top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 2, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Nahatulan ng pagkakakulong ang kapatid ko. Kung mag-aapela siya, may posibilidad bang mapatawan siya ng mas mabigat na parusa? — Ejay



Dear Ejay,


Ang apela ay nagpapahintulot sa mga litigante na humiling ng pagsusuri sa mas mataas na hukuman ukol sa desisyon ng mababang hukuman o ng quasi-judicial body. Nagsisilbi itong mekanismo upang matiyak na ang mga pagkakamali kaugnay ng mga isyu sa katotohanan o batas ay maitama, at matamo ang hustisya.


Partikular sa mga kasong kriminal, binubuksan ng apela ang buong kaso para sa pagsusuri, at maaaring itama o baligtarin ng mas mataas na hukuman ang desisyon ng mababang hukuman batay sa mga batas at alituntunin, kahit na hindi ito direktang itinaas ng mga partido bilang mga isyu. 


Ibinibigay ng apela ang buong hurisdiksyon sa kaso, at binibigyan ng kakayahan ang korte na suriin ang mga rekord, baguhin ang paghatol na inapela, dagdagan ang parusa, at banggitin ang wastong probisyon ng batas na penal.


Kaugnay nito, sa kasong People of the Philippines vs. XXX262846, G.R. No. 262846, 18 Pebrero 2025, sa panulat ni Honorable Associate Justice Antonio T. Kho, Jr., nilinaw ng ating Korte Suprema na ang finality of acquittal rule ay maaari lamang magamit laban sa Estado at hindi sa akusadong nag-apela ng kanyang hatol:


 “Significantly, the finality of acquittal rule is a proscription against the State, and does not apply when it is the accused who appeals their conviction. As stated earlier, an appeal in criminal case throws the entire case open for the appellate court’s review. The appellate court is then called on to render such judgment as law and justice dictate, whether favorable or unfavorable to the accused-appellant. x x x


x x x The rule must be emphasized that when the accused appeals from the judgment in a criminal case, the entire case is open for review. Such comprehensive review may result, as law and justice dictate, in a heavier penalty. The Court may, as in this case, reverse the downgrading of the offense where it finds guilt beyond reasonable doubt for the crime carrying the more severe penalty. On the other hand, where it is the State seeking the review of an acquittal or a higher penalty, the constitutional safeguard against double jeopardy may rightfully be invoked. In these cases, the burden is on the State to prove that the judgment of acquittal or the judgment imposing a lesser penalty was handed down in violation of the prosecution’s due process rights, such that the trial of the accused was a sham, or the prosecution was denied the opportunity to controvert or check the veracity of the evidence presented.”


Alinsunod dito, kapag umapela mula sa hatol ang iyong kapatid, bukas ang buong kaso para sa pagsusuri. Maaaring magresulta ang ganitong komprehensibong pagsusuri sa mas mabigat na parusa.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 1, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Sinabihan ako ng aking anak na si Sarah na may nakita diumano siyang lumang baul na nakabaon sa lupa ng aming bagong kapitbahay kung saan sila madalas maglaro. Pinuntahan ko ang nasabing baul, hinukay ko ito, at inuwi sa bahay namin. Nang binuksan ko ito, nakita ko na naglalaman ito ng mga alahas. Ikinuwento ni Sarah ang nangyari sa kanyang kalaro na si Alga, na agad namang nagsumbong sa kanyang nanay na si Joselle, patungkol sa aming nahanap sa kanilang bakuran. Ngayon ay inaangkin ni Joselle ang aming nahanap na baul at mga laman nito sapagkat diumano ito ay nakita sa kanyang bakuran. Maaari bang angkinin ni Joselle ang baul na naglalaman ng alahas na aming nahanap? — Rosmarie



Dear Rosmarie, 


Ang treasure o kayamanan ay tumutukoy sa anumang nakatago at hindi malamang deposito ng pera, alahas, o iba pang mahahalagang bagay, na ang legal na pagmamay-ari ay hindi tukoy o alam. Ang depinisyong ito ay matatagpuan sa Artikulo 439 ng ating Bagong Kodigo Sibil  na nagsasaad na:


Art. 439. By treasure is understood, for legal purposes, any hidden and unknown deposit of money, jewelry, or other precious objects, the lawful ownership of which does not appear.”


