top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 18, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,

 

Noong nag-aaral ako sa Canada, nakilala ko si Sirsy, na kalaunan ay naging nobya ko. Sa kasamaang palad, kinailangan kong umuwi sa Pilipinas upang ituloy ang negosyo na naiwan ng aking pumanaw na ama. Makalipas ang dalawang taon ay ipinakilala sa akin ni mama ang kanyang kasintahan at sila ay nagplanong magpakasal. Doon ko nalaman na si Sirsy pala ay anak ng lalaking pakakasalan ni mama. Maaari ko pa rin bang mapakasalan si Sirsy kung ang aking ina at ang kanyang ama ay ikakasal na? — Jaime



Dear Jaime, 


Ayon sa Family Code of the Philippines, may mga relasyon na itinuturing na incestuous kung kaya’t walang bisa ang kasal na magreresulta sa mga relasyon na ito, maging lehitimo man o hindi. Ang patakarang ito ay nakasaad sa Artikulo 37 nito na nagsasaad:


Art. 37. Marriages between the following are incestuous and void from the beginning, whether relationship between the parties be legitimate or illegitimate:


(1) Between ascendants and descendants of any degree; and

(2) Between brothers and sisters, whether of the full or half blood.”


Sang-ayon sa nasabing probisyon ng batas, walang bisa ang kasal sa pagitan ng mga ninuno at inapo ng anumang antas, at kasal sa pagitan ng mga magkapatid, maging buo o kalahating dugo man.  


Gayundin, wala bisa ang kasal na ipinagbabawal ng pampublikong patakaran. Ang listahan ng mga ipinagbabawal na kasal na tinutukoy nito ay nakatala sa Artikulo 38 ng parehong batas na nagsasaad:


Art. 38. The following marriages shall be void from the beginning for reasons of public policy:


(1) Between collateral blood relatives whether legitimate or illegitimate, up to the fourth civil degree;

(2) Between step-parents and step-children;

(3) Between parents-in-law and children-in-law;

(4) Between the adopting parent and the adopted child;

(5) Between the surviving spouse of the adopting parent and the adopted child;

(6) Between the surviving spouse of the adopted child and the adopter;

(7) Between an adopted child and a legitimate child of the adopter;

(8) Between adopted children of the same adopter; and

(9) Between parties where one, with the intention to marry the other, killed that other person’s spouse, or his or her own spouse.”


Malinaw sa mga nakalistang probisyon ng batas na hindi kasama sa kasal na walang bisa ang kasal sa pagitan mga step-sibling o mga magkapatid na hindi magkadugo. Para sa iyong kaalaman, ipinaliwanag ng Korte Suprema sa kasong Isidro Ablaza vs. Republic of the Philippines (G.R. No. 158298, 11 August 2010), sa panulat ni Honorable Chief Justice Lucas P. Bersamin, ang mga sumusunod: 


A valid marriage is essential in order to create the relation of husband and wife and to give rise to the mutual rights, duties, and liabilities arising out of such relation. The law prescribes the requisites of a valid marriage. Hence, the validity of a marriage is tested according to the law in force at the time the marriage is contracted. As a general rule, the nature of the marriage already celebrated cannot be changed by a subsequent amendment of the governing law. To illustrate, a marriage between a stepbrother and a stepsister was void under the Civil Code, but is not anymore prohibited under the Family Code; yet, the intervening effectivity of the Family Code does not affect the void nature of a marriage between a stepbrother and a stepsister solemnized under the regime of the Civil Code. The Civil Code marriage remains void, considering that the validity of a marriage is governed by the law in force at the time of the marriage ceremony.”


