top of page
Search

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | February 23, 2021


ree


Pinatunayan ni Lee Van “The Slayer” Corteza na siya ang pinaka-astig pagdating sa pagtumbok sa karambola nang tanghaling itong kampeon sa bakbakang tinawag na Rotation: Reyes, Bustamante, Alcano, Biado, Banares, Corteza, Raga, Ignacio.


Tinalo ni Corteza, minsan nang naging World 14.1 Straightpool titlist, si Ronnie “The Volcano” Alcano, 7-4, sa finale ng kompetisyong ginanap sa Shark’s Billiards Hall ng Lungsod Quezon noong Sabado ng gabi.


Maagang nag-alburuto ang bulkang si Alcano mula sa Laguna sa pagsibad sa isang 3-1 na bentahe sa pagbubukas ng kanilang championship face-off. Ngunit nakabalikwas si Corteza, tinatawag ding “Van Van” sa pool circle, at rumatsada ng limang umuusok na tagumpay upang lumapit sa korona sa iskor na 6-3.


Sa pang-10 laro, sumargo si Alcano at nagpakita ng pormang minsan nang nag-akyat sa kanya sa trono ng World 8-Ball Championships (2007) at World 9-Ball Championships (2006). Hindi pinatayo ni “The Volcano” si Corteza upang makalipat, 4-6.


Sa pang-11 rack, naging dikdikan pa rin ang laban dahil napunta ang iskor sa 28-27 angat si Corteza pero na kay Alcano ang pagtumbok. Sa malas, sumablay ang huli kaya pagtayo ni Corteza ay nilinis na niya ang mesa para selyuhan ang korona.


Pumasok sa finals si Corteza matapos daigin sa semis si Anton “The Dragon” Raga, 6-4. Sa kabilang hati ng bakbakan ng huling apat na kalahok na nakatayo, tinalo ni Alcano si Efren “Bata” Reyes, 6-4. Matatandaang kamakailan lang ay namayagpag sa “The Duel” ang tambalan nina Alcano at Reyes. Double world champion din si Reyes kagaya ni Alcano. Hari siya sa buong mundo ng 9-Ball noong 1999 habang walang nakadaig sa kanya sa 8-Ball noong 2004.


Bukod kina Corteza, Alcano, Raga at Reyes, nag-ambisyon din sa trono ng torneo pero nabigo sina dating world 9-Ball titlist Francisco “Django” Bustamante at Carlo “The Black Tiger” Biado ganundin ang mga batikang sina Jeffrey Ignacio at Jericho Banares.

 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | February 22, 2021


ree


Nakakaramdam ng kaba o di kaya ay pag-aalinlangan ang mga bigating manunumbok saan mang bahagi ng daigdig kapag nalaman nilang lahing kayumanggi ang makakaharap nila sa mesa.


Ito ay dahil sa bagsik ng kamandag na nagmarka mula sa husay ng mga pangalang Efren “Bata” Reyes, Francisco “Django” Bustamante, Dennis “Robocop” Orcullo, Ronnie “The Volcano” Alcano, Carlo “The Black Tiger” Biado, Lee Van Corteza, Johann “Bad Koi” Chua, Jose “Amang” Parica at Zorren James “Dodong Diamond” Aranas.


Sa hinaharap, ang listahang ito ng mga lodi ay puwedeng singitan ng pangalan ng binatilyong si Earl Vincent Trinidad. Ang 16-taong-gulang na tagahanga ni “Bad Koi” Chua ay unti-unti nang kinakikitaan ng potensiyal bilang mukha ng billiards sa Pilipinas.


Taong 2012 nang hirangin itong kampeon ng MAPPA Christmas Bonanza 9-Ball Tournament, Yoyo Billiards Club at ng East Pool Tutor 10-Ball Tourstop. Nasikwat din niya ang huling upuan sa podium ng MAPPA 10-Ball Tour sa kaparehong taon.