Kung sakaling ang nakatagong kayamanan ay nagkataong natuklasan sa pag-aari ng iba, ang Artikulo 438 ng nasabing Kodigo ang mamamahala:


Art. 438. Hidden treasure belongs to the owner of the land, building, or other property on which it is found.


Nevertheless, when the discovery is made on the property of another, or of the State or any of its subdivisions, and by chance, one-half thereof shall be allowed to the finder. If the finder is a trespasser, he shall not be entitled to any share of the treasure.


If the things found be of interest to science of the arts, the State may acquire them at their just price, which shall be divided in conformity with the rule stated.”


Ayon sa nasabing probisyon ng batas, ang nakatagong kayamanan ay pag-aari ng may-ari ng lupa, gusali, o iba pang ari-arian kung saan ito matatagpuan. Gayunpaman, kung ang pagkatuklas nito ay nagkataon lamang at nangyari sa pag-aari ng iba, o ng Estado o alinman sa mga subdibisyon nito, ang kalahati nito ay dapat pahintulutan sa nakahanap. 


Ngunit kung ang nakahanap naman ay isang trespasser, hindi siya magiging karapat-dapat sa anumang bahagi ng kayamanan. Kung ang mga bagay na natagpuan ay kapaki-pakinabang sa agham ng sining, maaaring kunin ito ng Estado matapos magbayad ng makatarungang halaga, na dapat hatiin alinsunod sa mga nabanggit na tuntunin.


Kung kaya’t sa sitwasyon ninyo, kahit pa kayong mag-ina ang nakahanap ng baul, dahil ito ay nakita ninyo sa lupa na pagmamay-ari ng inyong kapitbahay na si Joselle, may karapatan siya sa kalahati ng nasabing baul bilang may-ari ng lupa kung saan ito nakuha. Kung ang nilalaman ng lumang baul na nahanap ninyo ay kapaki-pakinabang sa agham ng sining, maaaring bayaran kayo ng Estado para sa nasabing baul. Ang halagang inyong makukuha ay paghahatian ninyo ni Joselle.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | July 1, 2025



ISSUE #356


Ang salitang “napag-trip-an” o “nakursunadahan” sa konteksto ng mga insidente ng pananakit o pamamaslang ay makailang beses na nating nadidinig. 


Kaugnay nito, ating ibabahagi ang nangyari sa biktimang itago na lamang natin sa pangalang Hubert, at kung paano natulungan ng ating tanggapan ang mga akusado na siyang nadawit sa patuloy na paghahanap ng hustisya kaugnay sa pagkamatay ng biktima. 


Sa kasong People v. Aballe, et al. (CA-G.R. No. 044) na may entry of judgment noong ika-23 ng Mayo 2025, at sa panulat ni Honorable Associate Justice Nancy C. Rivas-Palmones, ating tingnan kung paano ang daing ng ating mga kliyente na itago na lamang natin sa mga pangalang Marlou, Randon, Con, at Paskal, ay pinal na natuldukan nang sila ay mapawalang-sala mula sa kasong nagmula sa akusasyon ng pagpaslang o homicide. 

Bilang pagbabahagi ng mga pangyayari, ating suriin ang buod mula sa mga paglalahad na nalikom ng hukuman. 


Noong ika-26 ng Pebrero 2023, bandang alas-9:00 ng gabi, si Jeff, hindi nito tunay na pangalan, aniya ay nakatayo sa isang sari-sari store o tindahan na pagmamay-ari ng kanilang kapitbahay dahil inaantay umano niya ang kanyang kaibigan. 


Sa kanyang pag-aantay, nakita niya si Hubert, ang nabanggit na biktima, na lumapit sa tindahan. 


Noong panahon ding iyon, ang mga akusado diumano ay naroon din sa tindahan at nag-iinuman.


Ayon kay Jeff, nakita niya si Marlou na lumapit kay Hubert at sinuntok ito ng ilang beses kahit wala naman umanong dahilan, at ito ay sinundan pa diumano ng iba pang mga akusado. 


At hinampas naman ni Randon si Hubert gamit ang helmet ng isang motor na nagdulot sa pagkatumba ni Hubert at pagkawala ng malay.