Ipinaliwanag sa nasabing kaso na ang mga kasal sa pagitan ng step-siblings na idinaos noong bago naisabatas ang Family Code ay walang bisa dahil ito ay ipinagbabawal ng Civil Code of the Philippines. Ngunit, ang pagbabawal sa kasalang ito ay tinanggal noong isinabatas na ang Family Code of the Philippines. Kung kaya’t sa iyong sitwasyon, maaari mong pakasalan ang iyong nobyang si Sirsy kahit pa ikasal ang mga magulang ninyo sapagkat wala nang legal na balakid para kayo ay magpakasal.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 16, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta


Inalok ako ng trabaho ng isang kumpanya. Dahil maganda ang alok ay pumirma na ako sa isang sulat na ako ay pumapayag magtrabaho sa kanila, at sumailalim sa iba pang probisyon ng nasabing kontrata. Nakasaad din doon na ako ay magsisimula ng trabaho sa ika-1 ng Agosto taong 2025. Sa kasamaang palad, bago ang petsa na nakalagay para ako ay magsimula ng trabaho, sinabi sa akin na may ipinatupad diumano na “restructuring” ang nasabing kumpanya, at kasama ang puwesto ko sa mga sinabing tatanggalin na dahil sa “redundancy”. Ang inalok lang sa akin ay isang buwang sahod ko. Maaari ba akong mag-file ng kaso sa Labor laban sa aking employer kahit na ako ay hindi pa nagtatrabaho at nakapirma pa lang ng kontrata? — Niko



Dear Niko,


Sa kasong Paolo Landayan Aragones vs. Alltech Biotechnology Corporation, et al., G.R. No. 251736, 2 April 2025, ipinahayag ng Korte Suprema, sa pamamagitan ni Kagalang-galang na Mahistrado Alfredo Benjamin S. Caguioa, na ang isang kontrata ng pagtatrabaho (employment contract) ay nagiging ganap o buo sa oras na ang mga partido sa nasabing kontrata ay nagkasundo sa mga tuntunin at kondisyon na nakapaloob dito. 


Ipinaliwanag din ng Korte Suprema na bagama’t sa nasabing kontrata ay may ibinigay na petsa ng pagsisimula ng pagtatrabaho, hindi nangangahulugan na magiging ganap at perpekto lamang ito sa nasabing petsa. Narito ang pahayag: 


An employment contract, like any other contract, is perfected at the moment the parties come to agree upon its terms and conditions, and thereafter, concur in the essential elements thereof. x x x


Here, the July 1, 2016 commencement date agreed upon by the parties is a suspensive period that merely deferred the demandability of their respective obligations as employer and employee-namely, the employee's obligation to render services and the employer's obligation to pay wages. It did not affect the existence or birth of those obligations. In other words, while the employer-employee relationship was already established when the contract was entered into on April 18, 2016, the demandability of their respective obligations as employer and employee was deferred until July 1, 2016.”


Samakatuwid, kung may pinirmahang contract of employment, ang relasyon ng employer at empleyado ay nagsisimula sa oras na iyon; sa oras na sila ay nagkasundo sa mga probisyon ng nasabing kontrata at pirmahan ito, kahit na may ibang petsang nakatakda rito kung kailan ang pagsisimula ng trabaho. 


Sa iyong sitwasyon, ang relasyon sa pagitan mo at ng iyong employer ay nabuo sa oras na magpirmahan kayo ng contract of employment. Hindi kailangang hintayin ang nakatakdang petsa ng pagsisimula ng iyong trabaho para masabi na may bisa na ito. Kaya naman, hindi ka maaaring basta-bastang tanggalin sa iyong dapat na magiging trabaho, maliban na lamang kung mapatunayan ng iyong employer ang sinasabi nila na redundancy. Dahil dito, maaari ka pa ring magsampa ng kaso laban sa iyong employer dahil sa pagbawi nito sa iyong nakatakdang trabaho.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 16, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Bigla akong tinanggal sa trabaho nang wala man lang paunang abiso at paliwanag, kaya nagsampa ako ng kasong illegal dismissal. Batay sa naging desisyon ng labor arbiter, ako diumano ay illegally dismissed kung kaya’t ginawaran ako ng reinstatement o karapatang maibalik sa trabaho. Dahil dito, sinubukan kong pumasok muli sa dati kong opisina, ngunit hindi ako pinayagang pumasok at sinabihan ako na diumano ay iaapela nila ang nasabing desisyon. Gusto kong malaman kung may karapatan ba akong bumalik sa trabaho kung iaapela pa ng aking employer ang kaso sa National Labor Relations Commission? — Edward



