top of page
Search

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | March 20, 2021



ree

Kuminang na naman ang husay ni Zorren James “Dodong Diamond” Aranas ng Pilipinas at tuluyan nitong nahablot ang pangalawang puwesto sa sagupaang 9-Ball Banks ng Midwest Open Billiards Championships sa palaruan ng Michael’s Billiards sa Fairfield, Ohio.


Mahigit 100 manunumbok ang-ambisyong maka-podium kung hindi man magkampeon sa maigting na double elimination tournament. Kabilang dito sina Fedor Gorst ng Russia, Canadian John Morra, Omar Alshaheen ng Kuwait, Venezuelan Jesus Atencio at ang mga kapwa Pinoy na manunumbok na sina Jeffrey De Luna, Roberto “Superman” Gomez at dating World 8-Ball king Dennis “Robocop” Orcollo.


Sa unang salang sa mesa ni Aranas sa panahong pilit na nilalabanan ng mga apisyunado ng pagtumbok ang pandemya, binokya niya si dating World 9-Ball Championship 2nd placer Gomez, 3-0. Hindi rin nakasampa sa scoreboard si Payne McBride nang makaharap ang Pinoy. Isang 3-1 na panalo naman ang itinakas ni Aranas kontra kay Jeremy Slye bago niya naungusan sina John Brumback at Dee Atkins sa kaparehong iskor (3-2). Ipinoste niya ang kanyang pang-anim na sunod na panalo nang paluhurin nito si John Hennessee (3-1) pero nasipa ang Pinoy papunta sa loser’s bracket nang makabangga niya si Billy Thorpe sa duelo para sa hotseat (1-3).


Bumalikwas naman agad si Aranas, minsan nang naging runner-up sa Las Vegas Open, nang patahimikin niya si Hunter White, 3-0, at iangat ang kanyang rekord sa 7-1 panalo-talo. Dahil dito, naselyuhan niya ang upuan sa finals kung saan naghihintay ang pambato ng Estados Unidos na si Thorpe. Pero naubusan ng “karat” si “Dodong Diamond” kaya nakuntento na lang ang Pinoy sa pag-upo sa pangalawang baytang.


 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | March 13, 2021



ree


Hinirang na kampeon sina International Master Jan Emmanuel Garcia at National Master Jonathan Tan sa magkahiwalay na tunggalian kamakailan ng mga disipulo ng online bullet chess.


Dinomina ni Garcia, pambato ng Ateneo at nagwagi rin sa isang online chess tourney noong Disyembre, ang “Balinas Day” Online Bullet Chess Tournament sa pamamagitan ng pagkulekta ng 150 Arena points. Ito ay mahigit 10 puntos sa sumegundang si Candidate Master Chester Neil Reyes na mula naman sa Rodriguez, Rizal. Ang pambatong chesser ng National University ay nakalikom lang ng 139 arena points.


Naselyuhan ni FIDE Master Alekhine Nouri ang huling upuan sa podium nang irehistro niya ang 131 arena points. Naungusan ng anak ng Escalante, Negros Occidental si Karl Victor Ochoa (Malolos, Bulacan) na nagsuko ng 130 arena points. Malayong panglima ang batikang si IM Paulo Bersamina dahil sa nadampot na 114 arena points.


Kasama sa kilalang chess warriors na nakapasok sa unang sampu sina IM Daniel Quizon (Cavite), NM Giovanni Mejia (Taguig) at FM Sander Severino na kasalukuyan ding kampeon ng International Physically Disabled Chess Association (IPCA) World Online Chess Tournament.


Samantala, walang runaway na panalo ang naganap sa tronong inangkin ni Tan. Nauwi sa isang photofinish ang bakbakang “Cavite Spartans 1+1 Bullet Practice Arena” nang kapwa magsumite ng 42 puntos sina NM Tan ng Davao at Romblon pride Jayson Visca sa dulo ng kompetisyon.

 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | March 11, 2021



ree


Pipiliting makaresbak ni Fil-Japanese Yuka Saso sa kanyang pangalawang taon ng pagiging pro golfer kapag makipagpalitan na siya ng palo sa Meiji Yasuda Life Insurance Ladies Yokohama Tire Golf Tournament umpisa ngayong Huwebes sa palaruan ng Tosi Country Club, Kochi.


Matamlay ang laro ng double Asian Games gold medalist sa opening season ng Japan Ladies Professional Golf Association (JLPGA) noong nakaraang linggo kaya hindi man lang siya nakapasok sa weekend play ng Daikin Orchid Ladies Golf Tournament sa 6,561 yards ng Ryukyu Golf Course ng Okinawa.


Sa torneo ngayon sa Meiji Yasuda, tiyak na pipiliting makabawi ng tinedyer. Halagang JPY 80,000,000 ang naghihintay sa mga popodium sa bakbakang nakalatag sa par-72, 6,228 yarda na palaruan. Kasama na rito ang papremyong JPY 14,400,000 para sa hihiranging reyna ng tunggalian.


Si Saso ay kumikinang sa JLPGA sa kanyang rookie year kung saan pumapangalawa siya sa Player of the Year derby. Pinagsama ng mga tagapangasiwa ng JLPGA ang 2020 at 2021 seasons. Ito ang naging tuntungan ng dating Youth Olympic Games silver medalist para umakyat sa pang-45 sa world rankings at pang 21 para sa mga gustong makapaglaro sa Tokyo Olympics na ilang buwan na lang at inaasahang matutuloy na. Halos swak na siya sa Olympics dahil top 60 lang ang papayagang pumalo sa Tokyo.


Nangibabaw din si Saso sa NEC Karuizawa 72 Golf Tournament at sa Nitori Ladies Golf Tournament. Pumangalawa rin ang dalagita sa JLPGA major na Totò Japan Classic at pumangatlo sa Daiao Paper Elleair Ladies Open. Bukod sa mga podium finishes na ito sa kanyang rookie year pumasok din siya sa unang 10 manlalaro ng Earth Mondahmin Cup (5th), JLPGA Tour Championship Ricoh Cup (6th), Descente Tokai Ladies Classic (8th) at Fujitsu Ladies Golf Tournament (10th).

 
 
RECOMMENDED
bottom of page