top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 15, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Madalas tayong makatanggap ng mga tanong sa ating Facebook Live Program na Persida Acosta’s Legal Advice o #PALA tungkol sa karapatan ng mga anak na tumanggap ng suporta. Malimit kasi na nangyayari na kapag ang mga magulang ng isang bata ay nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan at magkahiwalay, ang anak na nasa kanilang pagitan ang tatanggap ng latay ng nasirang relasyon. 


Subalit ang lahat ng mga magulang ay dapat na maunawaan na ang relasyon nila sa kanilang mga anak ay hindi napuputol sa araw na humiwalay na sila sa kanilang karelasyon o asawa. Nananatili ang relasyon nila sa kanilang mga supling anuman ang nangyari sa pagitan nilang magsing-irog. Bunsod ng maraming mga tanong sa aspetong sustento at suporta, aming ilalahad ang batayan ng obligasyon ng isang magulang na magbigay ng suporta at ang karapatan ng isang anak na mabigyan ng sustento para sa kanyang mga pangunahing pangangailangan.  


Ang isang anak, lehitimo man ito o hindi, ay maaaring humingi mula sa kanyang ama ng sustento. Ito ay nakapaloob sa Articles 194 at 195 ng Family Code of the Philippines. Nakasaad sa mga nasabing probisyon ng batas na ang suporta ay binubuo ng lahat ng bagay na importante at kinakailangan upang mabuhay ang isang tao. Bahagi ng suporta ang damit, tirahan, makakain, at mga gastusin para sa pag-aaral at medikal na pangangailangan. Ang nasabing suporta ay maaaring hilingin sa taong may obligasyong ibigay ito sa oras na kinakailangan ito ng taong kailangan ng suporta. 


Hindi nakasaad sa batas ang halaga ng suporta na maaaring hilingin sapagkat, sang-ayon sa batas, ang halaga ng suporta ay naaayon sa kakayahan ng magbibigay at sa pangangailangan ng taong humihiling nito. Kadalasan ang husgado ang nagtatalaga kung magkano ang sapat na suporta para sa isang bata.


Ang paghingi ng suporta ay maaaring gawin sa dalawang paraan: judicial o extrajudicial. Judicial kung magsasampa ng kaso sa husgado ang isang tao para makahingi ng suporta sang-ayon sa kung ano ang isinasaad ng batas. Maliwanag sa pamamaraan na ito na magkakaroon ng paglilitis bago maibigay ang naaangkop na halaga ng suporta. Ang husgado ang magtatalaga sa halaga at sa kung papaanong paraan maipagkakaloob ang nasabing suporta sa nangangailangan nito. Extrajudicial naman kapag walang husgadong mamamagitan para makahingi ng suporta. Sa puntong ito, ang magkabilang partido ay pagkakasunduan ang halaga ng suporta sa pamamagitan ng kanilang pag-uusap. 


Sa mga pagkakataong ito, mas maigi pa rin na subukan muna ng bawat panig na pag-usapan ang usapin ukol sa pagbibigay ng suporta sa kanilang anak. Maaaring sa pag-uusap humiling ng halaga ng sustento para maiwasan ang isang mahabang usaping legal. Kapag nagkaroon ng kasunduan at hindi tumugon ang taong dapat magbigay ng sustento ayon sa kung ano ang nakasaad sa kasunduan, maaaring magpadala ng isang pormal na sulat na humihiling na tuparin ang obligasyong nakasaad sa kasunduan. Kung hindi pa rin tutugon ito ay maaari nang magsampa ng kaso sa husgado. Ang asuntong ito ay isinasampa sa pamamagitan ng isang Petition for Support na inihahain sa regional trial court na gumaganap bilang family court.