Ayon kay Jeff, halos kalahating oras diumano naganap ang pambubugbog. Matapos nito ay humingi na ng tulong si Jeff mula sa pamilya ni Hubert. 


Ayon kay Jojo, anak ni Hubert, bumili lamang ang kanyang tatay ng sardinas sa tindahan upang makapaghapunan, subalit siya ay nabugbog o nakursunadahan pa. 


Nadala diumano nila ang kanyang tatay sa ospital, subalit binawian din ng buhay dahil sa mga pinsalang tinamo nito. 


Sa kabilang banda, ayon sa mga akusadong sina Marlou, Randon, Con, at Paskal – wala silang kinalaman sa nasabing pamamaslang kay Hubert. Iginiit din nila na ang mga saksi ng tagausig na sina Jeff at Jojo ay wala sa lugar na aniya ay pinangyarihan ng krimen, at dahil dito ay wala silang kinalaman sa krimen.


Ayon kay Marlou, nag-iinuman na sila ng mga kapwa akusado sa kanilang bahay nang mapagdesisyunan nilang bumili ng karagdagang inuming alak sa tindahan. Doon ay nasaksihan nila ang biktimang si Hubert na nakikipagtalo kay Jelson, hindi nito tunay na pangalan. 


Aniya, nagtatalo sina Hubert at Jelson kung sino sa pagitan nila ang mas matapang, dahil kapwa umano silang mga ex-convicts.


Kasunod ng mga nabanggit, nakita aniya ni Marlou na hinampas ni Hubert ng Helmet si Jelson na siyang nakaiwas. Gumanti ng suntok si Jelson, at dahil matanda na ang biktimang si Hubert, ito ay bumagsak at tumama ang ulo nito sa konkreto. 


Umibabaw pa aniya si Jelson kay Hubert, at patuloy na pinagsusuntok si Hubert. Sinubukan din umanong pigilan ni Marlou ang dalawang nag-aaway. 


Dumating si Jojo na umiiyak at tinulungan ang kanyang ama upang madala sa ospital. Kasunod nito ay umalis na rin sina Marlou at mga kasama nito na siyang sinuportahan ang nasabing pahayag. 


Matapos ang paglilitis, hinatulan ng Regional Trial Court o RTC sa akusasyon ng pagpaslang o homicide sina Marlou, Randon, Con, at Paskal. 


Ayon sa RTC, napatunayan ang lahat ng rekisito sa krimeng homicide, at ang saksi ng tagausig ay positibong natukoy ang pagkakakilanlan ng mga akusado. 


Inakyat sa Court of Appeals o CA sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan Beverly J. Largosa mula sa aming PAO-Regional Special and Appealed Cases Service Unit (PAO-RSACU) Visayas ang kaso nina Marlou, Randon, Con, at Paskal. 


Muling itinanggi nina Marlou, Randon, Con, at Paskal ang akusasyon laban sa kanila, at muling iginiit na hindi malinaw na natukoy ng tagausig ang pagkakakilanlan nila bilang mga may-akda sa pamamaslang kay Hubert dahil aniya malinaw din na si Jelson ang nakapaslang dito, at hindi sila na mga nadawit at naakusahan lamang.


Tulad ng ating unang nabanggit, sa desisyon na may petsang Mayo 23, 2025, pinal na tinuldukan ng CA ang daing nina Marlou, Randon, Con, at Paskal nang sila ay mapawalang-sala. 


Ayon sa CA, nakatakda ang tuntunin na ang isang kasong kriminal ay umaangat at bumabagsak sa lakas ng ebidensya ng tagausig at hindi sa kahinaan ng depensa. Obligasyon ng tagausig na mapatunayan ang pagkakakilanlan ng akusado, at ang pagpalya sa gampanin na ito ay nagbibigay katwiran sa hatol na pagpapawalang-sala.

May mga pagkakataon kung saan pinanatili ng Korte Suprema ang isang hatol batay sa "positibong pagkilala" ng isang saksi sa salarin. 


