top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | July 21, 2025



ISSUE #359


Ang headline mula sa isang kilalang programa sa telebisyon o YouTube ay nagsabing, “Babae, patay matapos barilin ng nagbibisikletang gunman!” Hinggil sa nabanggit, ang babaeng namatay ay ang nakatatandang kapatid ni Leon na si Karen. 


Bumibili lamang siya noon ng pagkain sa kalapit na karinderya, nang bigla siyang pagbabarilin ng isang gunman na diumano’y nakasakay sa bisikleta. 


Sa kasong People v. Armada (Criminal Case No. 22-xx52) noong ika-31 ng Enero 2024, sa panulat ni Honorable Presiding Judge Victor R. Aguba (Regional Trial Court-Branch 255, Las Piñas City), ating balikan ang mga pangyayaring humantong sa pagkamatay ni Karen, at kung paano ang daing ng ating kliyente, na itago na lamang natin sa pangalang Boss Joel, ay pinal na natuldukan nang siya’y napawalang-sala mula sa kasong pagpatay o murder.


Bilang pagbabahagi ng mga kaganapan, narito ang buod ng mga salaysay na inilahad sa hukuman. 


Noong ika-31 ng Mayo 2022, bandang alas-11:00 ng gabi, ayon kay Leon, siya ay pumunta sa tindahan upang bumili ng cup noodles. Doon ay namataan niya ang kanyang ate na si Karen, na bumibili rin ng pagkain sa kalapit na karinderya. 


Hindi nagtagal, nakarinig siya ng mga putok ng baril, at nakakita ng mga taong nagtakbuhan sa iba't ibang direksyon. Napatakbo rin siya, at nakita niya ang kanyang ate na tumatakbo papunta sa kanyang puwesto, ngunit nang malapit na ito sa kanya ay bigla na lamang itong bumuwal sa kalsada. 


Napansin ni Leon na duguan ang likod ng kanyang ate, kaya’t agad siyang humingi ng tulong. 


Napansin din niya sa ‘di kalayuan si Boss Joel na may hawak na baril, sumakay sa isang bisikleta at tumakas patungong palengke.


Bilang naturang salarin sa pagkamatay ni Karen, inilarawan ni Leon si Boss Joel na nakasuot ng shorts, asul na sando, nakasuot ng face mask na takip ang kanyang ilong at bibig. 


Ayon kay Leon, nakilala niya si Boss Joel dahil sa pamamaraan ng paglalakad nito na aniya ay tila “sakang,” at pamilyar siya rito bilang isang mangingisda. Gayunpaman, nilinaw ni Leon sa paglilitis na narinig lamang niya ang putok ng mga baril, at bandang mata lamang ng akusado ang kanyang nakita.


Sa kabilang banda, mariing iginiit ni Boss Joel ang kanyang kawalang-sala sa nasabing pamamaslang kay Karen. 


Aniya, siya ay nasa kanyang tahanan ng mga panahon na nangyari ang naturang pamamaslang upang maghanda sa pangingisda sa kasunod na araw. 

Dagdag pa niya, ang gunman na ipinakita diumano sa CCTV na ipinalabas sa YouTube ay walang tattoo sa kanang braso katulad niya. 


Sa paglilitis, inamin niya na marunong siyang magpaandar ng motorsiklo, ngunit hindi ng bisikleta.


Matapos ang paglilitis, sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan Diomdelia B. Vergara, mula sa aming PAO-Las Piñas City, District Office, pinal na natuldukan ang daing ni Boss Joel, kaugnay sa nasabing kaso nang siya ay ipawalang-sala ng hukuman.


Ayon sa hukuman, sa pag-uusig ng krimen, at ang desisyon ay dapat na nakabatay sa lakas ng ebidensya ng tagausig, hindi sa kahinaan ng depensa.


Sa pagsusuri kung ang akusado ay maaaring mahatulan sa isang krimen, ibinahagi ng mababang hukuman ang sinabi ng Korte Suprema sa kasong People v. Rodrigo (G.R. No. 176159, 11 September 2008), kung saan inihayag ng huli na dapat isaalang-alang ang mga sumusunod: 


“Una, ang pagkakakilanlan ng akusado bilang may kagagawan ng krimen, ang kredibilidad ng testigo ng tagausig na gumawa ng pagkakakilanlan, gayundin ang pagsunod ng tagausig sa mga legal na pamantayan ng Saligang Batas; at ikalawa, ang lahat ng mga elementong bumubuo sa krimen ay dapat na mapatunayan ng tagausig.”


Alinsunod dito, bagaman maaaring matagumpay na itatag ng tagausig ang lahat ng elemento para sa krimeng murder o pagpatay, hindi naman mahanap ng hukuman na nagkasala ang akusado sa krimen na ipinaratang kung ang pagkakakilanlan ng may kagagawan ng krimen ay kaduda-duda. 


