top of page
Search

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | June 30, 2020


ree


Namayani si world no. 6 Dustin Johnson ng USA sa Travellers Championships na ginanap sa Cromwell, Connecticut pero hindi ito ang naging usap-usapan sa unti-unting pagbalik ng Professional Golf Asociation (PGA) Tour sa limelight.


Sa halip, bukambibig ang patuloy na pamiminsala ng COVID-19 sa prestihiyosong golf tour matapos na umakyat sa tatlo ang bilang ng mga parbusters na naging COVID-19 positive samantalang sumampa naman sa lima ang mga manlalaro sa naturang kompetisyon na kumalas na sa paglalaro dahil sa coronavirus.


Nakumpirmang kinapitan na ng naturang virus si Denny McCarthy kaya ang Amerikanong golfer na ang pangatlong biktima sa torneo. Ang unang dalawang golfers na nasa kaparehong kalagayan ay sina Cameron Champ (nadiskubre matapos ang pre-tournament screening sa Travellers Championships) at Nick Watney (lumabas ang resulta habang naglalaro sa RBC Heritage).


Bukod kay Champ, wala na rin sa eksena sa palaruan ng TPC River Highlands sina Brooks Koepka, Webb Simpson, Graeme McDowell at Chase Kopeka ang pakikipagtunggali sa kompetisyon dahil sa mga rasong may kaugnayan sa nakamamatay na virus. Ang mga caddie nina Brooks Koepka at ni McDowell ay pareho ring naging COVID-19 positive.


Kasalukuyan na ring binabago ng pamunuan ng PGA Tour ang mga testing protocols nito para lalong makontrol ang paglaganap ng virus.


Sa kabilang dako, si Ken Comboy, nagsisilbing caddie ni Graeme McDowell sa PGA Tour pa rin, ay kumpirmado na ring apektado ng COVID-19. Dahil dito, nagdesisyon na rin si McDowell na kumalas mula sa tunggalian upang i-quarantine ang kanyang sarili mula sa kanyang pamilya sa Florida.


Sa Asya, nanumbalik na rin ang spectator-less na Japan Ladies Professional Golf Association sa mga palaruan. Kasama sa mga kalahok ang Pinay na si Yuka Saso. Sa Pinas naman, tahimik pa ang mga golf courses.

 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | June 30, 2020


ree


Nagparamdam ng kanilang angas ang mga chessers na nakabase sa Estados Unidos nang hablutin ni GM Mark Paragua ang korona at maging podium finisher naman si GM Oliver Barbosa sa pagtatapos ng Battle of Grandmasters Online Rapid Chess Tournament.


Hindi naman nagpaiwan sa tikas si GM Rogelio Antonio Jr. matapos itong pumangalawa sa kabila ng pagiging "senior woodpusher" nito at si GM John Paul Gomez na nakisosyo sa pangatlong puwesto sa torneong ginanap sa pamamagitan ng lichess portal.


Dahil sa tagumpay, nanatiling nagbabaga ang mga sulong ng Pinoy chesser na nakabase sa New York dahil noong unang hati ng Hunyo ay itinanghal din itong kampeon sa Philippine Bullet Chess Championships.


Sa Battle of GMs na ginanap upang ipagdiwang ang kaarawan ni Prospero Pichay at nilimitahan lang sa paglahok ng 16 na piling woodpushers, sumabak sa hamon ng apat na magkakaibang karibal ang dating World Under-14 Rapid Chess titlist na si Paragua at nagtagumpay para maibulsa ang champion’s purse na nagkakahalaga ng P25,000.


Unang nalampasan ni Paragua, batikan ng maraming Chess Olympiads suot ang tatlong kulay ng Pilipinas, si Woman Grandmaster Janelle Mae Frayna sa kanilang sariling serye bago niya dinaig si GM Richard Bitoon sa final 8 na bakbakan ng kompetisyong nilapatan ng “10-minuto, 10-segundo” na time control. Sa semifinals, ginawang tuntungan ng Bulakenyong si Paragua papunta sa championship play-off si Barbosa, na naninirahan na rin sa New York, kung saan nakasagupa niya si Antonio. Dito, sinikwatan niya ng panalo si Antonio sa unang laro bago nakipaghatian ng puntos sa pangalawang laban upang mangibabaw sa serye, 1.5-0.5. Sa kabila ng pagkatalo, nag-uwi ng P15,000 si Antonio.


Sa isa sa mga inaabangang duwelo, dinaig ni FIDE Master Sander Severino, isang multiple gold medalist sa Asian Paralympics at bagong hirang na world champion nang maghari ito sa IPCA (International Physically Disabled Chess Association) World tilt, ang unang grandmaster ng Asya na si Eugene Torrre. Ngunit hindi nakalagpas sa quarterfinals si Severino.

 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | June 28, 2020


ree


Isang round na lang ang layo ni Yuka Saso ng Pilipinas sa isang impresibong debut sa prestihiyosong Japan Ladies Professional Golf Association matapos itong mapabilang sa unang sampung parbusters ng 2020 Earth Mondamine Cup sa 6,622 yardang palaruan ng Camellia Hills Counry Club sa Chiba, Japan.


Pagkatapos ng 54 holes, nakaipon si Saso, may-ari ng dalawang gintong medalya sa huling Asian Games noong siya ay amateur pa, ng labing-isang birdies upang kontrahin ang apat na bogeys at isang double -bogey para sa kabuuang iskor na 5-under-par 211 strokes (66-74-71). Mayroon din siyang naisumiteng 38 even pars pagkatapos ng tatlong araw ng pagpalo.


Pinakamakinang na round ng 19-taong-gulang na Fil-Japanese sa kasalukuyan ay ang kanyang bogey-less opening round na 66 strokes kaya nakaupo siya ngayon sa pang-sampung puwesto kasosyo ang anim na iba pang lady golfers sa malupit na tour sa Asya.


Ang kanyang iskor noong unang dalawang rounds din ay naging matibay na armas ni Saso para hindi siya mapabilang sa mga manlalarong hindi na pinayagang pumalo sa weekend play dahil sa masyadong mataas na iskor.


Anim na strokes ang lamang sa kanya ng tumatrangkong si Tanaka Mizuki (205/68-67-70).


Bukod dito, si Saso ay may malaki ring pag-asa na makapaglaro sa Tokyo Olympics dahil nakakapit siya ngayon sa pang-50 baytang ng olympic gold qualifying rankings. Sa naturang listahan, ang top-60 lang ang papayagang makapaglaro sa Olympics. Isa pang Pinay, si Dottie Ardina, ay nakasampa sa pang-51 baytang.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page