Dear Edward, 


Ayon sa Labor Code of the Philippines, ang desisyon ng isang labor arbiter ukol sa reinstatement o ang pagbabalik-trabaho ng isang na-dismiss o natanggal na empleyado ay agarang ipinatutupad, kahit na may nakabinbin na apela. Ang empleyado ay maaaring tanggapin pabalik sa trabaho sa ilalim ng parehong mga tuntunin at kondisyon na umiiral bago ang pagtanggal sa kanya, o ibabalik lamang sa payroll sa opsyon ng employer. Ang pagpapaskil ng bond ng employer ay hindi makapagpapanatili ng pagpapatupad ng reinstatement o pagbabalik sa trabaho ng empleyado. Ang patakarang ito ay nakasaad sa Artikulo 229 ng nasabing batas:


In any event, the decision of the Labor Arbiter reinstating a dismissed or separated employee, insofar as the reinstatement aspect is concerned, shall immediately be executory, even pending appeal. The employee shall either be admitted back to work under the same terms and conditions prevailing prior to his dismissal or separation or, at the option of the employer, merely reinstated in the payroll. The posting of a bond by the employer shall not stay the execution for reinstatement provided herein. xxx


Ang probisyon ng batas na ito ay ipinaliwanag ng Korte Supema sa kasong Jose Leni Z. Solidum vs. Smart Communications, Inc., Napoleon L. Nazareno and Ricardo P. Isla (G.R. No. 206985, 28 February 2024), sa panulat ni Honorable Associate Justice Ramon Paul L. Hernando. Ayon sa Korte Suprema:


In carrying out the reinstatement provision outlined in the labor arbiter's decision, the employer has two available options: Firstly, it may opt for actual reinstatement, requiring the employee to be restored to the position held prior to the illegal dismissal. This includes reinstating the employee under the same terms and conditions that existed before the dismissal. If the original position is no longer available, the employer must provide a substantially equivalent position.


Alternatively, the employer may choose payroll reinstatement, where the employee is reinstated in the employer's payroll without necessitating his or her return to the workplace. This option allows the employee to resume his or her employment status without physically reporting back to work. It is well-settled that ‘[i]n the case of payroll reinstatement, even if the employer's appeal turns the tide in its favor, the reinstated employee has no duty to return or reimburse the salary he received during the period where the lower court's governing decision was for the employee's illegal dismissal. Otherwise, the situation would run counter to the immediately executory nature of an order of reinstatement.’


Sang-ayon sa nasabing kaso, sa pagsasakatuparan ng probisyon ng reinstatement na nakabalangkas sa desisyon ng labor arbiter, ang employer ay may dalawang opsyon: Una, maaari nitong piliin ang actual reinstatement, kung saan kinakailangan na ang empleyado ay maibalik sa kanyang posisyon bago siya tanggalin sa trabaho. Kabilang dito ang pagbabalik sa empleyado nang may parehong mga tuntunin at kondisyon na umiiral bago ang kanyang pagkakatanggal. Kung ang orihinal na posisyon ay wala na, ang employer ay dapat magbigay ng katumbas na posisyon. 


Bilang kahalili, ang employer ay maaaring piliin ang payroll reinstatement, kung saan ang empleyado ay ibabalik sa payroll ng employer nang hindi nangangailangan ng kanyang pagbabalik sa lugar ng trabaho. Ang opsyong ito ay nagpapahintulot sa empleyado na ipagpatuloy ang kanyang katayuan sa pagtatrabaho nang hindi pisikal na nag-uulat pabalik sa trabaho. Pagdating sa ganitong sitwasyon, kahit na nagtagumpay ang apela ng employer, ang ibinalik na empleyado ay walang tungkulin na isauli ang suweldo na natanggap niya sa panahong ibinalik siya sa payroll dahil sa desisyon ng labor arbiter. Kung hindi, ang sitwasyong ito ay magiging salungat sa likas na agarang pagpapatupad ng utos na pagbabalik sa trabaho. 


Kung kaya’t sa iyong sitwasyon, maaari kang aktuwal na maibalik sa trabaho o kaya ay maibalik sa payroll ng iyong employer kahit pa nakabinbin ang kanilang apela.  


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.

 

Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page