Ang ipinagmamalaking manunumbok ng Las Pinas ay nangibabaw rin sa 2018 Bilyarista.com Team Battles at naging semifinalist, 2018 South Golden Break Association 10-Ball Tournament at 2018 Bilyarista.com 10-Ball Tournament.


At noong 2019, nag-init nang husto ang kanyang pulso sa panahon ng tag-araw at hinirang siyang numero uno sa Bilyaristang.com 8-Ball Tournament (Marso), Bilyaristang.com 9-Ball Tournament (Abril) at J&P 9-Ball Cup (Mayo).


Isa lang ang cue artist na si Vickoy sa maaring sandalan ng bansa sa kinabukasan. Kamakailan ay nagpakilala si Aivhan Maluto matapos itong pumangalawa sa malupit na Poison VG10 2.0 Virtual 10-Ball Tournament. Nariyan na rin ang pangalan ni Bernie “Benok” Regalario - isa pang 16-anyos na manunumbok mula sa Paranaque na inaasahang magiging mahalagang bahagi ng Philippine billiards.


Taong 2020 nang sumargo siya kontra sa mga dating world champions mula sa Pilipinas. Sa duwelo kontra kay Biado, naging hari sa 9-ball sa buong mundo ganundin sa World Games noong 2017, nanalo si Regalario sa isang handicap match. Nang makabanggaan niya ang alamat na si “Bata”, isang double world champion (8-Ball at 9-Ball) mula sa Pampanga, umabot sa isang hill-hill ang salpukan bago nangibabaw ang binatilyo.


At kamakailan, sa isang open tournament na binansagang 2021 GAB 10-Ball Open Tournament, umabot siya sa semifinals matapos silatin ang ilan sa mga bituin ng bansa tulad nina Corteza at Chua. Sa final 4, pinag-empake na siya ni Biado.

 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | February 18, 2021


ree


Pinakinang ng Far Eastern University ang bandila ng Pilipinas matapos itong makapasok sa unang sampung koponan nang magsara kamakailan ang Kasparov Chess Foundation University Cup na ginanap online at nilahukan ng mahigit 100 koponan mula sa Asya, Americas, Europe at Africa.


Nagtulong-tulong sina Jeth Romy Morado, Kyle Sevillano, John Jacutina, Darry Bernardo at Kristian Abuton upang maisumite ng FEU ang anim na panalo at isang tabla kontra sa dalawang talo para sa kabuuang iskor na 6.5 puntos. Tinalo ng FEU Manila ang University of Health and Allied Sciences (Ghana), Istituto Federal De Sau Paolo (Brazil), Bucharest University of Economic Studies (Romania), University of Zagreb (Croatia), Texas Tech University (USA) at Perm State Research National University (Russia).


Nakatabla ng koponan mula sa Pilipinas sa pang-anim na baytang ang anim na iba pang mga eskwelahan bagamat dumulas ito sa pang-10 puwesto nang pairalin ang mga panuntunan sa tiebreak ng kompetisyong kinontrol sa pamamagitan ng lichess at ng zoom.


Dinomina ng U.S. ang kompetisyon matapos na kunin ng University of Texas - Rio Grande (9.0 puntos), University of Missourri (7.5) at Texas Tech University (7.0) ang lahat ng puwesto sa podium pagkatapos ng 9 rounds ng bakbakan.


Umeksena rin bukod sa FEU Manila ang mga kinatawan ng mga sumusunod: 4th - University of Texas at Dallas / USA (7.0 puntos); 5th - Gunadarma University / Indonesia (7.0); 6th - University of Cambridge / England (7.0); 7th - National Technical University of Athens / Greece (6.5); 8th - Saint Louis University / USA (6.5); 9th - Moscow Institue of Physics and Technology / Russia (6.5); 11th - Ivan Boverskyj Lviv State University of Physical Culture / Ukraine (6.5); 12th - Georgia Institute of Technology / USA (6.5) at Universiade Federal de Minas Gerais / Brazil (6.5.).

 
 
RECOMMENDED
bottom of page