top of page
Search

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | April 5, 2021



ree

Nakahulagpos mula sa maigting na hamon ang mga disipulo ng ahedres na kumakatawan sa Laguna at sa Camarines kontra sa magkaibang mga katunggali upang hiranging pinakaunang Northern Division at Southern Division champions ng Professional Chess Association of the Philippines (PCAP) All Filipino Conference ayon sa pagkakasunod-sunod.

Sa unang salpukan, dinaig ng Heroes mula sa Laguna ang San Juan Predators upang makalapit sa korona sa Norte, 12.5 - 8.5. Bumida para sa Laguna sina Woman Nationa Master Karen Jean Enriquez (3 pts), untitled Kimuel Aaron Lorezonzo (2.5 pts.), Grandmaster Rogelio Barcenilla Jr. (2 pts) at GM John Paul Gomez (2pts). Pero hindi basta-basta tumiklop ang San Juan sa pangalawang paghaharap nila kaya nauwi sa 10.5-10.5 na tabla ang kanilang paghaharap. Sa tensyonadong Armageddon, winakasan ng Laguna ang paglalakbay ng San Juan sa pamamagitan ng mga panalo nina Barcenilla, Gomez at FIDE Master Austin Jacob Literatus.

Bukod sa pagiging unang kampeon ng PCAP Northern Division, nakahakbang na sa Grand Finals ang Laguna kung saan haharapin nito ang Camarines para makapasok sa kasaysayan bilang pinakaunang PCAP All Filipino Champion.

Samantala, hindi rin nalalayo sa ganitong iskrip ang sinundan ng Soaring Eagles sa Southern Division. Umangkla ang Camarines sa husay nina Chirstian Mark Daluz (3 pts; board 7), Virgen Gil Ruaya (2.5 pts.; board 6) at Ellan Asuela (2 pts; board 2) para maiposte ng Soaring Eagles ang 11.5-9.5 na tagumpay laban sa Iloilo Kisela Knights. Nakabawi naman ang huli sa pangalawang banggaan, 11.0-10.0 kaya naset-up ang Armagedon. Dito, tinalo ni GM Mark Paragua si GM Rogelio Antonio Jr. samantalang nasingitan ni Asuela si Fritz Bryan Porras kaya naging Southern Division ruler ang Camarines, 2-1. Si Karl Victor Ochoa lang ang nakaiskor para sa Iloilo.

 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | March 31, 2021



ree

Limang cue artists mula sa Pilipinas sa pangunguna ni dating World 8-Ball king Dennis “Robocop” Orcullo ang nakapasok sa unang 20 personalidad ng AZBilliards Moneyboard pagkatapos ng tatlong buwan ng pagtumbok sa panahon pa rin ng pandemya sa kasalukuyang taon.

Bukod kay Orcullo na nasa unahan ng listahan, nagsosolo sa panglimang baytang si Jeffrey “The Bull” De Luna, bumubuntot sa kanya sa pang-anim na puwesto si Zorren James “Dodong Diamond” Aranas, sumampa sa pang-11 upuan si Roberto “Superman” Gomez at inokupahan ni Aihvan Maluto ang pang-16 na posisyon.

Nasa pangalawang puwesto si Fedor Gorst ng Russia ($18,410); pumapangatlo ang Amerikanong si Shane Van Boening ($11,280) at nasa pang-apat na baytang ang isa pang US ace (Billy Thorpe, $8,150). Si Efren “Bata” Reyes ang topnotcher sa All Time List dahil sa naibulsa niyang $2,128,844. Si Allison Fisher ang may hawak ng trangko sa all-time list sa mga kababaihan ($1,205,662).

Sa 2021 roster, may napanalunan na si Orcullo, nagbigay na minsan ng korona sa Pilipinas sa sagupaang World Cup of Pool, ng kabuuang halagang $26,455 sa tulong ng kanyang apat na podium performances. Kabilang na rito ang tatlong koronang nahablot niya sa Michael Montgomery One Pocket ($7,380); Michael Montgomery 10-Ball Mini ($7,040) at Midwest Open Banks Ring Game ($8,000). Pumangatlo rin siya sa Midwest Open 10-Ball Main Event ($1,900).

Nagwagi ang 37-taong-gulang na si De Luna sa Sunshine State ProAm Tour ($1,800) bago tumersera sa Michael Montgomery 10-Ball Mini ($3,520) at Rack & Grill 9-Ball Shootout ($1,500) kaya naging pasaporte niya ang mga ito sa pag-upo sa panglimang puwesto ($7,420).

Sa kabilang dako, umangkla si Aranas ($6,325), sa mainit na atake sa mga salpukan ng Midwest Open sa Ohio kaya nakaakyat sa no. 6 na upuan. Pumangalawa siya sa 10-Ball Main Event ($3,000); runner-up din sa Banks Event ($2,140) at pumangatlo naman sa 10-Ball Invitationals ($500).









 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | March 28, 2021



ree

Muli na namang naramdaman ang husay sa pagtumbok ni Zorren James “Dodong Diamond” Aranas ng Pilipinas nang makuha nito ang runner-up honors sa labanang 10-Ball sa Midwest Open Billiards Championships sa palaruan ng Michael’s Billiards sa Fairfield, Ohio.

Kamakailan lang ay pumangalawa rin ang Pinoy sa larangan naman ng 9-Ball Banks ng naturang billiards festival. Segunda rin siya dati sa malupit na Diamond Las Vegas Open.

Nagmarka rin ang mga kababayang sina Dennis “Robocop” Orcullo (2nd), Roberto “Superman” Gomez (4th) at Jeffrey “The Bull” De Luna (10th) na pare-parehong swak sa top 10 sa panglalahatang bakbakan ng billiardsfest.

Sa pagalingan sa 10-Ball, tumuhog si Aranas ng siyam na magkakasunod na panalo tungo sa walang sagabal na pagpasok sa championship face-off bilang kinatawan ng winner’s bracket.

Una niyang tinumbok si Robert Frost (9-4); isinunod naman si Frankie Ruiz (9-4); nagturo ng leksyon kay Clay Davis (9-4) bago inangasan si Shayne Morrow (9-5). Napasabak naman nang husto ang Pinoy kay Houston Rodriguez (9-8) pero kalmante lang naman nang makasagupa si Venezuelan ace Jesus Atencio (9-6). Sa bakbakan para sa hotseat, matibay pa rin ang pulso ni Aranas kaya na para OB nito si Fedor Gorst ng Russia sa iskor na 9-6. Dahil sa selyado na ang upuan sa finals, naobligang magpalamig si “Dodong Diamond” habang naghihintay ng makakalaban mula sa “one loss” bracket.

Samantala, kasama sa mga nagsabong para makuha ang natitirang upuan sa championship duel ay sina Orcullo, Atencio at Gorst. Tinalo ni “Robocop” ang Venezuelan, 7-5, pero halos hindi siya pinaporma ng Ruso, 3-7, kaya si Gorst ang pumasok sa finals. Sa winner take all match para sa trono, tiklop si Aranas, 3-9, nagkasya ito sa pangalawang puwesto.





 
 
RECOMMENDED
bottom of page