Muli, dinadala ng tagausig ang pasanin na ito, at ang hindi pagtupad sa pasanin na ito ay nagbibigay-katuwiran sa paghatol ng pagpapawalang-sala. 


Sa huli, inuuna ng Saligang Batas ang presumption of innocence o pagpapalagay ng kawalang-sala kesa sa hindi tiyak na pagkakakilanlan ng sinasabing may-akda ng krimen.


Sang-ayon sa mga pangyayaring nakuha sa kasong ito, nakita ng hukuman na mahirap tanggapin na mabilis na naobserbahan, at naisaulo ni Leon ang mga pisikal na katangian ng bumaril, lalo na’t gabi ang krimen, may kaguluhan, at ang mga tao ay nagtakbuhan sa iba't ibang direksyon, at ganap na nakatakip ang ulo at mukha ng diumano’y salarin. 


Ang limitadong antas ng atensyon ni Leon sa pagkakakilanlan ng salarin, kasama ang mabilis, at biglaang paraan kung saan ginawa ang krimen ay nagpapalabo sa pagiging malinaw at kredibilidad ng alaala ng nakasaksi sa pagkakakilanlan ng mamamaril. 

Higit sa lahat, sinabi ng hukuman na walang sinuman sa saksi ang nakakita sa aktuwal na pamamaril. 


Ayon mismo kay Leon, napagtanto lamang niyang binaril ang kanyang kapatid nang ito ay bumagsak sa lupa at duguan. 


Ang mga hindi malinaw na alaala ng nakasaksi ay lubhang kulang sa mga detalye. Dahil dito, hindi natukoy ang aktuwal na salarin nang may makatuwirang katotohanan dahil may takip ang kanyang ulo, at ang kanyang mukha ay natatakpan ng face mask mula sa sariling salaysay ni Leon bilang saksi.


Bagama't ikinalulungkot natin ang malagim na sinapit ni Karen, ang hustisya ay kailangang manatiling makatarungan at tiyak. Hindi ito dapat makamit sa kapinsalaan ng isang inosenteng buhay, o pagbibigay kaparusahan sa mga hindi napatunayang nagkasala tulad ni Boss Joel.


Sa pagkamatay ni Karen, at sa pagkakaabsuwelto kay Boss Joel – muling pinatotohanan ng korte na ang parehong tinig ng biktima at ng inaakusahan ay dapat marinig. Natuldukan na ang daing ni Boss Joel, habang sa bahagi naman ni Karen, nawa’y patuloy na dinggin ng Lady Justice ang kanyang sigaw mula sa kabilang buhay. Hangad nating maiharap sa hukuman at mapanagot ang tunay na salarin.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 20, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Sakop ng civil service ang lahat ng sangay, ahensya, subdibisyon, tanggapan at sangay ng pamahalaan, kasama ang mga government-owned or controlled corporations (GOCCs) na may orihinal na charters. Ang civil service ay may dalawang uri ng klasipikasyon, ito ay ang career at non-career service.  


Ayon sa Administrative Code of 1987, “The Career Service shall be characterized by (1) entrance based on merit and fitness to be determined as far as practicable by competitive examination, or based on highly technical qualifications; (2) opportunity for advancement to higher career positions; and (3) security of tenure.” 


Samantala, ang non-career service shall be characterized by (1) entrance on bases other than those of the usual tests of merit and fitness utilized for the career service; and (2) tenure which is limited to a period specified by law, or which is co-terminus with that of the appointing authority or subject to his pleasure, or which is limited to the duration of a particular project for which is employment purpose was made.”


Makikita sa mga nabanggit na klasipikasyon na malaki ang pagkakaiba ng career service sa non-career service, sapagkat walang security of tenure ang mga nasa huli. Sa alin mang sangay ng pamahalaan na ang mga kawani ay may security of tenure, hindi maaaring magsuspinde o magtanggal sa serbisyo ng walang legal na dahilan. Ang pagkakaalis sa serbisyo ng isang kawani ng gobyerno ay maisasagawa lamang matapos na siya ay marinig sa isang parehas at patas na pagdinig.   


Ang career service ay ang mga sumusunod:


  1. Open career positions;

  2. Closed Career positions;

  3. Positions in the Career Executive Service;

  4. Career Officers

  5. Commissioned officers and enlisted men of the Armed Forces of the Philippines;

  6. Personnel of government-owned or controlled corporations which do not fall under the non-career service; and

  7. Permanent laborers, whether skilled, semi-skilled, or unskilled;


Ang non-career service naman ay ang mga sumusunod:


  1. Elective officials and their personnel or confidential staff;

  2. Secretaries and other officials of Cabinet rank who hold their positions at the pleasure of the President and their personal or confidential staff(s);

  3. Chairman or members of the commissions and boards with fixed terms of office and their personal or confidential staff;

  4. Contractual personnel or those whose employment in the government is in accordance with special contract to undertake specific work or job, requiring special skills not available in the employing agency; and

  5. Emergency and seasonal personnel


Ang mga kawani ng pamahalaan na nasa career service, o mga tinatawag na civil servants, ay may mga karapatan katulad ng sa mga manggagawa sa pribadong sektor. Subalit ang paraan ng paggamit ng mga nasabing karapatan ay iba sa paggamit ng mga pribadong manggagawa dahilan sa kailangang isaalang-alang ang serbisyo sa bayan at sa mga mamamayan. Nabibigyan ng limitasyon ang mga karapatang ito, ayon sa tawag ng tungkulin, dikta ng batas, at utos ng mga nakatataas para sa ikabubuti ng pamayanan at ng buong sambayanan.


