top of page
Search

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | January 24, 2021


ree


Umangkla ang batikang si Dennis “Robocop” Orcullo sa kanyang malupit na karanasan sa pagtumbok upang mahablot ang korona at makaiwas sa upset axe na magiting na hinawakan ni Baseth Mocaibat hanggang sa pagsasara ng bakbakang The Origin Cup sa Quezon City kamakailan.


Diskartehan ng safety shots ang naging tema ng race-to-9 na championship face-off at sa isang punto ay nangunguna pa si Mocaibat, isang hindi kilalang manlalaro pagdating sa global stage, sa iskor na 5-2. Nang nakabuwelo naman si Orcullo, sumibad ang dating World 8-Ball champion (2011) sa isang 8-6 na kalamangan. Pero hindi natinag si Mocaibat at nagawa pang itabla ang duwelo niya kontra sa "Money King" ng bilyaran mula sa Pilipinas (8-8). Sa huli, naipanalo ni Orcullo ang sumunod na dalawang laban kaya naitakas ang korona sa 10-ball sa paligsahang nilapatan ng "single elimination" na tuntunin.


Ang kislap ng eksperyensya ni Orcullo, itinuring na 2020 Derby City Classic Master of the Table, 47th Annual Texas Open 9-Ball kingpin at 2020 AZBilliards Moneyboard topnotcher ay naramdaman ng mga tumiklop na katunggali tulad nina Edgie Geronimo (round-of-16). 2006 World 8-Ball king at 2007 World 9-Ball titlist Ronnie "The Volcano" Alcano (quarterfinals) at Jundel Mazon.(semifinals). Sa kabilang dako, nasagasaan ni Mocaibat, sina Jonas Magpantay (round-of-16), Antonio Lining (final 8), at Jerico Banares sa final four.


Ang pag-akyat ni Mocaibat, pambato ng Cavite, sa finals ay nagpapakita sa lalim ng reserba ng mga magagaling na cue artists ng Pilipinas. Sa torneo, nasaksihan ang maraming upsets tulad nang masingitan ni Jerico Banares sina Roberto "Superman" Gomez at dating World Straightpool winner Lee Van Corteza; at nang makaisa sina Anton Raga at Mazon kontra sa mga dating hari ng 9-ball sa buong mundo na sina Francisco "Django" Bustamante at Carlo "The Black Tiger" Biado.

 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | January 19, 2021


ree


Mula sa disyerto ay napanatili ng manunumbok na si Aivhan Maluto na nakataas ang bandila ng Pilipinas sa maigting na bakbakang 2020 Poison VG 10-Ball 2.0 Virtual Tournament matapos itong makasingit papasok sa play-off stage.

Napa-grupo si Maluto sa preliminary round kina Czech Republic gem Roman Hybler, Great Britain pride Kelly Fischer at kapwa Pinoy na si Elijah Alvarez kung saan tumapos ito taglay ang rekord na dalawang panalo at isang talo. Base sa tuntunin, ang topnotcher sa pangkat ay awtomatikong swak sa susunod na yugto ng bakbakan kasama ang mga top 5 na sumegunda mula sa pitong brackets.

Bagamat pumangalawa lang sa Group 4 si Maluto, isang manunumbok na nakabase sa Abu Dhabi, United Arab Emirates, ang mataas nitong Rack Runs (19) at Ball Runs (206) ay sapat na upang itulak ang Pinoy sa susunod na yugto.

Si Fisher, isa sa pinakamalupit na babaeng cue artist sa buong mundo, ang nanguna sa grupo (3-0), pumangatlo ang 16-anyos na si Alvarez (1-2) at kulelat si Hybler (0-3).

Si Maluto, konektado sa Powerbreak Billiards Hall na nasa Abu Dhabi, United Arab Emirates, ay nagmarka rin kamakailan sa Predator One Pool 10x4 10-Ball Championships matapos magkampeon sa isang qualifying tournament.

Star-studded ang Online na paligsahan dahil sa pagtumbok nina defending champion Albin Ouschan ng Austria, World Pool Billiards Association (WPA) no. 4 Fedor Gorst ng Russia, Roman Hybler (Czech Republic), Chad Sholders (USA), Hideaki Arita (Japan), Mason Koch (USA), WPA no. 9 Alexander Kazakis (Greece), Demetrius Jelatis (Greece), Nick Malaj (Greece), Naoyuki Oi (Japan), Chris Alexander (United Kingdom), Jim Telfer (Netherlands), Frenk Candela (Italy), women's topnotch cue artist Kelly Fisher (Great Britain), Dennis Grabe (Estonia) at ang mga Polish aces na sina Mieszko Fortunski, Konrad Juszczyszyn at Wojtek Szewczyk.

Halagang $20,000 ang kabuuang papremyong salapi sa kompetisyon. Nasusubaybayan ang mga bakbakan sa you tube at facebook sa tulong na rin ng "Cue It Up and Billiards Podcast".

Samantala, kumpirmadong “buhay at kumikikig” ang alamat ng bilyar na si Efren “Bata” Reyes matapos kumalat ang ugong sa social media ng kanyang pagpanaw. “There is a bad rumor going around now about our GOAT (Greatest of All Time) not being with us anymore. Please, please. I just talked to him and he is having a wonderful breakfast,” sabi ng isang netizen.

Isang masaya at masiglang Reyes ang nasaksihan sa mga internet posts at sa mga video sa telebisyon ng lumalabas ay isa na namang halimbawa ng “fake news” o tsismis.

 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | January 9, 2021


ree


Tuloy ang pananalasa ng COVID-19 sa sports matapos na magpositibo sa virus ang isang Indonesian badminton player gayundin ang pamilya ng isang soccer star sa US.


Hindi na makapaglalaro sina Marcus Fernaldi Gideon at Kevin Sanjaya Sukamuljo ng Indonesia sa tatlong paligsahang sanctioned ng Badminton World Federation (WBF) sa Thailand matapos na magpositibo sa mapaminsalang coronavirus si Sakamuljo. Tatlong tests ang ginawa sa kanya at lahat yun ay nagpakitang direkta siyang nasapul ng pandemya. “This is a lesson for me to always be vigilant in future,” pahayag ng isa sa kasapi ng pinakamabangis na tambalan sa badminton sa buong daigdig.


His health is of utmost importance,” sabi ng coach nila Gideon at Sukamuljo na si Herry Iman Piergadi. Ipinaliwanag nito na kahit na naging negatibo ang resulta ng pangatlong test, hindi niya rin pasasalihin si Sukamuljo dahil wala ito sa tamang kondisyon para sa tatlong mabibigat na mga torneo ngayon. Kabilang na rito ang WBF Tour Finals. Nauna rito, hindi na rin tumuloy sa kompetisyon ang pangkat ng China upang makaiwas sa banta ng COVID-19.


Ang striker na si Alexandra Morgan Carrasco, dalawang beses na naging bahagi ng FIFA Women’s World Cup champion USA ay nasama na rin sa listahan ng mga atletang napuruhan ng COVID-19. Kasama rin siya ng US Team na nagkampeon sa London Olympics noong 2012. Pati ang ibang miyembro ng pamilya ni Morgan ay nagpositibo rin sa virus. Dahil dito, hindi na rin siya makalalahok sa isang training camp ng team gayundin sa dalawang friendly matches kontra sa Columbia.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page