top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 9, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


May tanong ako tungkol sa mga “money claims” ng kapatid ko laban sa kumpanyang pinasukan niya ng halos 20 taon. Siya ay nagbitiw sa trabaho nang hindi kusang-loob dahil sinabi sa kanya ng pangulo at CEO ng kumpanya na nalugi sila bunga ng kakulangan sa “demand” sa merkado.


Sa kanyang pagbibitiw noong Nobyembre 2019, mayroon siyang hindi pa nababayarang sahod at 13th month pay. Hindi rin siya nabigyan ng separation pay. Pagkatapos ng kanyang pagbibitiw, agad siyang humingi ng bayad para sa mga singilin niya sa kumpanya, pero ang sagot sa kanya ay uunahin diumano muna nilang bayaran ang mga rank-and-file employees, at saka pa lamang babayaran ang kapatid ko. Hanggang ngayon, hindi pa rin siya nababayaran kaya nagsumite na siya ng reklamo laban sa kumpanya.


Ang depensa ngayon ng kumpanya ay paso na diumano ang mga money claims ng kapatid ko, at hindi na ito puwedeng ihabol dahil diumano ay dapat na isinampa ito sa loob ng tatlong taon mula nang lumitaw ang karapatan para maghabol. Maaari ba ninyo akong paliwanagan ukol dito? Maraming salamat sa inyong tugon. — Lorelei



Dear Lorelei,


Ang Labor Code ng Pilipinas ay nagbibigay ng isang komprehensibong balangkas para sa pangangalaga sa mga karapatan ng isang manggagawa, kabilang na ang mga probisyon para sa pag-aayos ng mga “money claims” na nagmumula sa ugnayang manggagawa at amo. Kasama sa mga claim na ito ang hindi nabayarang sahod, benepisyo, at iba pang kabayarang dapat matanggap ng isang empleyado.


Ayon sa Artikulo 306 ng ating Labor Code:


ARTICLE 306. [291] Money Claims. — All money claims arising from employer-employee relations accruing during the effectivity of this Code shall be filed within three (3) years from the time the cause of action accrued; otherwise they shall be forever barred. 


All money claims accruing prior to the effectivity of this Code shall be filed with the appropriate entities established under this Code within one (1) year from the date of effectivity, and shall be processed or determined in accordance with the implementing rules and regulations of the Code; otherwise, they shall be forever barred.”


Malinaw sa nasabing probisyon na ang mga money claims sa ilalim ng Labor Code ay kinakailangang maisampa sa loob ng tatlong taon mula sa panahong nagsimula ang dahilan ng paghahabol (cause of action).


Gayunpaman, napagpasyahan ng Korte Suprema sa kasong Accessories Specialist vs. Albanza (G.R. No. 168985, Hulyo 23, 2008, na isinulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Antonio Eduardo Nachura), na kinilala bilang isang pagbubukod o exception sa patakarang ito ang prinsipyo ng “promissory estoppel”:


In light of these circumstances, we can apply the principle of promissory estoppel, which is a recognized exception to the three-year prescriptive period enunciated in Article 291 of the Labor Code. Promissory estoppel may arise from the making of a promise, even though without consideration, if it was intended that the promise should be relied upon, as in fact it was relied upon, and if a refusal to enforce it would virtually sanction the perpetration of fraud or would result in other injustice. Promissory estoppel presupposes the existence of a promise on the part of one against whom estoppel is claimed. The promise must be plain and unambiguous and sufficiently specific so that the court can understand the obligation assumed and enforce the promise according to its terms. In order to make out a claim of promissory estoppel, a party bears the burden of establishing the following elements: (1) a promise was reasonably expected to induce action or forbearance; (2) such promise did, in fact, induce such action or forbearance; and (3) the party suffered detriment as a result. 


All the requisites of promissory estoppel are present in this case. Jones relied on the promise of ASI that he would be paid as soon as the claims of all the rank-and-file employees had been paid. If not for this promise that he had held on to until the time of his death, we see no reason why he would delay filing the complaint before the LA. Thus, we find ample justification not to follow the prescriptive period imposed under Article 291 of the Labor Code.”


Sa sitwasyon ng iyong kapatid, maaaring ilapat ang prinsipyo ng “promissory estoppel.” Siya ay naniwala at umasa sa pangako ng kumpanya na siya ay babayaran pagkatapos mabayaran ang mga singilin ng lahat ng mga rank-and-file employees sa kanilang kumpanya. Kung hindi dahil sa pangakong iyon, wala namang ibang nabanggit na dahilan kung bakit niya ipinagpaliban ang pagsasampa ng kanyang reklamo. Dahil sa nasabing pangako, lumipas ang karapatan ng iyong kapatid na maghabol laban sa kanyang dating employer. Dahil dito, maaaring may sapat na batayan at katarungan upang hindi ipatupad ang tatlong taong prescriptive period ng paghahabol na nakasaad sa ating Labor Code.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 8, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Nabanggit sa akin ng aking pinsan na nasa kolehiyo na balak niyang maging miyembro ng isang fraternity group sa kanilang unibersidad. May kaunting kaba pa akong nararamdaman dahil nalaman ko na walang guro o adviser na sumusubaybay sa mga gawain ng nasabing fraternity group. May batas ba tayo na nagsasabing dapat may sumusubaybay sa mga aktibidad ng isang fraternity group? Salamat sa inyong kasagutan.


— Donnie


Dear Donnie,


Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Seksyon 7 ng Republic Act No. 8049, na inamyendahan ng Republic Act No. 11053, o mas kilala sa tawag na “Anti-Hazing Act of 2018,” kung saan nakasaad na:


Sec. 7. Faculty Adviser. -- Schools shall require all fraternities, sororities, or organizations, as a condition to the grant of accreditation or registration, to submit the name or names of their respective faculty adviser or advisers who must not be members of the respective fraternity, sorority, or organization. The submission shall also include a written acceptance or consent on the part of the selected faculty adviser or advisers.