Ang lahat ng mga naglilingkod sa pamahalaan at sa mga korporasyong pag-aari at pinamumunuan ng pamahalaan na may orihinal na charter, maliban sa mga manggagawang nasa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), ay may karapatang bumuo, sumali, o tumulong sa pagbuo ng isang organisasyon na kanilang pinili para sa ikalalawig at proteksyon ng kanilang mga interes. Maaari rin silang bumuo, sa pakikipagtulungan sa mga kaukulang awtoridad ng pamahalaan, ng labor-management committees, work councils at iba pang uri ng pakikibahagi ng mga manggagawa sa mga aktibidades upang makamit ang kaparehong layunin (Section 38, E.O. No. 292)


Bukod sa mga nabanggit na manggagawa, ang mga manggagawa naman na humahawak ng posisyon na ang trabaho ay tinatawag na policy making, managerial, o gumagawa ng mga tungkuling itinuturing na highly confidential ay hindi maaaring makilahok sa organisasyon ng mga rank-and-file na manggagawa ng pamahalaan. (Section 39, E.O. No. 292)


Subalit ang karapatang ito ay limitado sa paghahain ng petisyon sa mga kinauukulan upang bigyan ng pansin ang kanilang mga hinaing. Hindi pinahihintulutang mag-alsa (strike) ang mga manggagawa sa pamahalaan katulad ng mga nasa pribadong kumpanya dahil na rin sa ang kapakanan ng sambayanan ang nakasalalay.


May mga pagkakataon din na ang mga manggagawa sa pamahalaan ay kinakailangang magtrabaho ng lampas sa takdang oras dahil sa tawag ng tungkulin. Sa ganitong pagkakataon ay hindi sila maaaring manghingi ng overtime pay para sa bawat oras na pagtatrabaho ng lampas sa takdang oras katulad ng isang manggagawa sa pribadong kumpanya.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 19, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Alinsunod sa ating mga batas, kailan ba nagsisimulang tumakbo ang tinatawag na prescription of crime o ang nakatakdang panahon upang magkaso? Sa kasong parricide, ilang taon ba ang nakatakdang panahon upang maisampa ang kaso? Ito kasi ay kaugnay sa kamakailan lamang na nalaman na malagim na pamamaslang sapagkat itinago at ibinaon ang bangkay ng biktimang asawa. Maraming salamat. — Egay



Dear Egay, 


Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa probisyon ng ating mga batas, partikular na ang Artikulo 91 ng Act No. 3815, o mas kilala sa tawag na “Revised Penal Code,” na siyang tinukoy ang tinatawag na o ang nakatakdang panahon sa pagsasampa ng mga kasong kriminal:


Article 91. Computation of prescription of offenses. -- The period of prescription shall commence to run from the day on which the crime is discovered by the offended party, the authorities or their agents, and shall be interrupted by the filing of the complaint or information, and shall commence to run again when such proceedings terminate without the accused being convicted or acquitted, or are unjustifiably stopped for any reason not imputable to him.” 


Ang prescription of offense o ang nakatakdang panahon sa pagsasampa ng mga kasong kriminal ay karaniwang nagsisimulang tumakbo sa petsa kung kailan nangyari ang krimen. Subalit, ayon sa nabanggit na probisyon ng batas, kung ang krimen ay ginawa ng lihim o clandestine tulad sa iyong nailahad, ang nakatakdang panahon sa pagsasampa ng kaso ay magsisimulang tumakbo mula sa araw kung kailan natuklasan o nadiskubre ang krimen – ito ay alinsunod sa tinatawag na tuntunin sa pagtuklas, o discovery rule ng naagrabyadong partido, ng mga awtoridad, o kanilang mga ahente.


Hinggil sa nabanggit, ang kasong parricide ay mayroong 20 taong prescriptive period o panahon ng pagkakaso alinsunod sa Artikulo 90 ng the Revised Penal Code sapagkat ito ay may kaparusahan na reclusion perpetua to death alinsunod sa Artikulo 246 ng kaparehong batas. Samakatuwid, kung kamakailan lamang nadiskubre ng naagrabyadong partido, o ng mga awtoridad ang nasabing pagpaslang, lumalabas na maaari pang maisampa ang kaso kung pasok pa sa 20 taon na panahon ng pagkakasong kriminal.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page