisyong pangsuporta na nararapat sa ating mga magsasaka. 


Ang lupang iginawad sa mga ARBs ay hindi rin dapat isama sa kabuuang ari-arian (estate) nila, para sa mga layunin ng pagbabayad ng buwis sa mana (estate tax), sa oras na ang nasabing benepisyaryong magsasaka ay yumao. Dapat ding hikayatin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan na magpatibay ng lokal na amnestiya sa mga buwis sa real property at iba pang transfer taxes para sa mga kuwalipikadong magsasaka sa ilalim ng batas na ito.


Nakasaad din sa nabanggit na batas na anumang nakabinbing kasong administratibo (forfeiture case) na isinampa ng DAR dahil lamang sa kabiguan ng isang ARB na bayaran ang 30 taong amortisasyon, kasama ang anim na porsyento (6%) na taunang interes, ay agad na pinababalewala. Kaya inatasan ang DAR na kumilos upang ibasura ang lahat ng mga aksyon na nakabinbin sa mga korte na may kaugnayan sa pagkolekta ng hindi nabayarang prinsipal at mga interes sa mga lupaing agrikultural na sakop ng mga batas sa repormang agraryo.


Ang pagpapatupad ng pinal na desisyon dahil sa kabiguan ng isang ARB na magbayad ng 30 taong hulog kasama ang 6% na taunang interes na nagresulta sa diskuwalipikasyon ng ARB, ang pagkansela ng titulo ng repormang agraryo, ang pagpuksa sa mga karapatan sa pagmamay-ari ng ipinagkaloob na lupain, gayundin ang pagpapalayas ng tao mula sa ipinagkaloob na lupain o ang pagbuwag sa anumang mga ipinatayo na matatagpuan doon, ay dapat na agad na wakasan. Gayundin, ang iginawad ng lupa kaugnay ng repormang agraryo ay agad na dapat ibalik sa kuwalipikadong magsasaka. 


Anumang titulo ng lupang sakop ng repormang agraryo na nakansela bilang resulta ng pinal na desisyong administratibo ay agad na muling bubuuin pabor sa ARB. Kung sakaling ang lupang pang-agrikultura ay naigawad na sa iba pang benepisyaryo, ang DAR, hanggang maaari, ay magbibigay muli ng award sa nawalang benepisyaryo bunsod ng forfeiture case.


Subalit, sinumang tao na napatunayang nagkasala sa pamamagitan ng pinal na paghatol sa alinman sa mga ipinagbabawal na akto sa ilalim ng Seksyon 73 at nakamit ang alinman sa mga parusa sa ilalim ng Seksyon 74 ng R.A. No. 6657, ay hindi kuwalipikado na mapakinabangan ang mga benepisyo sa ilalim ng batas na ito.


Makikita sa mga probisyon ng batas na ito ang layunin ng ating Pangulo na bigyan ng suporta ang ating mga magsasakang nakinabang sa probisyon ng CARP Law. Ito ay isang uri ng pagkilala ng pamahalaan sa ambag ng mga magsasaka sa pag-unlad ng bayan tungo sa Bagong Pilipinas. 






 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | June 8, 2025



ISSUE #355


Ang kamatayan, hindi man natin alam kung kailan kakatok sa pintuan ng ating buhay, tiyak na mangyayari pa rin.  Sadyang darating ang punto na tayo ay tatapak sa kani-kanya nating huling hantungan. 


Ganunpaman, walang sinuman sa atin ang nararapat na makaranas ng hinagpis, karahasan o pagpapahirap. 


Nawa ang bawat isa sa atin ay maging panatag at mapayapa sa pagharap ng takipsilim sa ating buhay.


Sa nakalulungkot na pagbaling ng mga pangyayari noong ika-1 ng Setyembre 2017, hindi naging mapayapa ang pagwawakas ng buhay ni Joseph, ang biktima sa kuwento na aming ibabahagi sa araw na ito na halaw sa kasong People of the Philippines vs. Sesenio Salingay y Ciudadano (CA-G.R. CR-HC No. 04798, April 28, 2025). 


Sa katunayan ay naging marahas at karumal-dumal ang kanyang sinapit. Samahan ninyo kami sa pagbabahagi ng mga detalye kaugnay sa insidente na nagdala kay Joseph sa kanyang huling hantungan, at ang naging pinal na paghahatol ng hukuman ng mga apela kay Sesenio, ang tao na pinaratangan na pumaslang sa biktima.


