- BULGAR
- Sep 12
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 12, 2025

Dear Chief Acosta,
May tanong ako patungkol sa posibilidad na paggamit ng apelyido ng aking nanay. Ginagamit ko ang apelyido ng aking nanay noong siya ay dalaga pa, simula sa aking pagkabata hanggang sa kasalukuyan. Ito rin ang ginamit kong apelyido sa talaan ng mga naging paaralan ko. Gusto kong gamitin ang apelyido ng aking nanay dahil siya ang nagpalaki at nagpaaral sa aming magkakapatid. Maaari ko bang ipabago ang apelyido ko sa aking birth certificate at gamitin ang apelyido ng aking nanay noong siya ay dalaga pa?
-- Vic
Dear Vic,
Ayon sa New Civil Code of the Philippines, ang mga lehitimo at naging lehitimo na anak ay pangunahing dapat gumamit ng apelyido ng kanilang ama. Ito ay alinsunod sa Artikulo 364 ng Civil Code of the Philippines:
“Art. 364. Legitimate and legitimated children shall principally use the surname of the father.”
Ang apelyido ng isang anak ay mahalaga sa pagkakakilanlan ng kanyang mga ninuno. Kaya naman para makasiguro na patas ang ating batas, ang apelyido ng ama o ina ay maaaring gamitin ng kanilang magiging anak. Karapatan ng bawat anak na gumamit ng apelyido ng sinuman sa kanyang mga magulang. Ayon sa batas, ang apelyido ng ama ay dapat pangunahing gamitin ng anak, ngunit hindi nangangahulugang tanging ito lamang ang puwedeng gamitin.
Para sa iyong kaalaman, mayroong kasong napagdesisyunan ang ating Korte Suprema na nakasasaklaw sa iyong katanungan. Ayon sa Alanis III vs. Court of Appeals (G.R. No. 216425, November 11, 2020, isinulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Marvic Mario Victor F. Leonen):
“Article 364 states that legitimate children shall ‘principally’ use the surname of the father, but ‘principally’ does not mean ‘exclusively.’ This gives ample room to incorporate into Article 364 the State policy of ensuring the fundamental equality of women and men before the law, and no discernible reason to ignore it.”
Isinasaad sa Artikulo 364 ng New Civil Code of the Philippines na ang paggamit ng apelyido ng ama ay pangunahin lamang at hindi nangangahulugang eksklusibo. Nagbibigay ito ng sapat na puwang upang isama sa Artikulo 364 ng nasabing Code ang patakaran ng Estado na tiyakin ang pangunahing pagkakapantay-pantay ng kababaihan at kalalakihan sa mata ng ating batas, at walang nakikitang dahilan upang balewalain ito.
Sa iyong sitwasyon, bilang lehitimong anak, maaari mong ipabago ang apelyido ng iyong ama sa iyong birth certificate at gamitin ang apelyido ng iyong ina. Ito ay iyong karapatan dahil, ayon sa batas, hindi ipinagbabawal ang paggamit ng apelyido ng ina at hindi rin minamandato ng ating batas ang paggamit sa apelyido ng ama.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