Ang halaga ng suporta na igagawad ng husgado ay sang-ayon sa pangangailangan ng taong kailangan ng suporta at kapasidad ng magbibigay ng suporta, at maaari ring ipag-utos ng husgado na kaltasin sa sahod ng magulang na magbibigay ng suporta. (Section 12, A.M. No. 21-03-02-SC)


Bilang panghuli, nais ipabatid ng inyong lingkod, na hindi lamang ang ama ang may obligasyon na magbigay ng sustento. Maging ang ina rin ay may obligasyon na magbigay ng sustento sa kanyang anak. Ang halaga nito ay sa abot ng kanyang kakayanan dahilan sa hindi naman tayo puwedeng magbigay nang higit sa ating kakayanan. Nakasaad din sa batas na ang kapasidad na magbigay ng sustento ay ayon sa kung ano lamang ang kanyang kinikita.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 14, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Pagkauwi ng anak ko ay nag-abot siya ng sobre na napulot diumano niya sa daan habang siya ay naglalakad pauwi. Binuksan ko ito at nakita ko na may lamang maraming pera. Wala naman sa amin ang nakakaalam kung sino ang may-ari nito, at wala rin naman kaming narinig na may nawawalan ng pera. May kaso ba kapag hindi ko naibalik sa may-ari ang pera na napulot ng anak ko? — Evelyn



Dear Evelyn, 


Alinsunod sa ating  Revised Penal Code of the Philippines, ang kasong Theft ay maaaring isampa sa sinumang nakahanap ng nawawalang ari-arian at hindi ito ibinigay sa lokal na awtoridad o sa may-ari nito. Ang patakarang ito ay nakasaad sa Artikulo 308 ng nasabing batas na nagsasaad na:


Article 308. Who are liable for theft. - Theft is committed by any person who, with intent to gain but without violence against or intimidation of persons nor force upon things, shall take personal property of another without the latter’s consent.


Theft is likewise committed by:


1. Any person who, having found lost property, shall fail to deliver the same to the local authorities or to its owner;

2. Any person who, after having maliciously damaged the property of another, shall remove or make use of the fruits or object of the damage caused by him; and

3. Any person who shall enter an inclosed estate or a field where trespass is forbidden or which belongs to another and without the consent of its owner, shall hunt or fish upon the same or shall gather cereals, or other forest or farm products.”


Ang probisyon ng batas na ito ay hindi limitado sa aktuwal na nakahanap ng nawawalang ari-arian. Ang konseptong ito ay ipinaliwanag ng ating Korte Suprema sa kasong Fernando Pante Y Rangasa vs. People of the Philippines (G.R. No. 218969, 18 January 2021), sa panulat ni Honorable Associate Justice Ramon Paul L. Hernando, viz.: 


“In fine, a ‘finder’ under Article 308, par. 2(1) of the RPC is not only limited to the actual finder of the lost property since the gist of the offense is the furtive taking and misappropriation of the property found. Though not the actual finder, there is no dispute that Pante knew for a fact that his two co-accused minor did not own the subject money. He knew for a fact that his co-accused minor merely found the money along the road while the latter was delivering bread. Instead of returning the money, Pante convinced his co-accused minors not to return the money and to divide it among themselves. At that moment, Pante placed himself precisely in the situation as if he was the actual finder. Otherwise stated, petitioner was a ‘finder in law,’ if not in fact; and his act in appropriating the money was of precisely of the same character as if it had been originally found by him.  His criminal intent to commandeer the money found was altogether clear at that point.


The rationale for the ‘finder in law’ concept is not difficult to fathom. It is precisely to protect the owner of the lost property in the event the lost property is transferred from one individual to another and to prevent the ‘finder in law’ from escaping liability by claiming that he was not the actual finder thereof but was merely entrusted custody thereof by someone who had no intention to appropriate the same. ‘Otherwise a person knowingly receiving lost property from the finder, who had no intent to steal, with the felonious intent to appropriate it to his [or her] own use, escapes punishment. In such case, whether or not the person taking the money is guilty of [theft] must be determined on the same principles which govern in the case of the actual finder.’


Ayon sa nasabing kaso, ang sinuman, kahit hindi ang aktuwal na nakatagpo ng ari-arian ng iba, na maglalagay sa kanyang sarili sa sitwasyon na parang siya na rin ang aktuwal na nakahanap ay maituturing na finder in law at maaaring managot sa kasong Theft sapagkat layunin ng batas na protektahan ang may-ari ng nawawalang bagay sa sitwasyon kung saan nailipat-lipat na sa iba’t ibang tao ang kanyang nawawalang ari-arian. Ito ay upang hindi makatakas sa parusa ang isang finder in law na walang intensyon na magnakaw, ngunit sadyang tumanggap ng nawawalang ari-arian mula sa nakahanap at may masasamang layunin na kunin ito para sa kanyang sariling kapakinabangan.  