Kasong murder ang inihain laban kay Sesenio sa Regional Trial Court (RTC) ng Tagbilaran City. 


Batay sa bersyon ng panig ng tagausig, bandang alas-8:00 ng gabi, noong ika-1 ng Setyembre 2017, sa isang tindahan sa Dauis, Bohol, ay nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan nina Joseph at Sesenio. 


Si Honorato, ama ni Sesenio, ay agad umanong humingi ng saklolo kina Barangay Tanod John at Reynaldo upang awatin at pahupain ang magkabilang panig. 


Si John ang sumunggab diumano kay Sesenio. Napansin niya na merong nakaumbok sa likod ni Sesenio. Isa pala itong kutsilyo na may walong pulgada ang haba. 


Nakuha ni John ang naturang patalim at pinagsabihan si Sesenio, matapos ay hinila na umano papalayo ni Honorato ang kanyang anak. Subalit, lingid sa kanilang kaalaman, meron pa palang bitbit na isa pang kutsilyo si Sesenio. At nang makapiglas si Sesenio, bigla umano nitong sinugod ng saksak si Joseph. Sa gilid ng tiyan ng biktima tumarak ang patalim, sanhi upang umagos ang kanyang dugo at lumabas ang bahagi ng kanyang bituka. Dali-dali naman diumanong tumalilis si Sesenio.


Bagaman nadala pa sa pagamutan si Joseph at sumailalim sa operasyon, binawian din siya ng buhay. 


Si Sesenio naman ay kalaunan nadakip ng mga pulis. Not guilty” ang naging pagsamo ni Sesenio sa RTC. Bagaman hindi niya itinanggi na siya ang sumaksak kay Joseph, iginiit niya ang depensa na pagtatanggol lamang sa sarili at sa ama ang kanyang ginawa. 


Ayon sa testimonya ni Sesenio, umuwi siya sa kanilang bahay matapos ang kanyang trabaho noong hapon ng ika-1 ng Setyembre 2017. Nadatnan niya umano na wala silang bigas. Sapagkat wala rin siyang pera na maipambibili ng pagkain para sa kanyang anak, naisipan niya na bumalik sa kanyang pinagtatrabahuan upang humiram ng pera sa kanyang amo.


Nadaanan niya umano ang tindahan kung saan nakikipag-inuman si Joseph. Inalok diumano siya nito na uminom subalit siya ay tumanggi, dahilan upang magbulalas diumano si Joseph: “Unsa man ka? Isog man kaha ka?” (Ano ang tingin mo sa sarili mo? Matapang ka na, ano?). Sinuntok din diumano siya ni Joseph ng dalawang beses, isa sa balikat at isa sa leeg. Tumakbo umano si Sesenio pabalik ng kanyang bahay. Bagaman hinabol siya ni Joseph ay hindi na umano siya naabutan nito. Subalit sinigawan diumano siya nito ng, “Bumalik ka rito kung matapang ka.”


Dahil sadyang kailangan diumano ni Sesenio na makahiram ng pera sa kanyang amo, naisipan niya na bumalik muli sa kanyang pinagtatrabahuan. Subalit wala umanong ibang paraan kundi ang madaanan niya ang tindahan kung saan nakikipag-inuman si Joseph. Kung kaya’t bilang proteksyon diumano, nagbitbit siya ng dalawang kutsilyo.


Nang marating nang muli ni Sesenio ang tindahan ay nagpang-abot na naman sila ni Joseph. Nakita niya rin umano roon si Honorato at ang dalawang barangay tanod. Bago pa man siya abutan ng suntok ni Joseph ay nahila umano siya ng isang tanod at nakuha ang kutsilyo mula sa kaniya. 


Sinubukan diumano na pakalmahin ni Honorato si Joseph, subalit ipinagwalang-bahala lamang ito ng huli at sinakal si Honorato. 


Dahil diumano sa takot na makitil ang buhay ng kanyang ama, sinugod ni Sesenio si Joseph at sinaksak sa gilid ng tiyan nito. Agad din diumano siyang tumalilis.


Matapos ang paglilitis sa kaso, nagbaba ng desisyon ang RTC noong ika-18 ng Setyembre 2023 at hinatulan si Sesenio na maysala para sa krimeng murder. 


Ayon sa RTC, hindi umano napatunayan ni Sesenio ang justifying circumstances na self-defense at defense of a relative. Maliban sa kanyang testimonya na sinakal ni Joseph ang kanyang ama, wala na umanong iba pang testimonya na inilabas ang depensa na magpapatotoo sa naturang akto ng pananakal. 


