BULGAR

Jul 11, 2020

Sanhi, sintomas at iba pang kaalaman tungkol sa pulmonary fibrosis

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | July 11, 2020


 
Dear Doc. Shane,

Mayroong sakit sa baga ang tatay ko na edad 67. Ang sabi ng doktor pulmonary fibrosis daw ito. Maaari ba ninyong talakayin ang tungkol sa sakit na ito?

Sagot:

Ang pulmonary fibrosis ay isang uri ng malubhang sakit na nakaaapekto sa mga baga. Nagkakaroon nito ang tao kapag ang mga tissues ng mga baga ay napinsala at nagkaroon peklat. Bunga nito, kumakapal ang mga baga kung kaya’t nahihirapang huminga ang pasyente.

Ang pagkakaroon ng peklat sa mga baga ay dulot ng iba’t ibang salik. Subalit, may mga kaso ng sakit nito na hindi matukoy kung ano ang sanhi.

Ang mga salik at sanhi ng pagkakaroon ng sakit na ito ay ang pangmatagalang pagkakalanghap ng mga sumusunod:

  • Alikabok na galing sa tela

  • Hibla ng asbestos

  • Alikabok na galing sa bakal

  • Alikabok na galing sa uling

  • Alikabok ng bigas

  • Maliliit na dumi ng ibon at hayop

  • Maaari ring mapinsala ng radiation therapy ang mga baga at humantong sa pagkakaroon ng pulmonary fibrosis

Samantala, may mga uri rin ng gamot, tulad ng mga sumusunod, na maaaring puminsala sa mga baga at puwedeng maging sanhi ng pulmonary fibrosis:

  • Gamot na ginagamit sa chemotherapy

  • Gamot na ginagamit para sa sakit sa puso

  • Ilang uri ng mga antibiotic

  • Ilang uri ng anti-inflammatory na mga gamot

Ang ilan pa sa mga salik na maaaring magdulot ng sakit na ito ay ang mga sumusunod:

  • Paninigarilyo

  • Impeksiyong dulot ng virus

  • Pangangasim ng sikmura

Narito ang ilan sa mga palatandaan ng pagkakaroon ng pulmonary fibrosis:

  • Hirap o kakapusan sa paghinga

  • Sobrang kapaguran

  • Labis na pag-ubo o pagkakaroon ng tuyong ubo (dry cough)

  • Hindi maipaliwanag na pagbagsak ng timbang ng katawan

  • Pananakit ng mga kalamnan at mga kasu-kasuan

  • Paglapad at pagbilog ng mga dulo ng mga daliri sa mga kamay at mga paa

Ang ilan sa mga komplikasyon na maaaring idulot ng pulmonary fibrosis ay ang mga sumusunod:

  • Alta-presyon sa mga baga (pulmonary hypertension)

  • Paghina sa kanang bahagi ng puso

  • Paghina ng mga baga

  • Kanser sa baga

Paano ito maiiwasan?

  • Bawasan o iwasan ang paninigarilyo

  • Iwasan ang mga taong naninigarilyo o ‘wag maging secondhand smoker

  • Ugaliing magsuot ng facemask lalo na kapag nasa pagawaan ng mga nakalalasong sangkap sa paligid

Samantala, kapag madalas makaranas ng paninikip ng dibdib o hirap sa paghinga, mainam na gawin ang agarang pagpapakonsulta sa doktor upang huwag lumala ang pagkakaroon ng pulmonary fibrosis.

    0