top of page
Search

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | November 5, 2023


ree

“Bago ka lang, sister?” Masuyong tanong sa kanya ng poging lalaki.


“Yes,” wika ni Maritoni.


Shucks, parang hindi niya kayang rendahan ang kanyang puso sa mga oras na ‘yun. Ang bilis ng kabog ng kanyang dibdib at gusto na niyang batukan ang kanyang sarili, kung umasta kasi siya ay parang teenager. Well, ito naman talaga ang unang pagkakataon na tumibok ang kanyang puso.


Noon kasi ay kumakabog lang ang kanyang dibdib kapag may kriminal siyang nakikita.


Nang bigla niyang maalala ang kanyang misyon. Nakasalubong ang kanyang kilay habang tinititigan ito.


“Kadarating ko lang kahapon, alas 10:00 ng gabi na rin kasi ako dumating dito. Ako nga pala si Sister Maritoni,” buong diin niyang sabi.


“Ako nga pala si Mark Ferrer,” wika nito saka inilahad ang kanyang kamay.


Pinigilan ni Maritoni ang kanyang sarili. Baka kasi mapatili siya kapag may naramdaman siyang kuryente na dumadaloy sa kanilang katawan. Ngunit, hindi niya matanggihan ito kaya iniabot na rin niya ang kanyang kamay, laking gulat niya nang magmano ito sa kanya. Kung hindi lang niya nakagat ang kanyang dila, tiyak na mapapamura siya.


“Mabait na bata ‘yang si Mark, at lagi niya akong sinasamahan sa pamamalengke.” wika ni Sister Luna.


Dahan-dahan niyang tiningnan si Sister Luna, at kitang-kita sa mata nito ang kasiyahan.


Hindi niya alam kung bakit siya kinabahan, at para bang may kakaibang sinasabi ang mga mata nito sa pagkakatitig kay Mark.


Nang sulyapan niya si Mark sa rearview mirror ay nakita niya ang nanlilisik nitong mga mata habang naruru’n siya sa likod ng Toyota Corolla kaya kitang-kita niya ang ekspresyon nito.


Bigla tuloy siyang nakaramdam ng pagdududa, at napaisip na baka nagbabait-baitan lang si Mark Ferrer? At kapag nakuha niya na ang tiwala ng isang madre ay pupugutan na niya ito ng ulo?

Itutuloy…


 
 

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | November 4, 2023


ree

Pakiramdam ni Maritoni ay nahihilo na siya, at para bang umiikot ang kanyang paningin.


Nasa isang kumbento na siya, na kung saan talaga dinibdib talaga nila ang pagiging madasalin.


Limang oras na silang nagdarasal kaya pakiramdam niya ay nag-aapoy na ang kanyang katawan.


“Okey ka lang ba, sister?” Nag-aalalang tanong ni Sister Luna.


Kaya kahit hindi siya sigurado kung kakayanin pa niya ang pagiging relihiyosa, tumango pa rin siya. Kailangan niya nang gawin ang kanyang misyon. Sa una ay mahirap dahil kailangan din niyang magpanggap na siya ay isang mabuting tao na malayung-malayo sa kanyang tunay na katauhan. Ngunit, ‘ika nga“kapag may hirap, may sarap” At ang sarap na kanyang hinihintay ay iyong pakikipaglaban sa serial killer.


Ayon sa report na kanilang nakalap, mas nagpapakita umano ang serial killer sa mga madreng bagong dating. Ibig sabihin, malaki ang tsansa na bigla na lang itong sumulpot sa kanyang harapan, pero siyempre, hindi mangyayari ‘yun kung nasa loob lang siya ng kumbento, kumakanta at nagdarasal.


“Kailangan ko rin po kasing makalanghap ng sariwang hangin. May mga pagkakataon po kasing inaatake ako ng hika, kaya kailangan ko ring gumala-gala.”


Bigla siyang natigilan sa biglang pagkunot ng noo ni Sister Luna.


“Kakaiba kang magsalita.” Wika nito.