Sa katunayan, taliwas diumano ang pahayag ni Sesenio sa testimonya nina John at Reynaldo na may sampu hanggang labing-dalawang metro ang layo ni Honorato. 


Kung kaya’t, para sa RTC, labis-labis diumano ang ginawa ni Sesenio sa hinihingi at hindi matatanggap ang pagdadahilan na ipinagtanggol lamang niya ang kanyang sarili at ang kanyang ama.


Sa pagnanais na mabaliktad ang hatol ng RTC, naghain si Sesenio ng apela sa Court of Appeals (CA) Cebu City. Tumayong abogado ni Sesenio si Manananggol Pambayan M.R.V. Relucio na mula sa aming PAO-Regional Special and Appealed Cases Unit Visayas (PAO-RSACU Visayas). 


Mariin na iginiit ng depensa na self-defense at defense of a relative ang ginawa ni Sesenio. Nagsimula umano sa panig ng biktima ang hindi makatarungan na pagsalakay at ang ginawa lamang ng inakusahan ay naaayon sa pangkaraniwan na reaksyon ng isang taong nahaharap sa napipintong panganib. 


Dagdag pa ng depensa, hindi maaaring makonsiderang murder ang ginawa ng inakusahan, sapagkat hindi umano napatunayan ng tagausig nang higit pa sa makatuwirang pagdududa ang sirkumstansya na pagtataksil. Kung kaya’t dapat umano na mapawalang-sala si Sesenio.


Giit naman ng panig ng Office of the Solicitor General (OSG), hindi maituturing na self-defense at defense of a relative ang ginawa ni Sesenio, sapagkat hindi umano nakakitaan ng pagalit o palaban na pag-uugali ang biktima na maaaring magbigay ng hudyat na meron siyang kagyat na banta ng pananakit. Wala rin umanong makatuwiran na pangangailangan upang saksakin ni Sesenio ang biktima. 


Dagdag pa ng OSG, merong pagtataksil sa parte ng inakusahan, sapagkat noong siya ay umuwi, kumuha siya ng dalawang kutsilyo, isinukbit sa kanyang bewang at bumalik sa tindahan, kung nasaan ang biktima na noon ay walang sandata. 


Wala rin umanong pagkakataon ang biktima na depensahan ang kanyang sarili sa bilis ng ginawa na pag-atake ng inakusahan. 


Sa pagdedesisyon sa apela ni Sesenio, ipinaliwanag ng CA Cebu City na bumaling sa inakusahan ang pasanin ng pagpapatotoo o burden of evidence sapagkat iginiit niya ang justifying circumstances na self-defense at defense of a relative. 


Kaugnay nito, kinakailangan na mapatunayan niya ang bawat elemento ng mga naturang depensa upang siya ay mapawalang-sala. 


Ang mga elemento ng self-defense ay ang sumusunod: 


“(1) unlawful aggression on the part of the victim; (2) reasonable necessity of the means employed to prevent or repel such aggression; and (3) lack of sufficient provocation on the part of the person resorting to self-defense.”


Ang mga elemento naman ng defense of a relative ay: 


“(1) unlawful aggression on the part of the victim; (2) reasonable necessity of the means employed to prevent or repel such aggression; and (3) in case the provocation was given by the person attacked, that the one making the defense had no part therein.”


Matapos ang masiyasat na muling pag-aaral sa kaso ni Sesenio, hindi nakumbinsi ang hukuman ng mga apela na naitaguyod ng depensa ang self-defense at defense of a relative. Hindi umano napatunayan ng Depensa na merong unlawful aggression sa parte ng biktima. Bagaman kanilang iginiit na ang biktima ang nagsimula ng gulo nang hamunin nito at suntukin ng makadalawang ulit ang inakusahan, humupa na umano ang agresyon nang makauwi si Sesenio sa kanyang bahay at hindi na nahabol pa ng biktima. 


Kung kaya’t sa punto na iyon, wala na umanong pangangailangan para ipagtanggol pa ni Sesenio ang kanyang sarili. 


Wala rin umanong iba pang ebidensya na nagpapatunay na sinakal nga ng biktima si Honorato. 


Sa katunayan, sinabi umano mismo ni Honorato na itinulak lamang siya ng biktima, habang sa pahayag naman nina John at Reynaldo, pinakakalma umano ni Honorato si Sesenio nang saksakin ng huli ang biktima.


