top of page
Search

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | February 13, 2021


ree


Tiyak ang pagtutok ng chess aficionados ngayong Sabado sa inaasahang mainit na banggaan ng mga nangunguna sa North Division kontra sa mga tumatrangko sa South Division sa isa sa mga eksplosibong gabi ng virtual Professional Chess Association of the Philippines (PCAP) All Filipino Conference.


Ang umaalagwang Caloocan Loadmanna Knights sa Norte, may rekord na 14 na panalo at isang talo ay makikipagtagisan ng husay sa Negros Kingsmen na armado ng pinakamakinang na kartadang 13-2 sa dakong timog ng paligsahang umuusad na sa North vs South na format.


Nakasandal sa liderato nina International Master Paulo Bersamina at IM Jan Emmanuel Garcia ang Caloocan habang nakatingala sa tikas ni FIDE Master Nelson Mariano III ang Kingsmen.


Kailan lang ay maluwag na nakaungos ang Caloocan mula sa hamon ng Lapu-lapu City Naki Warriors, 14.0-7.0 bago nakalusot mula sa bangis ng Mindoro Tamaraws, 12.5-8.5 upang mapanatili ang puwesto sa lead pack ng North Division.


Sa kabilang dako, nakangisi pa rin ang mga Negrenses dahil kagagaling lang nila sa dobladong panghihiya sa Cavite Spartans (14.0-7.0) at Isabela Knight Raiders (17.0-4.0).


Ganito rin ang takbo ng kuwento sa pagsasagupa ng San Juan Predators (14-1) at Iloilo Kisela Knights (13-2) sa tanging professional chess league ng Timog Silangang Asya. Mangunguna para sa San Juan sina GM Oliver Barbosa at FM Narquinden Reyes sa pakikipagbuno kontra sa tropang Ilonggo ni GM Rogelio Antonio.

 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | February 11, 2021


ree


Unti-unti nang sumisibol ang mga maaaring humalili sa mga pangalang Efren “Bata” Reyes, Francisco “Django” Bustamante, Dennis “Robocop” Orcullo, Ronnie “The Volcano” Alcano, Carlo “The Black Tiger” Biado, Lee Van Corteza, Johann “Bad Koi” Chua, Jose “Amang” Parica at Zorren James “Dodong Diamond” Aranas.


Kamakailan ay nagpakilala si Aivhan Maluto matapos itong pumangalawa sa malupit na Poison VG10 2.0 Virtual 10-Ball Tournament.


At sa hinaharap, isang nang posibilidad na maaari nang ihanay ang pangalan ni Bernie “Benok” Regalario sa mga nabanggit na personalidad. Humahaba na ang listahan ng mga palatandaang ang 16-taong-gulang na manunumbok mula sa Paranaque ay magiging mahalagang bahagi ng Philippine billiards.


Noong 2018, naging semifinalist siya ng J&P 10-Ball Cup pero rumesbak ito nang sumunod na taon upang maging kampeon. Naging produktibo ang taong 2019 para sa binatilyo dahil maliban sa korona sa sagupaang J&P, nakatangay siya ng pilak na medalya sa Batang Pinoy at nakaakyat rin sa mga trono ng larangang 9-Ball at 10-Ball sa Wilde Blue Junior Challenge. Kasama rin sa kanyang makulay na rekord noong nabanggit na taon ang pagiging hari sa 2019 Battle of Champions.


Taong 2020 nang sumargo siya kontra sa mga dating world champions mula sa Pilipinas. Sa duwelo kontra kay Biado, naging hari sa 9-ball sa buong mundo ganun din sa World Games noong 2017, nanalo si Regalario sa isang handicap match. Nang makabanggaan naman niya ang alamat na si “Bata”, isang double world champion (8-Ball at 9-Ball) mula sa Pampanga, umabot sa isang hill-hill ang salpukan bago nangibabaw ang binatilyo.


At kamakailan, sa isang open tournament na binansagang 2021 GAB 10-Ball Open Tournament, umabot siya sa semifinals matapos silatin ang ilan sa mga bituin ng bansa tulad nina Corteza at Chua. Sa final 4, pinag-empake na siya ni Biado.

 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | February 10, 2021


ree


Anim na mga koponan ang kasalukuyang ay halos nagkukumpulan sa paghawak ng trangko at nagpipilit na makalayo sa oposisyon ng ginaganap na Professional Chess Association of the Philippines (PCAP) All Filipino Conference. Matapos na mabulabog ang leaderboard noong Sabado, unti-unti nang nakalalayo ang Caloocan Loadmanna Knights (12-1), San Juan Predators (12-1) at Laguna Heroes (11-2) sa pulutong ng iba pang mga kalahok sa North Division habang ang troika ng Camarines Soaring Eagles (11-2), Negros Kingsmen (11-2) at Iloilo Kisela Knights (11-2) ay nakakaangat na nang husto sa South Division ng pinakaunang professional chess league sa Southeast Asia.


Hindi bababa sa dalawang matches ang layo ng Caloocan, San Juan at Laguna sa pumapang-apat na Manila Indios Bravos na meron lang kartadang 9-4. Apat na matches naman ang agwat ng Camarines, Negros at Iloilo sa pinakamalapit ng rekord na 7-6 ng Mindoro, Lapu-lapu at Toledo.


Sa pagpapatuloy ng North vs. South na yugto ng paligsahan, malalaman kung sino ang kukurap sa pagitan ng Laguna at Iloilo sa next play date ngayong Miyerkules. Susunod na sasagupain ng Laguna ay ang Iriga City Oragons samantalang Antipolo Cobras naman ang planong kakaliskisan ng Iloilo.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page