The faculty advisers shall be responsible for monitoring the activities of the fraternity, sorority, or organization is established or registered.


In case of violation of any of the provisions of this Act, it is presumed that the faculty adviser has knowledge and consented to the commission of any of the unlawful acts stated therein.”


Nabanggit sa nasabing probisyon ng batas na bago magawaran ng pahintulot o mairehistro ang isang organisasyon katulad ng mga fraternity o sorority groups, dapat idirekta ng eskwelahan ang bawat fraternity, sorority, o organisasyon na magsumite ng pangalan o mga pangalan ng mga faculty adviser o advisers na hindi dapat miyembro ng parehong fraternity, sorority, o organisasyon. Nararapat din na ang pagsusumite ng pangalan ay may written acceptance o pahintulot ng napiling faculty adviser o advisers. Ang nasabing faculty adviser o advisers ay responsable sa pagsubaybay sa mga aktibidad ng nasabing fraternity o sorority group. 


Kung kaya bilang kasagutan sa iyong katanungan, nararapat na ang sasalihan na fraternity group ng iyong pinsan ay rehistrado o nabigyan ng akreditasyon. Bago ito maibigay sa nasabing organisasyon, isa sa mga kinakailangan ay ang pagsusumite ng pangalan ng faculty adviser o advisers na hindi dapat miyembro ng nasabing grupo. Kaakibat nito ang isang kasulatan ng pagtanggap o pahintulot na maging tagapayo ng fraternity group.


Isa sa mga responsibilidad ng nasabing faculty adviser ay ang gabayan o subaybayan ang mga gawain o aktibidad ng fraternity group na sasalihan ng iyong pinsan. Kung ang nasabing kondisyon ay hindi nakamit ng fraternity group at mapatunayan na may paglabag sa nabanggit na batas, nais naming ipaalam na ito ay may karampatang parusang pagkakakulong at pagbabayad ng multa alinsunod sa mga nakasaad sa Seksyon 14 ng Anti-Hazing Act of 2018.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 7, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Mayroon akong 5-taong gulang na anak na babae sa dati kong kinakasama. Nang matapos ang aming relasyon, dinala niya ang aming anak sa probinsya at nahirapan akong bisitahin ang aking anak. Kung minsan ay tila pinagbabawalan pa niya akong makita ito. Gusto kong malaman kung kahit ‘di kami kasal ay maaari ko pa rin igiit na makasama at makita ang aming anak na babae? — Rigor



Dear Rigor,


Ang usapin hinggil sa pag-alaga, kustodiya, at pagbantay ng isang ilehitimong anak ay isa sa ipinaliwanag ng Korte Suprema sa kaso na Renalyn Masbate and Spouses Renato Masbate and Marlyn Masbate vs. Ricky James Relucio (G.R. No. 235498, July 30, 2018, sa panulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Estela Perlas-Bernabe) kung saan sinabi ng Kataas-taasang Hukuman na:


As a general rule, the father and the mother shall jointly exercise parental authority over the persons of their common children. However, insofar as illegitimate children are concerned, Article 176 of the Family Code states that illegitimate children shall be under the parental authority of their mother. Accordingly, mothers (such as Renalyn) are entitled to the sole parental authority of their illegitimate children (such as Queenie), notwithstanding the father's recognition of the child. In the exercise of that authority, mothers are consequently entitled to keep their illegitimate children in their company, and the Court will not deprive them of custody, absent any imperative cause showing the mother's unfitness to exercise such authority and care.


In addition, Article 213 of the same Code provides for the so-called tender-age presumption, stating that ‘[n]o child under seven [(7)] years of age shall be separated from the mother unless the court finds compelling reasons to order otherwise.’ The rationale behind the rule was explained by the Code Commission in this wise:


The general rule is recommended in order to avoid many a tragedy where a mother has seen her baby torn away from her. No man can sound the deep sorrows of a mother who is deprived of her child of tender age. The exception allowed by the rule has to be for ‘compelling reasons’ for the good of the child; those cases must indeed be rare, if the mother’s heart is not to be unduly hurt.”


Malinaw na nakasaad sa batas na ang parental authority ng isang ilehitimong anak ay karaniwang iginagawad sa kanyang ina. Gayunpaman, bilang ama ng bata, mayroon ka pa ring natural na karapatang pangalagaan, makita, at makasama ang iyong anak na babae. Ito ay karapatan na kinikilala rin sa ating mga batas. Sa kaso na Joey Briones vs. Maricel P. Miguel, et. al. (G.R. No. 156343, October 18, 2004, sa panulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Artemio V. Panganiban), ay sinabi rin ng Korte Suprema na:


The Court sustained the visitorial right of an illegitimate father over his children in view of the constitutionally protected inherent and natural right of parents over their children. Even when the parents are estranged and their affection for each other is lost, their attachment to and feeling for their offspring remain unchanged. Neither the law nor the courts allow this affinity to suffer, absent any real, grave or imminent threat to the well-being of the child.


Sa iyong kaso, maaari kang maghain ng naaangkop na aksyon sa korte upang igiit ang iyong mga karapatan sa pagbisita, maliban na lamang kung ang iyong pagbisita o pakikipagkita sa iyong anak ay magdudulot ng kapahamakan o makasasama sa bata. Tutukuyin ng hukuman ang mga detalye kung paano maisasagawa ang nasabing karapatan at isasaalang-alang ang ikabubuti ng bata.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page