top of page
Search

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | June 28, 2020


ree


Inaasahan ang pagkislap ng kalangitan ng ahedres sa Pilipinas ngayong Linggo, Hunyo 28, dahil sa pagsabak ng mga bituin ng bansa sa maigting na Battle of Grandmasters Online Rapid Chess Tournament.


Kasama sa mga pinakaprominenteng disipulo ng ahedres na lalahok sa paligsahang may cash pot na P100,000 at lalapatan ng “10-minuto, 10-segundong” time control sina GM Eugene Torre, FIDE Master Sander Severino, Woman GM Janelle Mae Frayna at US-based GM Mark Paraguay.


Bitbit sa kompetisyon ni Torre, senior chesser na tubong Iloilo, ang mga dekada ng karanasan sa ahedres kabilang na ang mga medalya sa prestihiyosong chess olympiads at ang pagiging pinakaunang Grandmaster ng Asya.


Si Severino, multiple gold medalist sa Asian Paralympics, sa kabilang dako ay isa nang world champion nang maghari ito sa IPCA (International Physically Disabled Chess Association) World tilt habang si Frayna ang pinakaunang WGM ng Pilipinas.


Mainit ang mga sulong ni US-based Paragua ngayong panahon ng pandemya at ang pinakahuling katunayan ay ang pamamayagpag niya kamakailan sa Philippine Bullet Chess Championships.


Kasama rin sa listahan ng mga sasabak sa tunggaliang lalaruin sa pamamagitan ng lichess portal sina GM Rogelio Antonio Jr., GM Julio Sadorra, GM Oliver Barbosa, GM Darwin Laylo, GM Rogelio Barcenilla Jr., GM Jayson Gonzales, GM Richard Bitoon, GM John Paul Gomez, IM Angelo Young, FM Narquingden Reyes at NM Giovanni Mejia.


Ilan sa mga tututukang laban sa unang round ng isang araw na torneong magkakaloob ng P25,000 sa magkakampeon, P15,000 sa sesegunda at P8,000 sa dalawang semifinalists na hindi na aabot sa finals ay yung bakbakang Torre - Severino, Antonio - Laylo at Paragua - Frayna.

 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | June 27, 2020


ree


Nangibabaw ang alamat ng bilyar mula sa Pilipinas na si Francisco "Django" Bustamante sa Challenge of Champions One Pocket sa tatlong araw na bakbakan sa palaruan ng Buffalo's Billiards ng Jefferson, Louisiana habang unti-unti nang nanunumbalik ang daigdig ng palakasan sa limelight sa kabila ng atake ng coronavirus.


Sa isang duwelong tumagal ng tatlong araw at may format na race-to-24, nakaharap ni Bustamante, minsan nang naghari sa World 9-Ball Championships, si Tony "T-Rex" Chohan. Naging mainit ang arangkada ng pambato ng Tarlac sa unang araw kaya nakatrangko agad siya, 7-1, pero nagising ang karibal na Amerikano kaya pagkatapos ng day 1 ay lamang pa si Chohan, 8-7.


Nakaresbak si Bustamante at nakaungos nang kaunti pagkatapos ng pangalawang araw ng pagtumbok, 16-14 kaya naplantsa ang isang dikdikang last day kung saan walang gustong maiwan kaya nauwi sa 8-8 ang iskor. Pero sa kabuuan, kay Bustamante napunta ang tagumpay sa serye, 24-22.


Ito na ang pangalawang paggitna sa tagumpay ng isang bilyaristang Pinoy sa gitna ng COVID-19 dahil noong nakaraang buwan, umangas ang manunumbok na si Roland Garcia nang tanghaling kampeon ang Pinoy sa 2020 Viking Cues Q City 9-Ball Tour Leg 1 na ginanap sa palaruan ng Break & Run Billiards sa Chesnee City, South Carolina,

USA.


Buwan pa ng Marso, ilang araw bago huminto ang buong mundo dahil sa COVID-19 nang mahablot ni Zorren James “Dodong Diamond” Aranas ang runner-up honors sa harap ng world class na oposisyon nang magsara ang $100,000 Diamond Las Vegas Open sa palaruan ng Rio Hotel Casino sa Las Vegas, Nevada.


Sa susunod na buwan, sagupaang Roberto "Superman" Gomez at Justin "The Iceberg" Bergman naman ang aabangan sa Racks On The Rocks sa West Peoria, Illinois.

 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | June 26, 2020


ree


Hindi nilulubayan ng pandemyang dulot ng coronavirus ang larong golf at ngayon ay iniulat na ang pagdapo ng nakamamatay na COVID-19 sa isa pang parbuster at sa isang caddie..


Ang Amerikanong si Cameron Champ, 25-taong-gulang at nakatakdang pumalo sa Travelers Championship, ay nakumpirmang COVID-19 positive mula sa isang pre-tournament screening. Bunga nito, hindi na makakalaro sa TPC River Highlands ng Cromwell, Connecticut si Champ at sa halip ay sasailalim ngayon ang golfer sa sampung araw na isolation.


Sinabi ni Champ na maganda ang kanyang kondisyon at nararamdaman kaya hindi niya inaasahan ang naging resulta ng test. "It is important now to take the necessary steps and measures to protect others, including my loved one."


Nagpahayag naman ng pagsuporta ang Professional Golfers' Association sa golfer na pang-79 sa world rankings. "Champ will have the PGA Tour's full support throughout his self-isolation period under CDC guidelines.


Sa kabilang dako, si Ken Comboy, nagsisilbing caddie ni Graeme McDowell sa PGA Tour pa rin ay kumpirmado na ring apektado ng COVID-19. Dahil dito, nagdesisyon na rin si McDowell na kumalas mula sa tunggalian upang i-quarantine ang kanyang sarili mula sa kanyang pamilya sa Florida.


Kamakailan lang, si Nick Watney ay naobligang huminto sa paglahok sa RBC Heritage, matapos itong makumpirmang may COVID-19 at maging pinakaunang PGA Tour professional na kapitan ng virus.


Bukod sa golf, humahataw rin ang coronavirus sa ibang larangang nagpipilit bumalik sa limelight tulad lang ng tennis at basketball.


Dito sa Pilipinas, una nang pinahintulutan ang mga larong gaya ng golf sa ilalim ng general community quarantine dahil sinasabing malalayo ang distansiya ng players sa iba pa alinsunod sa health protocols na paiiralin, pero tila iba ang Pinoy, dahil wala pa tayong nababalitaan na sumabak na sa mga torneo ng golf dito sa bansa dahil sa banta pa rin ng COVID-19.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page