Mabilis namang gumana ang kanyang utak para makahanap ng maidadahilan. “Ang pamilya ko po kasing pinanggalingan ay masyadong prangka magsalita. Sa mahirap na lugar lang po kasi ako lumaki kaya kahit na nakapasok na ko rito sa kumbento ay hindi pa rin madali para sa akin na baguhin ang aking nakasanayan.”


“Ganu’n ba?”


“Opo.”


“O siya sige, samahan mo ako sa palengke para makalanghap ka ng sariwang hangin at para maipakilala na rin kita sa ibang tao rito,” nakangiti nitong sabi.


“Okey ho,” wika niya sabay tango.


Gayunman, hindi niya maiwasang magtaka. Kung alam naman nila na mga bagong madre ang tina-target ng serial killer, bakit parang ibabandera pa ni Sister Luna sa lahat ang kanyang presensya?


Habang naglalakad sila sa gilid ng kalsada, nang may biglang huminto na owner type jeep sa harap nila. Kung hindi niya napigilan ang kanyang sarili, malamang ay nakapagmura na ito.

“Ihatid ko na kayo sa palengke, sister.”


Gusto sana niyang tanggihan at sabihing “no thanks” pero, natigilan siya nang mapagtanto niyang guwapong lalaki pala ang nag-aalok ng libreng sakay sa kanila, at kasabay nito ay biglang kumabog ang kanyang dibdib.

Itutuloy…


 
 

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | November 3, 2023


ree

“Anak ng penguin naman!” Wika ni Maritoni, nang makita niya ang kanyang hitsura sa salamin. Nagmukha siyang malnourished na penguin dahil sa damit na pangmadre, parang nais niya na itong hubarin at kalimutan na lang ang kanyang misyon.


Init na init ang kanyang pakiramdam, at parang anumang sandali ay mag-aapoy na siya.


Kahit kailan hindi niya naisip na makakapagsuot siya ng damit na pangmadre, ni hindi nga siya nakapagsuot ng bestida ng kanyang nanay. Ang gusto niya kasing sinusuot ay t-shirt, short o pantalon dahil mas kumportable siya rito.

“Putek talaga!”


“Oy, Martinez! Hindi ka puwedeng magsabi ng ganyang mga kataga rito! Alalahanin mo madre ka.” sita ni Chief Domingo.


“Ang dapat na kinakabisado mo ay ‘yung mga dasal na Ama Namin, Aba Ginoong Maria, at Angelus,” dagdag naman ni David.


Kahit na may punto si David, binigyan niya rin ito ng matalim na tingin. Ramdam kasi niya na inaasar lang siya nito. Maya-maya ay nakaramdam siya ng kaba sa kanyang dibdib dahil maski isa sa dasal na sinabi ni David ay wala siyang alam. Kahit relihiyosa ang kanyang Lola Maria, hindi naman niya kinabisado ang mga dasal na itinuro nito sa kanya, para kasi siyang sinisilaban kapag siya ay nagdarasal.


“Kailangan mong mag-review mamaya,” wika ni Chief Domingo.


“Hindi ko na kailangan mag-review kung tungkol lang naman sa pakikipaglaban. Well-trained na ako.”


“Napakayabang mo talaga!” Inis nitong sabi sabay ngisi.


“Kaya lang, hindi tungkol sa pakikipaglaban ang kailangan mong i-review dahil pagdarasal ang dapat mong pagtuunan ng pansin dito.” Dagdag pa nito

“Gusto n’yo bang i-train ko ang partner ko?” Pagtatanong ni David

“May alam ka?!”


“Of course, mabait akong pamangkin.” Nakangising sabi nito.


“Kaya lang mahigpit akong titser, bawat pagkakamali, may parusang kiss,” dagdag pa nito sabay ngumuso.


Sa sobrang inis ni Maritoni, buong lakas niyang tinapik ang bibig nito. Pero, na-imagine rin niya ang kanyang sarili na nakaluhod habang nagdarasal. Napalunok na lamang siya sa kanyang naisip dahil na-imagine rin niya na may nakatayong lalaki habang siya’y nakaluhod sabay bigkas ng katagang, “Magdasal ka na, sister.”

Itutuloy…


 
 
RECOMMENDED
bottom of page