Kung kaya’t sa iyong sitwasyon, maaari ka pa ring makasuhan ng Theft kahit na hindi naman ikaw ang nakapulot ng sobre na naglalaman ng pera. Simula noong ibinigay sa iyo ng iyong anak ang sobreng may pera, nagkaroon ka ng oportunidad at obligasyon na ibalik ang nasabing pera sa may-ari nito o sa mga lokal na awtoridad. Iyong tandaan sa ating batas na hindi kinakailangan sa kasong Theft na kilala ang nagmamay-ari ng nawawalang ari-arian. Kung kaya’t kahit hindi mo kilala ang may-ari ng nasabing pera, maaari ka pa ring managot sa kasong Theft kung hindi mo ito ibibigay sa lokal na awtoridad. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 13, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta, 


Noong nakaraan ay nagbenta ako ng lupa. Kailangan kong ipanotaryo ang aming “Deed of Absolute Sale”. Naalala ko na ang pinsang buo ko ay isang abogado. Ngunit noong lumapit ako sa kanya para magpanotaryo, sinabihan niya ako na hindi niya maaaring notaryohan ang aking dokumento dahil ako ay kanyang pinsang buo at ito ay hindi pinapayagan diumano ng batas. May batas ba na nagbabawal notaryohan ng abogado ang dokumento ng kanyang kamag-anak? — Biana



Dear Biana,


Ayon sa Section 3 (c), Rule IV ng A.M. No. 02-8-13-SC o 2004 Rules on Notarial Practice, na inilabas ng Korte Suprema noong 5 Hulyo 2004, ang isang notaryo publiko ay hindi maaaring magnotaryo ng isang dokumento kung ang “principal” o ang taong nakalagda sa dokumento ay kanyang asawa, common-law partner o kasalukuyang kinakasama kahit hindi kasal, kanyang ninuno, kanyang mga anak, apo at kaapu-apuhan, o kamag-anak niya, sa dugo man o sa pamamagitan ng batas, na nakapaloob pa sa tinatawag na “4th civil degree”, narito ang eksaktong pahayag ng batas: 


“Sec. 3. Disqualifications – A notary public is disqualified from performing a notarial act if he:  x x x


(c) is a spouse, common-law partner, ancestor, descendant, or relative by affinity or consanguinity of the principal within the fourth civil degree.”


Ang diskwalipikasyong ito ay para maingatan ang integridad ng pagnonotaryo. Ito rin ay para maiwasan ang magkakontrang interes at siguruhin ang katotohanan ng dokumentong nanotaryuhan. 


Ang tanong ngayon ay paano natin malalaman kung ang isang tao ay kasama sa tinatawag na “4th civil degree” sa pamamagitan man ng dugo o ng batas. Kailangan mong bilangin kung ilang antas hanggang sa inyong parehas na ninuno at patungo sa kanya. 


Halimbawa, ang iyong pinsang buo ay pasok sa tinatawag na “4th civil degree”. Kung paano ito bilangin ay narito: 


  • Mula sa iyo patungo sa iyong mga magulang = 1 degree

  • Mula sa iyong mga magulang patungo naman sa iyong lolo at lola = 1 degree

  • Mula sa iyong lolo at lola, bilang sila ang parehas na ninuno ninyo ng iyong pinsang buo, patungo naman sa iyong tito o tita na siyang nanay o tatay ng iyong pinsan = 1 degree

  • Ang huling bilang ay mula sa iyong tito o tita, patungo sa iyong pinsan = 1 degree. 


Base sa iyong isinalaysay, pinsang buo mo ang abogado sa inyong pamilya. Tulad ng halimbawang nabanggit sa itaas, ikaw ay nakapaloob sa tinatawag na “4th civil degree” dahil kung bibilangin mula sa iyo hanggang sa iyong pinsan ay binubuo ng apat na degrees o antas.  


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




 
 
RECOMMENDED
bottom of page