Hindi rin umano napatunayan ng depensa na merong makatuwiran na pangangailangan ang inakusahan sa paraan na kanyang ginamit upang maiwasan o masalag ang sinasabing agresyon mula sa biktima. 


Kapuna-puna umano sa hukuman ng mga apela na walang sandata ang biktima, habang si Sesenio ay merong bitbit na dalawang patalim. Naroon din umano si Honorato, John at Reynaldo nang maganap ang insidente. Kung kaya’t hindi umano makatuwiran ang pamamaraan na ginawa ni Sesenio sa sinasabi niya na pagtatanggol lamang sa kanyang sarili at ng kanyang ama.


Ganunpaman, pinanigan ng CA Cebu City ang paninindigan ng depensa na, sa ginawa na pagpaslang sa biktima, wala ang mga sirkumstansya ng pagtataksil at malinaw na paghahanda. 


Ipinaalala ng hukuman ng mga apela na ang mga qualifying circumstances na nakasaad sa Artikulo 248 ng ating Revised Penal Code ukol sa krimen na Murder, kabilang dito ang pagtataksil (treachery) at malinaw na paghahanda (evident premeditation), ay kinakailangan na mapatunayan nang higit pa sa makatuwirang pagdududa tulad ng pagpapatunay sa mismong krimen.


Hindi umano nakakitaan ng CA Cebu City ng indikasyon na sadyang pinili ni Sesenio ang kanyang paraan at pamamaraan upang masiguro na makikitil niya ang buhay ni Joseph. 


Bagkus, para sa appellate court, maaaring bunsod ng bulag na galit, dahil sa hindi inaasahang daloy ng mga pangyayari, kaya binunot na lamang ni Sesenio ang kanyang patalim at tuluyang saksakin ang biktima.


Hindi rin umano naitaguyod ng tagausig kung sa ano’ng punto napagdesisyunan ni Sesenio na paslangin ang biktima. Mahalaga umano ang pagtataguyod sa alegasyon na iyon upang masabi kung meron bang sapat na panahon na lumipas na magpapakita ng determinasyon ng inakusahan na paslangin ang biktima.


Sa mga kadahilanang ito, bahagya na ipinagkaloob ng CA Cebu City ang apela ni Sesenio. Mula sa hatol para sa krimeng murder ay ibinaba sa krimeng homicide ang naging hatol sa kanya. 


Pagkakakulong ng sampung taon na prison mayor, bilang minimum, hanggang labing-apat na taon, walong buwan at isang araw na reclusion temporal, bilang maximum, ang parusa na ipinataw sa kaniya.


Ipinag-utos din ng hukuman ng mga apela ang pagbabayad ni Sesenio sa mga naulila ni Joseph ng halagang P50,000.00 bilang civil indemnity, P50,000.00 bilang moral damages, at P84,840.52 bilang actual damages, na merong karagdagan na anim na porsyentong interes bawat taon mula sa petsa na naging pinal ang naturang hatol hanggang sa mabayaran ang kabuuang halaga ng mga ito,


Ang desisyon ng CA Cebu City ay naiproklama noong ika-28 ng Abril 2025.


Maaaring merong naging kamalian si Joseph, kung totoo man na sinigawan at sinuntok niya si Sesenio noong araw ng insidente; maaaring ang espiritu ng alak ang umudyok at tumulak sa kanya para gawin ang mga bagay na iyon; maaari din na sadyang bulag na galit ang nanaig kay Sesenio upang saktan ang biktima; at, maaari na hindi inasahan ni Sesenio na siya ang magdadala kay Joseph sa huli nitong hantungan. 


Gayunpaman, hindi sapat ang alinman sa mga ito upang maranasan ng biktima ang labis-labis na karahasan na sa isang iglap.


Kahit din merong kaparusahan na pangungulungan na ipinataw kay Sesenio, hindi maalis sa aming isipan na maaaring dumadaing pa rin si Joseph sa kabilang buhay. 


Sa aming pakiwari, liban sa hinagpis ng pisikal na sakit na maaaring kanyang napagdaanan, tila ang higit na mabigat na pasakit para sa kanya ay ang tuluyan nang mawalay sa kanyang mga mahal sa buhay. Kung kaya’t sana ay kapulutan ng aral ang kuwento na ito. Huwag daanin ang anumang bagay sa init ng ulo. Hangga’t maaari, umiwas na lamang sa gulo upang tayo sa ating kapwa o sa ating mga sarili mismo ay hindi maperhuwisyo.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page