top of page
Search

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | July 4, 2020


ree


Ang impresibong panimula ni Yuka Saso sa kanyang professional career sa Japan ay nagtulak sa Fil-Japanese na dalagita paakyat sa piling listahan ng mga babaeng parbusters na namamayagpag sa karera para maging Japan Ladies Professional Golf Association (JLPGA) Mercedes - Benz Player of the Year.


Kasalukuyang nakaupo sa panglimang baytang si Saso, may-ari ng maraming korona sa hanay ng mga amateur kabilang na ang dalawang gintong medalya sa Asian Games at US Junior PGA, sa prestihiyosong overall rankings ng Japan Tour. Bitbit niya ang 78.0 puntos at Y8,640,000 na naibulsa bilang bahagi ng kanyang premyo sa katatapos na Earth Mondamine Cup sa Chiba.


Sa naturang torneo, na nagsilbing unang salang niya sa malupit na tour ng golf sa Land of the Rising Sun, nagsuko si Saso ng 9-under-par na kartadang 211 strokes (66-74-71-68) sa 6,622 yardang palaruan upang masikwat ang panglimang puwesto. Dalawang palo lang ang agwat sa 19-taong-gulang na manlalaro ng mga nakaupo sa una at pangalawang posisyon (Love Suzuki - 277/68-70-71-68 at Watanabe Ayake - 277/69-69-71-68).


Si Watanabe Ayake ang kasalukuyang tumatrangko sa Tour dahil sa kanyang nakolektang 300 puntos habang si Love Suzuki ang pumapangalawa dahil sa naiposteng 180 puntos.


Ang tatanghaling Tour topnotcher at Player of the Year ay papayagang makalaro sa JLPGA sa susunod na tatlong taon (tour exemption).


Bukod sa umuusok na debut sa Japan Tour, si Saso ay may malaki ring pag-asa na makapaglaro sa Tokyo Olympics dahil nakakapit siya ngayon sa pang-50 baytang ng Olympic gold qualifying rankings. Sa naturang listahan, ang top-60 lang ang papayagang makapaglaro sa Olympics. Isa pang Pinay, si Dottie Ardina, ay nakasampa naman sa pang-51 baytang.

 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | July 3, 2020


ree


Dalawang liga ng mga propesyunal na atleta ang patuloy na pinepeste ng pandemya sa panahong nagpipilit na bumangon ang daigdig ng palakasan sa iba’t-ibang bahagi ng mundo.


Umakyat na sa lima ang bilang ng mga parbusters na nakumpirmang kinapitan ng COVID-19 habang 26 na hockey players naman ang hindi nakaiwas sa mapaminsalang virus.


Sa Professional Golf Association (PGA) Tour, nasa listahan na ng mga COVID-19 positives sina Harris English, Nick Watney, Cameron Champ, Denny McCarthy at Dylan Frittelli. Bukod sa kanila, dalawang mga caddies din ang dinapuan ng virus.


“I feel healthy!” sabi ni English, ang pinakahuling manlalaro na nadagdag sa rekord matapos itong sumailalim sa pre-screening ng bakbakan sa Detroit na tinaguriang Rocket Mortgage Classic.


“I’m pleased that the new safety protocols that we have worked this week.” dagdag na golfer na kumalas na rin sa kompetisyon upang magpagaling mula sa epekto ng nakamamatay na corona virus.


Bukod sa PGA, nakakaldag din ang National Hockey League o NHL ng Canada. Hinati sa ilang phases ang pagbalik ng liga sa limelight at nagsimula ito noong Hunyo 8 kung saan pinayagan na ang mga koponan na magsagawa ng mga pagsasanay. Sa phase 1, may 15 personalidad agad ang nakumpirmang COVID-19 positive samantalang may karagdagang pang labing-isang pangalan ang naitala sa phase 2. Nang panahong ito rin nang ipinasara ang mga pasilidad ng Tampa Bay Lightning dahil sa pagiging positibo sa virus ng tatlong atleta at maraming mga staff nito.


Sa Hulyo 10 nakatakdang simulan ang phase 3.

 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | July 1, 2020


ree


Siguradong kilala na ng mga apisyunado ng golf sa Japan ang Fil-Japanese na si Yuka Saso matapos niyang pakawalan ang isang mainit na performance sa huling 18 holes at pumanglima sa prestihiyosong Japan Ladies Professional Golf Association (JLPGA) - 2020 Earth Mondamine Cup sa palaruan ng Camellia Hills Country Club sa Chiba, Japan.


Nagpakawala si Saso ng birdies sa pang -2, -4,-8, -15 at -17 na mga butas laban sa isang bogey sa hole no. 6 para sa isang umuusok na 68 strokes (34 sa front nine at 34 rin sa back nine) sa final round sa 6,622 yardang golf course.


Pagkatapos ng 72 holes, isinuko ni Saso, sinabitan ng dalawang gintong medalya sa huling Asian Games noong siya ay amateur pa, ng labing-anim na birdies upang kontrahin ang limang bogeys at isang double -bogey para sa kabuuang iskor na 9-under-par 211 strokes (66-74-71-68). Mayroon din siyang naisumiteng 50 even pars pagkatapos ng apat na araw ng pagpalo.


Pinakamainit na round ng 19-taong-gulang na Fil-Japanese sa torneo ay ang kanyang bogey-less opening round na 66 strokes sa una niyang sabak sa malupit na tour sa Asya.


Ang kanyang iskor nung unang dalawang rounds din ay naging matibay na armas ni Saso para hindi siya mapabilang sa mga manlalarong hindi na pinayagang pumalo sa weekend play dahil sa masyadong mataas na iskor.


Kasosyo sa panglimang baitang ng Japan Ladies Tour rookie na si Saso ang apat na iba pang lady golfers: Erika Hara, Nozawa Mao, Osato Momoko at Saigo Mao.


Dalawang strokes lang ang lamang kay Saso ng mga nangunang sina Love Suzuki (277/68-70-71-68) at Watanabe Ayake (277/69-69-71-68).


Maliban sa mainit na debut sa Japan Tour, si Saso ay may malaki ring pag-asa na makapaglaro sa Tokyo Olympics dahil nakakapit siya ngayon sa pang-50 baitang ng Olympic gold qualifying rankings. Sa naturang listahan, ang top-60 lang ang papayagang makapaglaro sa Olympics. Isa pang Pinay, si Dottie Ardina, ay nakasampa naman sa pang-51 baitang.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page