Gayunpaman, sa pagtatalaga ng halaga sa mga testimonya ng mga saksi na tumutukoy sa mga salarin ng mga krimen, kinikilala ng Korte Suprema ang posibilidad ng pagkakamali ng alaala ng tao, at ang pagiging sensitibo nito sa mga nakakaimpluwensyang salik, na maaaring makaapekto sa pagiging maaasahan at wasto ng alaala ng isang saksi.


Dahil dito, ang Totality of Circumstances Test o pagsusuri ng kabuuan ng mga pangyayari ay pinagtibay na isinasaalang-alang ang mga sumusunod sa panuri kung ang isang pagkilala sa labas ng korte ay maaasahan at katanggap-tanggap : 


(1) ang pagkakataon ng saksi na makita ang kriminal sa oras ng krimen; 

(2) ang antas ng atensyon ng saksi sa oras na iyon; 

(3) ang tumpak na naunang paglalarawan na ibinigay ng saksi; 

(4) ang antas ng katiyakan na ipinakita ng saksi sa pagkilala; 

(5) ang tagal ng panahon sa pagitan ng krimen at pagkilala; at

(6) ang pagiging mapanlikha ng pamamaraan ng pagkilala.


Gamit ang nasabing pamantayan sa kaso nila Marlou, Randon, Con, at Paskal, hindi napatunayan ng tagausig ang pagkakakilanlan ng akusado nang lampas sa makatuwirang pagdududa. 


Una, ang nag-iisang saksi ng tagausig na si Jeff ay hindi magkakapareho ang salaysay sa kanyang Judicial Affidavit at testimonya sa hukuman. 


Pangalawa, bagaman sinabi ni Jeff na hinampas ni Marlou si Hubert, walang detalye sa pamamaraan, kung saan tinamaan si Hubert, at iba pang mahalagang detalye na inaasahan mula sa isang saksi. 


Pangatlo, ang hindi makatuwiran na tagal bago humingi ng tulong si Jeff sa pamilya ng biktima, dahil ayon kay Jeff makalipas pa ng tatlumpung minuto bago siya humingi ng tulong. Ito ay labis na nakapagtataka ayon sa Hukuman para sa Apela. 

At panghuli, nabigo si Jeff na magbigay ng malinaw at direktang salaysay kung ano talaga ang sanhi ng pagkamatay ng biktima. 


Kung ikukumpara sa testimonya ni Marlou, malinaw na sinabi ni Marlou na si Jelson ang pumatong sa biktima, sinuntok ng ilang beses ang biktima, at pagkatapos ay nahulog ang biktima at tumama ang ulo sa semento sa labas ng sari-sari store.


Ang mga hindi pagkakapare-parehong paglalahad ng nag-iisang saksi ay hindi maaaring basta balewalain, dahil ito ang maglalagay ng pagdududa sa tunay na pagkakakilanlan ng salarin, at makabuluhang nakasisira sa kredibilidad ng kanyang testimonya. 


Dahil ang probative value ng testimonya ng nag-iisang testigo ng prosekusyon ay lubhang nabawasan, ang alibi ng mga akusado ay dapat bigyang-halaga.

Ang lahat ng sinabi, ang pagkakakilanlan ni Jeff sa mga salarin ng krimen ay puno ng kawalang-katiyakan. 


Lahat ng nabanggit ay nagbigay ng makatuwirang pagdududa kung sina Marlou, Randon, Con, at Paskal ba talaga ang pumatay sa biktima. 


Upang ulitin, ang pasanin ng patunay sa bahagi ng tagausig ay hindi tumitigil sa pagpapatunay sa pagkakaroon ng krimen. Higit sa lahat, dapat na mapatunayan ng tagausig ang pagkakakilanlan ng mga may-akda ng krimen nang lampas sa makatuwirang pagdududa. Dito, hindi nagawang ilabas ng prosekusyon ang pasanin na ito.


Bagaman ikinalulungkot natin ang malagim na sinapit ni Hubert, isang ama na nagsisikap maghanapbuhay para sa kanyang pamilya, at siyang napaslang sa paghihinala na “napag-trip-an o nakursunadahan” lamang – ang hustisya ay nararapat na panatilihing kaakibat ang katiyakan, sapagkat ang pagkamit sa hustisya ay hindi makukuha sa kapinsalaan ng mga inosenteng buhay, o pagbibigay kaparusahan sa mga hindi napatunayang nagkasala.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page